REDEEMING JAMES (Filipino) Chapter 12

“I’m sorry, Sasha.”

Kumurap siya at saka lang pumihit paharap kay tito Robert. Bakas ang simpatya sa mukha ng matanda nang magpatuloy sa pagsasalita, “Hindi ko rin gusto na marami siyang nilagay na kondisyon para sa ‘yo. Sinubukan ko siyang kumbinsihin na huwag iatang sa ‘yo ang mga responsibilidad na baka hindi mo naman gustong gawin. Pero hindi siya nakinig sa akin, hija.”

Napahugot siya ng malalim na paghinga at pinilit na ngumiti. “It’s okay tito. Wala na tayong magagawa pa sa laman ng testamento kasi final na ‘yan.”

Naging mataman ang titig ng matandang abogado sa kaniya. “Pero wala kang interes sa politika. Bata ka pa rin Sasha. Kahit na tumakbo ka sa eleksyon two years from now, maliit lang ang tiyansa na mananalo ka at makakapaglingkod ng isang termino. The way your father created his will, it seems like he wants to tie you down for the rest of your life.”

O puwede ring tama si mama. Baka nga ginamit lang ako ni papa para hindi magalit ang mga kamag-anak niya kapag napunta kay mama ang lahat ng kayamanang naiwan niya, mapait na naisip ni Sasha na hopefully hindi napansin ng matandang abogado.

“Salamat po sa concern niyo para sa akin mula noon hanggang ngayon tito. I really appreciate it. Aalis na rin po ako tito.”

“Sandali lang. May kailangan akong ibigay sa ‘yo.” Kumunot ang noo ni Sasha nang may dinukot na sobre mula sa attache case si tito Robert at inabot iyon sa kaniya. “Sulat ‘yan na iniwan ng papa mo para sa ‘yo.”

Sumikdo ang puso niya at nanlalaki ang mga matang napatitig sa abogado na tipid na ngumiti at tinapik ang balikat niya. “Hindi ko alam kung anong nakasulat diyan. Go now and take a proper rest. Basahin mo kapag handa ka na.”

Tumango si Sasha at humigpit ang hawak sa sobre. Pagkatapos mahinang nagpaalam na siya uli at umalis ng opisina nito.

SA SUMUNOD na mga araw, hindi pa rin nagawang buksan at basahin ni Sasha ang sulat ng papa niya. Hindi dahil wala pa siyang lakas ng loob malaman kung ano ang huling mga salita nito para sa kaniya, kung hindi dahil naging abala siya sa paglilipat ng mga gamit niya. Sa mama niya ipinamana ng kanyang ama ang mansiyon kaya nagdesisyon siyang bumukod na. Wala nang dahilan para magkunwari pa sila ng nanay niya na magkasundo sila.

Katulad ng inaasahan niya, natuwa pa ang mama niya sa desisyon niya. Katunayan kaya nagmadali siya maghakot ng gamit ay dahil ang magaling niyang ina, balak imbitahan ang mga amiga para sa isang ‘dinner party’. She felt disgusted. Hindi lang dahil ilang araw pa lang mula nang malibing ang papa niya kung hindi dahil alam niyang hindi lang basta dinner ang party na iyon. It was also during those parties when her mother invites men inside their house to have wild sex while Sasha was stucked inside her own room.

Nailipat na niya lahat ng gamit sa condominium unit niya nang tumawag ang bestfriend niyang si Hosea. Mabilis na sinagot niya ang tawag at mag he-hello pa lang sana pero naunahan na agad siya magsalita ng binata. “Are you okay? Sorry na wala ako sa tabi mo sa nakaraang mga araw, Sasha.”

Sa unang pagkakataon mula nang mamatay ang kanyang ama, may sumilay na tunay na munting ngiti sa mga labi niya. Na-touch kasi siya sa nahimigang concern at guilt sa tono ni Hosea. “I’m okay. Pero paanong nakatawag ka na sa akin? Are you back?”

“Yes. Kalalapag lang ng eroplano. Paalis na ako ng airport. Hindi ako mapakali kakaisip sa ‘yo.”

Nakaramdam ng relief si Sasha. “Hosea, gusto kitang makita. Ang dami ko sasabihin sa ‘yo.”

She sounded needy even to her ears but she didn’t care. This is Hosea, after all. Ito lang ang tanging tao na masasabi niyang kaibigan. Ito lang ang nag-iisang lalaki na hinayaan ng papa niyang mapalapit sa kaniya. Si Hosea Garcia ang pinaka espesyal na tao para kay Sasha, baka nga higit pa sa sarili niyang ama.

“Gusto rin kita makita, Sasha. Gusto kita makausap at gusto ko masiguro ng personal na okay ka. I want to cheer you up. Nasaan ka? Pupuntahan kita. Let me take you somewhere. Para ma relax ang isip mo. I know you are probably keeping all your emotions to yourself. That’s unhealthy, Sasha.”

Na-touch na naman siya at sinabi rito ang address ng bago niyang tirahan. May birthday party raw ang isang katrabaho nito at doon daw nito siya dadalhin para maaliw siya at hindi magkulong lang sa condo niya. Pumayag si Sasha kahit sa totoo lang hindi niya gusto makisalamuha sa mga taong hindi niya kilala. Ang importante kasi sa kaniya makasama at makausap niya si Hosea.

Nakasuot na siya ng simpleng long sleeved black dress at black high heels. Maayos na nakapusod ang mahaba niyang buhok at naglagay lang siya ng manipis na manipis na make-up. Bandang alas sais tumunog ang doorbell at narinig niya ang pamilyar na boses ni Hosea mula sa labas ng pinto. Sumikdo ang puso niya at mabilis na kinuha ang clutch bag niya. Bago tuluyang lumabas sa magulo pa rin niyang kuwarto napasulyap si Sasha sa naka-envelop pa ring sulat na iniwan ng kanyang ama para sa kaniya. Sandali siya nag-alangan bago hinablot iyon at maingat na inilagay sa loob ng kanyang bag. Pagkatapos lumapit na siya sa front door ng kanyang condo unit para pagbuksan ang matalik niyang kaibigan.

Nang sandaling makita niyang nakatayo si Hosea sa labas at ngitian siya nito ay may bumikig sa lalamunan niya. Gumanti si Sasha na tipid na ngiti. Ibinuka nito ang mga bisig at walang pagdadalawang isip na humakbang siya palapit sa binata at nagpakulong sa mahigpit nitong yakap. Matagal na nanatili lang silang ganoon bago masuyong bumulong ang binata sa tainga niya. “Have you cried yet?”

Humigpit ang yakap ni Sasha sa matalik na kaibigan imbes na sumagot. Pagkatapos humakbang na siya palayo rito at ngumiti. “Hindi pa ba tayo ma le-late sa pupuntahan natin?”

Bumuntong hininga si Hosea, patunay na alam nitong iniiba niya ang usapan. At dahil likas na mabait at understanding ang binata, hindi na ito nangulit pa. Basta ngumiti na lang ito, inakbayan siya at inakay na palayo sa condo unit niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.