PANGITAIN Chapter 5

"Para!!"

Narinig ko ang malakas na sigaw na 'yon, dahilan upang imulat ko ang aking mata. Naramdaman ko rin ang bahagyang ngawit sa bandang leeg ko. Nakaidlip ba ako?

Inilibot ko ang paningin ko sa loob ng jeep, upang suriin ang lahat ng narito. Apat na istudyante, mag-asawa kasama ang anak nila. Dalawang propesor at ang magkasintahan, bukod pa sa akin at sa babaeng ngayon ay nasa harap ko.

Sila rin ang nakita ko sa panaginip. Panaginip nga ba 'yon? Nang dahil sa mga nangyayari, hindi ko na matukoy kung alin ang panaginip at ang pangitain. Ngunit isa lang ang alam ko at malinaw pa sa aking isipan. Kasama ako sa trahedyang 'yon!

Napatingin ako sa babae na tila ba kinakausap ako o baka naman tinatanong. Nakikita ko ang pagbuka ng bibig niya ngunit hindi ko marinig ang tinig niya. Hanggang sa lumabas ang mga imahe na nakita ko. At tila ba napapanood ko 'yon sa pamamagitan ng babaeng nasa harap ko ngayon!

"Magsi-tabi kayong lahat! Babagsak na ang karatula!" Sigaw ng lalaking nasa labas.

Ngunit matapos niyang sabihin 'yon ay bumagsak nga ang karatula. Mabilis ang naging pangyayari at hindi nakaiwas ang jeep na aming sinasakyan.

Sa nananakit na katawan at nanlalabong mata'y, sinuri ko ang paligid ko. Ang batang katabi ko kanina'y ngayon ay tila ba wala ng buhay. Habang ang magkasintahan naman ay parehong naipit sa bahagi ng jeep, na may malaking tipak ng karatula na gawa sa simento. Ganoon din ang propesor, ngunit ang isa ay hindi na makilala dahil sa nadurog na ang kaniyang mukha.

Maging ang apat na istudyante ay halos hindi makilala. Ang isa ay duguan ang mukha, tila ba nauntog ng malakas. Habang ang dalawa naman ay parehong may nakatusok na bakal sa ulo. At ang isa pa'y puro bubog at sugat din ang mukha.

Pilit kong iginalaw ang kamay ko upang gumapang palabas sa halos nayuping jeep. Ramdam ko ang pananakit ng mga binti ko na puno ng sugat. May nakatusok din na bubog sa kaliwang braso ko.

"T-tulong!" Sa nangangatal na bibig ay naiusal ko 'yon. Ngunit bakit parang walang tao? Bakit parang tahimik ang buong paligid? Bakit parang walang may alam na may aksidenteng nangyari?

Masakit ang buo kong katawan gawa ng bugbog at pinsalang natamo ko. Unti-unti na rin akong nakakaramdam ng panghihina at nawawalan na ng pag-asa. Pakiramdam ko'y nauubusan na rin ako ng dugo. At sa nanlalabong paningin nakita ko ang isang bulto. Nakasuot ng kulay itim at may hawak na karet.

"T-tulong!!" Muli kong sigaw. Kung sigaw nga bang matatawag 'yon. Humarap siya sa akin, ngunit ganoon na lang ang pagkagimbal ko ng tuluyan siyang makalapit.

Wala siyang mukha! At ang kasindak sindak na tawa niya ay pumailanlang sa buong kapaligiran. Bago niya inihataw sa akin ang karet na hawak niya, na naging sanhi ng aking malagim na kamatayan!

***

"Bababa ka na rin ba?"

Tila ba nagising ako sa mahabang panaginip ng marinig ko ang sinasabi ng babae. Ikinurap kurap ko pa ang aking mata at bahagyang hinilot ang aking sintido. Muli akong napatingin sa babaeng nasa harap ko. Siya rin ang babaeng bumaba bago ang aksidente. Ibig sabihin siya lang ang nakaligtas.

Nang hindi ako nakasagot kaagad ay bumaba na ang babae. Napatingin ako sa bintana at doon ko nakita ang karatula. Ang karatulang babagsak sa jeep na sinasakyan namin ngayon!

"Sandali po!" Malakas kong sigaw na ikinatingin ng lahat ng narito.

Kung pangitain ba ang nakita ko o napanaginipan ko. Ang karatulang 'yon ay babagsak sa mismong jeep na sinasakyan namin.

"Bumaba po tayong lahat! Babagsak po ang karatula!" Muli kong sigaw. Wala na akong pakialam kung ano ang isipin nila. Ang mahalaga ay makababa kaming lahat.

"Ano ba yan Miss, kung bababa ka bumaba ka na! Malayo pa ang amin dito!" Singhal sa akin ng isa sa apat na istudyante.

"Makinig kayo sa akin! Babagsak ang karatula, at sa mismong jeep na ito pa!" Muli kong sigaw.

"Manong sandali po, dito na lang po kami at nasusuka na ang anak ko." Saad ng babae, bago hinawakan ang bata kasama ang kaniyang asawa.

Inihinto naman ng driver ang jeep, kung kayat agad silang bumaba. Sumunod na rin ako matapos kong ayusin ang gamit ko. Bumaba rin ako kahit na malayo pa ang bahay namin dito.

"Bumaba na rin kayo. Please maniwala kayo sa akin." Muli kong bilin sa apat na istudyante, propesor at pati na rin sa magkasintahan.

Ngingisi-ngising lang ang apat na istudyante dahil sa mga sinasabi ko. Habang ang magkasintahan naman ay iiling-iling na bumaba na lang din.  Habang ang dalawang propesor ay tila walang pakialam.

"Wala na bang bababa? Nagpapaniwala kayo sa babaeng yan! Baliw na yata yan!" Rinig kong sigaw ng driver bago niya pinaharurot ng mabilis ang jeep. Ngunit bago 'yon, may napansin akong kakaiba. May bultong nakatabi sa kaniya sa harapan. Nakasuot ng itim at may hawak na karet. Hindi kaya iyon si...

"Kamatayan?" Mahina kong usal sa aking sarili. Ako lang ba ang nakakita o nakapansin sa bultong iyon? O nakita rin ng mga narito ngayon?

Bumaling ako sa batang ngayon ay sumusuka. Kung hindi ako nagkakamali ay gusto niya ng candy, kung kaya't binuksan ko ang bag ko upang maghanap ng candy. Ngunit ang malakas na sigawan at kalabog ng kung ano mang bumagsak ay nagpatigil sa akin. Dahilan upang mapalingon din kaming mga narito sa gawing harapan.

"Iyong karatula bumagsak!!!" Nangingilabot na sigaw ng lalaki habang hawak ang kaniyang anak at asawa. Napaawang ang bibig ko ng makita ko 'yon. Dahil tulad ng sa nakita ko, sa mismong jeep na sinakyan namin kanina bumagsak ang karatula!

Ang lahat ng taong nakasaksi sa pagbagsak ng karatula ay pumunta sa jeep. Na ngayon ay nagmistulang yuping laruan. Gusto ko mang humakbang upang puntahan din 'yon, ngunit hindi ko magawa. Naramdaman ko na lang din ang pagtulo ng luha mula sa mga mata ko. Kung nakinig sana sila sa akin!

"Miss totoo nga ang sinabi mo. Babagsak ang karatula. Pero paano? Paanong nalaman mo na babagsak 'yon?" Namamanghang tanong sa akin ng isang babae. Hindi ko na lang siya pinansin at tumakbo na paalis sa lugar na iyon. Hanggang sa natagpuan ko na lang ang aking sarili sa lumang bahay.

Lumang bahay na hindi ko alam kung kanino. Pumasok ako dito hindi dahil upang magnakaw o kung ano pa man. Kun'di dahil nais kong magtago. Magtago mula sa mapang husgang mata ng mga naroon sa labas kanina. Sa mga nakaka-alam na sinabi kong babagsak ang karatula.

"Hindi mo matataguan ang iyong kapalaran." Napalingon ako sa gawing likuran ko ng marinig ko ang tinig na iyon. Tinig na mula sa babaeng kanina'y nasa katapat kong upuan, sa jeep na aming sinakyan.

"Mawalang galang na po, pero sino po kayo? Kayo po ba ang may-ari ng bahay na ito?" Sunod sunod kong tanong sa kaniya. Nanatili siyang nakamasid sa akin ngunit hindi sumagot. Lumapit pa siya nang bahagya at nakatapat lang sa akin bago nagsalita.

"Alam mo ba kung bakit minsan ay may mga taong bigla na lang naglalaho? Tulad ng nangyari kanina, kung nakinig sana sila'y hanggang ngayon ay buhay pa sila." Makahulugang saad niya.

Hindi ko alam kung ano ang pinupunto niya. Ngunit natuon ang pansin ko sa unang sinabi niya.

"Bakit po naglalaho ang ibang tao?" Kuryosong tanong ko. Lumapit siya sa akin at hinawakan ang balikat ko bago sumagot.

"Dahil ang kaluluwa nila ay nakatakdang i-alay, kapalit ng hinahangad nila sa kanilang buhay."

Muli pa siyang lumapit at nagpatuloy pa sa pagsasalita. "Ngunit ang akala nilang Diyos na siyang nagbibigay katuparan sa kanilang kahilingan, ay walang iba kun'di si Kamatayan!"

Matapos niyang sabihin 'yon ay dahan dahan niyang tinanggal ang kaniyang salamin. Dahilan upang makita ko ang kaniyang mata at tumakbo palayo sa kaniya!

"Oh Sandra! Saan ka galin?"

Halos mapatalon pa ako ng biglang hawakan ni Mama ang balikat ko. Napatitig ako sa kaniya, at ng makumpermang si Mama nga talaga ang nasa harap ko'y agad akong yumakap.

"Sandra bakit? Napa'no ka?" Kuryosong tanong ni Mama.

"Ma, umuwi na po tayo," mahinang saad ko sa kaniya. Matapos kong sabihin 'yon ay sumakay na kami ng tricycle pauwi sa bahay.

Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa aking isipan ang nakita ko kani-kanina lang. Ang babaeng iyon sa bahay na 'yon kanina...

"Ito ho'ng bayad, salamat ho." Rinig kong sabi ni Mama sa driver, bago ako hinila palabas.

"Sandra ano bang nangyayari sa'yo? Bakit namumutla ka? Daig mo pa ang nakakita ng multo ah." Muling tanong sa akin ni Mama.

"Iyong... 'yung babae Ma. Wa-wala po siyang mata!" Uutal utal kong sagot kay Mama.

Oo! Ang babae kanina ay walang mata! Nang tanggalin niya ang salamin niya kanina, ay tumambad sa akin ang kaniyang mata. Ngunit sa aking pagkabigla'y wala man lang makikita na kahit ano sa mata niya. Tila ba dinukot ang buong mata niya, at tanging ang pinakabutas na lang nito ang natira!

"Alam mo Sandra, hindi ko na alam kung tama ba ang kursong napili mo. Akala ko ba'y pinag-aaralan n'yo ang pag-iisip ng tao? Bakit ngayon ay parang nasobrahan ka na yata sa kaiisip? Mahirap ba ang kursong napili mo?" Sunod sunod na tanong ni Mama. Bakit hindi siya naniniwala sa sinasabi ko? Bakit pakiramdam ko'y, baliw kung ituring niya ako?

"Wala po Ma, pumasok na po tayo sa loob. Kalimutan mo na lang po ang sinabi ko. Pagod lang po siguro ako." Mahina kong usal bago nauna ng pumasok sa loob.

Nang makarating sa aking silid ay agad akong humarap sa computer ko. Hinanap ko kaagad ang pangalang sinabi ni Sir Jef, na si Maria Gonzales.

Ngunit sa dami ng lumabas sa site, hindi ko alam kung sino doon ang tunay. Hanggang sa makita ko ang isang artikulo na gawa ng nag ngangalang Maria Gonzales. At ang artikulong iyon ay ang...

"Mga patunay bago sumakabilang buhay."

Nang binuksan ko ang artikulong iyon ay binasa ko na muna ang detalye patungkol sa kaniya. Doon ko lang din nalaman na si Maria Gonzales, ay nakatira rin dito sa Castillejos. Ngunit sino nga ba siya?

Walang ano mang larawan niya, ang makikita kung kayat hindi ko alam kung ano ang itsura niya. Ngunit sa mga oras na ito, isa lang ang nais kong gawin.

At iyon ay tuklasin kung ano ang ibig sabihin ng aking mga pangitain..

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.