PATIENT X & SAVING GRACE (Filipino) Chapter 42

“Wala na akong magagawa, Joy. I am already in love with you. Alam ko na hindi mo pa masusuklian ang nararamdaman ko. Alam ko rin na hindi tama para sa isang psychiatrist na magtapat ng ganito sa pasyente niya. But this is how I feel Joy,” bahagyang nakangiti na sabi niya. “Kaya hayaan mo akong gawin ang lahat ng makakaya ko para sa iyo. I want you to get better. Mananatili ako sa tabi mo hanggang maging okay ka na. Hanggang makaya mo na ulit magpapasok ng tao diyan sa puso mo.”

Muli akong umiling. Hinawakan ang mga kamay niyang nasa mukha ko at tinangka iyong alisin. Hinayaan niya ako pero ginagap naman niya ang mga kamay ko. Napahikbi ako. “Martin. I… I don’t want to hurt you but I don’t think I can do it… I can’t accept your feelings.”

“Alam ko. Pero gusto ko pa ring manatili sa tabi mo.”

Nanginig ang mga labi ko. “I can’t take advantage of you,” anas ko.

Masuyong ngiti ang naging sagot ni Martin. “Okay lang. I really don't mind since it's you. Go ahead and take advantage of my feelings. It's okay, you can hurt me.”

Hindi ako nakapagsalita. Napatitig lang ako sa mukha niyang puno ng pagmamahal. It unsettled me, that look in his face. Dahil madalas kong makita kapag tumitingin ako sa salamin ang ekspresyong iyon noon. Dahil sa puso ko ay hindi ko magawang tanggapin ang sinabi niya. Is it really okay to get hurt if you love someone? Okay lang ba talagang manakit ng isang tao dahil lang mahal ka niya? Is the pain really worth it?

Maya-maya ay tumayo si Martin, kumuha ng first aid kit at nilagyan ng ointment ang balat kong napaso ng natapon na kape. Habang tinitingnan ko siyang inaasikaso ang paso ko ay may bumikig na naman sa lalamunan ko at parang gusto ko na naman maiyak. Pero hindi dahil masakit ang paso ng balat ko.

Naiiyak ako dahil kahit gaano pa kabait si Martin, kahit wala akong maipipintas sa kaniya, kahit na sa kaniya ko lang nadama ang intimacy na matagal ko nang inaasam maramdaman at sa kabila ng mga nangyari sa pagitan namin sa Hidden Paradise, hindi ko pa rin siya magawang mapapasok sa puso ko. Hindi lang dahil hindi pa ako handang magmahal ulit. Kung hindi dahil kahit maraming taon pa ang lumipas, hindi pa rin mababago ang katotohanang kapatid siya ni James.

UMALIS ako sa opisina niya pagkatapos kong mangako na oo, babalik ako para sa appointment namin. Ngumiti siya bago ako umalis at pinilit kong gumanti ng maayos na ngiti pero alam kong hindi ako nagtagumpay.

Hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Bumabalik sa isip ko ang mga nangyari sa Hidden Paradise at ang pag-amin ni Martin sa damdamin niya para sa akin. At sa tuwing nakikita ko ang pagmamahal sa mga mata niya… umiinit ang mga mata ko.

Kinabukasan, dahil ayokong magbalik sa dati na nagkukulong sa apartment ko ay nagdesisyon akong lumabas. Mag-isa akong nagpunta sa mall. Naglakad-lakad. Nag-isip ng susunod na gagawin ko sa buhay ko. Tumingin-tingin sa mga boutique at napapangiti kapag naalala ko ang ilang taon kong pagtatrabaho para sa isang sikat na designer na katulad ni Anton. Naalala ko ang mga panahong pinipilit niya akong mag-leave at magbakasyon sa kung saan dahil taon-taon daw akong complete attendance.

Siguro ay ganoon muna ang gagawin ko. Magbakasyon. Siguro dapat ko nang bisitahin ang tatay ko at ang bago niyang asawa na matagal nang naninirahan sa France. Siguro –

Napahinto ako sa isang boutique, kung saan may isang puting dress na nakakuha ng atensiyon ko. Lace ang pinaka-tela. Maganda ang detalye ng pagkakaburda sa bulaklaking disenyo. Mukhang inspired iyon ng wedding gowns. May bumikig sa lalamunan ko at bahagyang napangiti. Sana balang araw, ikasal pa rin ako.

Hindi ko alam kung anong sumapi sa akin pero natagpuan ko ang sarili kong pumasok na sa boutique. Nilapitan ako ng sale staff at itinuro ko ang dress. Isinukat ko iyon. It fit me perfectly. At habang nakatingin ako sa salamin ay narealize ko na bumalik na sa dati ang laman sa katawan ko. Hindi na ako payat na payat. Hindi na humpak ang mga pisngi ko at mas lalong hindi na rin ako maputla. Tama si Lizzy. I look so much better.

Huminga ako ng malalim bago muling hinubad ang bestida. Lumabas ako ng dressing room para sabihin sa sales staff na bibilhin ko iyon nang tiyempo namang may lumabas din sa katabing pinto. Sabay kaming napalingon sa isa’t isa. Sabay ding nagulat nang makilala ang isa’t isa.

“You?” usal ni Isabella Wilson, ang babaeng ipinalit sa akin ni James.

Humigpit ang hawak ko sa damit na bibilhin ko at itiniim ko ang mga labi ko. Sumeryoso din si Isabella na napansin kong maraming kipkip na damit. “What? Don’t look as if I stole your boyfriend or something. Wala akong inagaw sa iyo.”

Umangat ang kilay ko. Naningkit ang mga mata niya. “James said he doesn’t have anything to do with you. Na ako na ang gusto niya.” Bigla ay natigilan siya at dumaan ang sakit sa mukha. Nag-iwas siya ng tingin at napatingin sa malayo. “Until he decided he doesn’t want me after all,” halos sa sarili lamang niya sinabi iyon.

Noon ko napansin ang pamamaga ng mga mata ni Isabella. “Iniwan ko rin niya,” nausal ko.

Tinapunan niya ako ng matalim na tingin. “So what? Pareho lang naman tayo. Ang kaibahan lang natin, mas maaga niya akong pinagsawaan. Pero mas okay na ako sa sitwasyon ko kaysa sa iyo na matagal niyang pinaglaruan. At least for me, the sooner it ended, the less pain I have to live with now that it’s over.”

Hindi ako nakakibo. Dahil tama siya. Mas matagal na relasyon, mas mahirap bitawan at mas masakit kapag natapos. “D-did he do to you…”

Hindi ko man magawang tapusin ang gusto kong itanong ay mukhang nakuha iyon ni Isabella. Dahil lumambot ang ekspresyon sa mukha niya. “So he did it to you too. Of course he did.” Nag-iwas siya ng tingin, may mapait na ngiti na sumilay sa mga labi. “He really enjoyed hurting his partner, huh? That bastard.”

She said bastard affectionately. Napagtanto ko na mahal niya si James. Bigla ay nakaramdam ako ng camaraderie kay Isabella, kahit na hindi dapat.

“I know this is weird but I have to ask you something. N-nang iwan ka niya… n-naramdaman mo rin ba na parang hinahanap-hanap mo na ang… sakit? Did you feel like you cannot do it with someone else normally? Did you crave for pain too?” lakas loob na tanong ko.

Nilingon niya akong muli. Tiningnan niya ako na para bang kinaaawaan niya ako. “You’re slow, aren’t you?”

Kumurap ako dahil hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin.

Bumuntong hininga si Isabella at hinarap ako ng tuluyan. “It's not that you enjoy the pain or that you enjoy being powerless. It's not that you will enjoy it if you have a different partner. Believe me, I tried to do it with someone else after he got tired of me.”

“Anong ibig mong sabihin?”

Mapait siyang ngumiti. “You enjoyed it because it's James. Because you love him and you are willing to have him in any way you can. It's not the pain or the submission that you are craving for. It's him.”

Natigilan ako. May kumudlit sa puso ko.

Naging malungkot ang ngiti ni Isabella. “It's just so sad that we will never really get to have him. No woman will. Alam mo ba kung bakit?”

“Bakit?” hindi humihingang tanong ko.

“Because he hates us. Hindi ko alam kung bakit at wala na akong balak pang alamin pa pero galit siya sa mga babae. Hindi niya tayo magagawang mahalin. At tayong dalawa at ang iba pang katulad natin na dumaan at darating pa sa buhay niya, magiging kasangkapan lang ni James. Magiging paraan para mailabas niya ang galit niya sa mga babae. Why do you think he enjoy torturing us? Hindi niya kailangan ng babaeng magmamahal sa kaniya. Ang gusto niya ay manika. Isang babae na mapaglalabasan niya ng stress sa buhay niya at ng galit niya sa lahi ni eba. The moment you show even a little resistance, even a little hint that you have your own mind, he will leave you.”

Umawang ang mga labi ko. “Paano mo nalaman ang mga iyan?”

Dumeretso siya ng tayo at akmang tatalikod na sa akin. “I may be a model, but I have a degree in psychology. Kahit papaano alam ko mag-analisa ng mga tao. Unfortunately, this is also the reason why I’m attracted to men with twisted personalities. Bilib nga ako sa iyo na natagalan mo siya. At na ngayon ay okay ka pa rin. Hindi halata sa hitsura mo. But you’re a strong woman.”

Nakalayo na siya bago ko narealize na pinuri niya ako. Uminit ang mga mata ko pero napangiti. “You’re strong too,” bulong ko.

Hanggang makauwi ko ay hindi na naalis sa isip ko ang mga sinabi ni Isabella. Naglaro sa utak ko na kung totoo ang sinabi niya, bakit galit si James sa mga babae? Ano ang nangyari? Sino ang dahilan?

Sa huli ay wala sa mga tanong na iyon ang nasagot. Iba ang tumimo sa isip ko. That it was not pain I was craving for but James.

Napalis man ang depresyon at trauma ko sa naging relasyon ko sa kaniya, hindi ang nararamdaman ko para sa kaniya. Masokista nga yata talaga ako kung hanggang ngayon ay si James Salgado pa rin ang laman ng puso ko.

Sa kabila ng lahat, siya pa rin. Siya lang yata talaga.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.