"KELAN naman kaya iyon?" si Aria kausap ang matalik na kaibigang si Jocel sa kanyang cellphone.Naghahanda siya noon para sa pagpapasa niya ng resignation letter sa pinapasukang mall.
"Next week ang job fair sa mismong head office. Punta ka nalang doon tapos sasabihan ko iyon kaibigan ko sa HR na isa sa mga interviewee na kung sakaling pumasa ka eh sa outlet ko doon ka niya ilagay para mas malapit sa inuuwian mo" paliwanag sa kanya ng kausap a kabilang linya.
"Okay sige" aniyang lumabas na ng kanyang kwarto. "paalis narin ako, magpapasa lang ng resignation" pagbibigay alam niya.
Tumawa ng mahina si Jocel. "Just in case na magkita kayo, huwag mo nalang pansinin" payo pa nito sa kanya.
Malungkot ang ngiting pumunit sa mga labi ni Aria saka nagbuntong hininga pagkatapos. "Oo naman, wala na kami. Saka hindi narin naman niya ako makokontak kasi naka-block na siya dito sa phone ko."
"Sa Facebook, Twitter at IG i-block mo narin. Para makapag-move on ka ng tuloy-tuloy. Anyway, rest day ko ngayon, baka gusto mong magkita tayo?" ang masiglang suggestion ni Jocel.
Humaplos sa puso ni Aria ang sinabing iyon ng kaibigan. Kabisado niya ito. Alam niyang gusto siyang malibang ni Jocel kaya gusto nitong lumalabas sila palagi. "O-Okay, kaya lang wala akong pera sa ngayon eh, wala pang sweldo" aniyang nagkukuripot pang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa.
"Sige sagot ko na lahat, gusto lang talaga kitang makita" anito.
Impit na natawa doon si Aria. "Yung totoo? Ako ba ang broken hearted o ikaw?" biro niya.
Pumalatak si Jocel. "Mahal kasi kita" ang makahulugan nitong sabi kaya nakuha naman ni Aria ang ibig nitong sabihin.
"I love you too bff" sagot niyang humagikhik pagkatapos.
GAYA ng inaasahan palabas na siya ng HR Office nang mamataan si Norman na nakatayo sa lobby habang sa kanya nakatingin.
Naramdaman niya ang matinding galit at sakit na gumuhit sa kanyang dibdib. Pero gaya narin ng sinabi niya kanina kay Jocel, pinili niyang iwasan ito ng tingin saka nilampasan. Pero hindi na siya pinalayo ni Norman dahil mabilis nitong nahawakan ang braso niya kaya napigil ang mga hakbang ng dalaga.
"Mag-usap tayo please?" samo nito saka siya tinitigan ng tuwid sa mata.
Pasimpleng hinila ni Aria ang brasong niyang hawak ng dating nobyo. "Nagmamadali ako" aniyang binilisan ang paglakad.
"Please" si Norman na umagapay sa mga hakbang niya. "wala naman iyon, fling ko lang si Lara. Ikaw ang mahal ko" giit nito sa may kalakasang tono na nakaagaw sa atensyon ng ibang naroroon.
Namumula sa galit na hinarap ni Aria si Norman. "Bakit? Dahil ba hindi ako pumapayag na may mangyari sa'tin? Dahilan ba iyon para lokohin at pagluraan mo ako? Hindi na kita kailangan sa buhay ko. At kahit kailan hindi ko gugustuhin ang makasama sa buhay ang isang katulad mong manloloko!" aniya umakma itong tatalikuran pero pinigilan parin nito ang braso niya kaya mabilis na mabilis niyang pinadapo sa pisngi nito ang isang malakas na sampal.
"Sumunod ka pa, sisigaw ako dito. Sigurado kukuyugin ka ng mga tao" banta niya saka na ito tinalikuran.
"Hindi ako papayag na mawala ka sa'kin, tandaan mo iyan" galit ang nasa tono ni Norman. Nilingon niya ang binata saka siya mabilis na kinilabutan nang makita ang panganib sa mga mata nito.
Tiningnan lang niya ito ng masama saka na iniwan pagkatapos.
"MUKHANG wala siyang planong i-let go ako" ang nababahala niyang sabi saka nagpakawala ng mabigat na buntong hininga. Nasa coffee shop sila noon ni Jocel.
Nagkibit ng balikat ang kaibigan niya. "Mukha nga, pero huwag mong isipin iyon. Hindi lang niya matanggap na hindi ka naghabol at hindi mo siya pinanghinayangan kaya siya ganyan" paliwanag ni Jocel saka inilabas ang cellphone sa bag nito. "selfie tayo? Matagal na tayong walang picture together" anitong ngiting-ngiti.
Naiiling niyang pinakatitigan ang magandang mukha ng matalik na kaibigan. "Salamat sa effort" aniya.
Pumalatak si Jocel. "Para saan pa at naging mag-bestfriend tayo" anito. "o sige na, smile" anitong itinaas ang cellphone saka kumuha ng selfie picture nilang dalawa. "ia-upload ko ito sa Facebook para makita ni Allan na ikaw talaga ang kasama ko" ang kaibigan niyang humagikhik pa.
"SIR James" si Mrs. Nolasco ang babaeng sekretarya pa noon ng Papa niya.
"Yes Mrs. Nolasco?" ang binata mula sa pagkakayuko sa mga pinipirmahang papeles.
"May bisita kayo, nasa labas. Papasukin ko?" anito.
"Who?"
"Paula raw" sagot ng kanyang sekretarya.
Noon naiiling na ibinalik ni James ang atensyon sa ginagawa. "Sige" sagot niya pagkuwan.
"Wala nabang silbi itong black callibg card na ibinigay mo kaya ayaw na akong papasukin ng sekretarya mo?" ang mataray na tanong sa kanya ni Paula nang makapasok saka padabog na inilapag sa ibabaw ng kanyang working desk ang calling card.
Noon pagod na isinandal ni James ang likuran sa sandalan ng kanyang swivel chair. "Alam naman kasi ni Mrs. Nolasco na expired na iyan" sagot niya saka tinitigan ang babae.
Nanlisik ang mga mata ni Paula. "What? Pinaglololoko mo ba ako? At isa pa, sa tingin mo pwede mo akong igaya sa mga babaeng ikinakama mo ng isang buwan tapos itatapon mo lang na parang basahan!"
"I told you sa simula palang, isang buwan. Pumayag ka hindi ba?" ang malamig niyang sabi saka ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Oo! Pero hindi pwede ito! Ayoko! Akin ka lang, hindi ka pwedeng mapunta sa iba!" bulyaw ni Paula sa kanya.
Napapikit si James sa ginawing iyon ng babae. "Magkano ba ang kailangan mo? Kulang pa ba lahat ng mamahaling alahas, bags, pati narin iyong kotse na ibinigay ko sa'yo? Kumita ka naman sa'kin hindi ba? May interes pa nga kasi alam kong napaligaya kita ng husto?" ang sarcastic na tanong sagot ng binata.
"How dare you!"
Dry ang tawang pinakawalan ni James. "I'm sorry pero makakaalis kana, akala ko nagkaintindihan na tayo noong umpisa palang pero mukhang may kailangang akong linawin sa'yo" pagkasabi noon ay pinirmahan ni James ang isang blangkong cheke saka iyon iniabot sa dalaga. "marami pa akong gagawin, makakaalis kana. And please, pakiiwan nalang iyang black calling card" paalala pa nito.
Padaskol na tinanggap ni Paula ang cheke saka pinagpupunit sa harapan niya ang calling card. "Fuck you!" anitong iniwan na siya pagkatapos.
Halos magiba ang pintuan ng kanyang opisina nang ihagis iyon pasara ng dalaga. Napailing nalang si James saka pagkatapos ay nagbuntong hininga. Dinampot ang kanyang cellphone.
Ang Facebook ang nauna niyang naisipan buksan sa kagustuhang malibang kahit sandali. Pero higit pa roon ang nangyari dahil totoong nasorpresa siya nang bumungad sa news feed niya ang isang pamilyar na mukha kasama ang store manager ng isa sa kanyang mga outlet na friend naman niya sa social media site na iyon.
Coffee date with my forever best friend... Broke daw siya kaya dapat libre ko... I love you, sis...
Umasa siyang naka-tag manlang sana ang babaeng kasama ng store manager niyang si Jocel pero nabigo siya.
Hey, what a small world huh! Ang kabilang bahagi ng isipan niya saka nakangiting tiningnan ang account ni Jocel. Pero napailing nalang siya nang mapag-alamang naka-private ang friends list nito.
Sandaling nag-isip si James saka pagkatapos ay natagpuan nalang ang sariling nagta-type ng mensahe sa kanyang Messenger. Para iyon kay Jocel.
Mrs. Capistrano, please be here tomorrow morning. Isama mo iyang kaibigan mo, kailangan ko ng tao.