No Prince Charming (Filipino) Chapter 9

Kumapit si Mira sa braso ng lalaki. “Isama ninyo ako para di na kayo malungkot, Sir. Gusto ko rin mag-travel kasama ninyo.”

I can show you the world, shining, shimmering, splendid ang peg. Kulang na lang yata ay kumanta ang mga ito ng A Whole New World. Sa oras pa ng trabaho. Magaling, magaling, magaling! Iniwan niya si Jameson para maging pamilyar ang sarili sa opisina nito. She thought he did great. Kaya nga ipinagtimpla niya ito ng kape. Tapos pagbalik niya ay ito ang abutan niya. Bakit ba naisip ko na magtitino ang isang ito? I expected too much from him.

Lumapit si Nadia sa mga ito. “Excuse me. Pwede bang mahiram muna si Sir Jameson? May pag-uusapan lang kaming importante.”

“Dito na natin pag-usapan. Nagkukwentuhan lang kami,” sabi ng binata na di man lang makahalata.

“Sir, di naman po kasi kwento ang sasabihin ko sa inyo. Oras na po kasi ng trabaho. Hindi na ito ang oras para makipagkwentuhan. Hindi naman ako binabayaran ng kompanya para doon. Sayang naman ang sweldo ko,” malambing niyang sabi at saka pasimpleng tiningnan ng patagilid ang mga babae. Tamaan sana ang mga ito sa pasaring niya.

“Sir, next time na lang po tayo magkwentuhan,” sabi ni Nina na nakahalata din sa wakas.

“Oo nga, Sir. Welcome po sa Deogracias Furniture,” anang si Mira at bumalik na ito at si Nina sa kanya-kanyang cubicle.

Ngiting tagumpay naman si Nadia nang pumasok sa opisina ng binata. Naramdaman naman niya ang mabibigat nitong hakbang nang sumunod sa kanya. “Hindi mo sana sila itinaboy. Nag-uusap pa kami,” sabi ng binata pagsara ng pinto ng opisina.

“Oras na ng trabaho. Dapat naman siguro inuuna iyon kaysa kwentuhan,” mahinahon niyang sabi at inilapag ang tray ng kape.

“Trabaho agad ang aasikasuhin? First day ko dito sa kompanya.”

“Orientation mo. Dapat malaman mo paano tumatakbo ang kompanya.” Hindi ang makipag-flirt sa mga empleyado.

“Akala ko kasama sa orientation na kilalanin ang mga tauhan ko. Na malaman ang mga saloobin nila at kung masaya ba sila sa kompanya.”

Maasim siyang ngumiti. “Mukhang masaya nga sila sa company mo, Sir. Pero di ko alam na kasama pala pala sa trabaho ang pagsama kung mamamasyal ka. Di ba labas na iyon sa kompanya?” mariing tanong niya.

Hinaplos ng daliri nito ang pagitan ng magkasalubong niyang mata. “Masyado kang seryoso sa buhay. Kinukuha ko lang ang loob nila. Di naman kailangang puro na lang trabaho.”

“At di rin naman pwedeng puro ka laro. Ikaw na rin ang nagsabi na gusto mo na maging maganda ang tingin sa iyo ng mga tao. Kung gusto mong kilalanin sila, ilagay din sa lugar.” Inilapag niya sa harap nito ang iPad na nakabukas sa isang file. “Ito ang magiging schedule mo sa mga dadating na linggo.”

Tumigil ito sa pag-inom ng kape. “Di mo man lang ako paiinumin muna?”

“Mas masarap ang kape habang nagtatrabaho.” She read his schedule in her own iPad. “Dadalaw tayo sa pabrika natin sa Isabela next week. May mga exhibit at trade fairs dito at sa ibang bansa. Two weeks from now, kasali tayo sa furniture exhibit sa Cebu. Mabibisita mo rin ang factory natin doon. I am expecting that you will learn a lot from that tour.”

Halos lumuwa ito habang binabasa ang schedule nito. “Ito ang schedule ko? Ganito kadami ang gagawin ko?” Napaihip ito na parang pagod na pagod kahit wala pa namang ginagawa. “You can’t be serious!”

“Kailan ba ako hindi naging seryoso? Binawasan ko para makapagpahinga ka.”

“Pahinga? Anong ipapahinga ko? I barely have time to…”

“To date? Netflix and chill?” Iyon ang bagong codename para sa sex. “Forget about it for now. Mag-focus ka muna sa training mo saka ka umangal.”

Maang siya nitong pinagmasdan. “Ikaw din ang magde-decide sa date ko?”

“Yes.”

“Kaya mo ba itinapon ang calling card na bigay sa akin?”

Matamis siyang ngumiti. “Guilty. No distractions for now.”

Tiningala siya nito. Matiim ang mga mata nito. Parang naging bato siya sa tindi ng titig nito. Hindi siya makagalaw kahit na halos magdikit ang mukha nito.

“This is not funny. Ikaw ang magde-decide kailan ako makikipag-date. Huwag mong sabihin na pati pakikipag-sex ko ipagpapaalam ko pa sa iyo.”

Napaurong si Nadia nang ilalapit pa ni Jameson ang mukha sa kanya. Dumadagundong ang dibdib niya sa kaba. Hindi siya magpapa-intimidate. Nasa kanya ang ang kontrol ng sitwasyon. Sa kanilang dalawa, siya ang nakapangyayari.

Naglakad siya pabalik sa upuan niya. “Ako ang tutulong sa iyo para masanay ka dito sa ompanya. Sa akin ka ipinagkatiwala ni Don Felipe kaya responsibilidad kita. Lahat ng magiging desisyon mo sa kompanya balang-araw ay sa akin nakasalalay. Ginagawa ko lang ang trabaho ko. I have to make sure that you won’t be distracted.”

Inaasahan ng dalaga na magagalit pa itong lalo. Handa na siyang labanan ito. Sa halip ay itinapik nito ang dulo ng sign pen sa baba nito at pinagmasdan siya. May nang-aakit na ngiti sa labi nito at malagkit ang tingin sa kanya.

“Kung ayaw nilang ma-distract ako, bakit ikaw ang ipinadala nila sa akin? You are so damn pretty. A pretty distraction.”

Naramdaman ni Nadia ang pag-iinit ng mukha. Drat! It was not a fair fight. Iyon yata ang kapangyarihan nito. Ang mang-akit ng babae at gamitan ng mabulaklak na salita. Now, she was the one distracted. Hindi siya dapat magpadala. Hindi siya nito mauutakan.

Ibinalik niya ang pormal na ekspresyon. Ipapakita niya dito kung sino ang boss. “Kung iniisip mo na hahayaan kitang mag-date para hindi ako ang pagdiskitahan mo, forget about it. Immune ako sa iyo.”

“How confident,” he chided.

“At kung ayaw mong madagdagan ang trabaho mo, sundin mo ang schedule na iyan. Mas magiging madali ang trabaho para sa ating lahat. Naiintindihan mo ba?”

“Opo, Miss Minchin,” bulong nito at saka ngumisi.

Nagsalubong ang kilay ni Nadia. “Mukha ba akong si Miss Minchin?” Kilala niya ang masungit na teacher sa classic tale na Princess Sarah.

Humalakhak ito. “See? That is what I mean. Lagi kang masungit. Laging lukot ang mukha mo. Mas mai-inspire siguro ako kung ngingitian mo ako lagi.”

Kundi lang unprofessional at childish ay baka binelatan na niya ito. Wala siyang oras para makipag-utuan dito. “I prepared this video for you. Panoorin mo at saka itanong mo sa akin kung ano ang di mo naiintindihan. And if you have questions, you can ask me afterwards.”

Tinitigan siya ng lalaki. Parang hinihintay na magbago ang isip niya at makukuha siya sa mapupungay nitong mga mata. Tinaasan lang niya ito ng kilay at saka ibinalik ang atensiyon sa iPad niya. Walang nagawa ang lalaki kundi panoorin ang video. Siya pa rin ang magwawagi.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.