Royal Secret/Royal Engagement Duology Chapter 19

<BOOK 2: ROYAL ENGAGEMENT>

***

“PRINCE Reynold, hindi puwedeng hindi mo tuparin ang deal niyo ni Daddy,” nakangising sabi ni Brooklyn sa French language. Kausap niya ang tito niya habang nag-tsa-tsa sila sa private office nito sa sariling estate sa loob ng palasyon. “Kapalit ng pagtulong niya sa’yo para kumbinsihin ang royal family na tanggapin sina Roarke at Cassiopeia bilang prinsipe at prinsesa kahit hindi Elestian at royalty ang kanilang ina na si Margarette Serranilla, nangako kang ipapakasal mo si Princess Cassiopeia sa pamilya namin.” Ipinatong niya ang kamay sa dibdib. “The princess is engaged to me.”

Hindi lang sina Roarke at Cassiopeia ang ‘teenage royalties’ ng Elestia. Siya, si Brooklyn Sprouse, ay adopted son ng dating prinsipe na si Romano. Hindi man sila blood-related ng amain, lumaki naman siya rito dahil one year old pa lang siya ay nasa poder na siya ng prinsipe nang pakasalan nito ang kanyang ina na isang Elestian duchess (na naging biyuda agad nang mamatay sa aksidente ang biological father niya na isang duke no’ng panahong ipinagbubuntis pa lang siya ng mommy niya). Legal naman ang pag-ampon sa kanya pero gamit pa rin niya ang apelyido ng totoo niyang ama.

Kung tutuusin, hindi naman siya apo ng dating hari pero nabigyan pa rin siya ng titulo bilang prinsipe dahil sa stepfather niya. Pero kahit na tinatawag siyang ‘Prince Brooklyn,’ alam namang niyang maliit pa rin ang tingin sa kanya ng royal family, lalo ang mga noble. Hindi rin siya malapit kina King Royale at Prince Ross dahil parating sinasabi sa kanya ni Romano noon na hindi siya dapat makipaglapit sa mga prinsipeng karibal niya sa trono.

Dahil walang kakayahan si Romano na magkaro’n ng sariling anak, siya ang tinuring nitong tagapagmana dahil naniwala noon ang kanyang stepfather na magtatagumpay itong maagaw ang trono mula sa magkapatid na Royale at Ross. Kaya hinanda rin siya nito bilang Crown Prince.

“Nagkaro’n nga kami ng kasunduan ni Romano na ipapakasal ko ang anak kong si Princess Cassiopeia sa’yo, Prince Brooklyn, na adoptive son ng nakatatanda kong kapatid,” sagot ni Reynold sa kalmadong boses gamit din ang French language. “Pero hindi namin `yon ginawa para lang kilalanin ang mga anak ko bilang prinsipe at prinsesa kahit pa hindi Elestian o royalty ang kanilang ina. Nakipagkasundo sa’kin ang stepfather mo dahil gusto niyang kilalanin ka rin ng mga Elestian bilang totoong prinsipe na mangyayari lang kung maikakasal ka sa anak kong prinsesa.”

Humigpit ang pagkakahawak niya sa tasa. Kahit lumaki siya bilang prinsipe, hindi pa rin siya kuntento sa posisyon niya dahil alam niya na minamaliit siya ng mga royalty at noble sa paligid niya. In his nineteen years of existence, all he ever wanted was to be acknowledged as a true prince of Elestia.

“Prince Brooklyn, may plano naman talaga akong tuparin ang kasunduan namin ng ama mong si Romano,” pagpapatuloy ni Prince Reynold sa nakakairita nitong kalmadong boses. Maging ang posture at facial expression nito, masyadong composed na para bang wala itong pakialam sa kanya at sa ‘pagbabanta’ niya. “Pero hindi mo ba naisip na dahil sa napakalaking kasalanang ginawa ni Romano ay wala na kong dahilan para ipakasal ang anak kong prinsesa sa anak ng isang kriminal?”

Tumalim ang tingin niya sa matandang prinsipe na binigyan naman siya ng malamig na ngiti.

Damn this obnoxious old man!

Oo– ang kanyang stepfather nga ang nasa likod ng pagpatay sa kapatid nito na dating hari at sister-in-law na dating reyna ng kanilang monarkiya. Pagkatapos, ibinintang nito ang krimen sa noon ay Crown Prince na si Royale na inakala nilang namatay din ng gabing `yon. Si Prince Ross na ang naging Crown Prince pagkatapos ng trahedyang `yon pero dahil wala pa sa tamang edad, si Romano muna ang naluklok bilang pansamantalang hari.

Nang tumuntong naman sa edad si Prince Ross kung kailan eligible na itong maging hari, pinagtangkaan naman ng kanyang stepfather ang buhay ng Crown Prince. Pero sa pagkakataong `yon, nagpakitang muli si Prince Royale na buhay pa pala. At sa tulong ni Prince Ross, napatunayan ng magkapatid na si Romano ang mastermind ng napakalaking krimen sa royal family.

Mahigit isang taon na ang lumipas simula ng masamang pangyayari na `yon at napatawan na rin ng habambuhay na pagkakakulong si Romano.

Wala silang kinalaman ng kanyang ina sa lahat ng `yon at napatunayan naman `yon sa imbestigasyon kaya hindi naman sila napasama sa parusa. Pero dahil sa krimen ng stepfather niya, hindi na naging maayos ang pakikitungo sa kanila ng ibang mga royalty at noble.

“Gusto mong pakasalan ang anak ko para masigurong hindi maaalis ang titulo mo bilang prinsipe, hindi ba?” nakangising tanong ni Prince Reynold sa French language pa rin. Unti-unti nang nagiging mayabang ang anyo nito, hindi gaya kanina. “Pareho nating alam na dahil sa kasalanan ni Romano, pinaplano na ng ibang mga noble na i-propose kay King Royale ang pagbawi sa titulo mo bilang prinsipe. Adoptive son ka lang naman ng kapatid ko at ngayong wala na siyang posisyon sa royal family, wala ka na ring karapatan bilang prinsipe. Puwedeng manatiling duchess ang iyong ina pero hindi ko masisiguro kung may magagawa siya para sa’yo. But you were never born a prince anyway so why are you clinging to your title so desperately, huh?”

Umangil si Brooklyn sa inis, saka niya binagsak ang mga kamay sa mesa dahilan para yumugyog ang tasa niya at bahagyang tumapon ang laman niyon. “`Wag mong baguhin ang usapan, Prince Reynold. Kailangan mo pa ring tuparin ang kasunduan niyo ng ama ko. Ibigay mo sa’kin ang prinsesa.”

“Masyado pang bata ang prinsesa para pag-usapan ang tungkol sa kasal niya,” kalmado na uling sabi nito, saka ito sumandal at pinatong ang mga kamay sa tuhod nito. “Isa pa, abala ngayon si Princess Cassiopeia sa pag-aaral sa Paris. Ni hindi pa nga siya nakakapagtapos ng high school.”

Tumawa siya ng mapait habang pinandidilatan ng mga mata ang matandang prinsipe. “Huwag mo kong lokohin, Prince Reynold. Wala sa France ang prinsesa at lalong hindi totoong umuuwi siya dito sa Elestia kapag school break. Sigurado akong hindi rin totoo ang press release niyo na sakitin siya kaya parati lang siyang nakakulong sa estate niyo at hindi um-a-attend sa mga ball.” Nang mawala ang mayabang at kalmadong anyo ng matanda, siya naman ang napangisi. “Princess Cassiopeia is in the Philippines with her mother, isn’t she?”

Hindi sumagot ang matandang prinsipe at sa halip, kinuha lang nito ang tea pot at nilagyan uli ng tsa ang tasa nito.

“Naghiwalay kayo ni Margarette Serranilla six years ago,” pagpapatuloy niya sa aroganteng boses. “Naging confidential ang pag-alis niya ng Elestia at nalaman na lang namin na wala na siya no’ng nag-celebrate ng 13th birthday si Prince Roarke na wala ang kanyang ina. Kung tutuusin, nakakapagtaka na wala rin si Princess Cassiopeia no’ng gabing `yon samantalang bilang kambal, sabay ang birthday nila ng prinsipe.” Ngumisi siya nang mapansin niyang naging straight line na ang mga labi ni Prince Reynold. “What was your excuse then? May sakit ang prinsesa kaya hindi siya nakalabas para i-celebrate ang birthday niya?” Natawa siya habang iiling-iling. “Come to think of it, a few weeks after their birthday, in-a-announce mo naman na nasa Paris na ang prinsesa para do’n magtapos ng high school.” Sumandal siya sa kinauupuan at humalukipkip. “Sinama ng ex-wife mo si Princess Cassiopeia sa Pilipinas, hindi ba? Pero nang paimbestigahan ko ang dati mong asawa, nakakapagtaka nang malaman kong wala daw kasamang bata si Margarette Seranilla no’ng dumating siya sa bansang `yon. Just where are you hiding the princess?”

Binaba ng matandang prinsipe ang tasa sa mesa, pagkatapos ay binigyan siya nito ng matalim na tingin. “What will you do if you find Princess Cassiopeia?”

“I’ll make her marry me,” deretsang sagot niya, saka siya nagpagtuloy gamit ang French. “Alam kong nasa Pilipinas lang siya. May inupahan akong PV para alamin kung sino si Princess Cassiopeia. Six years na rin naman ang lumipas kaya mahirap dumepende sa childhood photos lang niya. So far, may dalawa nang babae sa listahan ng hinihinala naming new identity ng prinsesa.”

“That’s interesting,” nonchalant na sagot ni Prince Reynold na para bang walang balak ipahalata sa kanila kung ano ang totoong nararamdaman nito ng mga sandaling `yon. Nag-switch uli ito sa French language nang magsalita. “Sino naman ang mga babaeng `yan na dinamay niyo pa sa kalokohan niyo?”

“First is Blossom Serranilla, ang adoptive daughter daw ng younger brother ni Margarette Serranilla,” sagot niya at napansin niyang walang naging reaksyon ang matandang prinsipe. “Nakakapagduda na inampon siya ng kapatid ng ex-wife mo exactly six years ago. Ayon sa private investigator, anak daw ni Martin Serranilla si Blossom sa ibang babae. Pero nakakapagtaka na maluwag siyang tinanggap ni Mira Serranilla kahit anak siya ng asawa nito sa alleged mistress nito. Hindi mo naman siguro ako masisisi kung iisipin kong malaki ang chance na si Blossom ang prinsesa.”

Tumawa ng mahina ang matanda habang iiling-iling. “Mukhang napapadalas ang panonood mo ngayon ng TV drama, Prince Brooklyn.”

Ngumisi lang siya dahil alam niyang tama ang lahat ng sinasabi niya. “Alam mo bang may isang babae sa Pilipinas ang mabilis na napalapit kay Prince Roarke?” Sa pagkakataong `yon, nawala ang ngisi ng matandang prinsipe. “Nakakagulat, `di ba? Kilala ang anak mong prinsipe bilang suplado at walang interes makipagkilala sa mga babae. Pero bakit naging close agad siya sa isang female student sa school niya na nagkataong ampon lang din at may lahing banyaga pa? Posible kayang ipinaampon ni Margarette Serranilla ang prinsesa sa isang average Filipino family para walang mag-isip na mabubuhay si Princess Cassiopeia bilang isang simpleng tao?”

“Prince Brooklyn, siguro dapat ay mag-review ka na para sa second admission exam mo nang makapasa ka na sa University of Elestia ngayong taon. `Wag puro panonood ng TV drama ang atupagin mo, hijo.”

Pinalagpas lang niya ang pang-iinsulto ng matandang prinsipe sa kanya dahil sa pagbagsak niya sa entrance exam ng University of Elestia no’ng nakaraang taon. Alam kasi niya na gumaganti na ito dahil sigurado siyang tama ang sinasabi niya. “Oh, the other girl is called Cassy Hart, by the way. ‘Cassy,’ short for Cassiopeia. Looks like the princess got herself a new nickname, huh?”

“Prince Brook–”

“Who’s the real princess between them, Prince Reynold?” nakangising tanong ni Brooklyn kahit alam niyang hindi siya sasagutin ng matandang prinsipe. “Is it Blossom Serranilla or Cassiopeia ‘Cassy’ Hart?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.