“DAPAT palitan ang tagline ng school na `to, eh,” iiling-iling na bulong ni Cassy sa sarili habang masama ang tingin sa malaki at kulay gold na arc na makikita sa main gate ng Polaris Academy. Pagod na siya dahil mula pa sa unang block bago ang school nila, hila-hila na niya ang dalawang malalaking maleta na hawak niya sa mga kamay. May nakasabit pang dalawang naglalakihan at nagbibigatang backpack sa magkabila niyang balikat. “Welcome to Polaris Academy: Making poor students suffer since 1908.” Tumango-tango siya dahil maganda sa pandinig niya ang nabuo niyang tagline. “Mas bagay `yong naisip ko, ha? I should be a copywriter someday.”
Malakas na busina.
Napapiksi siya sa gulat nang marinig ang nakakabinging pagbusina ng silver Audi na hindi niya namalayang nasa gilid na niya.
Nakababa ang bintana sa backseat kaya kitang-kita niya sina Brenda at Eloise na nakasilip at nakangisi sa kanya kaya ngumisi rin siya. Ang dalawang mestiza na `to na parehong wavy at blonde ang buhok (light shade kay Brenda, dark shade naman kay Eloise) ang pinakamalaking bully sa buhay niya. Pero wala naman siyang magagawa dahil parte ng ‘trabaho’ niya ang pakisamahan (at pagsilbahan!) ang mga ganito kamalditang students sa academy nila.
“Hi, Errand Girl!” cheerful na bati ni Brenda sa kanya. “Make sure to take extra care of our things, ha? May perfume kasi sa luggage namin na from Paris pa.”
“I’m sure naman na wala kang pambayad if mabasag `yon so if I were you, I’d walk really, really slow,” dagdag ni Eloise. “Go straight to Aurora, okay?”
Ngumiti siya ng plastic. Kung wala lang siyang hawak na maleta sa magkabilang-kamay, nag-mock salute pa sigur siya. “Yes, Ma’am. Understood. Maglalakad ako sa pinaka-slow at pinakamaingat na way para hindi mabasag ang perfume niyo from Paris. See you sa Aurora, mga lady boss.”
Ang ‘Aurora’ ang pangalan ng dormitory for girls na nasa loob ng Polaris Academy. ‘Borealis’ naman ang tawag sa dormitory for boys. Yes, it sounded corny but she kind of liked the word play.
Kumaway lang sa kanya sina Brenda at Eloise bago umangat ang bintana. Pagkatapos, umandar na uli ang silver Audi na kumikinang sa kintab.
Napabuga ng hangin si Blossom habang iiling-iling. “Lakas talaga mag-power trip ng mga rich kid. Ang ganda-ganda ng kotse, pero pinapabuhat pa sa iba ang luggage nila!”
Ito na ang huling Sunday ng summer vacation nila dahil bukas, pasukan na uli sa Polaris Academy. Kaya ang mga estudyanteng nakatira sa dorm, umuuwi na. Pabalik na rin siya sa dorm niya nang tawagan siya ni Brenda. Pinapunta siya nito sa convenience store sa kabilang block. Kasama ng bruha si Eloise at parehong dala ng dalawa ang mga bagahe ng mga ito. Ayun nga, inutusan siya ng mga bully na dalhin sa dorm ang mga gamit. Pagkatapos, sumakay na ang mag-beshie sa silver Audi.
Right then and there, she realized that they had started to make her life miserable again.
Konting tiis na lang, Cassy, pag-chi-cheer niya sa sarili. Grade 12 ka na. Meaning, ito na ang huling taon mo sa high school. Makakalayo ka na rin sa mga bully na `yon.
Natigilan si Cassy nang umihip ang may kalakasang hangin at tinangay ang makukulay na petals ng mga bougainvillea trees sa paligid. Napangiti siya habang tumitingin sa paligid. Sa dalawang buwan na summer vacation, muntik na niyang makalimutan ang favorite spot niya sa Polaris Academy– ang ‘Polaris Boulevard.’ `Yon ang kalsada sa pagitan ng main gate at harap ng main building kung saan puwedeng maglakad ang mga estudyante o dumaan ang luxury cars ng mga rich kid.
There were rows of boungainvillea trees in full bloom along the roadside. The flowers varied in color– pink, purple, orange, and white. The best part was that they added an air of tranquility to the road and they also made the street look romantic. Parang cherry blossoms ng Japan!
Humugot ng malalim na hininga si Cassy para singhutin ang mabangong amoy ng bougainvillea flowers, saka niya binuga ang hangin sa baga niya. Okay na siya, magaang na uli ang pakiramdam. “Kaya mo `yan, Cassy Hart,” pag-cheer niya uli sa sarili. Apelyido niya ang ‘Hart.’ Nagsimula na uli siyang maglakad sa kahabaan ng Polaris Boulevard habang nililipad sa paligid ang makukulay na petals. “Ipaalala mo lang sa sarili mo kung pa’no ka napadpad sa School of Bullies na `to.”
At habang ‘naglalakbay’ nga siya, sinabay na rin niya ang pag-re-reminisce sa tinatawag niyang ‘Cassy’s Legendary First Week at Polaris Academy’…
16 year old Cassy…
Nanalo ang mama niya sa isang game show. In fairness, ang bongga ng prize– one million pesos, brand new car, at house and lot! Malaking tulong `yon sa pamilya nila dahil hindi man sila gano’n kahirap kumpara sa iba, hindi pa rin naman masasabing komportable ang buhay nila.
May puwesto sa palengke ang mama at papa niya. Nagtitinda ang mga ito ng karne ng mga manok at baboy. Nasa early fifties na ang mga magulang niya kaya nahihirapan siyang makita na gumigising ng sobrang aga ang mga ito at buong araw magpapakapagod sa pagtatrabaho.
Pangarap niya na bigyan ng komportableng buhay ang mga taong umampon sa kanya. Oo, ampon lang siya. Pero biological uncle naman niya ang papa niya dahil kuya ito ng biological mom niyang nakapangasawa ng Amerikano habang nagtatrabaho bilang caregiver sa Canada. Isang araw, no’ng five years old pa lang siya, iniwan daw siya ng kanyang ina sa tito at tita niya (na mga magulang na niya ngayon) para raw makapagbakasyon ang mga ito sa Hawaii bilang celebration daw ng 6th wedding anniversary. Unfortunately, namatay sa plane crash ang mag-asawa.
Dahil walang anak, nagpasya ang tito at tita niyang ampunin siya pero bilang respeto raw sa mga magulang niya, hindi binago ng mga ito ang apelyido niya.
“Mama at Papa, hindi na kayo mahihirapan,” masayang sabi ni Cassy sa mga magulang habang nag-mi-“meeting” sila sa dining table. Ang sabi kasi ng mga ito sa kanya kanina, pag-uusapan na raw nila ang gagawin sa napanalunang pera ng mama niya. “Gamitin niyo ang pera sa pagpapatayo ng business. Magandang investment din `yon. `Tapos, puwede pa nating ipa-rent `tong bahay natin kapag lumipat na tayo. Kahit isang floor lang `to, dalawa naman ang kuwarto. Another investment din `yon.” Ngumiti siya para i-assure ang mga magulang na anuman ang maging desisyon ng mga ito, susuportahan niya. “Kahit na may pera na tayo, hindi pa rin ako titigil sa pagsusulat ng romance novels para may extra income pa rin tayo.”
Mahilig siyang magbasa ng Tagalog romance pocketbooks kaya simula nang bilhan siya ng mama at papa niya ng secondhand netbook no’ng 15th birthday niya, sinubukan niyang magsulat ng nobela. Suwerte namang nakapasa ang ilan sa mga natapos niya at nabayaran siya ng publication. Hindi man kalaki ang kinikita niya sa pagsusulat, nakakatulong pa rin naman siya sa mga magulang niya.
Ngumiti ang mama niya at hinawakan ang kamay niya. “Anak, nakapagdesisyon na kami ng papa mo sa investment na pagkakagastusan namin.”
“Talaga, Mama? Ano naman `yon?”
“Ikaw.”
Napakurap-kurap siya at tinuro ang sarili. “Ako?”
“Oo, anak,” sagot naman ng papa niya. Hinawakan naman nito ang isa pa niyang kamay. Gaya ng mama niya, halatang masaya rin ito. “Nagdesisyon kami ng mama mo na mag-invest sa edukasyon mo. Para kahit maubos man ang isang milyon natin, maaasahan ka pa rin ng pamilya natin.”
“Ahh,” tumatango-tango at nakangiting sabi niya. Tama naman ang mga magulang niya. Mauubos ang pera pero hindi ang edukasyon ng isang tao. Nagpalipat-lipat siya ng tingin sa mama at papa niya habang pinipisil ang mga kamay ng mga ito. “Huwag kayong mag-alala, Mama at Papa. Mag-aaral akong mabuti. Nakakainis nga na inabutan ako ng K to 12 na `yan, eh. Napatagal pa tuloy ang pag-ka-college ko. Pero promise. Kapag naka-graduate na ko, magtatrabaho agad ako para masuklian ko ang lahat ng paghihirap niyo sa’kin. Maghahanap ako ng work na magpapayaman sa’tin.”
Natawa ng mahina ang mama niya habang iiling-iling. “Salamat, anak. Masaya kaming marinig `yan. Pero hindi naman `yon ang ibig naming sabihin ng papa mo.”
Kumunot ang noo niya, saka siya tumingin sa kanyang ina. “Hindi `yon? Eh ano, Mama?”
“Anak,” excited na sabi ng mama niya, halata sa mukha ang saya at nanlalaki pa nga ang mga mata. “`Pag nag-senior high ka na, ililipat ka na namin ng school. Ang gusto namin ng papa mo, sa Polaris Academy ka na pumasok!”
Nabigla siya kaya binawi niya ang mga kamay sa mga magulang niya. Siya naman ang nanlalaki ang mga mata habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa mama at papa niya na parehong ang laki ng ngiti sa kanya. Tama ba ang narinig niya? “P-Polaris Academy? `Yong private school para sa mga rich kid?”
Naging matunog ang pangalan ng Polaris Academy nang may nag-viral na video tungkol sa pam-bu-bully daw ng mga Polarian (tawag sa mga estudyante ng Polaris Academy) sa mga teen star na pumapasok din sa school na `yon. Sa video na pinanood niya, narinig niyang sinabi ng Polarian girls na ang cheap daw ng mga teen star para tawaging ‘career’ ang pag-arte ‘lang’ at pag-me-memorize ‘lang’ ng lines para kumita ng ‘kaunting’ pera. Mabilis din namang nawala `yong video at namatay agad ang issue pero hinding-hindi niya makakalimutan ang napanood niya.
Kung `yong mga sosyal na teenstar na nga na mayayaman na rin naman, tinawag pang cheap ng mga Polarian na `yon, pa’no pa kaya siya na makakapag-aral lang sa Polaris Academy dahil nanalo ng one million pesos sa game show ang mama niya?!
“`Di ba masyadong mahal ang tuition fee sa Polaris?” nag-aalangan na sabi ni Cassy, baka-sakaling matauhan ang mga magulang niya. “Baka hindi pa ko nakakapag-college, maubos na agad ang one million pesos natin! Saka Mama, malaki lang pakinggan ang isang milyon pero alam natin na sa panahon ngayon, mabilis maubos ang pera sa mahal ng mga bilihin. Mas praktikal kung sa public school na lang ako mag-se-senior high. O kaya sa normal na private school. `Wag na sa Polaris.”
Mariing umiling ang kanyang ina. “Hindi, anak. Kailangang sa Polaris ka magtapos ng high school para makapasok ka rin sa magandang university kapag nag-college ka na.” Lumungkot ang mukha ng mama niya, pagkatapos ay marahan nitong hinaplos ang pisngi niya. “Matalino ka, Cassy. Gusto namin ng papa mo na mapag-aral ka sa mas magandang school para naman mas lalo mong magamit ang talino mo. Kaya sana, maintindihan mo kami. Gusto lang naming maibigay sa’yo ang mga bagay na alam naming mas makakabuti para sa’yo. Isa na ro’n ang pag-aaral sa Polaris Academy.”
Nakagat ni Cassy ang lower lip niya. Kung ganito ka-earnest ang tinging ibinibigay sa kanya ng mama at papa niya, makakatanggi pa ba siya?
Grade 11 Cassy, First Day…
Nakanganga si Cassy habang nakatingala sa tatlong naglalakihang estatwa sa harapan niya.
There were statues of three armored knights in different colors– the one in the middle was gold, the one in the left was silver, and the one in the right was bronze. Each life-sized figurine held the hilt of a sword with its blade pointed upwards. The plate on the platform where the huge statues stood said, ‘The Three Swordsmen.’
Magkakrus ang espada ng silver armored knight at bronze armored knight, pagkatapos ay nakapatong ang mga talim ng mga `yon sa talim ng espadang hawak naman ng gold armored knight.
Parang familiar `yong position ng mga espada.
Napatingin si Cassy sa crest na nakatahi sa (unnecessary) black vest sa ibabaw ng white blouse niya (na may unnecessary red plaid ribbon pa). Kagaya nga ng posisyon ng mga espada ng ‘The Three Swordsmen’ ang nakatatak na simbolo sa badge ng school uniform niya kung saan nakasulat din ang pangalan ng Polaris Academy. “Ah. Sila siguro ang symbol ng school.”
“Is she talking to herself?”
“Argh, another weird kid.”
“This is the first time I saw her. I guess she’s new.”
Pasimple siyang nag-angat ng tingin at nakagat na lang niya ang lower lip nang ma-realize niyang pinagtitinginan at pinagbubulungan siya ng mga new schoolmate niya. Napayuko tuloy siya at mabilis na naglakad papunta sa senior high building sa east wing ng Polaris Academy habang nakahawak ng mahigpit sa hem ng plaid skirt niya. Kahit na naiinitan siya dahil sa knee-length black socks na suot niya, nakaramdam pa rin siya ng panlalamig dahil sa pagkapahiya. Makapal ang mukha niya sa pakikipag-usap sa mga hindi niya kakilala pero kapag nakakagawa siya ng katangahan, nahihiya siya.
Accountancy, Business and Management o ABM Strand ang Academic Track na ‘kinabagsakan’ niya. Gusto sana niya sa Humanities and Social Sciences o HUMSS dahil gusto niyang mapasama sa Creative Writing class bilang preparation sa college. Pero naisip niya na hindi na niya dapat gawing course sa college ang hobby niyang pagsusulat kaya okay na siyang malinya sa business course.
Naputol ang pag-iisip niya nang dumating na siya sa classroom niya. Dahil likas na ‘makapal ang mukha’ na kailangan niya kapag tumutulong siya sa pagtitinda ng karne sa palengke, hindi siya nag-hesitate na buksan ang pinto at pumasok agad sa classroom. Napansin naman niyang biglang natahimik ang mga kaklase niya at sabay-sabay na napatingin sa kanya.
Ngumiti si Cassy gaya ng ginagawa niya kapag may customer siya sa palengke. “Good morning.”
Tipid na ngiti at ilang ‘`morning’ lang ang natanggap niya bago bumalik sa kanya-kanyang business ang mga kaklase niya.
Siya naman, tuluyan nang pumasok sa loob ng malamig na classroom. Ah, hindi naman pala masyadong ‘unnecessary’ ang vest sa school uniform nila dahil ang lakas ng buga ng aircon sa kuwarto. Mahina pa naman siya sa lamig kaya baka sa susunod, magdala pa siya ng jacket.
Nakahanap siya ng bakanteng table sa pinakadulong row at nasa tabi pa `yon ng bintana. Parang puwesto lang ng main characters ng mga anime na pinapanood niya. Maging ang mga mesa sa classroom nila, parang sa Japan o Korea din. Himbis na armchair gaya ng nakasanayan niya sa dating school, may isang pares ng upuan at table na gawa sa kahoy ang naka-allot sa bawat Polarian.
Ah. Gets ko na kung bakit mahal ang tuition fee dito. Bongga naman pala!
“Hi, girl!”
Tumingala si Cassy sa dalawa niyang classmate na lumapit sa kanya. Natulala siya sa gandang pang-diyosa ng mestiza sa harap niya at sa kaguwapuhan naman ng mestizo rin na kasama nito.
Aaminin niya na sa dati niyang school, siya na ang pinakamaganda. Dahil sa dugong Amerikano ng totoo niyang ama, namana niya ang ilang foreign features nito. Ang maputing balat, light brown na mga mata, matangos na ilong, at manipis na mga labi. Samantalang namana naman niya sa totoo niyang ina ang pagiging petite nito. Nasa 5’4” lang siya at hindi gaya ng ibang kakilala niya na may lahing Tisay, payat ang pangangatawan niya at hindi rin malapad ang mga balikat niya.
Pero dito sa Polaris Academy, nagmukha siyang average. Nakakadurog ng self-confidence ang mga schoolmate niya!
“I’m Brenda Zulueta,” nakangiting pagpapakilala ng mestiza sa kanya.
Nag-aalangan man, tinanggap pa rin ni Cassy ang pakikipagkamay nito. At wow. Ang lambot at ang kinis ng kamay nito! “Cassy Hart.”
Ngumiti lang si Brenda pagkatapos bitawan ang kamay niya. Pagkatapos, iminuwestra naman nito ang matangkad at kulot na lalaki na mukha sanang anghel pero mala-demonyo naman ang mayabang na ngisi. “And this is my friend.”
“Chase Serranilla,” nakangising sabi ng binata, saka nilahad ang kamay sa kanya. “Hi, Cassy.”
“Hello, Chase,” bati niya rito sa maingat na boses. Ewan ba niya pero may dangerous aura si Chase kaya siguro siya nangingilag dito. Nang pisilin ng lalaki ang kamay niya, sinubukan niyang bawiin `yon mula sa pagkakahawak nito pero hindi pa rin ito bumitiw. “Uhm, puwedeng bitawan mo na ko? Kung hindi mo pa napapansin, medyo pasmado ako, eh.”
Biglang nawala ang ngisi ni Chase, sabay punas ng kamay sa pantalon nito. “Gross.”
Medyo napangiwi naman si Brenda pero pinilit pa rin nitong ngumiti. Pagkatapos, humalukipkip ito at humarap sa kanya. “Anyway, Cassy. I’d like to ask you a question.”
“Ano `yon?”
“What does your family do? Hindi kasi kami familiar sa Hart family.”
Normal ba `yon na tinatanong sa bagong kaklase? Ang weird niyon pero ayaw naman niyang mag-iwan nang hindi magandang impression sa first day niya kaya ngumiti pa rin siya at sumagot. “Ah. Nagbebenta ng karne ang family ko.”
“‘Karne?’” nagtatakang tanong naman ni Brenda na parang ngayon lang narinig ang salitang `yon.
“Uhm, meat?” mas madaling paliwanag naman niya.
“Ahh,” tumatango-tangong komento ng mestiza. “You mean your family does meat trading? So, nakalinya pala sa food industry ang company niyo?”
“Not bad,” sabi naman ni Chase pero kay Brenda ito nakatingin. “Tray Acosta’s family is in the meat trading industry as well. Their company runs one of the biggest meat processors in the country.” Nilingon siya ng binata. “Are you acquainted with the Acostas?”
Kumunot ang noo niya sa pagtataka. Hindi niya kilala ang pangalan at apelyidong binabanggit ni Chase. Saka bakit ba parang in-e-expect nito na ‘acquainted’ siya sa mga taong `yon?
Wait. Ano ba `yong meat trading? Eh nagtitinda lang naman kami ng karne sa palengke!
“Hi, Brenda and Chase!”
Nawala sa kanya ang atensiyon ng dalawa dahil sa pagtawag sa mga ito nang isa pang mestiza. Ngumisi si Chase at lumapit agad sa babae para humalik sa pisngi nito.
Si Brenda naman, humarap uli sa kanya. “That’s my best friend Eloise Anderson. Their family owns gas stations all over the country. Ciao,” sabi nito, saka siya tinalikuran. “Eloise!”
Napakurap-kurap na lang si Cassy habang nakatingin sa mga kaklase niya. Bigla siyang nanliit. Ngayon, alam na niya kung bakit minamaliit ng Polarian kids ang mga teen star do’n sa napanood niyang viral video– old money ang mga batang `to!
Grade 11 Cassy, Second Day…
Nagtaka si Cassy nang mapansin niyang pinagtitinginan siya ng mga schoolmate niyang kasabay niyang kumain sa cafeteria. Sigurado siyang siya rin ang pinagbubulungan at pinagtatawanan ng mga ito pero hindi niya maintindihan kung bakit. Okay naman ang first day niya sa school kahapon, ha?
Well, hindi siya nakapag-socialize sa mga kaklase niya kanina dahil hindi niya alam kung pa’no maki-mingle sa mga mayayaman. Sanay siyang makisama sa mga katulad niya na simple lang ang pamumuhay at mababaw lang din ang kaligayahan. Kaya niyang pakitunguhan ang mga kargador ng naglalakihang mga sako sa palengke, gano’n din ang ‘yayamanin’ nilang mga suki. Pero ang level ng ‘yayamanin’ sa mundo nila, walang-wala sa level ng mga Polarian.
Ni-research niya kagabi sina Brenda Zulueta at Chase Serranilla. Nalaman niya na si Brenda, apo pala ng owner ng malalaking mall at concert grounds. Si Chase naman, pamangkin ni Margarette Serranilla– `yong owner ng malaking TV network at ex-wife ni Prince Reynold St. Clair ng Elestia!
Big time!
No wonder her classmates had an air of wealth and arrogance around them. Ang hirap tuloy i-approach ng mga ito. Okay pa sana kahapon. Pero kanina, parang ina-isolate siya ng mga kaklase niya dahil walang pumapansin o tumitingin man lang sa kanya. Daig pa niya ang invisible.
“Hi, Cassy,” nakangising bati sa kanya ni Brenda, saka ito naki-join sa mesa niya nang walang paalam. Binaba nito ang tray ng pagkain nito na vegetable salad at isang baso ng tubig lang ang laman. “I hope you don’t mind.”
Tumango lang siya.
Sa pagkagulat niya, dumating din si Chase na tumabi kay Brenda. Pero himbis na tray ng pagkain, mamahaling phone ang hawak ng lalaki. Ngumisi pa nga ito sa kanya na para bang iniinsulto siya.
“Bakit?” naiinis na tanong ni Cassy kay Chase. “Pinagtatawanan mo ba ko?”
“Yes, I’m laughing at you,” deretso at nakangising sagot ni Chase na ikinatawa ni Brenda. “I can’t believe a lowly Class C like you lied to us.”
“Class C?” nagtatakang tanong niya. “Ano naman `yon?” Pero na-realize niyang hindi `yon ang mas importanteng malaman. “At bakit mo naman ako pinagbibintangan na nagsinungaling sa inyo?”
“You lied to us,” giit ni Brenda, nakangiti ng sobrang tamis habang pinaglalaruan ng tinidor ang salad nito. “You told us your family is in the meat trading business. Pero no’ng i-search ka namin, we found out that you don’t belong in our class.”
“Gago ba kayo?” nabiglang bulalas niya dahil sa akusasyon ng dalawa kaya nakapagmura siya. Na-guilty siya dahil nag-promise siya sa parents niya na hindi na siya magmumura. Saka halatang na-shock sina Brenda at Chase sa pagmumura niya dahil nanlaki ang mga mata ng mga ito kaya binago agad niya ang usapan. “Kayo lang ang nag-assume niyan. Ang sabi ko lang, nagtitinda kami ng karne.”
“In a mart. Wait, is it called palengke?” pang-iinsulto naman ni Chase na mukhang naka-move on na sa pagmumura niya kanina. Kinakalikot ng lalaki ang phone nito. Pagkatapos, hinarap nito sa kanya ang screen niyon. May video na nag-play. “Kayo ba `to ng mother mo?”
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang video ng game show kung saan nanalo ang mama niya pagkatapos buksan ng host ang ‘kahon’ na naglalaman ng ‘Jackpot.’ Sa clip na `yon, makikitang umuulan ng confetti sa studio habang naglulupasay sa sahig ang kanyang ina at umiiyak na nagpapasalamat sa TV host. Mayamaya lang, nakita niya ang sarili niya sa video na patakbong lumapit sa mama niya, pagkatapos ay niyakap niya ang kanyang ina habang umiiyak. “Oo, kami nga `yan ng mama ko. Ano naman ngayon?”
Nagkatinginan sina Brenda at Chase, pagkatapos ay nagtawanan ang mga ito.
“So nagtitinda kayo ng meat sa palengke and then one day, your mother won the jackpot in a stupid game show,” nakangisi at iiling-iling na pag-summarize ng mestiza sa ‘buhay’ ng pamilya niya. “Does having a mere one million pesos in your bank account– if you have any– made you think that you already deserve to be a Polarian?” Binigyan siya nito ng nanunuring tingin mula ulo hanggang paa. “Well, looks can really be deceiving. What a waste. I thought you’re qualified to join our clique.”
“Totoo pala `yong mga ganito `no?” iiling-iling na sabi ni Chase habang pinapanood ang video sa phone nito. “I don’t know if I’m gonna pity your mother or laugh at her desperation. She looks like she’s ready to kiss the TV host’s feet just because of the stupid prize she won.”
Humigpit ang pagkakahawak ni Cassy sa kutsara’t tinidor sa mga kamay niya. Sa totoo lang, palamura at basagulera siya no’ng mas bata siya. Laking palengke siya at sanay siyang murahin ang mga tinderong nambabastos sa kanya o mandurugas na customers. Tinuruan kasi siyang sumuntok at makipaglaban ng mga naging ka-close niyang kargador kaya malakas ang loob niyang makipag-away. Nakikipagsapakan pa siya sa mga batang hamog na nangnanakaw ng karne sa puwesto nila. Binubugbog din niya ang mga kaklase niyang lalaki na namboboso sa CR ng mga babae.
Pero no’ng nag-second year high school na siya at nagsimula na siyang tubuan ng boobs at datnan ng menstruation period, naging mas mahigpit na sa kanya ang mama niya. Nagmakaawa ito sa kanya na itigil na niya ang pakikipag-away sa mga lalaki, lalo na ang bumarkada sa mga kargador. Dumagdag pa na muntik atakihin sa puso ang papa niya nang makita siyang sinasapak ang tinderong bumastos sa kanya at sinubukan pa siyang hipuan habang nagbabantay sa puwesto nila.
Kaya simula no’n, nangako siyang hindi na uli magmumura (ng hard) at makikipag-away.
`Wag mong patulan ang mga rich kid na `yan, pigil ni Cassy sa sarili. Kapag sinapak mo ang mga bully na `yan, siguradong ipapakulong ka ng mga pamilya ng mga `yan. Baka sa pagpiyansa at hospital bills lang maubos ang pera ng parents mo!
“Tapos na ba kayo?” iritadong tanong na lang niya kina Brenda at Chase habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa dalawa.
Sabay na tumango sina Brenda at Chase na pareho pang nakangisi.
“Yes, you’re dismissed,” sabi pa ni Brenda, nakangiti pa rin. Nakakairita. “Get lost. Thank you.”
“And don’t you dare show your face here again,” nakangising dagdag naman ni Chase. “Ayaw naming mawalan ng appetite kapag nakasabay namin dito sa cafeteria ang mga lower class like you.”
Sa pagkakataong `yon, nagtawanan na ang mga schoolmate nila na nakikinig pala sa usapan.
Nag-init ang mga pisngi ni Cassy sa pinaghalong galit at pagkapahiya. Bago pa siya makapanakit ng ibang tao, tumayo na siya at nag-walk out. Hinding-hindi na talaga siya babalik sa cafeteria na `yon!