ROXY CITY SERIES 1 (MARRY A SONG) Chapter 3

Isang tipid na ngiti ang isinagot ni Jared sa pinsang si Lourd nang makita siya nito. Pinuntahan niya nito sa studio nito sa Taft. Abala ito sa recording session ng artist ng LinkMusic, ang record label na pag-ari nilang dalawa. Ngunit mas active si Lourd sa pamamahala dahil sa dami ng commitment niya bilang city councilor. Pinsan niya si Lourd sa ina. Panganay na kapatid ng kanyang ina ang ama nito.

“Billiards tayo.” Saad niya nang makaupo sa isang fabric chair sa gilid. Nilingon siya ng kaibigan ngunit muli ring hinarap ang consule at may sinabi sa assistant nito.

“Maaga pa.” Sabi ni Lourd habang papalapit sa kanya. “Sermunan muna kita.”

Jared sighed. “Lourd, I’m sorry.”

“Hindi ka dapat sa’kin nagso-sorry.” Sabi nito at naunang lumakad. Ngumiti siya sa mga taong naroon at kumaway pa sa lalaking nasa loob ng studio bago sumunod kay Lourd.

“Magaling talaga sina Euan.” Komento niya nang makapasok sila sa opisina. Naupo ito sa likod ng mesa nito at siya naman ay may conference table malapit dito.

“Wag mong ibahin ang usapan. Kapag nawalan ako ng magaling na composer suntok abot mo sa’kin. Galit na galit sa’yo si Kathryn.” Tugon nito.

“I’m sorry. Nabigla ako. May hangover ako no’n eh. Sinungitan pa ‘ko.” He said.

“Nasa Roxy s’ya bukas. ‘Punta ka. Mag-sorry ka. Mabuti na lang napakalma ko. At mabuti rin na kaibigan ko ‘yong tao kundi sira ka na, councilor.” sabi nito.

“Ilang beses ba ‘ko magso-sorry? Alam mo naman kung bakit ako nagkagano’n.” Sabi niya. Umismid si Lourd.

“No.” Tugon nito. “Hindi ko gets, pinsan. Pinapunta kita do’n para mag-isip. Pinatulog kita sa kwartong ‘yon para mawala ang inis mo sa lolo mo hindi para awayin ang mga tao do’n. Damn, si Kathryn pa ang inaway mo. Eh, bilang ang araw na nagagalit ‘yon.”

Napangiwi siya sa sinabi nito. Aminado naman siya sa kanyang nagawa. He had been rude to Kathryn. Naibuhos niya sa dalaga ang init ng ulo niya dahil sa kanyang lolo.

Matindi ang naging sagutan nila ng kanyang lolong si Emilio de Veyra noong araw na iyon. Pinipilit siya nitong mag-file ng candidacy para sa tumakbo bilang senador. Tinanggihan niya iyon. Wala pa siyang balak umakyat ng pwesto. Marami pa siyang plano bilang konsehal. At para sa kanya ay kulang pa ang karanasan niya sa pulitiko. He was still young. Ngunit masyadong nagmamadali ito. Mas magiging malawak daw ang jurisdiction niya kung senador na siya. Mas madali daw niyang matutupad ang mga programa niya kung nasa senado na siya.

“Seriuosly, badtrip si Kathryn sa’yo.” Ani Lourd.

He thought of Kathryn. She was striking with appeal. Hindi niya malaman kung may dugong banyaga ito dahil sa kutis nito. She was slim but sexy. Hindi iyon nakaligtas sa kanya kahit na naka-jeans ito at nakablazer. Short sleeve man iyon. The fitting said it all. Her eyes were small but fitted to her face features. Manipis ang labi at hindi man katangusan ang ilong ay bumagay naman sa pagiging sa hugis ng mukha nito. And her porcelain skin? It was perfect. Lalo pang lumitaw ang kutis nito dahil sa kulay pula nitong buhok. It was perfectly dyed. Sana’y nagkakamali siya na may lahing Korean ito dahil pakiramdam niya ay nauumay siya sa Korean invasion ngayon sa bansa.

“Natahimik ka na.” ani Lourd sabay pitik ng daliri sa harap niya. Napakurap siya at tumingin dito. “Iniisip mo s’ya ‘no.”

He sighed. “Iniisip ko kung paano hihingi ng dispensa sa kanya. Lupit mo kasing mangonsyensya.”

“Mali ka naman talaga. You should be really thankful mabait na tao ‘yon. At may kontrata s’ya. She’s our gem, Jared. Malulupit ang mga kantang ginagawa no’n kaya kapag nawala s’ya sa’tin, may upak ka talaga.” Sabi nito.

“Fine, fine, heto na nga magso-sorry na. Kung makapagsalita ka naman parang girlfriend mo ‘yong tao. You like her, ‘no?” aniya at naumid ito. Tinawanan niya.

“See? Tama ako.” Dagdag pa niya.

“Ulol, hindi. Intindihin mo ‘yang problema mo sa lolo mo.” sabi nito.

Nagmula sa pamilya ng mga de Veyra si Ramon Jaime o mas kilala ng lahat na Jared. Ang kanyang lolo na si Emilio de Veyra na isang senador ay galing sa pamilya ng mga pulitika sa Leyte. Nagsisilbi ito ngayon sa huling termino nito. Bukod sa pulitika, pag-aari rin ng pamilya niya ang malaking restaurant chain sa bansa. Si Donya Conchita Perañez-de Veyra na kanyang lola ay isang pamosong chef. Ang Conchita’s ay ang may limampung taon nang restaurant at may sampung branches na ito. Bukod pa sa limang branch nito sa mga probinsya. Idagdag pa sa bilang ang dalawang malaking branch sa Leyte. Ang kanyang mga ama na si Joseph de Veyra na hindi nimana ang hilig sa pulitika ng ama nito ang namamahala ng negosyo dahil isa itong magaling at sikat na celebrity chef. Isa namang adobago ang kanyang inang si Alaina Fortes-de Veyra.

It was a bundle of comfort being him. Kung ang estado at pinansyal na aspeto ang pag-uusapan. He was born wealthy. Lumaki at nakapag-aral nang mariwasa. He was provided more than enough. Both his mother and father loved him unconditionally. Palibhasa’y nag-iisang anak dahil nagkaroon ng problema sa kalusugan ang kanyang ina noong dalawang taong gulang siya dahilan upang hindi na ito maaaring magka-anak.

Palibhasa’y apo ng isang de Veyra, siya ang napagtutuunan ng pansin ng lolo niya na hubugin upang sumunod sa mga yakap nito. Nasa ikalawang termino na siya bilang city councilor. At sa malao’t madali ay tatahakin na rin niya ang landas ng kanyang lolo Emil.

Hindi na rin mabilang ang mga achievements at recognition na kanyang natatanggap. He initiated various programs and projects. Lalo na para sa mga kabataan. He was the public image of the present youth. Palibhasa’y nasa bracket ng mga batang pulitiko sa edad trenta. At siya ang kasalukuyang ambassador ng mga kabataan ng isang international organization. At ilang beses na siyang naging representative ng bansa.

His professional comes with fame. Tulad ni Lourd na dating sikat na vocalist ng isang rock band noon late-nineties. Hindi na nga lamang ito active dahil na-disband na ang banda nito. Lourd became a businessman and a producer.

He was treated like a celebrity. Palibhasa’y dating modelo. Madalas na may nakakakilala sa kanya saan man siya magpunta. And he was often asked and offered to do movies. Bakit daw hindi niya subukang maging politician-actor o ituloy ang modeling. Ngunit pulos iling ang tugon niya sa mga ganoon. Hindi siya ipinanganak upang maging artista. Mas gusto niyang pagsilbihan ang bayan at maging mabuting ehemplo tulad ng kanyang lolo Emil. Ngunit nasasakal siya dito. Masyado itong nagmamadali. He hated it.

“Nape-pressure na ‘ko. Lalo pa ngayon, may sakit na si lolo.” Aniya kay Lourd.

Kumuot ang noo nito sandali halata ang pagkagulat. “What? Anong sakit? Since when?”

He sighed sadly. “Coronary heart disease. I was surprised myself. Na-diagnose na pala s’ya last year pero wala silang sinasabi sa’kin. Ang sabi daw ng doktor over stressed. At saka ang paninigarilyo n’ya noon kahit itinigil na n’ya. Pwedeng ngayon lang nakikita ang effect no’n.”

Lourd sighed. “Nakakagulat naman. Ilang taon na s’ya?”

“Sixty-five.”

“Uncle Emil is strong. ‘Wag kang mag-alala. Kaya n’ya ‘yan.” Ani Lourd.

“I know. Kaso panay ang kulit sa’kin. Kailangan ko na daw maging senador. Naiinis ako. Parang minamadali n’yang mamatay. And he wanted me replace him.” Tugon niya. Kumunot muli ang noo nito tanda ng pagtatanong.

“Handa ka na ba?” Anito.

Nagulat nang sabihin sa kanya ng senador isang gabi na nakasabay nila ito sa hapunan. Tulad ng nakasanayan ay pulitika ang sentro ng usapan nila nang biglang banggitin ng senador ang tungkol sa sakit nito. He was shocked. Iyon ang naging simula ang ilang araw nilang sigalot.

“I don’t know. It’s…” naguguluhan niyang sabi.

“Kaya pagbibigyan.” Gagad nito.

“Syempre hindi pa…siguro. Oh, Come on. I’m sure naiintindihan mo ‘ko. I hate-”

“Yeah, I know.” Agap nito. “You’re always the Mr. Nice Guy. Hindi nagagalit, hindi natatampo. Always calm, smiling. Hindi marunong tumanggi. Pero nagawa mong awayin si Kathryn.”

“Ginagawa ko lang ang tama. At isa pa, hindi ko sinasadya ang nangyari sa’min ni Kathryn.” Tugon niya.

Nagkibit-balikat lamang ito. “When will you do this one thing against the will of everybody? Lalo na ng pamilya mo. That it would be like…will ruin you.”

“Oh, don’t say that. Hindi mangyayari ‘yon. Alam mo ‘yan.” Iling-iling niyang saad. Muling tumawa ang pinsan niya.

“How about love?” bigla ay tanong nito.

“Anong tungkol do’n?” balik-tanong niya. Muling itong tumawa.

“What if you fall in love with a wrong woman?”

Noon siya naman ang napatawa. “There’s no wrong one in love. Kung nakita mo na ang nakalaan para sa’yo. That’s it. Hindi ba?”

“At hindi ‘yon nangyari kaya naghiwalay kayo ni Marigold?” Si Lourd. Natitigilan siyang napalingon sa pinsan. Kasunod ng pag-iwas ng tingin.

Marami na siyang nakarelasyon. At lahat iyon ay maaari niyang sabihing seniryoso niya. He never played around with women. He was a one woman man. Hindi tulad ni Lourd na parang charity. Mapagkawang-gawa sa mga babae.

He devotes this time in his relationship. Humantong pa nga sa muntikan na niyang pakikipag-live-in. It was Marigold. They were madly in love with each other. Hindi sila mapaghiwalay noon. Araw-araw, gabi-gabing nasa unit niya si Marigold. They did so many private moments. They were like honeymooners. Marigold turned his life upside down. Ito na marahil ang pinakamalambing na babaing nakilala niya. Hanggang sabihin nitong gusto na nitong magsama sila kahit walang kasal. Ngunit noon din ay nag-uumpisa lamang siya sa pulitika at bata pa tulad nito. So he refused. It was against the will of his blooming career. Bukod pa sa katotohanang hindi papayag ang kanyang pamilya. Iyon ang simula ng problema. Nagsimula ang pag-aaway nila. Then Marigold changed. Naging abala rin naman siya kaya hindi na niya namalayan na nawala na ang init ng pamamagitan sa kanila. That the love was melting like lighted candle. Marigold said goodbye. Wala na siyang nagawa.

“Kailangan bang pag-usapan natin s’ya?” tanong niya kalaunan dito. Umiling ito.

“Naisip ko lang na kaya mong isakripisyo ang kaligayahan mo para lang sa tama. You’re not perfect, Jared.”

“Alam ko.”

“Then feel free. Masyado kang fan ng ‘Dapat Laging Tama’ movement.” Anito.

He snorted. “Tapatin mo na ‘ko, Lourd.”

“You need to loosen up. Hindi mo kailangang ituring na serbisyo ang lahat ng tao, lahat ng bagay. Parang gusto mo palagi ibang tao ang masaya. You need something for yourself. Just like when you and Marigold were together. Noon lang kita nakita na ikaw talaga. That you’re not in hell care to what others will say.” Mariing saad nito.

“Hindi ako katulad mo. I’m not as adventurous as you. And I’m good at this. Please, ikaw lang ang nag-iisang taong nakakaintindi sa’kin. Can we-”

Sabay silang napalingon nang biglang bumukas ang pinto at sumungaw ang isang staff. Humahangos ito at tila nag-aalala.

“Sir Jared, may sumisira po sa kotse n’yo.” Sabi nito.

“What?” gulat niyang tugon at mabilis silang lumabas upang tingnan ang nangyari.

“Kathryn!” narinig niya ang malakas na tinig ni Lourd. Nilingon niya ito at nakitang kasunod nito ang maang na si Jared. Napangisi siya. Saka niya itinuloy ang pagbasag sa salamin ng likurang bintana ng kotse ni Jared de Veyra.

“What the hell are you doing?! Dammit! Ano ba?” galit na galit na saway sa kanya ni Jared at tinangka pang agawin ang baseball bat na gamit niya.

“Kat, ano ba ‘to?” lukot ang mukhang tanong sa kanya ni Lourd na panay rin ang lingon sa kawawang kotse ng pinsan nito.

“Sinisira ko ang kotse ng pinsan mo.” ngalit niyang sagot sabay bawi sa bat at muling inihampas iyon sa kotse. Umakyat pa siya sa ibabaw noon at pinaghahampas ang bubong noon. Hindi magkamayaw ang magpinsa sa pagsaway sa kanya.

“The hell! Stop it! Ano bang kalokohan ‘to?” sigaw ni Jared. “Lourd, ito bang sinasabi mong mabait? Eh, sira-ulo yata ‘yan!”

“Kathryn, bumaba ka d’yan.” Pilit ang hinahon na tawag sa kanya ni Lourd.

Hihingal-hingal siyang tumigil at mula sa ibabaw ng kotse ay tiningnan niya ang mga ito. She saw how Jared’s face bristled with anger and madness. Ganoon din si Lourd ngunit mas nakikita niya ang kudlit na amusement sa mukha nito. Saka patalong bumaba at hinarap si Jared. Tinangka pa nitong kuhanin ang bat mula sa kanya ngunit muli niyang iniiwas.

“Don’t dare me, miss…”

“Katharina Cruz.” Nang-aasar pa niyang sabi dito.

“Kathryn.” Si Lourd. “Ano bang problema?”

“Problema?” nakaangat ang kilay niyang lingon kay Lourd. “Ito. Itong mayabang mong pinsan.”

“Kathryn, pinag-usapan na natin ‘to di’ba?” sabi ni Lourd.

“At akala mo palalampasin ko ang ginawa n’yan? Kilala mo ‘ko, Lourd.” Nagbabanta pa niyang tugon dito.

“Kathryn.” Ani Jared. Inangatan niya ito ng kilay.

“Kathryn? Close tayo, kuya? Kathryn talaga?” Aniya.

“Alright.” Saad nito at nagbuntong-hininga. Nagaya niya ito. May kabigatan ang baseball bat at hindi birong muscles ang kinailangan niya upang sirain ang mamahaling kotse ni Jared.

“Miss Cruz.”

“Kathryn na lang.” agap niya sabay tingin dito. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. Lumipad ang tingin niya kay Lourd at nakita patagong ngiti nito.

“Kathryn, hindi mo ba alam na pwede kitang kasuhan sa ginawa mo? Hindi ako magyayabang sa’yo pero konsehal ako and at least you should have respected me. I did not do anything harm to you. ‘Yong nangyari noong isang gabi willing akong humingi ng dispensa. It’s my fault. I’m sorry. Hindi ko intensyon ‘yon. But what you did was over. Look.”

Iwinasiwas nito ang mga kamay habang nakatingin sa sasakyan nito. Tiningnan din niya iyon at kitang-kita niya ang kalunus-lunos na hitsura niyon. Palihim siyang napangiwi. Hindi biro ang halagang kakailanganin upang mapaayos iyon.

“Hindi kasi maganda ang ginawa mo.” may himig pagsisisi niyang sumbat dito. “You scared me, you know. Kahit kailan wala pang gumawa sa’kin no’n.”

“That is why I’m apologizing.” Paubos na ang pasensya nitong sabi sa kanya.

“Jared.” Saway naman ni Lourd dito. “Tara sa loob. Pag-usapan natin ‘to.”

“Humingi ka ng sorry sa ginawa mo.” tila magulang na sabi sa kanya ni Jared.

Inismiran niya ito. “In your dreams.”

“Kathryn.” Si Lourd.

Napaungol siya. “No. Bahala kayo sa buhay n’yo. Kasuhan mo ‘ko kung gusto mo!”

Galit niya inihagis sa kalsada ang baseball at patakbong lumayo sa mga ito.

“I will sue you for this!” narinig pa niyang sigaw ni Jared.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.