CHAPTER FOUR
Mula sa sketch pad ay napaangat ang tingin ni Cleo nang marinig ang ingay ng paparating na sasakyan. Binitiwan niya ang hawak na stylus sa kanang kamay at lapis sa kaliwa. Saka tumayo at lumabas ng tree house.
Nakita niya ang pagparada ng isang itim na Hummer sa kanilang garahe. Mataas ang kinalalagyan ng tree house niya. Nasa gilid lamang iyon ng bahay nila. Nakita niya ang bumaba mula sa sasakyan. Si William Santiago.
Nagbuntong-hininga siya saka muling pumasok at inayos ang nagkalat na drawing tools pati ang kanyang laptop. Kailangan niyang bumalik sa bahay dahil kung hindi pa siya kikilos ay ito pa mismo ang pupunta sa kanya doon. Sigurado siyang nakarating na dito na umuwi siya sa kanila sa Bulacan kaya dumating ito.
Kababata nila ni Eeli si William o Liam. Panganay na kapatid ito ni Darren at matanda ito sa kanya ng isang taon. Tulad niya, ito ang itinuturing na achiever sa magkapatid na Santiago. Mabait ito at masunurin. Sa edad na bente-sais ay isa nang lisensyadong chemist. At hindi tulad ni Darren, ito ang napipisil ng ama nito na pumalit dito sa pagiging alkalde ng bayan nila. Wala na kasing balak tumaas ng posisyon ang kanyang ina dahil na rin sa kalusugan nito.
“Cristina.” Tawag nito sa kanya. Kabababa pa lang niya mula sa tree house. Bumuga muna sa siya ng hangin bago humarap dito at ngumiti.
“Hi, Liam.” Aniya habang papalapit. Kagad siyang niyakap nito.
“Kumusta?” Anito saka umakbay sa kanya nang pakawalan siya nito. “Laki mo na ah.”
Iniiwas niya ang sarili sa akma nitong pagkutos sa kanya. “Ano ba ‘yan? Kung makaano ka parang uhugin pa rin ako.”
Kumalas siya dito at nagsimulang maglakad. Nag-uumpisa na siyang makaramdam ng pagkailang. At ayaw niyang i-entertain ang pakiramdam na iyon. Baka iba ang maipahiwatig niyon kay Liam.
Alam niyang nakasunod si Liam sa kanya hanggang makapasok sila sa loob ng bahay. Nakita niya ang kanyang mama. Ngumiti ito ngunit alam niyang hindi para sa kanya ang ngiting iyon.
“O, Liam!” nasisiyahang sabi nito nang mapansin marahil ang binata likuran niya. “Hi po, Tita. Kumusta na po kayo?” Anang tinig ni Liam.
“Okay na ‘ko. Salamat.”
Tumuloy siya sa dining area. Nadatnan niya si Lani doon. Sampung taon na nila itong kasama sa bahay. At parang wala nang balak ang kanyang ina na palitan ito. Sadya naman kasi ang bait nito at magaling sa paninilbihan. Para na ring nakakatandang kapatid ang turing niya ito.
Nakahanda na ang mesa. Palibhasa’y pananghalian na. “Ate, ano niluto mo?”
“Pesang tilapia at saka nilagang baka.” Nakangiti nitong tugon.
“Wow.” Aniya. Paborito niya ang naturang ulam. Madalas iyon ang ipaluto niya sa tuwing uuwi siya.
“Dito ka na kumain.” Anang kanyang mama na si Liam ang kausap.
Narinig niya ang pagtawa ni Liam. Pasimpleng umangat ang kilay niya habang naghahalungkat sa nakabukas na refrigerator. Isang natural na gesture ni Liam ang tumawa lamang kapag hindi makatanggi. He was too nice to be rude. At alam niyang may mas malalim na dahilan kung hindi ito tumanggi.
“Cristina, tawagin mo na ang papa mo. Sasabay sa’tin si Liam.” Utos sa kanya ng kanyang ina.
Umakyat siya sa ikalawang palapag. Nilakad ang hallway patungo sa open living area na karugtong ng kanilang terrace. Naroon nakaupo sa rattan na arm chair ang kanyang ama at panay ang tipa sa manikilya nito. Napangiti siya. Hindi talaga ito na-engganyong gumamit ng laptop.
“Papa, kakain na.” aniya habang papalapit dito.
“Sinong dumating?” tanong saka tinanggal ang suot nitong eyeglass. Tumingin ito sa
kanya.
“Si Liam.”
Naupo siya sa tabi nito saka tiningnan ang tinitipa nito. “Dissertation? Na naman?”
Kasalukuyang nagma-masters sa history ang kanyang ama sa Della Salle University. Pinagsasabay nito ang pagtatrabaho sa pag-aaral. May balak yata itong mag-historian at Philippine History ang gustong kalkalin. Lalo na daw ang tungkol sa mga anting-anting at agimat. Siya, bilang artist ay naiintindihan niya ito. Ngunit ang kanyang ina na isang analytical na tao at praktikal pa ay umiling na lang nang sabihin ng papa niya ang tungkol doon.
“Tatanggapin pa ba ang typewritten ngayon? Print-print na uso ngayon, Pa.” nakangisi niyang tanong dito.
“Ikaw naman magta-type nito sa computer ko.” anito na nagkibit pa ng balikat.
“Nyek! ‘Yoko nga. Si Papa talaga. Mag-aral kasi kayo sa keyboard.” pagpoprotesta niya. Tumawa ito. “Not my cup of tea.”
“Kaya kayo napag-iiwanan.” Aniya. “Old things are precious.”
Umismid siya. “But new things are hope, beginnings, and maybe a source of happiness.”
Muli itong tumawa. “Masyado ka talagang argue sucker pagdating sa’kin. Anong
ulam?”
She rolled her eyes. “Kasi ang weird n’yo. Pesang tilapia. Favorite natin.” Tumango ito saka nagbuntong-hininga. “Kinontak ka na ng kapatid mo?” Mabilis na nag-isip si Cleo. Paano ba niya sasagutin ang tanong na iyon? “H-hindi pa, Papa.” Tugon niya sa tila guilt na paraan.
Pumikit ito at hinilot ang sariling sentido. Alam niyang sa kabila ng galit nito kay Eeli ay nag-aalala pa rin ito sa kapatid niya.
“Pa, tatawag din ‘yon. Baka nagpapalipas lang ng bad trip ‘yon. Gano’n naman talaga si Eeli.” Sabi niya.
“Hindi ko na alam ang gagawin sa kapatid mo. Iniisip ko kung saan at paano kami nagkulang ng mama mo. Pantay naman ang pagtingin namin sa inyo. I know sometimes she feels pressured dahil naniniwala s’yang bobo s’ya pero hindi ako naniniwala do’n.” Puno ng lungkot nitong sagot.
“Baka mali lang tayo ng approach kaya name-misinterpret n’ya.”
Sa totoo ay hindi na rin niya alam ang sasabihin para i-justify ang ginagawa ni Eeli. Mas dapat na makausap niya ito para malaman niya mula dito kung ano talagang problema nito.
“Halika na.” Sabi ng papa niya saka tumayo. “Pa-”
Hindi na niya nagawang sabihin ang balak dahil tuluy-tuloy na itong pumasok sa living area. Napilitan siyang sumunod. Hindi pa rin niya ang nasasabi sa magulang niya ang tungkol
kay Eeli. Alam na ng mga ito na naglayas ito. Ngunit ang tungkol sa sinabi ni Gavin ay hindi pa niya ipinapaalam. Hindi kaya ng konsiyensya niya. Iniisip niya ang maaaring kahinatnan kung sasabihin niya. Maaaring tuluyan nang ma-stroke ang kanyang ina at hindi na matapos ang termino nito. At baka pati ang mga kanyang ama ay maging sukdulan ang galit kay Eeli. And worst thing occurred, her father might jail her sister. Alam niyang hindi magdadalawang-isip ang kanyang ama na gawin ang tama.
Hanggang makabalik sa kumedor at dala-dala na ni Cleo ang isiping iyon. Nakita nila na nakaupo na ang kanyang mama at si Liam. Masayang nagkekwentuhan ang mga ito.
Saglit na iwinaglit na muna ni Cleo ang tungkol sa kapatid niya. Makakahanap din siya ng tamang pagkakataon.
Napatingin siya kay Liam. Naisip niya ito. Alam kaya nito ang mga aktibidad ni Darren?
Nakakarating kaya sa mga ito ang mga over the top na kalokohan ng bunsong Santiago?
‘Sabihin ko kaya kay Liam?' tanong ng isip niya na kaagad din naman binawi.
Mas mahirap kung si Liam ang makakaalam. Baka maalarma ang buong bayan nila kapag ito ang kumilos. Ipapahanap nito si Darren pati na ang kapatid niya. At makakarating iyon sa mga magulang niya.
“Good noon po, Sir.” Bati kaagad ni Liam at tumayo pa. Ngumiti naman ang kanyang
ama.
Hindi na naalis ni Liam ang ‘Sir’ na pantawag sa kanyang ama dahil matagal nitong naging guro ang kanyang ama.
“Aba’y sadyang loyal itong panganay ni Levi. Tanghaling tapat, eh, nanliligaw.” Saib ng kanyang ama.
Tumawa ang kanyang ina. “Miguel, tumigil ka nga at napapahiya itong si Liam.”
Tinignan niya si Liam. Tahimik ito ngunit nakangiti. Patago niyang inilabas ang pag- ismid. Gusto niyang magprotesta dahil tila nagugustuhan ni Liam ang panunudyo ng kanyang ama. Na parang iyon ang paraan nito upang makaporma sa kanya.
She has nothing against Liam. Gwapo ito. Matangkad at matipuno ang pangangatawan dahil sa paglalaro ng soccer. Matalino at achiever na gaya niya. Mabait. Sa makatuwid, ideal guy. Maaaring pinagkakaguluhan ito ng maraming babae lalo na sa lugar nila ngunit hindi siya kasama sa mga babaing iyon. Wala siyang pagtingin dito. Kaibigan, kababata at para na rin kapatid ang turing niya dito.
“Nagtext po kasi si Tita. Sinabi n’ya na dumating si Cristina kaya nagpunta ako dito.
Matagal na rin kasi no’ng umuwi siya dito.” Maya-maya’y tugon ni Liam.
Narinig na lang niya ang pagtawa ng kanyang ina at nagpatuloy ang mga ito sa pagkekwentuhan at pagkain. Manaka-naka siyang nakikihalo upang hindi mapansin ng mga ito na hindi siya nag-eenjoy. Nirerespeto niya si Liam bilang kaibigan. At naiintindihan niya kung pabor man ang mga magulang niya sa pagliligaw nito sa kanya. Ngunit hindi niya kayang suklian ang ipinapahayag nito.
Kung sana ay magawa na niyang sabihin sa mga ito ang katotohanan tungkol kay Eeli. Ilang gabi na siyang ginugulo kung nasaan na ito at kung ligtas nga ito. Hindi ito hinahanap ng mga magulang niya dahil malaki ang tampo ng mga ito dito. Na matuto daw itong umuwi kung naglayas ito. Nagagawang tikisin ng mga ito ang anak dahil walang alam ang mga ito sa totoong nangyayari dito. Parang gustong manlumo ni Cleo. Nalilito na siya. Ayaw niyang maglihim sa kanyang magulang. Ngunit ang katotohanang ding iyon ang maaaring magpahamak sa mama niya.
Isa pa ay gusto niyang magtiwala kay Eeli. Gusto muna niyang makausap ito at malaman ang totoong saloobin nito. May bahagi pa rin niya ang hindi naniniwala kay Gavin. Mahal niya ang kapatid niya at panghahawakan niya ang gahiblang pag-asa na maiayos niya. Kaya kailangan niyang magtiwala kay Gavin sa sinabi nitong hahanapin ang kapatid niya. Sana nga lang ay mahanap na ito sa madaling panahon.
Hanggang sa matapos ang tanghalian at lumipat sila sa terrace na kasama pa rin si Liam ay ginugulo pa rin si Cleo ng pag-aalala para kay Eeli. Panay ang sulyap sa kanya ni Liam. Marahil na napapansin siya nito. Ngunit hindi naman iton nagtanong sa kanya. Na ipinagpasalamat niya dahil wala siyang balak na sabihin dito ang lahat. Nahiling na lamang niya na sana ay ligtas si Eeli.
Napatuwid ng upo sa passenger’s seat si Gavin nang makita si Cleo na lumabas ng Roxy
City.
“Mukhang hindi pa rin bumabalik si Eeli sa kapatid n’ya. Pa’no ‘yan, P’re?” ani Basty sa tabi niya. Kasama niya itong nagbantay sa labas ng Roxy upang makita si Cleo. Dalawang buwan na nilang minamatyagan ang dalaga.
“Wala tayong magagawa kundi sumunod kay Darren. Kailangan nating sabayan ang trip n’ya para madikitan s’ya.” Sagot niya na kay Cleo pa rin ang mga mata.
Sumakay sa bukod na kotse ang lalaki habang magkasama sina Cleo at ang babae sa bukod na kotse. Magkapanunod na umalis ang mga ito.
“Sundan natin.” Aniya at pinaandar ni Basty ang kotse nila. Kailangang hanggang bahay ay sundan nila ito.
“Alam mo, P’re. Hindi ko talaga magets kung bakit kailangan nating gawin ‘to. Biglang- bigla kasangga na natin si Darren at sumusunod pa sa mga trip n’ya.” Himig naghihimutok na sabi ni Basty.
“Kailangan nating masigurong hindi magagalaw ni Darren si Eeli.” Sagot niya.
Tinutumbok ng kotse ni Cleo ang papuntang Cubao. Malamang na pauwi na ito.
“Pa’no magagalaw ng gagong ‘yon si Eeli eh, hindi nga natin alam kung nasaan. Biruin mo. Dalawang buwan na tayong buntot ng buntot sa kapatid n’ya. Eh ni anino ng Eeli na ‘yan wala naman.”
Nagbuntong-hininga siya. Totoong nakakabagot na ang ginagawa nila. Pero kailangan nilang gawin iyon. Sinabihan sila ni Darren na sumabaybayan si Cleo dahil baka magpakita si Eeli dito. Hindi ito titigil hangga’t hindi nito nakakaharap ang huli.
He would admit he never wanted to follow Darren’s lead. Lalo na’t nalaman niya ang gawain nito. Aminado siyang marami siyang kalokohan. Sila ni Basty. Lumaki siya sa kalye. He was exposed to bad things and sometimes bad people. Ngunit hindi sila tulad ni Darren na sukdulan ang paggawa ng hind maganda. May dahilan siya kung bakit niya nagagawang mag- aksaya ng pera niya na hindi naman niya itinuring na kanya.
“Si Cleo ang nag-iisang kamag-anak ni Eeli dito.” Sabi niya. “Eh, pa’no kung sa parents umuwi?” Ani Basty.
“Hindi ‘yan. Nararamdaman kong hindi maganda ang relasyon ni Eeli sa mga ‘yon. Kaya nga mukhang pinagtitiyagaan ng kapatid n’ya.” Sagot niya.
God feel niya iyon. Nang makilala niya si Eeli sa race ay kaagad siyang nakaramdam ng bitterness mula dito. Hindi niya lubos na matanto ngunit tila hindi naiiba ang sitwasyon nito sa
kanya. Alam niyang may dinadala din ito. Idagdag pa ang nakita niyang eksena na nag-aaway ito at ang kapatid nito.
Nakarating sila sa Cubao sa pagsunod kina Cleo. Nakita nilang bumaba ang kasamang babae ni Cleo at nagpaalam dito. Saka umalis mag-isa si Cleo. Muli nila itong sinundan. Ilang bloke lamang mula sa tinigilang nito ay humimpil ito. Nasa apartment na nito si Cleo. Inihinto ni Basty ang kotse nila hindi kalayuan sa bahay.
Bumaba si Cleo at binuksan ang maliit na pinto ng gate nito. Pumasok at ilang segundo lamang ay bumukas ang malaking gate. Saka muling lumabas si Cleo at sumakay sa kotse at muling pumasok.
“Magkamukha sila ni Eeli sa magkaibang paraan ‘no?” Ani Basty. Kunot ang noo siyang napalingon dito. Tumingin ito sa kanya.
“Pa’no ‘yon?” tanong niya.
Umangat ang balikat nito. “Visually maganda si Eeli. Mas matangkad pa. Pero mas maputi ‘yong ate. At mas malakas ang alindog. At saka parang ang sarap magmahal ni Cleo. O dahil kasi ombre ang hairstyle n’ya.”
“Anong ombre?”
Tumawa ito. “Hindi mo alam?”
Tiningnan lang niya ito at tila nakuha naman nito ang gusto niyang sabihin. Tumingin ito sa bahay. Nasa loob na si Cleo noon.
“Yong kulot n’yang buhok tapos sa ilalim lang ang may kulay. Gano’n.” Anito. He said nothing. Wala siyang naintindihan sa sinabi nito.
“Palibhasa kalbo ka kaya hindi mo alam.” Sabi nito. He glared at him. Nag-peace sign ito. “Bati tayo. Pero maiba ako. Trip mo ba si Cleo?”
“Hindi.” He said simply. Tumawa na naman ito. Nagsimula na siyang mairita.
“Basty, wala akong gusto sa kanya. Gusto ko lang silang protektahan. Alam mo namang hindi sila bubuhayin ni Darren kapag nagkataon. Malaking pera ang itinakbo ni Eeli.”
Nagbuntong-hininga ito. “Hindi mo sila kaanu-ano. Bakit gano’n na lang ang concern mo sa kanila? Umamin ka na lang. Si Eeli o si Cleo?”
Na-frustrate siya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon si Basty sa kanya. “Wala
nga.”
“Kasi ako mas trip si Eeli…lang’ya! P’re sina Darren!” ani Basty.
“Shit! Tara!” Bigla siyang kinabahan at tila kidlat na umibis ng kotse saka sinugod ang bahay ni Cleo.