ROXY CITY BOOK 4 (STRANGERS AND LOVERS) Chapter 4

CHAPTER THREE

Katatapos lang ng huling gabi ng performance ni Cleo sa Roxy. Napagkansuduan nila ng magpapahinga muna ang grupo dahil isang buwan ay hindi pa rin nagigising si Cassie. Masyado na silang nag-aalala para sa kaibigan. Lahat sila ay hindi na makapag-concentrate. Hindi na nila maitago ang lungkot. Cassie was the sunshine of the group. Ito ang ngiting nag-alaga sa ‘Xquizit. Kaya nahihirapan sila dahil wala ito. Lalo na si Amber.

“I never expected this tragic moment with you, Cleo. Pa’no na lang kung hindi na talaga kayo makabalik.” Ani Roxanne sa kanya. Nasa artists’ lounge sila.

Pansamantala munang mawawala ang ‘Xquizit sa Roxy City. Wala siyang maipangakong tagal bago makabalik ang grupo. Depende pa iyon kung hanggang kailan ganoon ang kaibigan nila.

“Rox, hindi pa naman final ang lahat. Babalik pa ang grupo. Isa pa, kailangan na rin ako sa studio. Natatambakan na rin ako ng delays. Ayoko rin naman mawala ang Sigwa sa’kin. Baka sisantehin na ‘ko sir Enjoy.”

Ang tinutukoy niya ay ang sikat na full-color comic series sa ilalim ng animation studio na Avilar Studio. Isa siya sa artist nito. At delay na siya ng dawalang issue runs para sa Sigwa. Isa itong Pinoy fantasy, adventure comics tungkol sa mga unwanted heroes. Young adult ang market ng naturang comics.

“You know what I mean.” Malungkot ang tinig nito. “Si Thia magpapakasal na. Kung hindi nga lang nangyari kay Cassie ‘to, eh, baka kasal na ‘yon. And knowing Seoff Munez.” Umiling ito. “Well, I don’t have anything against him but, he is a Munez. Arrogantly powerful.”

Hindi siya nakaimik. Malinaw na ang naging desisyon ni Thia na magtatrabaho na ito sa AMG kasama ni Seoff. Her friend was badly needed by the company. Nananatili pa ring may sakit ang ama nito at hindi na makakabalik sa pamamahala.

“Naiintindihan mo naman kami, di’ba?” tanging nasabi niya.

Tumango ito. “Para nang anak ang turing ko sa inyo. Nag-aalala din ako kay Cassandra. Pero naniniwala akong magigising na ‘yon. Gagaling na ‘yon. Dapat lang naman. Lourd is worried everyday. Kung minsan nga parang nahuli ko pang umiiyak. He really loves your friend.”

Ngumiti siya. Mabait si Roxanne. Dati itong sikat na modelo sa New York. Napayagpag ang karera doon dahil ito ang kauna-unahang Filipina supermodel na kinilala sa buong mundo. But she had her downfall during her time. Nakilala nito ang dating asawa na si Dymitri Roswell at umibig. Isa itong mayamang industrialist sa Italy. Nagpakasal at tinalikuran ang ngunit pagkatapos lamang ng anim na taon na nakipaghiwalay din. Nagkaroon ang mga ito ng iisang anak, Si Euan.

“Sana. Sana matapos na ‘to.” Tugon niya na tila panalangin ito.

Ilang saglit na tahimik sila pareho. Kumilos ito at kumuha ng sigarilyo sa bag nito.

Sinindihan iyon saka hinithit. She popped up the air so elegantly.

“Roxy City has been a medicine for me. Malaki ang naitulong nito para hindi tuluyang mawala ang sanity ko. My last years in Italy were hell. Sa’min ni Jeuan. I have great gratitude to you. At kay Lourd. Kayo ang nagpalaki at nagpasikat ng lugar na ‘to. But now…” Muli itong humithit ng sigarilyo. “Anong mangyayari ngayon? Ngayon pa lang hinahanap na kayo. Magtatanong ang press. It will be on news, on social media. Hindi naman kayo siguro magagalit sa’kin kung mag-alala ako sa status ng club.”

“Rox…” aniya saka lumapit dito. Inakbayan niya ito. “Mag-uusap pa naman kami.

Aalamin namin kung anong magandang gawin. But for now, talagang hindi namin kaya.” Nakakaunawa itong tumango. “Alright. Makikipag-meeting ako with all the crew.

Kakausapin ko ring mabuti si Lourd. Titingnan namin kung anong pwedeng gawin.” “Thanks.” Sabi niya at niyakap ito. She did the same.

“Sige na. Pauwi ka pa n’yan sa parents mo bukas, di’ba?” anito.

Napapaisip siyan kumalas dito. Nalaman ng kanyang mga magulang ang nangyari kay Eeli. At tama ang hinala niya na ikagugulat iyon ng kanyang ina. Tumaas ang presyon nito at naospital nang ilang araw. Mabuti na lang at naagapan. Kaya kailangang dalasan niya ang pag- uwi sa ancestral house nila dahil iyon ang hiling ng kanyang ina.

Ngunit makalipas lamang ang ilang araw ay naglayas naman si Eeli. May isang linggo na itong hindi umuuwi sa apartment. Ni hindi nito dinalaw ang kanilang ina sa ospital. Hinanap niya ito. Inalam niya ang bahay ni Adam at nagbakasaling naroon ang kapatid niya ngunit hindi daw nito alam kung nasaan si Eeli. Nagulat pa ito nang sabihin niyang hindi umuuwi ang kapatid niya.

“Aalis na ‘ko. Dadalaw pa rin naman kami dito. Tutulong pa rin kami.” Sabi niya nang tumayo siya.

“Alam ko.” Sabi ni Roxanne at sabay na silang lumabas ng lounge. Nagtuloy na siya sa back exit at ito naman ay umakyat sa Private Roxy.

Nang marating ang parking lot ay kaagad niyang hinanap ang kotse niya. Nakita naman niya iyon kaagad saka lumapit. Ngunit kaagad niyang napansin ang lalaking nakasandal doon. Hindi pa siya napansin nito. Kumunot ang noo niya. Bakit hindi nag-aalarm ang kotse?

Hindi siya kumilos. Ayaw niyang lapitan ang lalaki. Nakasuot ito ng camo cap at nakatungo. She tried to press her alarm mula sa pwesto niya ngunit hindi iyon gumana. Naroon pa ang lalaki at ni hindi kumikilos. Kinabahan siya.

‘Shit! Mukhang natyempuhan ang kotse ko.’ Galit niyang himutok pero hindi naman maisatinig iyon. Paano’y natakot siyang bigla.

Nagpaling-linga siya. May cctv ang buong parking area. Bakit walang nakakita at hindi man lang nai-report sa kanya kanina sa loob?

“May gusto lang akong sabihin sa’yo.” Anang lalaki. Natigilan siya.

“A-Anong kailangan mo?” pilit pinatapang ang tinig niya tanong. Hindi pa rin siya lumalapit. “Anong ginawa mo sa kotse ko?”

Noon ito nag-angat ng ulo at tumingin sa kanya.

“Ikaw?!” bulas niya. Muli niyang sinubukang ang alarm ngunit wala pa ring nangyari. “Ano bang problema mo?”

Umalis ito sa pagkakasandal at sa gulat niya ay binuksan nito ang pinto ng passenger’s

seat.

“Sakay.”

Hindi siya tumugon bagkus mabilis siyang tumalikod. Kailangan niyang makarating sa guardhouse. Kailangang maisumbong niya ito. Kailangang makalayo siya kay Gavin.

“Hey!” sigaw nito at para itong kidlat dahil hindi pa siya nakakalayo ay nahagip na siya nito. Binalot na siya ng takot.

“Bitawan mo ‘ko! Ano ba?!” pagpupumiglas niya ngunit mahigpit ang hawak nito braso. “Sinabi nang bitawan mo ‘ko.”

Hinarap niya itong at sinubukang tuhurin ito ngunit mabilis ang reflexes nito. Nasalag nito ang tuhod niya ng kamay nito.

“Walang mangyayaring masama sa’yo. Kakausapin lang kita.” Saad nito ngunit hindi siya naniwala. Lalo siyang nagpumiglas.

“Ano bang kailangan mo? Sige. Kunin mo na ang kotse ko. O, pati ‘tong bag ko.” Aniya at padarang na iniabot ang bag niya dito. Hila-hila na siya nito palapit sa kotse niya.

“Hindi ko kailangan ‘yan.” Sagot nito ngunit kinuha pa rin ang bag at inihagis sa loob ng kotse. Noon niya naramdaman ang pagluwag na hawak nito kaya nagpumiglas siya.

Nagsumigaw niya.

“Guard! Gua…ahmp.” Hindi na niya naituloy ang pagsigaw. Niyakap siya nitong mula sa likuran. He seized her like cloth. Mabilis nitong natakpan ang bibig niya.

“Damn it, Cleo! ‘Wag kang gumawa ng eksena. Wala akong gagawing masama sa’yo. Mag-uusap lang tayo.” Sabi nito sa may habang yakap siya. His mouth was very close to her ear. Sadyang mas malaki ito kaysa kanya dahil isang braso lang nito ang nakayakap sa ngunit samantalang nasa bibig niya ang isa. At mas malakas ito. Ang hininga niya ay naiipon sa palad nito. She felt her fainting. Hindi mahigpit ang kamay nito sa bibig niya ngunit palibhasa’y kamay

ng lalaki iyon at maliit lang ang mukha niya at umabot na sa ilong niya ang kamay nito.

She trembled. Paano nito nalaman ang pangalan niya? At hanggang sa Roxy City ay napuntahan siya nito? Sino ba ito? Totoong natatakot na siya. Ano bang kailangan ng lalaking ito sa kanya? Galit pa rin ba ito dahil sa nangyari noon? Ngunit may dawalang buwan na iyon. Ni hindi na nga niya ito naalala agad.

Hinila siya nito pabalik ng kotse. Napansin nila ang papalapit na guard. Marahil narinig nito ang pagsigaw niya. She felt a relief.

“Hoy! Ano ‘yan?” sita ng guard habang papalapit.

“Sabihin mong kakilala mo ‘ko.” Bulong ni Gavin sa kanya saka siya binitawan. Nanginginig ang buong katawan na tiningnan niya ito. He looked very gleam. Wala itong kangiti-ngiti. Na tila sinasabi nito sa kanya na delikado siya kung hindi niya ito susundin.

“Tungkol ‘to sa kapatid mo.” sabi pa nito. Natigilan siya ngunit hindi na siya nakapagtanong dahil nakalapit na ang guard.

“Miss Cleo, may problema po ba?” tanong ng guard.

“A-ahm…” nauutal siya. Nagtatalo ang isip niya kung isusuplong ito o hindi. Binanggit nito ang kapatid niya. Mukhang alam nito kung nasaan si Eeli. Hindi kaya kasama nito ang kapatid niya?

Narinig niyang nag-radyo ang guard. He was asking for additional security. Narinig pa niya ang pangalan ni Lourd. At malamang na wala pang isang minuto ay lalabas na si Lourd at Roxanne.

“O-okay lang po. Pasensya na.” aniya sabay tingin kay Gavin. “K-Kakilala ko po s’ya.

Boyfriend s’ya ng kapatid ko.”

“Sigurado, Miss Cleo?” pagtatantiya nito.

Tumango siya sabay pilit ngumiti. “Opo. Sige po. Pasensya na ulit.” Tumango rin ito. “Sige.”

Hinintay muna niyang lubos na makalayo ang guard saka galit na hinarap si Gavin.

Nakatingin din ito sa guard.

“Nasaan ang kapatid ko?” galit niyang tanong. “Ano?”

“Huwag kang magmaang-maangan. Nasaan ang kapatid ko?”

He sighed impatiently. Hindi rin kaila dito na pikon na rin ito. Base sa sagot nito ay hindi rin nito alam kung nasaan ang kapatid niya. Ngunit bakit nabanggit nito na tungkol sa kapatid niya ang sasabihin nito?

“Hindi ko alam. Sumakay ka na. ‘Wag tayo dito mag-usap.” Anito na bahagya pa siyang itinulak.

“Ano ba?” pumiksi siya. “Hindi na natin kailangang lumayo. We can talk here. Ano bang sasabihin mo?”

“Wag ka nang magmatigas. Hindi ko sasabihin sa’yo kung dito tayo. Sakay.” Anito sa may babalang tinig.

“At sinong tinakot mo-”

“Gusto mo bang malaman o hindi?” agap nito na tumaas na ang tinig.

Nagtangis ang mga ngipin niya. Naikuyom niya ang mga palad niya. Naiinis siya dahil napakapangahas talaga nito. Parang noon una silang nagkakilala. Walang mabakas na kagandahang-asal.

Nagbuntong-hininga siya at walang salitang lumulan ng kotse. Sumunod ito sa kanya. Sa driver seat.

“Paano mo nasira ang alarm ko?” she asked irritably.

“Secret.” Sagot nito. Tiningnan niya ito nang masama. Tinanggal nito ang suot na cap. “Wag kang mag-alala. Hindi sira ‘yan. Ini-unlock ko lang.”

Ngumiti ito ngunit inismiran niya ito. Saka padabog na sumandal at nag-iwas ng tingin.

Hindi nakaligtas kanya ang kakaibang epekto ng ngiting iyon sa kanya.

‘Saan nanggaling ‘yon?’ paghuhurumintado ng utak niya.

Nang marinig niya ang makina at hinayaan na lang niyang umalis sila sa Roxy.

“Hindi ako naniniwala sa’yo!” mangiyak-ngiyak na sigaw ni Cleo. “Hindi ‘yan kayang gawin ng kapatid ko!”

“Totoo ang sinasabi ko.” Mahinahong saad ni Gavin. Nakatayo ito malapit sa kanya.

Nakatuon ang kamay sa bubong ng kotse. “Oh, no…” anas niya

Tuluyan na siyang napaiyak. Hindi dahil sa awa kundi dahil sa galit. Hanggang saan ang kayang gawin ni Eeli parang saktan sila ng ganito? Ano bang kasalanan nila dito? Bakit ganoon na lang ito sa pagsira sa sarili nitong buhay?

“Malaki ang utang n’ya kay Darren. Hindi s’ya titigilan ng mga ‘yon kung hindi pa s’ya magpapakita. Seventy thousand pesos. Hindi birong halaga ‘yon.” Sabi pa nito saka sumandal.

Daig pa niya ang pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa sinabi ni Gavin. Parang lumutang siya sa kawalan at parang lumaki ang ulo niya nang malamag involve si Eeli sa illegal transactions ng ipinagbabawal na gamot. Pusher daw ito ayon kay Gavin. At si Darren daw ito kumukuha ng mga ibebenta.

Paanong nasangkot sa ganoon si Eeli? Saan nito dinala ang pera? Gumagamit rin ba ito ng bawal na gamot?

Para siyang nanlamig sa isiping iyon. Napuno ng awa at takot ang kalooban niya para sa kapatid. Nasaan ito? Paano kapag nahanap ito nina Darren? Baka kung mapaano pa ito. Baka kung? Ayaw na niyang isipin ang iba.

“Kailangang mahanap mo ang kapatid mo. Hindi ko naman alam na naglayas s’ya. Kung alam ko lang, eh ‘di sana ako nang nagbalik sa kanya sa’yo. Siguro kaya n’ya ginawa ‘yon para hindi ka na madamay. Pinaghahanap na talaga s’ya nina Darren eh.”

Hindi siya tumugon. Nakatungo lang siya habang hawak ang sariling noo. Hapung-hapo na nakapatong ang siko sa hita niya.

Hindi sila lumayo ni Gavin. Nasa isang bakanteng lote lang sila. Nakaupo siya sa kotse niya at bukas ang pinto. Paano niya sasabihin sa mga magulang niya ang tungkol sa nalaman niya? Baka matuluyan na ang mama niya. Paano kapag nagtagal na wala ito? Mag-aalala na sila. Baka mapahamak na ito.

Naramdaman niya ang paglapit ni Gavin. Tumingkayad ito sa harap niya. Tiningnan niya ito. His eyes were blank. Wala ang panunuya. She also did not sensed danger in that look. Kung sana lamang ay kayang niyang mapatunayan na totoo ang kabutihang nasalamin niya sa mga matang iyon.

“Susubukan namin ni Basty na hanapin ang kapatid mo.” Sabi nito.

Napatitig siya dito. Kinuha nito ang kamay niya mula sa noo niya at hinawakan iyon. Lihim na napasinghap si Cleo. Nagulat siya sa ginawa nito. At kasabay ng gulat na iyon ay ang kakaibang sensasyon na bumalot sa kanya. Anong naisip nito ang hinawakan siya nito?

Mabilis niyang binawi ang kamay. She felt scared. Hindi dahil mapanganib iyon. Kung hindi dahil parang nagustuhan niya ang sensasayong sumaklob sa kanya. Bumilis ang tibok ng puso niya. Nakaramdam din siya ng ilang. He was a stranger. Hindi siya dapat maniwala at magtiwala dito.

Nagbaba ito nang tingin saka tumayo.

“Ihahatid na kita.” Sabi nito. Gusto niyang magprotesta ngunit dahil tila nanghihina siya ay hinayaan na lang niya itong mag-drive para sa kanya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.