___1956___
"Hindi mo dapat na talikuran kung ano ang nakatadhana sa iyo Alfredo! Panahon ang magpapasya at tadhana ang huhusga!"
Galit na sigaw sa akin ni ate Maria. Hindi ko naman ginusto ito! Hindi ko rin alam kung paanong nangyari na lahat ng trahedyang nakita ko ay nagkatotoo.
"Hindi 'to maaari ate! Paano kung isang araw ng dahil sa mga nakikita ko'y pati ikaw ay mapahamak?"
Hindi lingid sa kaalaman ng kapatid kong si ate Maria na nakakakita ako ng kung ano ano. Mapa engkanto, laman lupa at kung ano ano pang klase o uri ng elemento. Ngunit hindi ko inaasahan na pati mga pangitain tungkol sa mga magaganap palang ay makikita ko rin. Kahit ang pagkamatay ng magulang namin ay nakita ko. Nakita mismo ng mga mata ko! Hindi ko 'yon napigilan, hindi ko nagawan ng paraan lalo't hindi naman nila ako pinaniwalaan.
"Ako ang itinuturo ng lahat tungkol sa mga pangitain mo. Kung kaya't hindi nila malalaman na... ikaw ang mata sa likod ng trahedya."
Mas lalo pang tumindi ang takot na nadarama ko hindi para sa sarili ko kun'di para kay ate Maria. At higit sa lahat kay Samantha.
Ang babaeng nagsisilbing liwanag sa malagim kong mundo. Ang tanging tama sa lahat ng maling nakikita ko. Ngunit paano kung pati siya'y mapahamak ng dahil sa aking mga nakikita? Hindi ko kaya.
"Anong gagawin ko ate? Hindi pwedeng malaman ng lahat ang tungkol sa akin. Daig ko pa si kamatayan kung ituring ng ibang nakakaalam ng dahil sa mga kababalaghan na aking natutuklasan."
Hindi man ipakita o sabihin ni ate Maria ngunit nababasa ko sa mukha niya ang takot at pag-aalala. Bilang isang psychologist nalalaman ko ang iniisip ng tao base sa emosyon na mababakas sa kanilang mukha.
Ngunit tulad ng normal na tao'y nararamdaman ko rin naman ang nararamdaman nila. Takot, galit, pag-aalala, kasiyahan at pagmamahal. Normal ako! Pero hindi ang mga nakikita ko. Hindi normal ang lahat ng iyon lalo't sa t'wing may nakikita ako'y kapahamakan o trahedya ang dulot.
"Iwan mo ang lugar na ito Alfredo. Ako na ang bahala. Aakuin ko ang lahat mamuhay ka lang ng normal. Hindi ko rin kakayanin na batikusin ka ng lahat. Bata ka pa at malayo pa ang mararating samantalang akoy wala namang silbi sa lipunan."
Hindi ko mapigilang makaramdam ng habag kay ate Maria. Ang mapagmahal at kaisa isa kong kapatid. Siya na lang ang natitira kong pamilya. Paano na siya kung wala ako sa tabi niya? At paano rin ako mamumuhay ng normal, kung ang kapalit naman noon ay ang kapahamakan at pagdurusa sa nag-iisang kapatid ko?
Hindi ko sinunod si ate Maria. Hindi ako umalis sa lugar kung saan kami lumaki at nagkaisip. Ngunit matapos ang dalawang araw, siya ang nawala. Iniwan niya ako. Nilisan niya ang bayan ng Castillejos.
Ilang taon din ang matuling lumipas. Wala na akong naging balita kay ate. Ikinasal kami ni Samantha at biniyayaan ng anak na babae. Maayos at naging normal naman ang aming pamumuhay. Ngunit ang mga pangitain ko'y hindi pa rin nawala. Hanggang sa sumapit ang araw ng aking kinatatakutan. Nakita ko...
Nakita ko ang malagim na kamatayan ng kapatid ko. Gusto ko man siyang puntahan at paalalahanan ngunit hindi ko alam kung saan siya matatagpuan. Wala kaming balita sa isat isa at hindi na rin siya muling bumalik pa dito sa aming lugar.
Hanggang sa nabalitaan ko na lang na si ate Maria ay hawak ng gobyerno. Ginagamit din nila ang akala nilang kakaibang kakayahan ni ate. Ang mga pangitain, trahedya at kaalaman tungkol sa mga mangyayari na hindi kayang ipaliwanag ng sensiya, ay pilit nilang inuugnay sa kapatid ko. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman na ako! Ako ang nasa likod ng mga kaganapang iyon!
Dating sikat na manunulat si ate Maria ngunit natigil iyon ng mamatay ang aming mga magulang. Si ate Maria ay anak ni Mama sa una niyang asawa na kalaunan ay namatay rin. Habang ako naman ay anak ni Mama sa pangalawa niyang asawa. Ngunit ang dating masayang pamilya namin ay naglaho ng mawala ang aming mga magulang. Ang pagkamatay nila'y nakita ko.
Maging ang trahedya patungkol sa malakas na lindol na tatama sa bansa ay nakita ko rin. Lahat ng iyon ay sinabi ko kay ate Maria noon. Ngunit hindi ko inaasahan na gumawa siya ng artikulo patungkol sa mga iyon. Na siyang naging dahilan upang batikusin siya ng lipunan.
Bakit? Bakit iyon ginawa ni ate? Dahil ba ayaw niyang maulit ang nangyari sa mga magulang namin mula sa aking pangitain na hindi nila pinaniwalaan? O para ilihis ako sa masamang maidudulot nito sa akin?
"Alfredo mahal, may sulat para sa'yo."
Rinig kong sabi ng asawa kong si Samantha.
Maya maya pa'y lumapit siya sa akin at inabot ang puting sobre. Binuksan ko iyon at binasa, habang si Samantha naman ay pumasok sa aming silid upang tignan ang anak namin.
Alfredo kapatid ko,
Kung mababasa mo ito'y malamang na wala na ako. Patawad kung hindi na ako muling nakadalaw sa iyo. Tulad ng bilin ko sa iyo, sanay mamuhay ka ng normal. Hindi ko man naipararating sa iyo o binibigkas, ngunit sana'y nadama mo ang pagmamahal ko bilang nakatatandang kapatid mo.
Naging malupit man sa akin ang mga tao sa nakalipas na taon na inilagi ko dito sa mundo, masaya pa rin ako dahil alam kong ligtas ka. Wala naman akong ibang hangad kun'di ang kasiyahan at ikabubuti mo.
Ang nakikita mo'y hindi nakikita ng iba. Ngunit huwag mo sanang isipin na lagi na lang may masamang dulot ang lahat ng iyong pangitain. Ang kapalaran nila'y wala sa palad o sa kung ano man ang nakita mo. Bagkus ay iginuhit na ng tadhana. At tanging panahon lang ang makapagsasabi.
Namalisbis ang luha sa aking mata ng mabasa ko ang sulat ni ate Maria. Hindi ko alam kung nangyari ba kay ate ang pangitaing nakita ko patungkol sa kaniya. Pero hinihiling ko na sanay hindi. Sanay hindi tulad ng sa nakita ko ang dahilan ng pagkamatay ni ate.
Muli ko pang binasa ang isa pang sulat niya. Sulat na naghatid sa akin ng labis na takot at galit. At ang sulat niyang ito ang siyang tunay at patotoo sa lahat ng pangitain ko.
Malupit sila! Gusto nila akong patayin!
Hinahanap nila ako! Tinanggal nila Alfredo... tinanggal nila ang isang mata ko! Hanggang ngayon ay hinahanap nila ako at gustong sunugin ng dahil daw sa aking mga pangitain!
Kung pwede ko lang iganti si ate sa lahat ng kalupitan na ginawa sa kaniya ng lipunan! Kung pwede ko lang iikot ang kamay ng orasan pabalik sa nakaraan! Kung pwede lang sana... sana'y ako ang nagdusa at hindi si ate Maria.
"Mahal, anong nangyari? Bakit ka umiiyak? May masakit ba sa iyo?"
Niyakap ko si Samantha na ngayon ay nasa tabi ko na. Wala akong ibang masasandigan kun'di siya. Ako ang haligi ng tahanan ngunit bakit parang napakahina ko? Bakit nakakaramdam ako ng takot, pangangamba at pag-aalala? Ako na ba? Ako na ba ang mamamatay sa susunod kong makikita?
"Sino ang nagpadala sa'yo nito?" Muling tanong sa akin ni Samantha.
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya at kinuha ang itim na papel na hawak niya. Kung susuriing mabuti ang papel ay luma na at parang naidarang pa sa apoy kung kayat halos magmukhang itim.
At nang binasa ko 'yon, daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig sa labis na takot at kaba.
Manhid na ang aking kalamnan. Unti unti na ring kinakapos ang aking paghinga. Sanay nababasa mo ng maayos at malinaw ang sulat kong ito. Dahil kahit akoy hindi ko alam kung tama ba ang isinusulat ko. Sa kadahilanang wala na akong makita, nawala na ang dalawa kong mata. Kung hindi man makarating sa iyo ang sulat na ito'y, lagi mong iisipin na sa takdang panahon... muli tayong magkikita. Paalam kapatid ko.
Ang kapalaran ko'y muling mauulit sa dalagitang mag ngangalang Sandra.
Hindi ko alam kung bakit, pero bigla akong nakaramdam ng takot. Para kong nakita si kamatayan ng mabasa ko ang huling sulat ni ate. Nagkataon lang ba? Nagkataon lang na Sandra ang pangalang nabanggit niya sa sulat? Dahil kung hindi... mauulit ang nangyari kay ate sa katauhan ng aking anak.
Sa aking unang anak na si Sandra.