POWER OF DESIRE Chapter 19

"WALA nga si Ate dito, umalis siya nag-abroad" halata sa mukha ni Anya ang inis nito sa kanya.

Nagulat sa narinig niya si Norman. "A-Ano? Kailan pa?"

"Kuya Norman naman, break na kayo ng kapatid ko. Niloko mo siya kaya sana naman tigilan mo na siya para makapag-move on na siya ng maayos" ang sa halip ay nakasimangot na sagot sa kanya ng bunsong kapatid na babae ni Aria.

Tinitigan niya ang dalagita at nagkontrol ng galit kahit ang totoo ay pikon na pikon na siya rito at gustong-gusto na niya itong sakalin. "Please naman, gusto ko lang siyang makausap" aniyang nagpipigil.

Noon galit na galit siyang dinuro ni Anya. "Pwede ba, hindi naman talaga kita gusto para sa ate ko eh. Kasi alam kong hindi mo naman siya talagang mahal. Alam mo mas maganda patahimikin mo na siya, kasi kahit anong gawin mo hinding-hindi kana niya babalikan."

Agad na nanlisik sa galit ang mga mata ni Norman sa sinabing iyon ng dalagita. "Hoy ikaw animal kang bata ka," aniyang galit na dinuro at nilapitan si Anya na napaatras sa takot. "ito ang tatandaan mo, sabihin mo sa kapatid mo hindi ako makakapayag na iba ang makinabang sa kanya. Alam ko naman kung sino ang ipinagmamalaki niya sakin, iyon boss niya?"

Mabilis na nilamon ng galit ang inggit ang dibdib ni Norman. "Babawiin ko siya sa kahit sinong lalaking makasama niya, iyan ang tatandaan mo at sabihin mo sa kanya!" aniyang matalas ang titig na tinalikuran ang dalagita pagkatapos.

Puta! Hindi ako papayag na mapunta ka sa iba! Mas gugustuhin ko pang makita kang malamig na bangkay kaysa pakinabangan ka ng iba, Aria. Akin ka lang! Akin ka lang!

Ang galit na galit na hiyaw ng isipan ni Norman saka naglakad patungong sakayan.

"NAY?" si Aria na nakatayo sa tabi ng nanay niyang nakadukmo sa kama ng tatay niyang si Felipe. Nasa isang private room na ang ama niya at mahimbing na natutulog.

Nangingilid ang mga luha niyang nilingon si James na nakakaunawang matamis siyang nginitian. Hindi niya maintindihan ang masarap na damdaming humipo sa puso niya dahil sa ngiting iyon sa kanya ng binata na mabilis rin naman niyang iwinala. "N-Nay?" basag na ang tinig ni Aria sa pagkakataong iyon saka maingat na hinaplos ang buhok ni Cita na mahimbing paring natutulog.

"A-Aria? A-Anak?" boses iyon ng tatay niyang hindi napansin ng dalaga na nagising na pala.

Agad na umagos ang mga luha ni Aria nang magtama ang paningin nila ng kanyang ama. Pagkatapos, sa malalaking mga hakbang ay nilapitan niya ito at mahigpit na niyakap. Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang dahilan ng mga luhang iyon. Pero bigla, parang mas nangibabaw sa puso niya ang matinding pangungulila niya para sa tatay niyang nanatiling comatose sa loob ng mahigit dalawang linggo.

"Mabuti nalang okay na kayo" aniyang nilingon si James na nakamasid lang. Nasa mga mata ng binata ang magkakahalong emosyon na hindi niya kayang pangalanan. Ilang sandali pagkatapos ay sumenyas ito sa kanya na lalabas ng kwarto. Tinanguan lang niya ang binata at pagkatapos ay muling hinarap si Felipe.

"Ang sabi ng doktor magiging okay rin ang lahat, basta sundin ninyo lahat ng bilin niya, pati narin ng therapist ninyo" ang dalagang tinuyo ang mga luha saka maingat na ginagap ang kamay ng ama.

"A-Akala namin nasa ibang bansa kayo ng boss mo?" ang nanay niya.

Umiling ng magkakasunod si Aria. "H-Hindi na kami natuloy" ang tipid niyang sagot.

Tumango ang nanay niya. "Maupo ka muna, bibili ako ng maiinom mo" ang nanay niyang nagmamadaling lumabas ng silid nang hindi na hinintay ang makasagot siya.

SA canteen ng ospital natigilan si James nang makita nitong nakatayo sa harapan niya ang ina ni Aria. Nginitian niya ito saka inalok na maupo. Nagpaunlak naman ang ginang na inokopa ang katapat niyang silya sa mesang okupado niya.

"Pwede ba kitang makausap Mr..."

"James po, tawagin ninyo akong James" ang magalang niyang sabi.

Ngumiti ang ginang. Sa pagkakatitig niya rito ay nakita niya ang malaking pagkakahawig nito sa anak ni Aria. "Nagpunta sa bahay si Norman kanina" simula ni Cita.

Agad na nakaramdam ng inis sa dibdib niya si James nang marinig ang pangalan ng lalaking nanakit kay Aria. Pero sa kabilang banda, siguro may dahilan rin naman para pasalamatan niya ito. Dahil iyon ang naging daan kung paano sila nagkakilala.

Tumango si James kaya muling nagpatuloy ang ginang. "Ang totoo niyan hijo, gusto kong sabihin sa'yo na sana protektahan mo ang anak ko" at noon na nga napaiyak ang ginang saka sinimulang ikuwento sa kanya ang lahat ng itinawag naman ng anak nitong si Anya kanina bago ang pagdating nila.

"Alam kong marami kang koneksyon hijo. Mayaman ka, pero hangga't maaari gusto ko sanang maayos ang lahat ng ito sa madiplomasyang paraan. Kahit pakiramdam ko, sa lahat ng ikinuwento sa akin ni Anya ay mukhang hindi titigil si Norman makuha lang ulit si Aria" si Cita na nagpapahid ng mga luha.

Tumango-tango si James saka nakakaunawang ginagap ang palad ng ginang saka iyon marahang pinisil. "I understand" aniya. "isang paraan lang ang naiisip ko para matigil ang lahat ng panggugulo sa inyo ni Norman" aniya pagkatapos.

Tinitigan siya ng ina ni Aria. "Ano iyon hijo?"

Nagbuntong hininga si James saka pagkatapos ay itinuwid ang pagkakaupo. "Kung papayag kayo, willing akong pakasalan ang anak ninyo ng taos sa loob at puso ko" ang walang gatol na sagot ng binata.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.