Played by Fate 2: Serpentine Fate Chapter 3

ILANG minuto na ang nasasayang sa pagtingin ko sa screen ng cellphone ko. Ilang beses na rin akong napapabuntong-hininga. Simula kaninang nakauwi kami nila Alyanna galing sa Sweet Desire, may mabigat na sa loob ko na hindi ko maipaliwanag.

Payak akong napangiti nang makita ko ang repleksyon ko sa screen ng cellphone ko.

Alam ko naman ang dahilan kung bakit tila may mabigat na kung ano sa dibdib ko. Alam ko pero pinipilit kong wala lang naman iyon. Alam ko naman ang dahilan at kung tutuusin, hindi naman ako dapat naaapektuhan pa. Hindi naman dapat.

Inabot ko ang unan sa tabi ko at niyakap ito. Mahimbing na ang tulog ni Niko nang puntahan ko siya kanina. Gabi na rin kaya nagpapahinga na ito. Nakakatuwa nga ang anak ko na iyon, bihira siyang nanggigising sa gabi, tila ba alam niya rin na pahinga ng mga tao ang oras na iyon.

Tinignan ko ang orasan sa tabing lamesa ng kama ko. Alas-onse na ng gabi, kung tama ang tantiya ko, 10 am pa lang sa New York. Malamang ay gising na si Jahann.

I want to ask him.

I want to know the truth from him. I want him to tell me the truth.

Sino ‘yung Ai?

Girlfriend na ba talaga niya?

Kailan pa naging sila? Bakit wala man lang siyang nasabi sa amin? Kay Aly? Imposible naman na hindi siya magsasabi…

“God, Cherinna…” ibinaon ko ang mukha sa unan at impit na napaungol. Ano ba naman ‘tong ginagawa ko? Bakit ko ba iniisip pa iyon? Bakit ba hanggang ngayon, magulo pa rin ang isip ko?

Oo, sinabi niya na the game isn’t over… pero pwede namang nakalimot na si Jahann. Pwede naman na para sa kanya, wala ng ibig sabihin ang mga salitang iyon. Kung tutuusin naman, kahit pa sinabi niya ang mga iyon, wala namang magbabago, magkapatid kaming dalawa. Pwede naman na natanggap na niya na hindi kami pwedeng dalawa.

Ako lang naman ang hindi nakakatanggap. Ako lang naman iyong hanggang ngayon, hindi pa tuluyang napapatay sa isipan na wala na kaming pag-asa.

Nagpapanggap lang naman akong okay na sa akin… iyon naman din ang tamang gawin. Hindi naman kami talaga pwede ni Jahann. Kahit pa mahal namin ang isa’t isa, hindi naman pwedeng maging kami. Hindi mangyayari ang kami… ‘yung kami na maayos talaga, alam ng lahat, hindi namin itatago. Hindi mangyayari iyon.

Hindi deserve ni Jahann ang relasyong katulad ng relasyon na maibibigay ko. Hindi si Jahann ang tipo ng karelasyon na dapat inililihim. Si Jahann ‘yung karelasyon na ipagmamalaki mo na sa’yo siya. Siya iyong karelasyon na ibibida mo sa mga tao.

No matter how proud I am to have him before, hindi ko naman kailanman maipagsasabi sa ibang tao na kaming dalawa. Hindi mangyayari ang bagay na iyon.

Fate really played with us.

Muli kong binalingan ang cellphone ko na nasa may gilid ko.

I closed my eyes hard. “Bahala na nga!” mahinang usal ko bago dinampot iyon. Nagpalit ako ng number may ilang buwan na ang nakakaran, pero ang alam ko, si Jahann ay hindi—iyon na ang gamit niyang number simula nang nagpunta siyang New York. Iyon pa rin ang number niyang nakasave sa akin. I actually borrowed Alyanna’s phone just to get his number. Wala naman akong kabalak-balak na tawagan siya…

I was hoping, actually. I was hoping he asked someone for my number. I was hoping one day, I’ll receive a call from him, pero hanggang sa mismong oras na iyon, hindi pa nangyayari ang inaasahan kong iyon. Ni tuldok na mensahe, walang ipinadala si Jahann sa akin.

I dialled his number. I was silently mumbling a prayer. Sana ay si Jahann ang sumagot. Sana hindi ang Ai na iyon dahil hindi ko alam ang mararamdaman ko kung sakaling magkasama pa rin ang dalawang iyon.

Ilang ring na ang naririnig ko ngunit hindi pa rin niya sinasagot ang tawag ko. Ilang sana na rin ang sinasabi ko…

“My God, kahit sagutin mo na lang. Kahit sagutin mo na lang…” mahinang usal ko habang pinapakinggan pa rin ang pagring ng kabilang linya.

Tulog pa ba si Jahann?

Anong oras ba tumawag sila Alyanna kanina? Ang tanda ko ay bandang alas-tres ng hapon na iyon, ibig sabihin, alas-dos sa New York.

Magkasama si Jahann at kung sino mang babae na kasama niya ng alas-dos.

Pakiramdam ko ay mas bumigat ang kanina pang nakadagan sa dibdib ko dahil sa mga naiisip ko.

I’ve decided to just turn off my phone and sleep.Wala naman akong magagawa kung ayaw akong kausapin ng tao, lalo kung ako naman ang naunang magtaboy… ako ang naunang umiwas. Ako ang unang nanakit. Ako naman ang unang tumalikod.

Inilapag ko na ang cellphone ko sa lamesa at nahiga ng maayos. Ipinikit ko ang mga mata at tahimik na nanalangin. Niyakap ko ang unan ko at tahimik na natulog, habang pilit inaalis sa isipan ko si Jahann, at kung sino man ang babaeng kasama nito.

Sana kaibigan niya lang si Ai…

Sana walang nagbago kay Jahann.

Kinabukasan ay maaga akong nagising para tumulong sa pag-aayos ng almusal. Agad na napakunot ang noo ko nang makita ko si Ian na kasama si Niko sa may garden ng bahay namin.

“Ian?” agad kong nilapitan ang dalawa. Karga ni Ian si Niko habang nilalaro naman ni Niko ang hawak nitong stuffed toy na hugis elepante.

“Finally, mommy’s awake, baby…” ani Ian kay Niko nang bumaling sa akin. I just rolled my eyes. Ang alam ng nakararami, si Ian ang tatay ni Niko. Si Ian lang naman ang naging ex ko kaya hindi na rin nakakapagtaka na paghinalaan nila ito pero alam na alam ko naman kung sino ang tatay ng anak ko, dahil siya lang naman ang hinayaan kong angkinin ang katawan ko.

“Ang aga mo naman?” tanong ko sa kanya nang iabot sa akin si Niko. Nagkibit-balikat ito at tumingin sa akin. “Kagabi pa nga dapat, inawat lang ako ni Kevyn, eh…” iiling-iling na sabi nito. “Kasama mo si Kevyn?” pag-uusisa ko. Ang alam ko ay lumipat ng ibang school si Ian dahil na rin sa nangyari. Tumango lang si Ian habang ang mga mata ay nakapokus sa mukha ni Niko.

“He looks like you…” Ian smiled before looking at me. Ikinunot ko naman ang noo ko dahil sa sinabi niya. “Magtaka ka kung di ko kamuka ‘yan…” pagbibiro ko. Alam ko naman na naiinis pa rin si Alyanna kay Ian, maging ang mga pinsan ko na hindi naman alam ang totoong nangyari ay galit sa binata dahil sa pag-aakala nilang nabuntis ako ni Ian. They kept on asking me kung sino raw ba talaga nakabuntis, bakit ayaw kong sabihin kung hindi si Ian. Wala naman akong mahanap na sagot.

I once told them Niko’s father is Drew Taggart, they called me crazy.

“Daddy Ian ba talaga ipapatawag mo sa akin kay Niko?” hawak ni Ian ang kamay ni Niko habang nakatingin sa bata.

Napatingin ako sa kanya. It was my mom’s idea. Ang pagtawag ng Daddy kay Ian. I just told them Niko can call him Daddy Ian. Ayoko ng Daddy lang. That’s for Niko’s father… na hindi kalianman niya matatawag ng ganoon.

“Ayaw mo ba? Sige, Tito na lang…” natatawang sabi ko sa kanya.

Sinimangutan niya ako bago pinisil ang pisngi ko. “Tito ka diyan…” ani Ian na sinundan ng pag-irap. Hindi ko naman mapigilang matawa.

I hope maging okay na rin ang mga pinsan ko kay Ian. Well, like them, gago rin si Ian, pero mabait naman. Simula nang nabuntis ako, hanggang ngayon, lagi siyang nakaalalay sa akin. Kaya rin maraming nag-akalang kaming dalawa.

“Okay naman ang Daddy Ian, ah? Buti nga Daddy pa rin, eh…” sabi ko sa kanya. Nakatingin ako kay Niko na abala sa mga laruan nito.

“Babalik ba ‘yung totoong daddy niya?” sumeryoso ang tinig ni Ian. Hindi ko naman magawang mag-angat ng tingin. Natatakot akong mababasa ni Ian ang iniisip ko.

Nagkibit-balikat ako bilang sagot.

Magbalik man siya, hindi niya naman alam.

“Tara na sa loob?” aya ko sa kanya. May pasok pa ako mamaya kaya kailangan ko na rin mag-asikaso. Bibiyahe pa ako dahil hanggang ngayon ay hindi ako pinapayagan ni Daddy na magkaroon ng sariling sasakyan.

Kinarga naman ni Ian si Niko na tila alam na almusal ang pupuntahan namin dahil biglang lumaki ang ngiti sa mukha nito.

“Good morning po,” bati ni Ian kay Mommy at Daddy nang makita namin silang nasa komedor na.

“Morning, Mommy, Daddy,” bati ko naman sa kanilang dalawa bago lumapit at humalik sa pisngi ng mga ito. Tumango naman sila sa akin at sinabihan ako ni Daddy na maupo na. Maging si Ian ay pinaupo na nila upang sumalo sa amin sa almusal. Si Niko naman ay kinuha ni Ate Mildred para makapag-almusal na rin.

Bumaba na rin si Alyanna mula sa kwarto nito bago pa man kami makapagsimulang kumain.

“Oh, bakit andito ka?” tanong ni Alyanna nang makita si Ian na nakaupo sa tabi ko. Tumingin siya agad sa akin at pinandilatan ko naman ng mata. Alam naman niya na ayaw ni Mommy at Daddy ang ganong asal.

“Alyanna!” ani Mommy sa kanya. “Of course, Ian’s here. He’s your nephew’s father…” dugtong pa nito.

“Alyanna, take a seat, let’s eat,” mahinahon namang sabi ni Daddy bago naglagay ng pagkain sa plato ni Mommy.

Naramdaman ko ang pagsipa ni Alyanna sa paa ko kaya nilingon koi to. Hindi talaga makapaghintay si Alyanna na makwento ko sa kanya kung bakit.

Kung tutuusin ay wala namang masama sa pagpunta ni Ian sa bahay, sadyang ayaw lang ni Alyanna pero wala naman nga itong magawa dahil obvious naman na malakas si Ian kay Mommy.

Natapos ang almusal na halos walang kumikibo sa amin. Tahimik lamang kaming kumakain, at walang nagsasalita, maliban sa paa ni Alyanna na panay ang sipa sa paa ko sa tuwing tatanungin ako ni Ian kung gusto ko pa ba, kung kailangan ko ng tubig o ano.

Hindi na ako magtataka kung namamaga na ang paa ko sa ginawa ni Alyanna.

Matapos kumain ay nagpaalam na ako na mag-aasikaso para sa pagpasok sa school. Wala pa akong tatlong minutong nakaupo sa kama ko nang bumukas iyon at iniluwa si Alyanna.

“Anong kailangan mo naman?” tanong ko nang dumiretso ito at sumampa sa kama ko.

“Anong ginagawa ‘nun dito?” hindi ko naman na kailangan pang itanong dahil alam na alam ko naman kung sino ang tinutukoy ni Alyanna. Kung noong una ay sige ang tulak sa akin ni Alyanna kay Ian, ngayon naman ay ayaw na ayaw niyang iisang hangin ang hinihinga namin ni Ian.

“He’s here for Niko…” sagot ko. Totoo naman rin na iyon ang dahilan kung bakit narito si Ian. Hindi naman namin napag-uusapan ang tungkol sa amin, isa pa ay wala naman dapat pag-usapan tungkol sa bagay na iyon.

“For Nikolai lang?” tumaas ang kilay ni Alyanna habang nakatingin sa akin.

“For Niko lang…” pagkukumpirma ko.

“He still likes you…” ani Alyanna habang nakatingin sa kisame ng kwarto ko. Nakasayad ang mga paa nito sa sahig habang nakahiga sa kama.

Hindi naman ako nagsalita. Wala naman akong masasagot sa bagay na iyon. Kung gusto pa niya ako, ano naman?

“Maliligo na ako. May klase ako ng 9 am…” paalam ko kay Alyanna.

“Mamaya, punta raw ulit sa SD,” narinig kong sabi niya. “Paplanuhin paano makakatulong sa Anniversary ng SD, eh. Hindi na kita masasabay, ha? Dadaan ako sa Ai’s, eh…” sabi pa nito.

Hindi naman ako kumibo. Wala namang kaso sa akin kahit mag-isa lang akong pupunta sa SD.

Matapos maligo ay mabilis na akong nagbihis at nag-asikaso. Pagbaba ko ay naroon pa rin si Ian at nilalaro si Niko.

“Papasok ka na?” tanong nito sa akin. “Hatid na kita…” prisinta niya bago tumayo habang karga si Niko. Tumango naman ako. “May klase ako, eh…” sagot ko bago bumaling sa anak ko.

“Baby, Mommy will be back later, behave ka lang, ha?” sabi ko rito na tila nakakaintindi naman at tumango sa akin habang nakangiti. Hinalikan koi to sa noo bago inayos ang pagkakasukbit ng bag ko.

“Ihahatid na kita…” ani Ian.

“Hindi na, it’s fine. Magtataxi na lang ako,” tanggi ko naman. Lumapit naman si Ate Mildred kay Ian at kinuha si Niko. “I insist, Cherinna,” nauna itong maglakad papalabas ng bahay.

Napailing na lang ako.

Ilang sandali pa ay lulan na ako ng sasakyan ni Ian at tinatahak ang daan papunta sa school. Tahimik lang ako at maging si Ian ay hindi naman din nagsasalita.

“Bakit wala si Kol? Diba, lagi mong kasama ‘yon?” si Ian ang bumasag sa katahimikan.

“He’s busy with Summer’s…” sagot ko. Si Kol naman talaga ang tinitrain ni Tito Hunter na mamahala ng Summer’s kaya laging naroon ‘yon kapag walang itong klase.

“May lakad ka mamaya?” tanong ni Ian sa akin na ang mata ay nasa kalsada. Tumango naman ako. “We’ll go to SD later, may pinapagawa kasi sila Tita Cristine, eh…” nag-iisip pa rin ako ng pwedeng maitulong sa anniversary ng SD pero ang balak kasi talaga nila, ibenta sila Theon at Keij.

“Sunduin kita mamaya, sabay na tayong magpunta doon,” alok ni Ian. Tinignan ko naman siya. Hindi ko mapigilan matawa. “Okay lang, Ian. Hindi naman ako mapapano. Baka may lakad kayo ni Kevyn…” sabi ko naman sa kanya.

“Basta, sunduin kita mamaya…” pamimilit niya. I rolled my eyes. There’s no point on saying no. Kahit humindi ako, alam ko na maghihintay sa akin si Ian.

“Bahala ka…” sabi ko na lamang bago inalis ang seat belt. “2 pm tapos ng klase ko,” binuksan ko na ang pinto at lumabas sa sasakyan ni Ian at pumasok sa loob ng university.

Dumiretso naman ako sa classroom ko at naghintay sa mga professor na papasok. Gaya kahapon ay maingay ang mga members ng fans club ng mga pinsan ko.

Kung alam lang nila kung gaano kabalahura ang mga iyon, duda akong magkagusto pa sila.

Mabilis lang lumipas ang oras at gaya ng inaasahan ko, nasa labas si Ian at hinihintay ako.

“Kanina ka pa?” tanong ko sa kanya. Umiling naman siya sa akin. Pinagbuksan ako ng pinto.

“Nagugutom ka? Kain muna tayo?” tanong ni Ian nang makasakay na rin ito at maisuot ang seat belt. Umiling naman ako sa kanya. “Sa SD naman tayo pupunta, doon na lang ako kakain.” Tumango naman siya sa akin.

Hindi ko alam kung anong meron kay Ian at kaninang umaga pa siya parang may iniisip. Ayoko naman magtanong dahil alam ko naman na magsasabi siya sa akin kung sakali na may problema siya.

Wala na naman kaming kibuan hanggang sa makarating kami sa SD halos alas-tres na ng hapon.

Naabutan kong naroon si Lean, Enzo, at Theon.

“Nasaan si Keij?” tanong ko kay Theon nang maupo. “May pupuntahan pa raw muna, eh…” sagot nito bago bumaling kay Ian. “Ito pala si Ian, eh. Ito na lang ibenta niyo, Lean…” ani Theon habang nakatingin kay Ian.

Lumingon si Lean kay Theon at inirapan ito.

Tahimik lang si Ian na nakaupo sa tabi ko habang nagpaplano si Lean.

“What if magbigay tayo ng GC from Cyan’s, too?” tanong ni Lean sa amin. Enzo nodded. “I told you that last night, give proper credits…”

Inirapan naman ito ni Lean. Tumingin siya sa akin. “Sa Ai’s ba, Che, anong pwedeng ipangprize natin bukod sa gwapong photographer?” natatawang tanong niya.

“Cherinna won’t allow it…” Enzo said seriously. Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya dahil hindi ko naintindihan iyon.

Maya-maya ay dumating na rin si Keij kasunod si Aly. Si Kol ang huling dumating dahil may kinausap pa raw muna ito.

“Ano na napag-usapan?” tanong ni Alyanna habang kumakain kami.

“What if we asked Tita Cristine and Tita Stephanie to move the anniversary?” tanong ko sa kanila. Nilingon naman ako ni Alyanna at Lean na para bang pinapadonate ko ang kidney nila.

“Why?” Kol asked me. “What’s your plan?” kunot-noong dagdag tanong niya sa akin.

Nagkibit-balikat ako. “Naisip ko lang kasi na, magparaffle tayo. I meant, halimbawa, they bought a cake worth 500 pesos, they will have 1 raffle ticket…”

Tumatango-tango si Keij sa akin. “Anong premyo niyan?” tanong niya sa akin.

“Pwede natin isama ang GC sa Cyan’s…” sagot ko sa kanya.

“I’ll ask for Autumn’s GC, too…” ani Theon.

“Eh, kung kayo kaya?” tanong ni Lean sa mga lalaki.

“Anong kami na naman sinasabi mo diyan?” kunot-noong tanong ni Theon dito.

“Parang gets ko na…” natatawang sabi ni Alyanna. Nag-apir naman silang dalawa ni Lean at napatingin na lang ako.

Anong nangyari?

“Okay, listen…” untag ni Lean sa aming lahat. “I like Che’s idea, let’s discuss it later, pero yung prize talaga rito, kayong boys!” masiglang sabi ni Lean.

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya.

“Adik ba yang kakambal mo, Enzo?” tinapik ni Keij si Enzo.

“Listen first!” asik ni Alyanna. “So, sa raffles, may maswerteng… hmmm…” huminto ito na tila may binibilang, “9 na mabubunot. Tapos sila ‘yung mananalo ng chance to date you!” malaki ang ngiti na sabi nito.

“Tangina, adik kayong dalawa, no? Positive, eh…” napapailing na sabi ni Keij.

“Why 9?” tanong ko naman. Hindi ko maintindihan kung paanong napunta sa ganon ang planong sinasabi ko kanina.

“Kuya Cloud, Kiro, Theon, Enzo, Keij, Kol, Ian, Kevyn and Jahann!” nakangiting sabi ni Lean sa akin. “Ako na ang bahala kay Kuya Cloud at Kiro…” dagdag nito. “Kayong nandito, wag na kayong umangal…”

“K-Kasama si Jahann?” tanong kong muli.

Tumango si Lean. “Papauwin natin si Jahann para don!”

Napatingin na lang ako kay Kol. Nagkibit-balikat naman siya sa akin. Hinayaan ko na lang sila na magplano, kahit na nag-aasaran lang naman sila sa mangyayari. Maging si Ian na nananahimik ay isinali nila.

Hindi ko naman maintindihan kung bakit tila may kung ano akong naramdaman sa dibdib ko. It was something foreign.

Huminga ako ng malalim at nagpaalam na papasok lang sa loob para kumuha ng tubig. Dali-dali naman akong nagtungo sa loob kumuha ng tubig at agad na ininom iyon.

Hindi ko malaman kung bakit tila nagging abnormal ang tibok ng puso ko.

Marahan kong hinihimas ang itaas ng dibdib ko habang naglalakad palabas para balikan ang mga kasama ko. Sigurado ako na hindi pa rin sila nagkakasundo sa gagawin.

Paglabas ko ng pinto ay agad kong nakitang nakatayo silang lahat at nakatalikod na para bang may kinakausap.

Malamang ay si Ate Caryl o di kaya ay si Kuya Kiro. Bihira na kasi namin na nakakasama kaya nakakasabik kapag narito sila.

“Pasalubong namin?” narinig kong sabi ni Theon nang humakbang ako palapit.

Sakto namang napalingon sa akin si Kol. Hindi ko mabasa ang nasa mata niya kaya naman humakbang ako papalapit pa sa kanila.

“Namiss kita talaga, Jahann!” natigilan ako nang marinig ko ang boses ni Alyanna.

Jahann?

Napatuwid ang likod ko at tumingin sa direksyon nila.

“I’ll call Tita Steph and Tita Cristine…” ani Keij kaya nawala ang humaharang sa taong kausap nila.

Pakiramdam ko ay nanlamig ang paligid. Nakatingin ako sa kanya at hindi ako magawang ikilos ano mang parte ng katawan ko.

He looked at me.

Jahann…

He smiled.

I blinked a couple of times.

“Hi, Cherinna…”

He’s back.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.