Royal Secret/Royal Engagement Duology Chapter 21

“YUKI, are you okay?” nag-aalalang tanong ni Koji sa kaibigan habang mabilis silang bumababa ng hagdan. “Just calm down.”

Tumango si Yuki. Halata sa mga mata nito ang takot pero mukhang kontrolado pa naman nito ang panic. “Hai.”

Malakas pa rin ang pagyanig at nagkakagulo sa paglabas ang mga ka-dorm nila. May nagsisigawan at nagtatalo pa dahil nag-uunahan sa paglabas. Pero sa kabutihang palad naman, may mga kagaya nilang kalmado pa rin na tinutulungan ang iba na `wag mag-panic. Sa labas ng Borealis, naririnig din nila ang boses ni Mr. Rosales– isa sa mga teacher ng academy– na ini-instruct ang mga estudyanteng kumalma sa paglabas ng dorm at dumeretso sa open field.

Nang makababa sila ng hagdan, may mahabang pila na sa paglabas ng dorm gamit ang maindoor. Sa pagkakataong `yon, wala nang nagsisigawan o nagtutulakan. Humihina na rin ang pagyanig pero kailangan pa rin nilang lumabas. Sa lakas ng lindol, hindi imposibleng magkaro’n ng aftershock.

Blossom… please be safe until I get to you.

Naikuyom ni Koji ang mga kamay para pakalmahin ang sarili. Hindi siya nag-pa-panic dahil sa lindol pero nag-aalala siya para kay Blossom. Nang maramdaman pa lang niya ang malakas na pagyanig kanina, tinawagan agad niya ang mommy niya at na-relieve naman siya nang sabihin nitong nakalabas na ito ng TV network kung saan ito may schedule ng taping kasama ang mga katrabaho.

Pero si Blossom, hindi niya ma-contact kaya nag-aalala siya. Madalas pa namang sabihin ng dalaga na takot ito sa lindol. Kaya heto tuloy siya ngayon, hindi mapakali. Kung hindi lang siya makakagulo, baka kanina pa siya nakipagtulakan sa paglabas. Pero alam niyang magdudulot lang siya ng panibagong panic kung magpapadala siya sa emosyon niya. Umaasa na lang siya na kasama ng girlfriend niya ang assistant o mga kaibigan nito sa ligtas na lugar.

“Don’t worry, Koji,” pag-console sa kanya ni Yuki na tinapik pa siya sa balikat. Napansin siguro nito ang pananahimik niya. Best friend niya ito kaya alam niyang nababasa nito ang ibig sabihin ng katahimikan at pagsimangot niya. “Uwian na kaya siguro, nasa dorm si Blossom. Marami naman siyang kasama kaya baka by this time, nag-e-evacuate na rin ang Aurora girls. She’ll be fine.”

Tumango lang siya. `Yon din ang gusto niyang paniwalaan. Tumingin uli siya sa harap ng pila at kumunot ang noo niya nang makita sina Tray at Vonn na parehong halatang natataranta. Nakakapagtala na makita ang dalawa nang wala ang ‘leader’ ng mga ito. “Hey, Tray and Vonn,” malakas na pagtawag niya sa mga ito dahilan para lumingon ang dalawa sa kanya. “Where’s Chase?”

Nagkatinginan muna sina Tray at Vonn na para bang nagtatanungan kung sino ang sasagot, halata sa mukha ng dalawa ang panic.

“N-nasa attic kami kanina bago lumindol,” sagot ni Vonn sa nag-aalangang boses. “No’ng yumanig na, tumakbo na kami, eh.”

“Come to think of it, hindi pa yata bumababa si Chase,” dagdag naman ni Tray habang tumitingin sa paligid na parang hinahanap si Chase. “Nasa attic pa ba siya?”

Kumunot ang noo niya sa pagtataka. “Iniwan niyo si Chase at hindi niyo siya binalikan kahit kanina niyo pa siya hindi nakikita?”

Hindi nakasagot sina Vonn at Tray pero parehong namula ang mukha na parang napahiya.

“Damn,” bulong ni Koji, saka siya tumakbo at umakyat ng hagdan. Naramdaman niyang sumunod sa kanya si Yuki. “Go back, Yuki. Ako nang bahala kay Chase.”

“Kung may nangyaring masama kay Chase, hindi mo siya kayang buhatin mag-isa,” katwiran ni Yuki. “Pinasabi ko naman kina Vonn at Tray na sabihin kay Mr. Rosales ang nangyari para makapagpala sila ng tulong kung hindi agad tayo makalabas.”

Tumango na lang siya dahil hindi `yon ang oras para magtalo.

Hindi pa sila nakaakyat sa attic ay nakasalubong na nila si Chase na pababa ng hagdan. Napansin agad niya na pinagpapawisan ito habang nakahawak sa handrail at hinihingal. Ang isang kamay nito, nakahawak sa binti nitong dumudugo. Ah, kaya pala mukhang nahihirapan itong maglakad.

Kumunot agad ang noo ni Chase nang makita sila. “Anong ginagawa niyo rito?”

Mabilis lumapit si Koji dito para alalayan sana ito pero tinulak siya ni Chase. Gusto niyang mainis pero mas nangibabaw ang pag-aalala niya kaya pinalagpas na lang niya. Bukod sa nasa emergency situation sila, adoptive brother ito ng girlfriend niya. “Tutulungan ka namin, Chase.”

“Hindi ko kailangan ng tulong mo, Koji,” parang galit na sagot naman nito pero bago pa siya makapagreklamo, nagpatuloy na ito. “Blossom needs you more. May trauma siya sa lindol!”

Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. “Trauma?”

“Yes so leave me alone and look for her!” sigaw pa nito. “Go!”

“Ako nang bahala kay Chase,” sabi ni Yuki sa kanya. “Puntahan mo na si Blossom.”

“I don’t need your help, faggot,” pang-iinsulto naman ni Chase sa kaibigan niya. “Ano bang magagawa ng tulad mo para tulungan ako?”

Ipagtatanggol sana ni Koji ang best friend niya pero hinarap na nito si Chase at hindi niya inasahan ang sunod nitong ginawa.

“Shut up and accept my help, Chase Serranilla,” mariin at determinadong deklara ni Yuki. “Kapag hindi ka pa tumigil sa kakareklamo, I’ll knock you out and carry you like a princess for the whole world to see! Sino sa tingin mo ang magmumukhang bakla kapag ginawa ko `yon?”

Natahimik si Chase, halatang nagulat at nasindak sa banta ni Yuki.

Napangiti naman si Koji at nakampante nang magiging okay lang ang best friend niya kaya iniwan na niya ito kasama si Chase. Pagbaba niya ng hagdan, nakasalubong na niya ang rescue team na paakyat sa attic kaya maluwag na ang loob niya nang lumabas siya ng Borealis.

Dumeretso agad siya sa Aurora kung saan nakita agad niyang nasa labas na ang female schoolmates niya at naglalakad habang nakapila ng maayos sa pangunguna ng mga teacher. Nakita agad niya si Astra, ang isa sa mga kaibigan ni Cassy, at ito ang nilapitan niya.

“Hey, Astra,” bati niya rito.

Tumingin naman sa kanya si Astra at binati rin siya. “Koji. Bakit ka nandito?”

“Nakita mo si Blossom?” tanong niya habang tumitingin-tingin sa paligid. Matangkad si Blossom at lutang din ang kulay ng buhok nito pero hindi niya ito makita. “I don’t see her here.”

“Narinig ko si Cassy kanina na kausap sa phone si Blossom,” sagot nito. “Magkikita yata sila sa music room no’ng uwian kaya lang, nakita kong magkasama sina Cassy at Prince Roarke after class kaya hindi ko sure kung natuloy sila. Ang sigurado ko lang, wala dito sa dorm si Blossom.”

Damn. “Thanks, Astra.”

Tumakbo si Koji paalis sa kabila ng pagtawag sa kanya ng mga teacher. Tumigil naman na ang pagyanig pero hindi pa rin siya makakampante hangga’t hindi niya nakikita si Blossom. Baka mamaya, mag-isa lang ito at abutan pa ng aftershock. Kung may trauma ito sa lindol, posibleng natataranta na ito o kaya naman ay hindi makakilos sa sobrang takot.

Please be safe, Blossom.

Hindi naman porke ‘ni-reject’ niya ito ay hindi na siya nag-aalala para rito. Isa pa, sa kabila ng pagtanggi niya rito, nanatili pa ring mabait sa kanya si Blossom. Kahit hindi pa niya kayang panindigan ang feelings niya para rito, hindi naman ibig sabihin ay mapipigilan na niya ang damdamin niya.

Pagdating niya sa lumang building, dumeresto agad siya sa old music room kung saan sila madalas magkita ni Blossom. Habang tumatakbo sa pasilyo, narinig agad niya ang mahihinang hikbi na `yon na sumuntok agad sa dibdib niya. Nang buksan niya ang pinto papasok sa loob ng kuwarto, nakita agad niya ang girlfriend niya na nagtatago sa ilalim ng teacher’s desk habang umiiyak.

“Blossom!” nag-aalalang sigaw ni Koji, saka siya lumuhod sa harap nito. Naawa agad siya sa dalaga nang makitang yakap nito ang mga binti habang nakayuko at walang tigil sa pagyugyog ang mga balikat. “Love, I’m here.”

Hindi pa rin nag-angat ng tingin si Blossom. Hindi ba siya nito naririnig dala ng shock?

“Blossom!” mas malakas na pagtawag niya rito para marinig siya nito. Nang hindi pa rin ito kumibo, hinawakan na niya ito sa mga balikat at niyugyog. “Blossom, calm down! This is Koji. You’re safe now.”

Huminto sa paghikbi si Blossom.

Mayamaya lang, nag-angat ito ng tingin.

Sumalubong sa kanya ang berde nitong mga mata.

Green eyes…? hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili dahil ang pagkakaalam niya, brown ang kulay ng mga mata nito. Pa’no `to nangyari, Blossom?

“K-Koji…” sabi ni Blossom sa pagitan ng mga hikbi. “Koji…”

“Shh,” pag-comfort niya rito, kinalimutan muna ang tungkol sa berde nitong mga mata. Hinawakan niya ang mga kamay nito at tinulungan itong lumabas mula sa ilalim ng mesa. “We have to get out of here, Blossom. Baka biglang magkaro’n ng aftershock, eh. Nasa field na ang schoolmates natin.”

Tumango lang si Blossom.

Pagkatapos ay tumayo na siya at nilahad ang mga kamay dito. Tinulungan niyang tumayo ang girlfriend niya pero mukhang nanghihina talaga ito dahil bumigay ang mga tuhod nito. Mabuti na lang at nasalo agad niya ito. Ipinalupot niya ang isang braso sa baywang nito para masigurong hindi ito matutumba. Nang masiguro niyang may balanse na uli ito ay saka niya lang ito binitawan pero hinawakan naman niya ang mga kamay nito.

“Blossom?” nag-aalalang pagtawag ni Koji dito nang napansin niyang nakayuko lang ang dalaga. “It’s okay. Calm down.”

Nag-angat ng tingin si Blossom sa kanya at akmang may sasabihin pero biglang yumanig ang lupa. Mas mahina na `yon kumpara kanina pero mararamdaman pa rin. Nagsigalawan din ang mga mesa at silya sa music room. Ah, ang bilis naman ng aftershock.

“We should get out of here fast,” sabi niya, saka niya marahang hinila si Blossom pero natigilan siya napansin niyang pinabigat ng dalaga ang katawan nito kaya nilingon niya ito. Napansin din niyang humigpit ang pagkakahawak nito sa mga kamay niya at sunud-sunod na humugot ng malalim na hininga na para bang biglang nanikip ang dibdib nito kaya lalo siyang nag-alala. “Blossom, don’t panic.”

Blossom just looked at him with fearful eyes before she suddenly collapsed.

“Blossom!” sigaw niya, saka niya mabilis na sinalo ang girlfriend niya. Sa pagkakataong `yon, binuhat na niya ito na parang bride bago siya patakbong lumabas ng music room. Hindi niya maalis ang tingin niya sa dalaga na napansin niyang napakaputla na. “Hey…”

“Koji Takishima!”

Natigilan sa pagtakbo si Koji nang marinig ang pagtawag sa kanya ni Roarke na tumatakbo naman palapit sa kanya habang may kasunod na Knight. “Roarke…”

“What happened to her?” nag-aalalang tanong ni Roarke nang tumayo ito sa harap niya, titig na titig kay Blossom. Sa boses at mga mata pa lang nito, halata na ang pag-aalala. “She looks so pale.” Kumilos ito at sinubukang kunin sa kanya ang girlfriend niya. “Give her to me.”

“No,” mariing tanggi niya, saka siya humakbang palayo sa prinsipe. “Ako ang magdadala kay Blossom sa safe place kung saan siya puwedeng magamot.”

The prince fixed him a hard stare… with those green eyes of his.

Alam niyang common sa mga Caucasian ang gano’n pero ang berdeng mga mata ng prinsipe, katulad ng nakita niyang mga mata ng girlfriend niya kanina. Masama ang kutob niya. Tama ba ang iniisip niyang koneksyon nina Blossom at Roarke sa isa’t isa?

“I’m not asking you to give Blossom Serranilla to me, Koji Takishima,” malamig na deklara ni Roarke. Napansin niyang naging alerto na rin ang Knight sa likuran nito na para bang isang senyas lang ng prinsipe ay handa na itong saktan siya. “I’m ordering you to hand Princess Cassiopeia to me.”

NA-RELIEVE si Cassy nang sa wakas ay tumigil na ang mga aftershock.

Sa kasalukuyan, nasa open field pa rin ang mga estudyante at lahat ng official ng Polaris Academy. Maayos at masistema ang pila. Kalmado na rin naman ang lahat. Nakikita niya ang ‘view’ sa harap niya habang nasa loob siya ng tent na tinayo ng rescue team ng academy para sa mga tulad niyang nasaktan dahil delikado raw kung sa loob sila ng infirmary dadalhin. Baka raw kasi may aftershock pang mangyari pagkatapos ng naganap na magnitude 6.9 na lindol kanina na inabot din ng isa hanggang dalawang minuto. Sandali lang pero ramdam na ramdam ng lahat ang lakas niyon.

Sa kabutihang palad naman, walang nasaktan ng malala at wala rin namang major damage na nangyari sa Polaris maliban na lang siguro sa mga bumagsak na gamit o furniture dahil sa malakas na pagyanig. Pero overall naman, masasabi niyang nag-pay off ang mga earthquake drill na ginagawa sa school nila taon-taon.

Sa una lang nagkaro’n ng pag-pa-panic pero eventually, kumalma rin ang mga tao at kailangan din niyang i-commend ang mga school offical na mabilis ang naging aksyon. Mula sa mga teacher na nag-lead sa mga estudyante papunta sa open field hanggang sa rescue team at school doctors nila na nakapagtayo agad ng immediate infirmary.

Sulit naman pala ang expensive tuition fee ng academy.

May mga ambulansiya ring dumating kanina para kay Roarke pero sa dami ng Knights na nakapaligid sa paglabas ng prinsipe ng school building, hindi na niya ito nakita. `Yon siguro ang perks ng mga super VVIP na kagaya nito– poprotektahan pa rin ito ng loyal Knights nito sa mga kalamidad na gaya ng paglindol kahit kung tutuusin, sa gano’ng sitwasyon ay okay lang na unahin na ang sarili.

“Sir, sure ka po bang hindi nasaktan si Roarke?” nag-aalalang tanong ni Cassy kay Creed na kanina pa siya hindi iniiwan. Ngayon ngang nakaupo siya sa damuhan, parang estatwa pa ring nakatayo sa gilid niya. “Ang dami kasing dumating na Knight kanina.”

“The prince is safe,” simpleng sagot nito, pagkatapos ay natahimik na ito. Ah, nakakaintindi ito ng Filipino pero hindi nakakapagsalita. “You should worry about yourself, young lady.”

Nag-pout siya sa kasungitan ng Knight pero hindi na siya nag-comment dahil hindi naman sila close. Saka naisip niya na baka grumpy ito ay dahil sa pag-aalala kay Roarke. Understandable naman dahil himbis na ang prinsipe ang pinoprotektahan nito ay stuck ito sa pagbabantay sa kanya.

Napahawak siya sa noo niyang may malaki nang benda pagkatapos i-stitch. Three stitches, maliit na bagay. Nagising siya kanina na si Creed na ang kasama at si Dr. Albert Martin sa tent na kumpleto naman sa gamit para gamutin siya. May dumating na ambulansiya kanina para daw sa kanya sa utos ni Roarke. Pero nakita niya na sugatan si Chase, pagkatapos ay mukha namang shocked sina Brenda at Eloise na pareho pang namumutla dahil sa panghihina kaya pinauna na niya ang mga dalawa.

Natawagan na rin niya ang parents niya kanina at nasiguro niyang ligtas ang mga ito sa bahay. Hindi na nga niya sinabi na may minor injury siya dahil siguradong mag-pa-panic ang mama at papa niya. Nakiusap siya sa doktor at teachers niya na huwag munang tawagan ang mga magulang niya para ipaalam ang nangyari sa kanya sa takot niyang baka maaksidente ang mga ito sa pagmamadaling mapuntahan siya. Pumayag naman ang school officials sa kondisyon na ihahatid siya ng homeroom adviser niya sa bahay para personal na i-assure ang parents niya na safe na siya.

Sa ngayon, naghihintay lang siya ng panibagong ambulansiya dahil mapilit si Creed na dalhin siya sa malaking ospital dahil `yon daw ang bilhin ni Roarke kahit sinabi na rin naman ng school doctor na hindi malalim ang sugat niya. Pero in-advise nitong magpatingin na rin siya sa ospital para makasigurong wala siyang internal injury.

“Hey, Cassy.”

Nalingunan ni Cassy si Yuki na umupo sa tabi niya. Na-relieve siya na may makakausap na siyang iba maliban kay Creed na sobrang stiff. “Ano bang nangyari kay Chase?” tanong niya dahil nakita niya si Yuki na inaalalayan si Chase sa pagsakay sa ambulansiya kanina. “Bakit na-injure `yong leg niya?”

“Apparently, nabagsakan siya ng mini bookshelf nila sa dorm,” sagot ni Yuki sa frustrated na boses. “Hindi naman daw gano’n kabigat so he was able to pull his leg out. `Yon nga lang, may sharp edges `yong shelf kaya nagasgas `yong hita niya. But he’ll be fine. Masungit pa rin, eh.”

Natawa siya, pero mabilis din `yong nawala nang may maalala siya sa pinag-aalala niya. “Hindi ko pa nakikita sina Koji at Blossom. Hindi ko rin sila ma-contact. Are they safe?”

“Nagtext sa’kin si Koji at sinabi niyang magkasama sila ni Blossom. They said they’re fine pero hindi niya sinabi kung nasa’n sila. I guess we should just wait for an update.”

Tumango na lang siya. Ang mahalaga naman, alam nilang safe sina Koji at Blossom.

“Okay ka lang ba talaga, Cassy?” nag-aalalang tanong naman ni Yuki mayamaya. “Mukhang masakit `yang sugat mo.”

Tinawanan niya lang `yon. “Okay lang ako, Yuki. Malayo `to sa bituka.”

“But head injury is also dangerous.”

“Okay lang ako,” natatawang giit niya. “Promise.”

Maayos naman na talaga ang pakiramdam niya. Nawalan lang siya ng malay kanina dahil tumama ang noo niya sa edge ng mesa. Na-out of balance kasi siya no’ng biglang lumindol ng malakas. Hindi naman siya totally na-black out. Medyo nagigising-gising pa siya no’ng karga siya kaya narinig pa niya ang mga inutos ni Roarke sa mga Knight nito.

“Find my sister, now!”

Napaisip naman si Cassy. Tama ba ang pagkakaintindi niya? Nandito rin sa Pilipinas ang kakambal na babae ni Roarke?

Kung totoo `yon, sino naman kaya sa mga Polarian dito ang real life princess pala?

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.