Royal Secret/Royal Engagement Duology Chapter 4

Grade 11 Cassy, Third Day…

“So, may caste system pala dito sa Polaris Academy?” tanong ni Cassy kay Koji habang kinakapa sa damuhan ang mga workbook niya na hinulog nina Brenda at Chase kanina mula sa bintana ng classroom nila. Nasa second floor sila kaya dito sa porch garden ng Senior High building bumagsak ang mga `yon. “VVIP means Very&Vehemently Important Polarian. VIP is equal to Very Important Polarian. Then Class A na ang equivalent eh ‘Acceptable’ o `yong students na may comfortable naman ang buhay pero hindi pa rin masasabing member ng high society.” Umupo siya sa damuhan nang makita na niya ang Economics book niya. Isa na lang at makukumpleto na niya ang mga textbook niya. Ginto ang presyo ng mga `yon kaya talagang hahanapin niya ang lahat ng `yon! “Tama ba?”

“Oo,” sagot ni Koji na nakaluhod din sa damuhan at tinutulungan siyang hanapin ang mga libro niya. “Kasali sa Class A `yong na-mention mong mga teen star na na-bully ng VIP students dito noon. Kahit sikat ang mga artista, kung hindi naman sila galing sa magandang pamilya, mababa pa rin ang magiging tingin sa kanila ng mga schoolmate natin na pinanganak na may golden o silver spoon.” Nilusot nito ang kamay sa makapal na halaman sa harapan nito. “Ah. Found it.”

Napangiti siya nang iabot ng binata sa kanya ang Fundamentals of Accountancy, Business and Management 1 book niya. “Thanks, Koji.”

Nanatiling poker-faced ang lalaki pero tumango naman ito bilang sagot. Pagkatapos ay umupo ito sa tabi niya na parang nagpapahinga. Halos kalahating oras din silang naghanap dahil `yong ibang libro niya, ang layo ng narating dahil sa malakas na paghagis ni Chase.

Napapalataktak siya habang iiling-iling nang maalala na naman niya ang pam-bu-bully sa kanya pero inalis niya muna `yon sa isipan niya dahil ayaw niyang ma-bad trip. “Anyway, `yong Class B naman eh ang meaning ‘Barely’ o `yong mga student na social climber daw ang pamilya? Grabe naman `tong sistema na `to. Sino bang nagpauso nito?”

“Wala naman talagang written rule o formal caste system dito sa Polaris,” paliwanag ni Koji. “`Yong mga bully lang like Chase and Brenda ang ‘nagpauso’ sa sistema na `yon dito sa school. Sila `yong nangunguna sa pag-background check sa mga schoolmate natin para alamin kung saang clique sila sasali at kung anong grupo ang puwede nilang i-bully hanggang sa ginaya na rin sila ng ibang students para maging ‘in.’ Nagsimula ang caste system na `yan no’ng freshman year pa namin.”

“Ang sama no’n,” iiling-iling na komento niya. “Kawawa naman `yong mga ka-batch niyo na more than four years na palang nag-sa-suffer dito sa Polaris Academy.”

Bumuga lang ng hangin ang lalaki. “You should worry about yourself, Cassy. We’re at the bottom of the caste. Ang Class C o Commoners eh `yong mga scholar like the two of us. Tayo rin ang madalas na target ng bullying dahil wala tayong mayaman o influential family na makakabunggo nila kaya wala rin silang consequence o risk na kailangang harapin kung tratuhin man nila tayo ng ganito.”

Nilingon ni Cassy si Koji na nakaupo sa tabi niya. Nakilala at naging kaibigan niya ang binata no’ng nagkasabay sila sa pagkuha ng exam at interview para maging scholar ng Polaris Swordsmen Association o PSA bago pa man din magsimula ang klase. `Yon nga lang, magkaiba sila ng Academic Track. Saka half-scholarship lang ang nakuha niya samantalang full scholarship naman sa lalaki.

Pero sa totoo lang, bukod sa guwapo at matangkad ito, napansin niya na may air of elegance pa rin ito. Reserved ito at may good manners pa kahit pokerfaced at tahimik lang ito madalas.

Naramdaman yata ni Koji na nakatingin siya rito kaya nilingon siya nito, blangko pa rin ang mukha. “What?”

“Narinig ko si Chase na ‘Dethroned Prince’ ang tawag sa’yo,” matapat na sagot ni Cassy. Masyadong madaldal si Chase para sa isang lalaki kaya narinig na niya ang summary ng buhay ni Koji. Kailangan lang niya ng confirmation dahil ayaw naman niyang maniwala agad sa mga naririnig lang niya. “Dati ka raw VIP na bumagsak sa Class C dahil sa isang unfortunate event sa pamilya mo?”

Tumango naman ito. “You can say that.”

Natahimik na lang siya at hindi na nagtanong dahil hindi pa naman sila gano’n ka-close ng binata para manghimasok siya sa personal life nito. Pinansin na lang niya ang maliliit at kulay purple na mga bulaklak na nauupuan nila. Pumitas siya ng isa para amuyin at titigan. “Ang cute nitong flower, o.”

Tiningnan ng binata ang purple flower na hawak niya. “That’s a wayside tuberose, also known as ruellia tuberosa. Maraming vines, trees, at plants dito sa Polaris Academy na nag-bu-bloom sa Pilipinas kapag summer. We’re in a tropical country after all.”

Napangiti siya habang nakatitig pa rin sa bulaklak. “I hate the bullies here. Pero aaminin ko na na-e-enjoy ang facilities at magagandang view dito sa academy. Lalo na `yong sa Polaris Boulevard. Ang ganda-ganda ng mga bougainvillea tress do’n, eh. Parang cherry blossoms ng Japan!” Nilingon niya ang binata nang may maalala siya. “Half-Japanese ka, `di ba? For sure nakapunta ka na ng Japan since yayamanin kayo before. So nakakita ka na ba ng authentic sakura tree?”

Sa pagkagulat niya, napangiti si Koji na parang naaliw sa kanya. “May fake bang sakura tree?”

“Koji Takishima, you cheater!”

Kunot-noong nilingon ni Cassy ang pinanggalingan ng basag na boses. Nagulat siya nang makita niya ang isa sa pinakasikat na estudyante sa academy dahil sa pagiging maganda– si Blossom Serranilla. Nagtaka siya nang mapansing umiiyak ito habang masama ang tingin kay Koji.

Bago pa niya mabati ang ‘girl crush’ niya, tumakbo na ito. Pero hindi pa man din ito nakakalayo, nadapa na agad ito at mas lalong lumakas ang iyak.

Tatayo na sana siya para tulungan si Blossom pero natigilan siya nang biglang tumayo si Koji at mabilis na tumakbo palapit sa dalaga. Pagkatapos, walang sabi-sabing binuhat ng binata ang roommate niya sa ‘princess style.’ Hindi niya alam kung kikiligin o malulungkot siya sa nakikita niya. Romance writer siya kaya malikot ang imagination niya.

VVIP si Blossom Serranilla. Class C na ngayon si Koji Takishima. Parang Rome and Juliet lang.

Napangiti si Cassy habang iiling-iling. “Plot bunny.”

Grade 11 Cassy, Fourth Day…

Nagtaka si Cassy habang nakatingin kay Blossom na nakaupo sa kama nito habang hinihipan ang sugat sa nakatiklop nitong tuhod. Pagkatapos, bigla na lang itong bumubungisngis. “Sa lahat ng nadapa at nagkasugat, ikaw lang yata ang masaya. Hindi ka ba nag-wo-worry na baka magka-peklat ka? Sayang naman ang mala-porcelain mong balat if ever.”

“Don’t worry, Cassy,” parang wala pa rin sa sarili na sagot ni Blossom habang nakatingin at nakangiti sa tuhod nito. “Ang sabi ni Dra. Audrey Chua, mababaw lang ang sugat ko kaya hindi `to magkakapeklat. Plus, I can always get a plastic surgey to get rid of the scar.”

Ipinaikot niya ang mga mata, saka siya umupo sa ibabang kama ng bunk bed. “Rich kids.” Tumingala siya nang maalala niya ang isa pa nilang roommate na nag-o-occupy ng kama sa itaas. “Nasa’n nga pala si Nikita?”

“She’s in the common kitchen. Naghahanap ng pang-midnight snack. Babalik din `yon agad.”

Tumango-tango lang siya. Grateful siya na ang mag-best friend na Blossom at Nikita ang naging roommates niya sa Aurora Dormitory. Parehong nasa HUMSS Strand ang dalawa samantalang nasa ABM naman siya pero nilipat siya ng Dorm Leader na si Brenda dahil ayaw daw siya nitong maging roommate. Nang nagkakuwentuhan sila ni Blossom kahapon, ‘inampon’ siya nito at ni Nikita dahil dalawa lang daw ang mga ito sa kuwarto. Kahit parehong VVIP, mabait at friendly ang mga ito sa kanya. Nasa ‘neutral side’ daw ang mga ito at ang ibig sabihin daw no’n, hindi nangingialam ang dalawa sa nagaganap na bullying sa Polaris Academy. To simply put, they were playing safe.

Nakakagulat man pero marami ring VVIP at VIP students ang nasa neutral side, lalo na `yong mga anak ng politiko o nagmula sa pamilya ng sikat na celebrities dahil may image daw na pinoprotektahan ang mga ito. Pero kahit hindi nam-bu-bully ang mga nasa neutral side, guilty pa rin ang mga ito sa paningin niya dahil sa pananahimik at pag-tolerate sa injustice na nagaganap sa Polaris Academy.

“Cassy, sorry nga pala if nagpagselosan kita kahapon, ha?” nakangiting sabi ni Blossom na nakatingin na pala sa kanya. “Hindi kasi ako sanay na may ibang girl na close kay Koji. Pero since sinabi niyang friend ka lang niya, I’m crossing you out of my list of rivals. Also, I’ll be good to you since Koji sees you like a little sister.” Tinapik nito ang dibdib. “Please consider me as your sister-in-law.”

Natawa si Cassy sa sobrang amusement dito. “Baliw na baliw ka kay Koji `no?”

“I’ve liked him since we were in our freshman year,” nakangiting pag-amin ng dalaga. Pero bigla itong naging seryoso na parang may naalala. “This is not the time to talk about my love life. Cassy, it looks like Brenda and Chase have set their eyes on you. Kailangan mong gumawa ng way para tigilan ka na nila. Marami nang nag-drop out sa Polaris dahil sa dalawang `yon. The academy is turning a blind eye since the Serranillas and the Zuluetas are two of the powerful families in this school.”

“Adoptive brother mo si Chase, `di ba?”

Tumango ito. “Yes, pero magkaiba ang stance namin. He wants to rule Polaris while I chose to stay on the neutral side. I can’t protect you from Chase, Cassy. And if makita nilang tinutulungan kita, lalo ka lang nila i-bu-bully. I can only give you advice on how to survive here.”

“Tumatanggap ako ng advice,” natatawang sabi niya. “I badly need it, Blossom.”

Natawa rin ang dalaga. “You have to get on their good side, Cassy. Be complicit if you have to. Ang mga bully na `yan, they want to feel superior. Pero `yong mga small fry lang naman ang kaya nila…” Unti-unti itong natigilan na parang na-realize nitong tinawag siya nitong ‘small fry.’ Namula bigla ang mukha nito. “I’m sorry. I didn’t mean to insult you.”

“Okay lang. Gets ko naman,” nakangiti at kaswal na sabi niya dahil alam niyang hindi naman sinasadya ni Blossom na insultuhin siya. “Please continue.”

Tumango ito. “Anyway, mahirap `tong gusto kong gawin mo. But to survive here, you have to swallow your pride and find a way to get on their good side. Even if it means being their lackey.”

Napabuntong-hininga si Cassy. “Mukha ngang `yon na lang ang way para maka-survive ako rito.”

Grade 11 Cassy, Fifth Day…

Humigpit ang pagkakahawak ni Cassy sa pen niya at nakita niyang bumabaon na rin ang sharp point niyon sa page ng sinasagutan niyang workbook. Pilit niyang kinakalma ang sarili habang si Chase naman, wala pa ring tigil sa pagsipa sa mesa niya.

Bakit ba ang tagal ng break time bago ang susunod nilang klase?

“Hey, Commoner,” sabi pa ni Chase. Sa wakas ay tinigilan na rin nito ang pagsipa sa mesa niya. “These are Tray Acosta and Vonn Chua– my friends from the STEM Strand. Sagutan mo `yong workbook nila sa Calculus. Magaling ka sa Math, `di ba?”

Naiinis na nag-angat si Cassy ng tingin sa tatlong lalaki sa harapan niya. Pare-parehong matatangkad at may mayayabang na ngisi ang mga ito– halatang magkakaibigan nga.

Si Tray Acosta `yong sinasabi ni Chase na nasa meat trading ang business ng pamilya. Samantalang nakilala naman niya si Vonn Chua bilang ang pamangkin ni Dra. Audrey Chua na school doctor ng Polaris Academy dahil nakita niya ito sa clinic no’ng isang araw nang sundan niya ro’n sina Koji at Blossom na nadapa no’ng time na `yon. Naalala niyang na-mention sa kanya si Koji na galing sa family of doctors si Vonn. Unlike Chase who was a VVIP, the two other guys were just VIPs.

Uy, `wag kang ganyan, saway niya sa sarili. Nahahawa ka na sa pag-ca-classify sa mga schoolmate mo based sa buwisit na caste system na `yan.

Nawala ang ngisi ni Chase nang kumunot ang noo nito. Pagkatapos, sinipa nito ng malakas ang mesa niya dahilan para tumumba `yon at malaglag ang mga gamit niya. “Are you glaring at me?”

Tumayo si Cassy at lakas-loob na nagtaas-noo sa pagharap sa lalaki. “So what? Saka bakit kailangan kong sagutan ang workbook ng mga alalay mo?”

“Alalay?!” reklamo ni Vonn, sabay duro sa kanya. “Watch your words, Commoner.”

“You’ve got nerves, huh?” halatang napikon na sabi ni Tray na akmang hahablutin ang ribbon niya pero pinigilan ito ni Chase.

At pagkatapos, dinutdot ni Chase ang noo niya habang nakapamulsa ang isang kamay. “Sasagutan mo ang workbook nila kasi maglalaro kami ng pool ngayon. Wala kang karapatang tumanggi kasi ang donation ng mga pamilya namin sa PSA ang sumusuporta sa scholarship niyong mga Commoner. Technically, we are sending you to a good school so you owe us this much. Get it?”

Naiinis na tinapik ni Cassy ang kamay ni Chase na ikinatawa lang nito. Ikinuyom niya ang mga kamay niya, saka siya humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Kapag sinapak niya ang lalaking `to, hindi malabong sapakin din siya ng mga alalay nito dahil mukha namang douche ang mga ito na pumapatol sa mga babae. Isa pa, lalo lang siyang mapapasama kapag ginawa niya `yon.

“To survive here, you have to swallow your pride and find a way to get on their good side. Even if it means being their lackey.”

Ibinuka niya ang mga kamay niya pagkatapos marinig sa isipan niya ang advice sa kanya ni Blossom. Tama naman ito. Walang magagawa ang pride niya para ipagtanggol siya. Bilang anak ng mga negosyanteng nagbebenta ng karne sa palengke, maaga niyang natutunan ang ibig sabihin ng ‘compromise’ pagdating sa business. Kung may gagawin siya para sa mga bully, dapat lang na may matanggap naman siyang compensation. Wala nang libre sa panahon ngayon.

“Five hundred pesos,” deklara ni Cassy, sabay lahad ng mga kamay niya na halatang ipinagtaka nina Chase, Vonn, at Tray na sabay-sabay kumunot ang noo habang nakatingin sa kanya. Mukhang slow ang mga rich kid na `to kaya nagpaliwanag na lang siya. “Bayaran niyo ko ng five hundred pesos each kung gusto niyong sagutan ko ang mga workbook niyo sa Calculus.”

Nagkatinginan ang tatlong douche, saka nagtawanan. Pero naglabas naman ng mga wallet at nilagyan ng tig-500 pesos ang mga palad niya.

That was when Cassy accepted a cold, harsh truth that she failed to realize before going to Polaris Academy: life was unfair, especially to poor people like her.

NA-RELIEVE si Cassy nang– finally– makarating na siya sa Aurora Dormitory. Kahit pagod siya sa bigat ng mga bagaheng dala niya, na-appreciate niya ang magandang view sa harap ng dormitoryo. Well, maganda na ang mismong dorm na tinitirhan nila kahit simple lang ang disenyo niyon.

It was like an American country house with its white paint all over the walls. Meron pa ngang mababang bakod na puti rin ang kulay. Pero meron pa siyang mas nagustuhan do’n.

There were santan flowers in a well-trimmed hedge before the dormitory. Orange ang dominant color ng mga bulaklak. Kung wala lang maraming Polarian sa paligid, baka binitawan na niya ang mga gamit niya para kumuha ng santan at sipsipin ang matamis na nectar niyon.

“Cassy!”

Nalingunan ni Cassy ang parang living doll na si Blossom na nakangiti at kumakaway habang naglalakad palapit sa kanya. Nakakasilaw (at nakakatomboy) talaga ang ganda ng babaeng ito. Mermaid light brown hair, fair and smooth complexion, tall and petite body. “Hello, Blossom.”

In-adjust muna ni Blossom ang guitar case na nakasabit sa balikat nito bago ito huminto sa harap niya. Nawala ang ngiti nito nang makita ang mga bagahe niya, pagkatapos ay nag-pout ito nang tumingin sa kanya. “Hindi ka pa rin nag-quit as the Errand Girl?”

“Kailangan kong i-endure ang pagiging Errand Girl hanggang sa maka-graduate tayo next year,” sagot naman niya. “Saka by doing this, hindi na ko madalas pag-initan ng mga bully. Well, `yong mga pag-uutos nila sa’kin, form of bullying pa rin naman. Pero mas okay na `to kesa no’ng tinatapon at tinatago nila ang mga gamit ko noon. At least ngayon, nagkakaro’n pa ko ng extra income sa mga utos nila.” Pabirong binunggo niya ang balikat ng kaibigan. “Sinunod ko lang naman `yong advice mo before. Ang sabi mo, kailangan kong i-feed ang ego ng mga bully na `yan para maramdaman nilang superior sila sa’kin at tantanan na nila ang panggugulo sa’kin. Effective naman, `di ba? Naging errand girl nila ako kaya hindi na nila ko masyadong pinapansin. Nagkaro’n na ko ng konting peace of mind. Plus, mababait naman `yong ibang nag-uutos sa’kin, eh. I’m fine with this. Really.”

Tiningnan siya nito na para bang sinisiguro na okay lang talaga siya. Nang ngumiti siya, bumuntong-hininga ito na parang sumuko na sa pag-convince sa kanya na mag-quit na bilang Errand Girl. “Fine. Basta kapag hindi mo na kaya, just tell me.”

Tumango lang siya. “Nasa’n nga pala `yong mga baggage mo?”

“Ah.” Nilingon nito ang white Sedan na naka-park sa tapat ng dormitory nila. Nasa likod ng kotse ang assistant nitong si Miss Xia na kasalukuyang binababa ang mga maleta nito mula sa compartment. “There. Hinatid ako ng assistant ko rito.”

“Buti naman at hindi `yong adoptive brother mo ang naghatid sa’yo. Ayokong makita si Chase sa first day ng pagbabalik ko rito sa Polaris.”

Tiningnan siya ng dalaga, saka ito natawa ng mahina habang iiling-iling. Pagkatapos ay kinawit nito ang braso sa braso niya. “Sa apelyido lang kami magkapatid ni Chase kaya impossible na maging decent brother siya sa’kin. Plus, you know we’re not on good term since he always bullies Koji.”

Tumango si Cassy, saka binago ang usapan dahil wala siyang ni katiting na interes kay Chase. “Anyway, let’s go. Gusto kong marinig ang bagong song na na-compose mo para sa irog mo.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.