ISANG araw pagkatapos ay bumalik na kami ng maynila. Walang mahabang usapan. Kaswal lang niyang binuksan ang paksa ng pag-uwi habang kumakain kami ng tanghalian at pumayag ako.
Magaan at may halong ngiti ang naging biyahe namin pauwi. Hindi na namin pinag-usapan ang gabing kapwa kami umiyak pero sa tuwing nagtatagpo an gaming mga mata ay nagkakaintindihan na kami. Na ang gabing iyon, para sa aming dalawa lang. Hindi ko iyon magagawang ikuwento sa iba at alam kong ganoon din siya.
Hinatid niya pa ako hanggang sa apartment building ko. Nagpaalam siya at sinabing magkita na lang kami ulit makalipas ang tatlong araw sa opisina niya para sa panibagong set of psychological exams na kailangan kong gawin. Pagkatapos ay masuyo niya akong hinalikan sa pisngi at umalis.
Alam ko na sa ospital siya dederetso, haharapin ang mga pasyente niya. Ako, kailangan ko na ring harapin ang buhay ko. Kung ano ang dapat kong gawin ngayong umaandar na ulit ang oras para sa akin. Ano ang magiging hakbang ko ngayong umalis na ako sa trabaho?
Si Lizzy ang unang sumagi sa isip ko. Kaya inayos ko lang ang bagahe ko sa apartment ko at saka tinawagan ang matalik kong kaibigan. Halata ang tuwa sa boses niya nang mag-usap kami sa cellphone at iginiit na magkita kami sa araw na iyon din. Pumayag ako dahil na-miss ko rin naman siya at hindi pa ako nagkaroon ng pagkakataong magpasalamat sa lahat ng ginawa niya para sa akin.
Sa isang coffee shop na hindi pa namin natambayan kahit kailan kami nagkita. May palagay ako na sinadya iyon ni Lizzy para wala kaming makitang mga kakilala. Her sensitivity is one of the things I love about her.
Nauna akong dumating sa coffee shop na sa oras na iyon ay maraming customer. Katunayan ay isang lamesa na lang ang hindi okupado nang dumating ako. Katabi iyon ng isang grupo ng mga lalaking masiglang nag-uusap tungkol sa sports. Bigla kong naalala ang nangyari noong nagkita kami ni Martin sa isang coffee shop. Nang lapitan ako ng dalawang lalaki at kinausap. Kung paanong nanayo ang mga balahibo ko at nataranta ako dahil sa kanila. Naalala ko kung paanong isipin ko pa lang na may mapapalapit sa aking lalaki ay natatakot na ako.
Pero heto ako ngayon, nakaupo sa isang lamesa, halos makabungguan na ang grupo ng mga lalaki sa katabing mesa, pero wala akong nararamdamang pagkataranta. I feel… normal.
Maya-maya pa ay dumating na si Lizzy, humahangos at mukhang minadaling makapunta doon. Nang mapatingin siya sa akin ay agad akong ngumiti at itinaas ang kamay para kawayan siya.
Namilog ang mga mata niya, may kumislap na tuwa sa mga mata pero namasa rin. Saka mabilis na lumapit sa akin. “Oh, my God, look at you!” bulalas niya sabay yakap sa akin ng mahigpit. Gumanti ako ng yakap at napangiti. Ah. Na-miss ko talaga si Lizzy. Nang magkalas kami at umupo siya sa bakanteng silya ay pinakatitigan niya ang mukha ko. Naluluha na naman siya. “You look so much better. Maaliwalas ang mukha mo at nakangiti ka. Katulad ng Joy na kilala ko. I’m so happy.”
Napangiti ako kahit uminit din ang mga mata ko. “Pasensiya ka na kung pinag-alala kita. At salamat dahil hindi mo ako iniwan. I owe you so much, Lizzy.”
Marahas siyang umiling. “You don’t owe me anything. Magkaibigan tayo. Natural lang ang ginawa ko. Besides, hindi ako ang dahilan kung bakit mas maayos na ang pakiramdam mo ngayon. Sabihin mo nga sa akin kung ano ang nangyari sa bakasyon mo? Kasama mo ang psychiatrist mo, hindi ba? Mukhang epektibo ang treatment niya.”
Uminit ang mukha ko. Napansin iyon ni Lizzy. Naningkit ang mga mata niya. Halatang na-curious na. “Come on, tell me.”
Kinagat ko ang ibabang labi, sandaling iginala ang tingin sa mga katabing lamesa, saka ako bahagyang dumukwang palapit kay Lizzy at mahinang sinabi sa kaniya ang gusto niyang malaman. Maliban siyempre sa gabing para sa aming dalawa lang ni Martin.
Sa simula ay namangha si Lizzy. Na biglang naging mapanudyo. Na biglang naging pilya. At nang matapos ako ay nagkaroon ng kakaibang kislap sa mga mata niya at makahulugang ngiti.
“Bakit?” naiilang na tanong ko.
Himbis na sumagot ay dumeretso ng upo si Lizzy. “Alam mo, malapit lang dito ang ospital. Bakit hindi mo siya ibili ng kape at dalhan? Tiyak nan aka-duty na siya kahit matagal siyang nagmaneho. Baka pagod siya. Sigurado ako na matutuwa siya.”
Kumunot ang noo ko. “Bakit ganiyan ang ngiti mo?”
Ngumisi siya at tumayo. “Wala naman. Masaya lang ako para sa iyo. I have to go, Joy. May gig ako at kailangan kong pumunta sa kliyente ko in twenty minutes. Go buy him coffee, okay?” Yumuko siya at hinalikan ako sa pisngi bago umalis.
Natameme ako. Matagal bago ko nahamig ang sarili ko. Napalingon ako sa counter ng coffee shop at napatitig sa menu nila. Maya-maya ay tumayo rin ako at bumili ng kape.
BITBIT ang take-out coffee ay nagpunta ako sa ospital. Tinanong ko muna sa reception area kung naroon si Martin. Nang makumpirma kong naroon siya ay mabilis akong nagpasalamat sa tumatao sa reception area at naglakad papunta sa opisina niya.
Pagliko ko sa pasilyo ay nakita ko siya agad. Nakatalikod sa akin at naglalakad din papunta sa opisina niya. Mukhang may kausap siya sa cellphone. Binilisan ko ang paglalakad para makahabol sa kaniya. Malapit na ako para marinig ang sinasabi niya sa kausap niya nang may banggitin siyang pangalan na nagpahinto sa akin.
“I’m sorry, okay? Hindi kita naabutan. Kaya nga tinawagan kita. Don’t be like that, James.” Huminto sa may pinto ng opisina niya si Martin, bumuntong hininga. “Yes. Balak ko naman talaga makipagkita sa iyo sa susunod na balik mo. Gusto kitang makausap.” Pumihit siya paharap sa pinto at patagilid sa direksiyon ko kaya nakita ko nang tumiim ang bagang niya. “Yes. I know you miss me, brother. But I –” Biglang napasulyap sa akin si Martin. Natigilan siya. Tinakasan ng kulay ang mukha.
Ang ekspresyon niya ang naging dahilan kaya makumpirma ko ang hinala ko nang marinig ko ang pangalan ni James mula sa bibig niya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko maitago ang pagkagimbal. Tinawag niyang brother si James. Sinabi niya sa akin na may nakatatanda siyang kapatid. Kausap pa niya sa cellphone noong araw na bumibiyahe kami papunta sa Hidden Paradise.
Ibinaba ni Martin ang hawak na cellphone at tuluyang humarap sa akin. “Joy.”
“M-may hindi ka sinabi sa akin, Martin,” anas ko. “Ano ang pangalan ng kapatid mo?”
“Joy,” muling tawag niya sa pangalan ko at nagsimulang humakbang palapit sa akin pero napaatras ako.
“Pareho ba tayo ng kilalang James? Come to think of it, you never told me your surname. Sino ka ba talaga?!”
Huminto siya at sinalubong ng tingin ang aking mga mata. “Martin Salgado. That’s my name. At si James… kapatid ko siya.”
Parang binuhusan ng asido ang puso ko. I feel so… betrayed. “Sinabi ko sa iyo ang lahat,” halos ayaw lumabas sa lalamunan ko ng mga salita. Nanlalabo ang mga mata ko sa pamumuo ng luha. “Pinagkatiwalaan kita. Bakit hindi mo sinabi sa akin na kapatid mo siya? At paano mo nalaman na…”
“Doctor Silva asked me to take you as my patient. Alam ko na ang kapatid ko ang dahilan kaya ka na-confine sa ospital dahil sa matinding depresyon. Nakita ko kung paanong nawala ang buhay sa mga mata mo nang dahil sa kapatid ko, Joy. I feel responsible for what he did to you. Kaya pumayag akong maging pasyente ka,” amin ni Martin.
Bumalik sa akin ang mga pagkakataong nakita ko ang reaksiyon ni Martin sa mga inamin ko sa kaniya. Ang galit at frustration sa mukha niya. At nang gabing umiyak din siya para sa akin. Nang gabing paulit-ulit siyang humingi ng tawad. Ngayon ay alam ko na kung para saan.
Kapatid siya ni James. Ginawa namin ang mga erotikong pantasya ko. Nagtalik pa kami. And all along, he’s my former lover’s brother. Oh my God.
Nabitawan ko ang kape na hawak ko. Tumapon iyon sa sahig at tumilamsik pa sa binti ko ang mainit na likido. Pero halos hindi ko naramdaman ang pagkapaso. Hilakbot na naitakip ko ang mga kamay sa bibig ko. Parang babaligtad ang sikmura ko. “I… I slept with you,” hilakbot na anas ko. “And all along you’re his brother? How can I… I’m so –”
“No! Joy,” mariing pigil niya sa sasabihin ko. Sa ilang hakbang ay nakalapit na siya sa akin. Hinawakan niya ako sa braso at bago pa ako makapiglas ay hinigit na niya ako papasok sa opisina niya. Hindi niya ako binitiwan kahit nang makapasok na kami sa loob at mai-lock niya ang pinto. Pinaupo niya ako sa sofa kahit na ayoko. Saka siya biglang lumuhod sa harap ko. “Namumula ang binti mo. Napaso ka ng kape.”
Hindi ko inabalang tingnan ang sinasabi niyang napaso sa akin. Sa mukha niya ako nakatingin. “How can you do this to me, Martin? How can I face myself in the mirror knowing that I… that I did it with the two of you?”
Tiningala niya ako at ikinulong sa mga kamay ang magkabilang pisngi ko. “Don’t think like that. Nakaalpas ka na sa emosyong iyan, hindi ba? Wala kang ginawang masama. Hindi mo alam kung sino ako. Sinadya koi yon dahil kung nalaman mo kung sino talaga ako ay hindi ka papayag na tulungan kita. All the burden of what we did, I will carry them. Because I don’t regret anything, Joy. I don’t regret helping you get over your depression. Hindi ko pinagsisisihang tinulungan kitang makarecover sa nangyari sa iyo. Bawat sandaling namagitan sa atin sa Hidden Paradise, wala akong pinagsisisihan. In fact I cherish them. At ganoon din ang gusto kong gawin mo. Huwag kang bumalik sa Joy na nakilala ko sa ospital na ito.”
Tuluyang tumulo ang mga luha ko. “How can I do it? Hindi ako ang tipo ng babaeng tumatalo ng magkapatid.”
Umiling si Martin, inangat ang katawan at pinaglapat ang aming mga noo. “Alam ko kung ano ang nararamdaman mo. Hindi ko rin inaasahan na… na magiging ganito ang nararamdaman ko para sa iyo.” Sinalubong niya ang tingin ko at kumabog ang dibdib ko nang makita ko na naman sa mga mata niya ang emosyong palagi kong nakikita noong nasa Hidden Paradise pa kami. “I didn’t expect to fall in love with you Joy.” At sinabi niya ang tawag sa emosyon sa mga mata niya na pilit kong hindi pinansin sa nakaraang halos dalawang linggo. “No, don’t Martin. Please,” umiiling na anas ko.