Royal Secret/Royal Engagement Duology Chapter 20

“GOOD morning, Cassy!”

“Hi, Cassy! Looking bright as usual, I see.”

“I’ve always meant to say this– Cassy, your bangs look cool!”

Understatement kung sasabihin ni Cassy na nagulat siya sa mga pagbati sa kanya ng mga schoolmate niya na ni hindi nga niya alam ang pangalan. Gaya ng madalas, umuwi siya sa bahay ng mga magulang niya nitong weekend. Dalawang araw lang siyang nawala sa school, pagkatapos ganitong pagbati na ang matatanggap niya? Hindi naman sa nagrereklamo siya. Nakakapagtaka lang.

Kanina nga, habang naglalakad siya sa Polaris Boulevard dahil hindi siya nahatid ng parents niya, may ilang huminto para itanong kung gusto daw ba niyang sumabay sa mga ito. Naiilang siya kaya tumanggi siya. Mas nakakagulat no’ng naglalakad na siya sa hallway at kung sino-sino ang ngumingiti at bumabati sa kanya.

Is this another form of bullying?

Pagdating niya sa classroom, biglang natahimik ang grupo nina Chase at Brenda na sabay-sabay napatingin sa kanya. Pero mabilis ding nag-iwas ng tingin ang mga ito para ituloy ang kuwentuhan. Pagkatapos no’ng insidente sa false rumors tungkol sa kanya, gano’n din sa mga kaibigan niyang sina Koji at Yuki, napansin niyang hindi na sila pinapansin ng mga bully. Pero sa totoo lang, mas prefer niyang `yong ganitong hindi na lang sila nagpapansinan.

Kahit awkward, at least wala nang bullying na nagaganap.

Tahimik naman siyang umupo sa silya niya at kinalikot ang phone niya para reply-an ang mama niya na nagtanong kung nasa school na siya. Nasa likuran niya ang grupo nina Chase at naririnig niyang pinag-uusapan ng mga ito kung saan mas magandang magbakasyon para sa Christmas break: Finland o Japan. Bakit daw hindi na lang pareho, sabi ni Brenda. Mag-Japan daw muna ang mga ito, saka lumipad papuntang Finland at mag-rent ng ice igloo para makapanood ng Aurora Borealis.

Rich kids nga naman. Ang tagal pa ng Christmas break, pero may plano na sila. Sabagay, mahirap nang magpa-reserve sa mga airline at hotel kapag malapit na ang holidays.

Mabuti na lang at mababaw lang ang dream destination nila ng mga magulang niya. Baguio lang, sapat na. Pero gusto raw makasakay sa eroplano ng mama at papa niya kaya nagbabalak ang mga ito na lumayo-layo ng konti. Na-suggest niya ang Cebu at mukhang approved sa parents niya ang lugar.

“`Uy, Cassy.”

Napatingin si Cassy kay Astra na humila ng upuan para tumabi sa kanya kaya binaba niya muna ang phone niya sa table niya para harapin ng maayos ang babae. Napansin niya na simula no’ng natuto itong ipaglaban ang sarili ay unti-unti na rin itong nakipagkaibigan sa kanya. Okay lang naman sa kanya `yon dahil mabait naman ito at matalino pa kaya good influence ang babae para ma-inspire siya na lalo pang pagbutihin ang pag-aaral. “Hello, Astra. Anong bago?” Ipinatong niya ang mga braso sa mesa at dumukwang siya para ibulong dito ang susunod niyang mga sasabihin nang hindi marinig ng grupo nina Chase at Brenda. “Kanina pa ko binabati ng mga schoolmate natin na hindi ko naman kilala. Kahit `yong mga ka-batch natin na ginagawa akong slave dati, biglang bumait sa’kin. Nakakapagduda, ha? Baka mamaya, may pinaplano na naman silang masama.”

Ngumiti si Astra, pagkatapos ay ipinatong din nito ang mga braso sa mesa at dumukwang para pabulong na sagutin ang tanong niya. “Hindi mo pa ba naririnig ang tungkol sa ginawa ni Prince Roarke to make sure na wala nang mam-bu-bully sa’yo?”

Napakurap-kurap siya. “Si Roarke? Bakit? Ano bang ginawa niya?”

Sa totoo lang, nagtaka talaga siya kasi isang linggo nang hindi pumapasok ng school si Roarke at hindi naman sila nag-uusap nitong nakaraan. Excused ito dahil ‘prince duties’ daw ang dahilan ng leave of absence nito. Nababalitaan naman niya sa mga broadsheet, social media sites, TV news program, at pati nga sa mga showbiz talkshow ang activities ng prinsipe nitong nakaraang mga araw.

Araw-araw at gabi-gabing party at social gatherings ang in-a-attend-an ni Roarke kasama ang mommy nitong si Margarette Serranilla. Sa mga picture nga na nag-circulate sa social media, puro bigating mga celebrity, business tycoon, at politicians ang kasama ng prinsipe. Meron pa nga itong ‘family picture’ kasama ang presidente ng Pilipinas at ang tatlong babaeng anak nito.

Hindi naman nakakapagtaka `yon dahil kung tutuusin, halos magkapamilya na talaga ang mga ito dahil ang bunsong anak ni President Zarragossa na si Carlacia ‘Care’ Zarragossa ay ikakasal na kay Prince Ross na pinsan naman ni Roarke. Matagal nang engaged ang dalawa pero nagpaubaya daw ang mga ito para unang maikasal sina King Royale at Queen Rosario no’ng isang taon. Wala naman daw konsepto ng ‘sukob’ (o paniniwala na malas ikasal sa parehong taon ang magkapatid) ang mga Elestian. Ayaw lang daw makihati nina Prince Ross at Miss Care sa limelight ng royal wedding ng bagong hari at reyna. Sa Pilipinas man o sa Elestia, big time talaga si Roarke.

“Apparently, bago raw nag-leave si Prince Roarke, nag-iwan daw siya ng warning sa mga bully na `wag kang sasaktan o lalapitan man lang,” nanlalaki pa ang mga matang bulong ni Astra sa kanya, halatang excited. “Ayon din sa tsismis, warning daw niya `yon ‘as a man and not as a prince.’”

Nag-init ang mga pisngi ni Cassy. Sa totoo lang, hindi niya alam ang gagawin. Bigla siyang nakaramdam ng kaba at excitement kaya napahawak siya sa edge ng mesa niya. Kung hindi niya gagawin `yon, baka kasi bigla siyang tumayo at maglululundag ayon sa ritmo ng erratic heartbeat niya ngayon. “Sinabi `yon ni Roarke?”

Tumango ang dalaga. “Hindi ka naman siguro titigilan ng mga bully kung hindi totoo `yon.”

Hindi niya alam ang sasabihin.

Wow.

Nakakakilig.

At oo, nakakakilabot ang ka-cheesy-han niya.

“Kaya nga ang tsismis dito sa Polaris ngayon eh kayo na raw ni Prince Roarke,” pagpapatuloy ng kaklase niya na lalong nagpainit sa buong mukha niya. “He practically claimed you as his girl.”

Naitakip niya ang mga kamay sa mukha niya dahilan para mag-‘ayiiieee’ naman si Astra.

Bigla niyang naalala `yong mga sinabi at ginawa ni Roarke no’ng huling beses na nagkasama sila bago ito nag-leave sa school…

“Stop having a crush on Koji Takishima,” utos ng prinsipe sa boses na para `tong batang nagmamaktol. “Sa’kin mo na lang ibuhos ang feelings mo, Cassy Hart.”

Kumunot ang noo ni Cassy at napapikit siya nang umihip ang may kalakasang hangin dahil may kung anong nakapagpapuwing sa kanya. Nang bahagya siyang nagmulat, napansin niyang nagliliparan ang makukulay ng bougainvillea flowers sa paligid.

At napansin niyang naglalakad palapit sa kanya si Roarke.

Nang tuluyan na niyang buksan ang mga mata, nabigla pa siya nang makitang nasa harapan na niya ang prinsipe. Tumingala siya rito para bigyan ito ng nagtatakang tanong pero mas lalo siyang nagulat nang makita namang pababa na ang mukha nito sa kanya.

Ganito `yong mga eksenang sinusulat niya noon sa mga romance novel niya.

Hahalikan siya ng binata!

Mariing pumikit si Cassy nang magwala na ang sistema niya. Hindi rin niya alam kung bakit siya pumikit. O puwede ring hindi niya lang maamin sa sarili na in-a-anticipate niya ang halik na `yon.

It just felt right to kiss under the colorful bougainvillea trees!

“Wow, look at this pretty little thing.”

Dinilat ni Cassy ang isang mata nang narinig niyang nagsalita si Roarke. Aminin man niya o hindi, nadismaya siya nang makitang nakatayo na ang prinsipe ilang hakbang na ang layo sa kanya. Nakapasok sa bulsa ng pantalon nito ang kaliwang kamay habang ang isa naman, may hawak na mala-fuschia pink na bougainvillea flower. Titig na titig pa ang binata sa bulaklak habang may inosenteng amazement sa mukha kaya nabawasan tuloy ang inis niya rito.

“Akala ko fuschia pink ang kulay nito,” amazed pa rin na sabi ng prinsipe, pinalaki pa ang mga mata habang nakatitig sa bulaklak na kulang na lang ay idinikit nito sa mukha. “But now that I’m looking at it closely, it’s actually pinkish orange, huh?”

Humalukipkip siya at tumaas ang kilay. Pero dahil ayaw naman niyang ipahalata na nadismaya siya, kinausap pa rin niya ito kahit gusto na niyang mag-walk out. Hindi nga rin niya maintindihan ang sarili kung bakit ganito ang na-fi-feel niya. “Pinulot mo ba `yan?”

“Nah,” kaila nito. “Nakita ko lang `to na nakaipit sa bangs mo.”

Bigla naman niyang sinuklay ng mga daliri ang bangs niya. May ilang piraso nga ng mga orange bougainvillea flowers ang nahulog nang guluhin niya ang buhok. Napasimangot siya nang ma-realize na `yon lang ang dahilan kung bakit siya nilapitan ng prinsipe.

“Are you expecting something else, Cassy?” tanong ni Roarke sa teasing na boses.

Nag-angat ng tingin si Cassy sa prinsipe na nakangisi at nakataas pa ang kilay. Ngumiti naman siya at naglakad palapit dito. Nang tumayo siya sa harap nito, biglang nawala ang ngiti nito. Tumingkayad siya, saka niya ito binigyan ng malakas na pitik sa noo.

“Ouch!” reklamo ng prinsipe, saka umatras palayo sa kanya habang may sinasabi sa French language. Nagmumura siguro ito dahil matalim ang tingin nito sa kanya habang hinihimas-himas ng mga daliri ang namumula nitong noo. “That hurts.”

Inamba niya rito ang kamay niyang nakaporma sa muling pagpitik kaya lalo itong lumayo sa kanya. “Kanina ka pa English ng English d’yan, ha? `Di ba ang usapan natin, hindi ka puwedeng mag-English kapag magkasama tayo? `Tapos nag-French ka pa. Minura mo ba ko?”

Kumunot ang noo nito. “What does ‘minura’ mean?”

Nasapo niya ang noo. Mukhang hindi na mapigil ng prinsipe ang pag-i-English. Nauubusan na ba ito ng Filipino words na alam? Well, siguro may pagkukulang din siya bilang Filipino tutor.

Tumikhim ang prinsipe nang mapansin siguro nito na bilang Filipino tutor niya ay dismayado siya sa nangyayari. “Anong ibig sabihin ng ‘minura?’”

Muntik na siyang mapangiti dahil nagsalita na naman ito ng malalim. Hindi na kasi masyadong ginagamit conversationally ang mga salitang ‘ibig sabihin.’ “Ang ibig sabihin ng ‘mura’ ay ‘cuss’ kaya ang meaning ng minura, eh you cuss at me.”

Nanlaki ang mga mata nito, saka ito mariing umiling. “Hindi kita minura, Cassy. Sinabi ko lang naman sa French na kahit maliit ka at cute eh ang bigat naman ng kamay mo.”

Muntik na naman siyang mapangiti dahil sinabihan siya nito ng ‘cute.’ Bago pa mahalata ng prinsipe ang nararamdaman niya, tinalikuran na niya ito atb naglakad siya ng mabilis. Sa pagkakataong `yon, hindi naman siya dinismaya ng binata nang sumabay ito sa paglalakad niya. “Kailangan mong magbasa ng Tagalog books,” sabi niya rito. “Bibigyan kita ng reading materials.”

Nag-mock curtsy ang prinsipe sa kanya. “Masusunod, mahal kong guro.”

“Cassy,” untag sa kanya ni Astra na pumutol sa pag-re-reminisce niya. “Tumatawag si Prince Roarke sa’yo!”

Mabilis na inalis ni Cassy ang mga kamay sa mukha niya at nagulat pa siya nang makitang nakatingin sa kanya ang mga kaklase nila. Ang lakas kasi ng boses ni Astra kaya siguro narinig ng mga ito ang sinabi ng dalaga. Binigyan niya ng nananaway na tingin ang kaklase niya na ngumiti lang at nag-peace sign sa kanya bago tumayo na bitbit ang silya nito.

Tiningnan naman niya ang phone niya sa ibabaw ng mesa. Nagliliwanag `yon at kitang-kita sa malapad na screen ang caller ID. ‘Ginoong Roarke’ ang naka-register do’n kaya nalaman ni Astra kung sino ang tumatawag sa kanya.

Isang linggo kang hindi nagpaparamdam `tapos tatawag-tawag ka ngayon.

Pero sinagot din naman ni Cassy ang tawag. “Anong kailangan mo, mahal na pri–”

“Cassy Hart,” sabi ni Roarke na pumutol sa pagsusungit niya. In fairness, mas sexy at mas malalim pala ang boses nito sa phone. Nakaka-distract tuloy. “Nangungulila na ko sa’yo.”

At busy tone na lang ang sunod niyang narinig sa kabilang linya.

“Buti hindi siya nabulol,” nangingiting bulong ni Cassy sa sarili. Nakakainis pero kahit alam niyang mukha na siyang tanga habang nakangiti at nakatitig sa phone niya, hindi pa rin niya mapigilan ang nararamdaman niyang… well, kilig? “Ikaw na lang yata ang millenial na gumagamit ng ‘nangungulila.’”

KUNG puwede lang takbuhin ni Roarke ang hallway, ginawa na niya.

Pero maraming estudyante ang nakatingin at bumabati sa kanya kaya ginagantihan niya ng polite smile ang mga ito. Uwian na kasi kaya ang dami nang Polarians na nakakalat sa pasilyo. Hindi na nga sana siya papasok sa school dahil tapos na ang mga klase niya.

But he wanted to see one person he missed for the past week.

“Cassy!” hindi napigilang sigaw ni Roarke nang makita niya ang dalaga na kalalabas lang ng classroom. Lumingon naman sa kanya si Cassy at napansin niyang nanigas ito sa kinatatayuan at medyo nanlaki ang mga mata habang nakatingin sa kanya. Hindi siya ngumiti para hindi mahalatang excited siya, pero tinaas niya ang isang kamay bilang pagbati habang naglalakad palapit dito. “Hi…”

Tumakbo si Cassy palayo sa kanya.

Wait, what?

Bago pa malaman ni Roarke ang ginagawa, namalayan na lang niya ang sarili na tumatakbo rin para habulin si Cassy. Salamat sa mahahaba niyang binti– at sa paggilid ng mga estudyante para mag-give way sa kanya– ay mabilis niyang naabutan ang dalaga. Hinawakan agad niya ito sa kamay para hindi ito makalabas ng building. “Hey,” saway niya rito. “Bakit mo ko tinatakbuhan?”

“Hindi kaya,” kaila naman ni Cassy, saka ito humarap sa kanya para siguro ipakita na hindi siya nito tatakbuhan. “Bitawan mo na ko. Hindi na ko tatakbo.” Tinaas nito ang isang kamay. “Promise.”

Yumuko siya para magpantay ang eye level nila nang masiguro niya kung nagsasabi ito ng totoo.

Nag-iwas ng tingin ang dalaga.

Ah, nagsisinungaling ito.

“Let’s go,” sabi niya, saka niya ito hinila papunta sa library ng building na `yon sa second floor. “Sigurado akong tatakbuhan mo lang uli ako, eh.”

Narinig niya itong pumalataktak pero naglakad din naman ito. “Ito na, o. Sumusunod na ko sa’yo kaya puwede mo nang bitawan ang kamay ko.”

“Ayoko.”

“Roarke, pinagtitinginan na tayo ng mga schoolmate natin, eh.”

“Hayaan mo silang tumingin,” sabi niya lang, saka niya marahang pinisil ang kamay nito. “Isang linggo kitang hindi nakita kaya hindi ako papayag na takasan mo ko.”

“Bakit ba ayaw mong maniwala na hindi na kita tatakasan?”

“Hindi mo ko matingnan ng deretso, eh.”

“Tss.”

Napangisi si Roarke dahil alam niyang siya na ang nanalo sa argument na `yon. Naramdaman din niyang nag-relax na si Cassy at humawak na rin sa kamay niya. Kumalma na rin siya at nawala ang pagod na naramdaman niya sa isang linggo ng pakiki-socialize sa kung sino-sino.

Binitawan niya lang ang dalaga no’ng nasa loob na sila ng library dahil ayaw naman niyang isipin ng librarian na sinusuway nila ang isa sa school rules– ang pagbabawal sa public display of affection.

Pagkatapos nilang magsulat sa log in, pinasunod niya sa kanya si Cassy hanggang sa makarating sila sa pinakadulo at pinakatagong parte ng library. Sa likod ng dalawang naglalakihang shelf ay may hilera ng mahahabang mesa at silya.

“Woah,” amazed na komento ni Cassy habang umuupo ito sa silya ng table for two sa tabi ng bintana. “Ngayon lang ako nakapunta dito.”

Umupo si Roarke sa tapat ng dalaga. “Sigurado akong mas kabisado ko pa ang blueprint ng school niyo kesa sa’yo.”

“Wala naman akong blueprint ng Polaris,” katwiran nito. “Hindi naman ako si Nikita Lao.”

“And who’s that?”

“Hindi mo siya kilala?” parang nagulat na tanong nito.

Umiling siya. Parang narinig na niya ang pangalang `yon pero wala siyang interes sa mga taong wala naman siyang pakialam. “Kailangan ko ba siyang makilala?”

“Siya ang ‘Polaris Princess,’” sagot nito na nanlalaki pa ang mga mata na para bang in-e-expect nitong makilala niyo `yong ‘Nikita Lao’ na sinasabi nito. “Best friend siya ni Blossom. Saka siya rin ang only daughter ng owner nitong Polaris Academy.”

“Oh. I’ve met her father, but not her,” sagot na lang niya para matapos na ang usapan tungkol sa taong hindi naman niya gustong makilala.

Mukhang napansin naman ni Cassy na wala siyang interes sa sinasabi nito kaya hindi na uli nito binanggit ang ‘Polaris Princess.’ Pero binigyan siya nito ng nagdududang tingin. “So… meron kang blueprint ng school?”

Tumango siya. “Yeah. Pinag-aralan ng Knights ko ang blueprint para makabuo sila ng strategy para ma-secure ang safety ko dito sa academy kung malagay sa panganib ang buhay ko.”

Nagulat siya nang bigla itong napangiti. “‘Panganib?’ Uuyyy… gumagaling ka na mag-Filipino. Ang laki na ng improvement sa accent mo. Mukhang nadagdagan na uli ang vocabulary mo, ha? No’ng nakaraan kasi, para ka nang mauubusan ng Tagalog words.”

“Pinagbasa mo ko ng Filipino comics at Tagalog novels, eh,” katwiran naman niya. Pinatong niya ang siko sa mesa at nangalumbaba habang nakatitig sa dalaga. “Alam mo bang `yong mga pinahiram mong comics at novels ang binabasa ko kapag tumatakas ako sa mga party?” Pinisil niya ng mga daliri ang ilong niya. “Muntik na kong mag-nosebleed sa Filipino.”

Natawa ito ng mahina habang iiling-iling. “Alam mo na rin ang paggamit sa Filipino slang ng ‘nosebleed.’” Nag-slow clap ito. “Ipinagmamalaki kita, Ginoong Roarke.”

“Salamat, Binibibing Cassy,” sagot naman niya, saka siya nag-mock salute dito.

“Medyo na-surprise ako na may time ka pang magbasa. Nakita ko ang pictures mo na nag-viral sa social media. Puro bigating tao ang kasama mo sa mga party na pinuntahan mo, eh.”

Napabuga siya ng hangin nang maalala niya ang mga party kung saan siya kinaladkad ng mommy niya sa lumipas na isang linggo. Inangat niya ang kamay niya at hinarap `yon kay Cassy. “Hindi ko na mabilang kung ilang kamay ang na-handshake ko. Saka pupusta ako na mas kabisado ko pa ang pangalan ng mga senator at director ng iba’t ibang branch ng government niyo kesa sa’yo.”

Pumito ito. “Nice. Hindi ako magaling mag-memorize ng pangalan ng mga tao kaya naniniwala ako sa sinasabi mong `yan.” Ipinatong nito ang mga braso sa mesa at dumukwang. “Nakita ko `yong pictures mo with the top celebrities ng Pilipinas. Mabait ba sila sa personal?”

“Well, everyone was polite.”

Tumango-tango lang ang dalaga, mukhang napansin na wala siyang balak magsalita tungkol sa napansin niyang pagkatao ng mga celebrity na sinasabi nito. “Anyway, kung tapos mo nang basahin `yong pinahiram kong comics at Tagalog novels, papahiramin kita ng bago. `Yong mga pinahiram ko kasi sa’yo, `yon lang ang mga nakatago sa dorm namin. Papahiramin kita ng new volumes.”

“Okay,” sagot niya, saka kumunot ang noo niya nang may maalala siya. “Collection mo ba `yong Tagalog romance novels na `yon? `Yong ‘Cassiopeia’ ang pen name ng writer? May naaalala akong ibang tao sa pen name na `yon, eh, so medyo awkward habang binabasa ko. `Yong kilala kong Cassioepia, hindi magsusulat ng gano’n ka-cheesy na novel.”

“Cheesy?” nakasimangot na tanong ng dalaga, saka ito sumandal sa kinauupuan at humalukipkip habang naniningkit ang mga mata sa kanya. “Masyado bang cheesy `yon para sa’yo?”

Tumango siya. “Sorry sa sasabihin ko kasi mukhang fan ka no’ng Cassiopeia pero masyadong grand ang love story na sinusulat niya, eh. Hindi sa minamaliit ko ang romance genre, ha? Medyo ideal kasi `yong mga pinabasa mo sa’king novel kaya hindi ako na-convince na nangyayari `yon sa reality.”

“Ako si Cassiopeia.”

“Huh?”

“Ako ang writer ng Tagalog romance novels na pinahiram ko sa’yo.”

“Ano bang alam ko sa romance, `di ba?” biglang bawi ni Roarke habang tinatampal-tampal ang mga pisngi niya bilang parusa sa sarili. Hindi niya alam na si Cassy pala ang writer ng mga `yon. Minsan na nga lang siya dumaldal, palpak pa! “Bakit ‘Cassiopeia ang pen name mo?”

“`Yon ang pangalan ko, eh,” sagot nito. “Nickname ko lang ang ‘Cassy.’ No’ng bata kasi ako, nahihirapan akong isulat ang Cassiopeia kasi nakakalito ang spelling ng pangalan ko kaya ‘Cassy’ lang ang ginagamit ko. Pero ‘Cassiopeia’ ang nakalagay sa lahat ng legal papers ko.”

“Ahh,” tumatango-tangong sabi niya. Ang laking co-incidence na kapangalan nito ang kakambal niya pero hindi naman imposible. Common naman ang pangalang Cassiopeia. “Sorry, nagmagaling ako tungkol sa mga sinusulat mong novel.”

Tinawanan lang `yon ni Cassy, saka nito winasiwas ang kamay. “Nah, tama ka naman. `Yon din ang parati kong na-re-receive na criticism sa mga reader kaya nga nag-hiatus muna ako sa pagsusulat. Masyado daw kasing ideal ang mga love story na sinusulat ko kaya hindi na raw makatotohanan at mahirap maka-relate sa mga character.”

Na-relieve siya na hindi naman na-offend ang dalaga sa mga sinabi niya. Nadagdagan ang dahilan niya para humanga rito. “You receive criticism well, Cassy.”

Natawa ito habang iiling-iling. “Umiyak at na-depress din ako no’ng una kaya nga nag-hiatus ako sa pagsusulat. Pero no’ng nahimasmasan na ko, na-realize ko na kapag nasa rock bottom ka, wala kang ibang choice kundi ang umakyat pataas kung ayaw mong ma-stuck sa ilalim. Come to think of it, pabor din naman sa’kin `yon, `di ba?”

“That’s a good mindset, Cassy,” nakangiting sabi niya. Hindi niya mapigilang mapangiti dahil habang tumatagal, mas nakikilala niya ang dalaga at mas dumadami ang magagandang qualities nito na nakikita niya. Una niyang nakita ang flaws nito pero sa kabila niyon, alam niyang hindi ito masamang tao. Ngayon nga, napapatunayan niyang tama siya. “But you know what? May nangyayari din naman sa reality na akala mo sa una eh sa fiction lang puwedeng mangyari.”

Kumunot ang noo nito. “Like what?”

“Like a prince falling in love with a simple girl?”

Namula ang buong mukha ni Cassy at napansin niyang nilapat nito ang mga kamay sa mesa na para bang anumang oras ay tatakbo na ito. Kaya bago pa ito tumayo, inunahan na niya ito.

“`Yong daddy kong si Prince Reynold, na-in love siya kay Margarette Serranilla kahit hindi Elestian o royalty si Mommy, `di ba?” nakangiting bawi niya. Napansin niyang mukhang na-relieve naman si Cassy. Samantalang nadismaya naman siya dahil halatang hindi pa ito handa sa nararamdaman niya. Pero hindi naman niya `yon masyadong dinibdib dahil marami pa siyang oras para mapalambot ang dalaga. “Anyway, narinig mo na ba ang ‘fairy tale love story’ ng parents ko?”

Umiling ito at nangislap ang interes sa mga mata. “Pa’no sila nagkakilala?”

“Madalas magbakasyon si Daddy sa Pilipinas no’ng bachelor pa siya,” pagsisimula niya. “Nakilala niya si Mommy sa isang malaking party sa Boracay. They instantly hit it off. After a year of dating, my father asked my mother to marry him. Sa Elestia sila kinasal at iniwan ni Mommy ang company nila dito sa bansa niyo para sa country na namin tumira. A few months after their wedding, she got pregnant with me and my twin sister.”

“May kakambal ka?”

Tumango siya. “Hindi naman secret `yon. Alam ng lahat ng interesado sa monarchy ng Elestia na may kakambal ako. Pero sakitin siya kaya bihira siyang magpakita sa mga tao.”

“A real life princess…” parang amazed na sabi nito, nangingislap pa ang mga mata. “Roarke, anong ugali ng kapatid mo? Maganda ba siya? Para ba siyang nakasuot ng dress? Nagsusuot pa ba ng tiara ang mga prinsesa sa era na `to?”

“Uhm, my sister is not that pretty and she’s very stubborn,” sagot niya. “Mahinhin siya pero minsan sobrang cold niya, lalo na sa’kin. Hindi siya nagsusuot ng iniisip mong dress pero lagi naman siyang mukhang lumabas sa fashion magazine kahit nasa bahay na siya. And no, she doesn’t wear tiara.”

Dalawang beses siya nitong pintik sa noo na ikinagulat niya. “English pa more.”

Sumimangot siya habang hinihimas ang nasaktang noo. “Nakaka-nosebleed mag-Tagalog.”

“Buti na lang at nandito tayo sa library,” sabi nito, saka ito tumayo. Mukhang nakalimutan na nito ang tungkol sa love story ng mga magulang niya. “Ihahanap kita ng Filipino book at ipapabasa ko `yon sa’yo para mas lalong dumeretso `yang dila mo,” sabi nito habang naglalakad papuntang shelf. “D’yan ka lang. Babalik din ako.”

Ngumiti lang si Roarke at nangalumbaba habang pinapanood si Cassy na naglalakad sa tapat ng isang malapad na shelf habang pinaparaan ang daliri sa skeleton ng mga librong nadadaanan nito. Ah, na-miss talaga niya ang babaeng `to. Nakakasawa kasi ang makisalamuha sa mga taong alam naman niyang interesado lang sa kanya dahil isa siyang prinsipe.

Kapag si Cassy ang kasama niya, komportable siya rito. Hindi niya kailangang maging formal o sobrang galang. Puwede siyang mag-relax dahil alam niyang kahit magpakita siya ng ibang emosyon o ‘kahinaan’ dito ay hindi siya nito huhusgahan. Alam niyang nakikita siya ng dalaga bilang isang tao at hindi lang bilang isang prinsipe kaya normal ang pakikitungo nito sa kanya. Nagpapakatotoo pa rin ito kahit alam nito kung sino siya, hindi gaya ng marami na nagpapanggap na ibang tao para lang mapalapit sa kanya. Kaya nga na-a-appreciate talaga niya ang ‘Filipino tutor’ niya.

No wonder I like this girl.

Biglang yumanig ang paligid.

No’ng una, akala ni Roarke ay nahihilo lang siya. Pero mayamaya lang, umalog ng malakas ang mesa. Gano’n din ang iba pang mga mesa at silya sa paligid niya. Maging ang mga bookshelf, nakita niyang bahagyang gumagalaw dahilan para mahulog ang mga libro.

May narinig siyang malakas na kalabog.

Napatayo siya bigla dahil masama ang kutob niya sa narinig. Mabilis siyang naglakad sa direksyong pinuntahan ni Cassy kanina kahit mahirap kumilos dahil sa pagyanig. Akala niya ay may sumuntok sa dibdib niya nang makitang nakahiga sa sahig ang dalaga habang walang malay.

“Cassy!” nag-aalalang sigaw ni Roarke, saka siya lumuhod sa tabi nito para ihiga ito sa bisig niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang may malaking pasa sa gilid ng noo nito. May pakiramdam siya na na-out of balance ito nang yumanig ng malakas kanina at posibleng naumpog ito sa edge ng mesa kaya nawalan ng malay. “Hey,” bulong niya habang marahang tinatapik-tapik ang pisngi ng dalaga. “Cassy, wake up.”

Isang hindi maintindihang ungol lang ang sinagot ni Cassy.

Inayos ni Roarke ang posisyon ng dalaga hanggang sa buhat na niya ito na parang bride. Mas lumalakas ang pagyanig ng sahig at naglalaglagan na rin ang makakapal at malalaking libro sa paligid. Delikado na ro’n kaya mabilis siyang naglakad palabas.

“Prince Roarke!”

Paglabas niya ng library ay sumalubong sa kanya si Creed kasama ang tatlo pa sa mga Knight niya. Kalmado ang anyo at kilos ng mga Knight niya pero makikita sa mga mata nito ang pag-aalala habang pinaliligiran siya at inaakay palabas ng gusali. Sinubukan ni Creed na kunin mula sa kanya si Cassy pero tumanggi siya. Hanggang sa naalala niyang hindi lang ito ang importanteng babae no’n.

“Princess Cassiopeia…” bulong niya sa sarili, nanlalaki ang mga mata. Pagkatapos ay huminto siya sa paglalakad sa pasilyo at kunot-noong nilingon si Creed. “Where’s the princess?”

Namula ang mukha ni Creed, saka ito umiling bago sumagot sa French language. “Kanina ko pa tinatawagan si Xia pero hindi siya sumasagot. Siya lang ang may access sa tracking device ni Princess Cassiopeia. Pasensiya na, Mahal na Prinsipe. Pero hindi namin alam kung nasa’n ang prinsesa.”

“Then go and find the princess!” sigaw ni Roarke dahil nilamon siya ng pag-aalala para kay Cassiopeia. Tiningnan niya ang dalawang Knight sa gilid niya. “Find my sister, now!”

Magalang na yumukod ang dalawang Knight na inutusan niya bago tumakbo ang mga ito.

Hindi naman niya sinasadyang magtaas ng boses pero hindi niya napigilan dahil sa matinding pag-aalala. Takot si Cassiopeia sa lindol dahil no’ng mga bata pa sila, nagkaro’n ng malakas na paglindol sa Elestia dahilan para ma-trap sila ng ilang oras sa kuwarto nila na gumuho dala ng pagyanig.

“Creed, take Cassy to a safe place,” utos niya sa Knight niya bago niya ibigay dito si Cassy na wala pa ring malay. Mahirap para sa kanya ang iwan ang dalaga na gano’n ang sitwasyon pero hindi puwedeng hindi niya hanapin ang kakambal niya. “Make sure she’ll receive immediate help.”

Inayos ng Knight ang dalaga sa mga bisig nito at binigyan siya ng kunot-noong tingin. “Prince Roarke, anong pinaplano mong gawin?” tanong nito sa French. “Nang wala ako?”

“I’m going to find the princess myself,” sagot niya habang niluluwagan ang necktie niya, saka niya tinuro ang isa pang Knight na naiwan kasama nila. “I’ll bring him with me so don’t worry.” Nang akmang kokontra pa rin si Creed, binigyan niya ito ng seryosong tingin at kinausap sa French. “Mahalaga sa’kin si Cassy Hart kaya sa’yo ko siya ipinagkakatiwala. Ikaw ang pinakamaaasahan kong Knight, Creed. Hahanapin ko muna ang kakambal ko kaya ikaw na muna ang bahala kay Cassy. Ingatan mo siya.”

Magalang na yumuko si Creed. “Masusunod, Mahal na Prinsipe.”

Tumango lang si Roarke, pagkatapos ay tiningnan niya ang wala pa ring malay na si Cassy at marahang hinaplos ang pisngi nito. “I hate to leave you like this but I’m worried about the princess, too. Kaya hahanapin ko muna ang kakambal ko, Cassy. Ang Knight ko na muna ang bahala sa’yo at sigurado akong hindi ka niya pababayaan. Please be safe until I come back, okay?”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.