MAY PADER na natibag sa pagitan namin ni Martin pagkatapos ang gabing ginawa namin ang unang item sa listahan ng aking erotic fantasies. Dalawa pa.
Hindi niya sinasabi sa akin kung kailan namin isasagawa ang natitira sa listahan. At alam ko na kahit magtanong ako ay hindi niya ako sasagutin kaya nanahimik na lang ako. Kahit pa sa tuwing naiisip ko ang dalawa pang nakasulat sa listahan ko ay nakakaramdam ako ng magkahalong kaba, takot at antisipasyon.
Nawala lang iyon nang nasa dining hall na kami para kumain ng hapunan. Napakurap ako nang makitang sa garden ang set up ng buffet. Dahil madilim sa resort na iyon kapag gabi maliban sa ilang light posts ay mas naging makapigil hininga ang mga maliliit na ilaw na isinabit sa mga halaman sa garden para magbigay liwanag sa paligid. May ilaw rin sa buffet at sa beverage area. Bawat lamesa ay may mga nakabukas na kandila sa gitna. At may isang grupo ng mga musikero ang naglilibot sa mga lamesa para kumanta ng request ng mga guest. Nang dumating kami ay may isang lamesa ang nagpapakanta ng isang love song at may magkapareha pa roon ang tumayo at magkayakap na sumasayaw.
It looks intimate and romantic. Hindi ko napigilan ang mapahinto sa paglalakad at mapatingin lamang sa paligid. Hanggang sa may lumapit na waiter sa amin, nakangiti.
“Cottage 301?” tanong niya.
“Yes,” sagot ni Martin.
Ngumiti ang waiter. “This way, sir, ma’am.” Saka nagpatiuna sa paglalakad. Kumurap ako nang bahagyang pisilin ni Martin ang kamay kong hawak niya at nakangiti akong hinigit pasunod sa waiter.
Dinala niya kami sa pandalawahang lamesa na bahagyang nakahiwalay sa iba. Katunayan, napansin ko na iyon lang ang pandalawahan doon. Binitiwan ni Martin ang kamay ko at pinaghatak ako ng silya. Mahina akong nagpasalamat saka umupo.
Napansin ko na ngiting-ngiti ang waiter na nag-a-assist sa amin bago nagpaalam. Tiningnan ko si Martin nang umupo siya sa katapat kong silya. “Alam nila kung saang cottage tayo?”
“Tumawag ako kanina bago kita gisingin.”
“Para saan?” takang tanong ko.
Ngumiti si Martin. “Para bigyan tayo ng mas pribadong lamesa.”
Napamaang ako sa kaniya. Kaya pala kami lang ang nahiwalay. Pinasadya niya.
At hindi lang iyon ang naging kakaiba. Dahil himbis na magpunta kami sa buffet table na katulad ng iba ay may mga lumapit na waiter para dalhan kami ng pagkain at red wine. At lahat sila may malawak na ngiti at kakaibang kislap sa mga mata sa tuwing lumalapit sa amin.
“Bakit ganoon sila makangiti?” hindi ko na natiis na tanong kay Martin maya-maya.
“Ah.” Napansin ko na sandali siyang nag-alangan bago nagkibit balikat. “Ang alam kasi nila ay nasa honeymoon tayo. Mukhang natutuwa silang makakita ng bagong kasal.”
“Ano?” nanlalaki ang mga matang bulalas ko. “Bakit nila – wait, sinabi mo na… nasa honeymoon tayo?” pabulong pero marahas na tanong ko.
Nagsimulang kumain si Martin. “Nagtanong ang mga tao sa reception area nang mag-check in ako. Umoo na lang ako. Isa pa ay mas mabuti nang ganoon ang isipin nila.”
“At bakit?” manghang tanong ko.
Sumubo muna siya, walang pagmamadaling ngumuya at nang lumunok ay saka lang ako tiningnan at ngumiti. “Para hindi nila maisip na weird kapag may staff na mapadaan sa cottage natin at marinig ka. You are a screamer, do you know that?”
Screamer? Ilang segundo bago ko naintindihan ang tinutukoy niya. Uminit ang mukha ko. “Hindi ako –”
“Yes, you are. Pero huwag kang mag-alala. I like it.”
Naitakip ko ang kamay sa bibig ko. Maingay ba talaga ako? Nakakahiya! Pero ang pagkapahiya ko ay dagli ring nawala nang makita ko ang kislap sa mga mata ni Martin na noon ko lang nakita; kapilyuhan. Nagmukhang maamo ang mukha niya. Lumiwanag ang bukas ng ekspresyon. Nakakahawa.
I realized he looks angelic when he lowers his guard. Ang sarap titigan dahil nakakagaan din ng pakiramdam. Napangiti na tuloy ako. “I’m not a screamer,” giit ko pa rin pero hindi na kasing rahas ng kanina.
“Yes, you are.”
Napailing ako, kumibot ang labi dahil parang may nais umalpas na tawa mula roon. Pangalawang pagkakataon sa gabing iyon. Nakakamangha na parang kailan lang ay ni wala akong lakas bumangon sa kama sa sobrang lungkot.
Ipinilig ko ang ulo at nagsimula na ring kumain. Natahimik kami pareho pero hindi iyon nakakailang. Katunayan ay komportable ako sa katahimikang namamagitan sa amin. Paminsan-minsan, kapag nag-aangat ako ng tingin para tingnan siya ay nakatingin din pala siya sa akin. At sa tuwing nagtatama ang aming mga paningin ay tipid lang kaming nagngingitian.
Pagkatapos ng hapunan ay bumalik na kami sa cottage. Umakyat ako sa ikalawang palapag para matulog habang aware ako sa kilos niya sa ibaba. Nang patayin niya ang ilaw sa ibaba at hindi ko na naririnig ang yabag niya ay saka ko lang nagawang ipikit ang aking mga mata para matulog.
SA sumunod na dalawang araw ay hindi pa rin binuksan ni Martin ang paksa tungkol sa natitirang dalawang item na nasa listahang ginawa ko. Pero pinapasuot pa rin niya sa akin ang corset na sa ikatlong araw ng pananatili namin sa Hidden Paradise ay halos hindi ko na nararamdamang suot ko.
Sa araw ay naglilibot kami sa resort. Mas magaan na ang loob sa isa’t isa kung pagbabasehan na marami na kaming napag-uusapan. Minsan ay tumatambay lang kami sa dining hall, nagkakape, nag-uusap. Unti-unti ay nakikilala namin ang isa’t isa. At habang nangyayari iyon ay lalo kong narerealize na marami kaming pagkakapareho ni Martin. Pareho kami ng mga gustong pelikula. Pareho kaming mahilig magbasa ng current events sa internet. Pareho rin kami ng mga opinyon sa mga isyung nababasa namin. At pareho kami na mas gustong napag-iisa paminsan-minsan.
Kaya hindi na ako nagtaka na naging komportable na talaga ako sa kaniya at nagawa kong ma-enjoy ang mga sandaling nananatili kami sa resort na iyon. Nagagawa ko na ring ngumiti at may pagkakataon pa ngang napatawa niya ako.
Nang una iyong mangyari ay nakita kong natigilan si Martin at napatitig sa akin. Na para bang manghang mangha siyang tumawa ako. Pero may nakita rin akong kislap sa mga mata niya na hindi ko mabigyan ng pangalan. Ang alam ko lang ay nagdulot iyon ng bikig sa lalamunan ko.
Anyway, I thought I’m getting better. Akala ko ay normal na ako ulit dahil nagagawa ko nang umakto na gaya ng dati kapag kasama ko si Martin. Iyon nga lang, sa tuwing mapapadikit ako sa ibang tao, lalo na kapag lalaki at hindi ko kasama si Martin ay nanlalamig pa rin ako at tumatayo pa rin ang mga balahibo ko. At sa tuwina ay bumabalik sa isip ko si James at parang naririnig ko ang boses niya sa tainga ko. Sumusulpot sa isip ko ang mga imahe ng mga namagitan sa amin. Nagiging aware ako sa corset na suot ko at kinakapos ako ng paghinga.
And then at night, I dream of James. I dream of erotic scenes where I am powerless as he does what he wants to me. I dream of him forcing me, shaming me, binding me, telling me how bad and dirty I am.
At katulad sa nakaraang gabi ay nagising ako ng madaling araw na basang-basa ng pawis kahit malamig naman sa cottage. Ang buong katawan ko ay sensitibo. Para bang kahit gising na ako ay may naiwan pa ring mga bakas ng ginawa ni James sa panaginip ko. Nayakap ko ang sarili at mariing pumikit para kalmahin ang katawan kong humihiyaw na ialis sa mahika ng erotikong panaginip ko.
“Joy?”
Napadilat ako at napaigtad sa biglang pagtawag ni Martin sa pangalan ko. Nanggaling ang boses niya sa bukana ng hagdan. Noon ko lang napansin na bukas ang ilaw sa ibaba. Uminit ang mukha ko at mariing kinagat ang ibabang labi at pilit kinalma ang pabilis kong paghinga.
“Gising ka ba?” muling sabi ni Martin sa ibaba ng hagdan.
Huminga ako ng malalim. “Oo,” usal ko sa garalgal na tinig.
Natahimik siya. Hanggang sa marinig ko na ang pag-akyat niya sa hagdan. Sumikdo ang puso ko at humigpit ang pagkakayakap ko sa katawan ko. Nakita ko ang bulto niya sa bukana ng ikalawang palapag. Sandali siyang huminto at binuksan ang ilaw. Bumaha ang malamlam na liwanag, sapat para magkakitaan kami.
Alam ko na isang tingin lang niya sa ekspresyon sa mukha ko ay batid na niya kung ano ang nangyayari sa akin. Ilang hakbang lang ay nakalapit na siya sa kama at maingat na umupo sa paanan niyon.
“Nananaginip ka. Naririnig kita hanggang sa baba,” malumanay na sabi niya.
Mariin akong napapikit. Dama ko ang pagkalat ng init sa mukha ko dala ng pagkapahiya. Dahil malamang may ingay akong ginagawa habang nananaginip ako. At malamang naririnig niya iyon noong isang gabi pa. Pero dahil likas na gentleman ay hindi niya sinabi sa akin.
“Joy, look at me,” malumanay pa rin na usal niya.
Huminga ako ng malalim at kahit nahihiya pa rin ay lakas loob akong dumilat. Parang nilamutak ang puso ko sa pag-unawang nakita ko sa mga mata niya. “Anong napapanaginipan mo?”
Matagal bago ko nagawang magsalita, “He’s doing wicked things to me,” mahinang amin ko.
Tumiim ang ekpresyon ni Martin. “What kind of wicked things?”
Huminga ako ng malalim. “The usual. He’s doing whatever he wants to me. Ngayong gabi… ginapos niya ang katawan ko hanggang sa hindi na ako makagalaw. And he’s torturing me by making my body alive with his touch –” Hindi ko na maituloy ang paglalahad at muli na lamang napapikit ng mariin. “It felt so real,” anas ko.
Mahabang katahimikan ang namayani bago siya nagsalita, “Can you survive the night with your body feeling like that?”
Tumindi ang init ng mukha ko at hindi dumidilat na umiling ako.
“Gusto mo bang tulungan kita?”