"Ma, saan po kayo pupunta? Mag-aalas otso na po, aalis ka pa?" Tanong ko kay Mama.
Kung isa na naman sa pangitain ang nakita ko kanina, malamang na may mangyayaring masama kay Mama. Kung kaya't ayaw kong malingat ang paningin ko sa kaniya.
"Iaabot ko lang ang hulog ko kay Aling Berta, para sa renta ng bahay," baliwalang tugon niya.
Ngunit gabi na, hindi na rin kukunin ni Aling Berta ang perang ibabayad ni Mama. Matanda na si Aling Berta at marami siyang pamahiin na pinaniniwalaan. Isa na roon ang pagbabayad sa gabi. Hindi man iyon makakaapekto kay Aling Berta ngunit may epekto iyon kay Mama. Iyon ay ayon sa mga pamahiin nila.
"Ipagpabukas mo na lang ma. Hindi na rin po tatanggapin ni Aling Berta 'yan dahil gabi na." Pagkukumbinsi ko sa kaniya. Hindi siya maaaring lumabas ng bahay, upang makaiwas sa kung ano mang aksidente.
Hindi ko alam kung ano ang sanhi ng pangitaing nakita ko patungkol kay Mama. Ngunit sa pagkakaalam ko'y may saksak ng kutsilyo sa likuran niya.
"Ma, may nakakaaway ho ba kayo sa palengke sa t'wing nagtitinda? Pwede po bang 'wag na muna kayong magbenta kahit na isang linggo lang?" Marahan kong tanong sa kaniya.
Hindi alam ni Mama ang tungkol sa mga nakikita ko. Hindi ko rin naman masabi dahil baka matakot siya. O kaya nama'y isipin niyang nasisiraan na ako ng bait.
"Aba Sandra, kung hindi ako magtitinda sa loob ng isang linggo saan tayo kukuha ng pang gastos? Anong ipapakain ko sa inyong magkapatid? Saan ako kukuha ng pamasahe at pangbaon n'yo sa eskwela? Wala naman akong ibang maaasahan. Mabuti sana kung buhay pa ang Papa n'yo, 'di sana'y may katuwang ako." Mahabang sagot ni Mama.
Napansin ko ang bahagyang takot at lungkot na bumalatay sa mukha ni Mama ng banggitin niya si Papa. Matagal ng wala si Papa, ngunit hanggang ngayon ay hindi ko alam kung ano ang ikinamatay niya. Hindi naman sinasabi ni Mama dahil ang katwiran niya'y bata pa ako noon, at hindi ko rin naman maiintindihan.
"Ano ho ba ang nangyari kay Papa Ma?" Kuryosong tanong ko.
Naging mailap naman ang tingin ni Mama. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso at tila ba kinabahan. Alam kong may bumabagabag sa kaniya.
Hindi ko maaaring sabihin...
Hindi niya dapat malaman...
Na ang Papa nila ay...
"Masamang tao po ba si Papa Ma? Bakit po ayaw mong sabihin?" Muli kong tanong.
Hindi man sinasadya'y nababasa ko ang iniisip ni Mama. Hindi ko rin alam kung bakit. Ngunit alam kong may tinatago siya tungkol kay Papa.
"Matulog ka na Sandra. Maaga pa ang pasok mo bukas diba?" Giit niya. Sa maraming pagkakataon, muli na namang tumanggi si Mama na sagutin ang tungkol kay Papa.
Hanggang kailan ba ililihim ni Mama ang tungkol kay Papa?
"Sige po Ma, matulog na rin po kayo." Marahan kong saad sa kaniya. Ngunit ng makatalikod ay nagsalita si Mama.
"Sandra lagi kang mag-iingat anak." Matapos niyang sabihin 'yon ay tumalikod na siya at pumasok sa silid niya. Habang ako naman ay naiwang nakatayo lang. Palaisipan sa akin ang sinabi ni Mama.
Naging misteryo na rin sa akin ang pagkamatay ni Papa. Anong hiwaga ba ang bumabalot sa pagkatao ko? Bakit may mga bagay na hindi ko maintindihan? At may mga bagay na nakikita ko ng wala naman akong naiisip na dahilan kung bakit.
Ilang minuto pa ang lumipas at pumasok na ako sa aking silid. Ngunit pag pasok ko'y naroon si Rhian. Nakaupo sa study table ko at nakayuko. Nakasuot siya ng bistidang puti at nakalugay lang ang buhok niyang hanggang balikat. Dahilan upang matakpan ang kaniyang mukha.
"Rhian dito ka ba matutulog? Gusto mo bang tumabi sa akin?" Tanong ko sa kaniya. Ngunit nanatiling tahimik si Rhian. At dahil nakatalikod siya sa gawi ko'y hindi ko makita ang kaniyang mukha.
Naglakad ako papunta sa kama, bago inayos ang higaan. Kung dito matutulog ang kapatid ko'y mabuting magdagdag ng unan, dahil dalawa lang ang unan ko.
"Kukuha ako ng unan sa silid mo. Dalawa lang ang akin, malikot ka pa naman." Muli kong sambit sa kaniya.
Ngunit tulad kanina'y hindi siya sumagot at nanatiling nakatalikod. Pailing iling na lumabas na ako ng silid at pumasok sa silid niya na katabi lang ng sa akin.
Ngunit ganoon na lang ang gulat ko ng makita kong nakahiga si Rhian sa kama niya. Nakatagilid paharap sa pinto kaya naman kitang kita ko na siya ang kapatid ko. Kung ganoon, sino ang babae sa silid ko?
Pumasok ako sa silid ni Rhian at nilapitan siya. Narinig ko pa ang bahagyang paghilik niya gawa ng kasarapan sa pagtulog.
"Rhian," marahan kong tawag sa pangalan niya. Ngunit hindi siya tumugon at tumalikod lang.
Muli akong tumayo bago dahan dahang lumabas na ng silid niya upang silipin ang babae sa kabila. Iniwan kong bukas ang pinto kwarto ni Rhian bago humakbang papunta sa silid ko.
Isa...
Dalawa...
Tatlo...
Kaunti na lang at nasa pinto na ako ng silid ko.
Apat...
Nang makalapit ay hinawakan ko ang seradura bago pinihit upang bumukas. Dahan dahan kong sinilip ang loob ng silid, ngunit wala na doon ang babaeng kanina ay nakaupo sa study table ko.
Napasandal ako sa dingding bago ipinikit ang mata at bumuntong hininga.
"Ano bang nangyayari? Bakit nakikita ko ang mga bagay at pangyayaring hindi nakikita ng iba?" Marahang tanong ko sa aking sarili.
Maya-maya pay iminulat ko ang aking mata at pumasok na sa aking silid, nang bigla na lang...
"Nang dahil sa pangingialam mo'y namatay ako! Binago mo ang pangitain na siya'ng dapat na magaganap. Nalinlang mo nga si kamatayan, ngunit ibang buhay ang naging kabayaran!"
"Ahhhhhhhhhh!!!!"
"Sandra! Sandra anak! Sandra gumising ka!" Iminulat ko ang namimigat kong mata ng marinig ko ang pangalan ko. At maramdaman ko ang malakas na tapik sa pisnge ko.
"Ano ba'ng nangyayari sa'yo? Binabangungot ka!" Mariing sabi ni Mama.
Bangungot? Binabangungot ako? Pero kitang kita ko ang mukha ng babae! Ang babaeng nadisgrasya ng tumawid siya. Ang babaeng dapat sana'y si Alain ngunit hindi. Siya ang babaeng narito kanina sa silid ko.
Duguan ang mukha niya at nanlilisik ang mga mata na binigkas niya sa akin 'yon! Napakalinaw pa sa aking isipan ang mga katagang binitiwan niya. Ramdam ko rin ang galit niya sa akin. Kasalanan ko nga ba? Nang dahil ba sa pagsalba ko kay Alain buhay niya ang naging kabayaran?
Parang totoong totoo ang mga nakita ko sa panaginip kong iyon. Ngunit paanong nangyari na nakatulog na ako at ngayon nga'y binangungot?
Inilibot ko ang aking paningin kung saan ako naroon.
Puting kisame...
Study table...
Pinto...
Nasaan ako?
"Maiwan na muna kita at iaabot ko na muna itong bayad ko kay Aling Berta para sa renta ng bahay." Marahang saad ni Mama.
Nangyari na 'to! Sinabi n'ya na rin sa akin 'yon kanina! Ngunit hindi maaaring lumabas si Mama.
"Ma, ipagpabukas mo na po 'yan. Hindi na rin po tatanggapin ni Aling Berta ang ibabayad mo." Giit ko.
Para bang normal at natural na lang na lumabas ang mga katagang 'yon sa bibig ko.
Bumangon ako mula sa kinahihigaan ko. At doon ko napagtantong nasa sarili kong silid ako. Napatingin din ako sa orasang nasa study table ko. Alas otso.
Iyon ang oras na alam ko kanina sa panaginip ko. Panaginip nga ba?
"Mama sabihin mo sa akin. A-ano ho ba... ano po ang ikinamatay ni Papa?" Nag-aalalang tanong ko sa kaniya.
At tulad ng inaasahan, naging mailap ang mga mata ni Mama. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso at ibinabaling ang paningin sa ibang bagay.
"Sandra-"
"Alam ko po ang sasabihin mo Ma," putol ko sa sasabihin niya pa sana. "Matulog na ako dahil maaga pa ang pasok ko bukas 'di po ba?"
"Sandra paanong-"
"Nakita ko Ma! Nakita ko sa panaginip ko ang mangyayari! Nakikita ko ang bawat trahedyang magaganap! Kaya sabihin mo sa akin Ma, ano ang dahilan ng pagkamatay ni Papa? May kinalaman ba siya sa mga nangyayari sa akin ngayon?" Sunod sunod at halos pasigaw kong tanong sa kaniya.
Hindi na tama ang lahat ng nangyayari. Hindi ko na nagugustuhan maging ang aking nakikita at sarili. Hindi dapat ganito. Dahil alam ko namang simple at normal na anak at mag-aaral lang ako!
Nanlaki ang mata ni Mama sa mga sinabi ko. Ramdam ko rin ang takot at pag-aalala na bumalatay sa kaniyang mukha. Alam kong may alam si Mama sa nangyayari sa akin, pero bakit ayaw niyang sabihin? Tulad ko, natatakot din ba siya sa mga nakikita ko?
"Ang Papa mo Sandra." Pag uumpisa ni mama. Ngunit sa hindi ko malaman na dahilan, ay bigla na lang umiyak si Mama.
Halos hindi niya maituloy ang sasabihin niya gawa ng pag iyak. Bahagya kong tinapik ang kaniyang likod upang alu-in siya.
"Ma-"
"Ang papa mo ay isang psychologist." Sa pagitan ng paghikbi at iyak ay i-kin-wento ni Mama ang tungkol kay Papa.
At ng dahil sa sinabi niya'y mas lalong umigting ang takot na aking nadarama.