Royal Secret/Royal Engagement Duology Chapter 6

“YOU’RE not joining us for dinner, Chase?” kunot-noong sita ni Blossom kay Chase na nahuli niyang palabas ng mansiyon habang sinusuot ang black leather jacket nito sa ibabaw ng gray shirt nito. Iniwan niya sa kusina ang mommy niya na busy sa pag-uutos sa executive chef nito kung ano ang ihahandang dinner para sa pinakamamahal nitong prinsipe. Pagkatapos, naabutan na niya ang pinsan niya na malapit na sa main door ng Serranilla Mansion. “Mommy said you have to stay and–”

“I’m not interested to witness your upcoming family drama, my dearest cousin. I mean, Your Highness,” nakangising sagot ni Chase nang huminto ito sa harap niya. Pagkatapos ay nag-mock curtsy pa ito. “I shall leave at once, Princess Cassiopeia.”

Kasali si Chase at ang mga magulang nito na sa iilan na nakakaalam sa totoo niyang pagkatao. Saka kahit hindi niya ito ‘adoptive brother,’ magkadugo pa rin naman sila dahil magpinsan sila. Younger sister ng mommy niya ang mommy nito. Pero kahit na gano’n ang koneksyon nila, masama pa rin ang trato nito sa kanya at ‘pasimple’ siyang binu-bully sa pamamagitan ng panggugulo kay Koji.

“Jerk,” bulong niya sa iritadong boses. Humalukipkip siya at naisipan niyang gantihan ito mula sa pamamahiya nito kay Koji kaninang umaga. “Are you afraid to see Prince Roarke?”

Dumeretso ng tayo ang pinsan niya at yumuko para bigyan siya ng matalim na tingin. Sa wakas, nawala rin ang mayabang nitong ngisi. “Why would I be afraid to see your brother?”

“Because you envy him,” nakataas ang kilay na sagot niya. “You wanted to be a prince like him. Pero dahil wala namang royal blood d’yan sa veins mo, sa Polaris Academy ka na lang nag-ha-harian. Kina-classify mo ang mga student based sa family background nila para lang i-console ang sarili mo. Dito kasi sa mundo natin, kami ng kapatid ko ang members ng extended royal family at ikaw naman, commoner ka lang. Kaya `yong mga Commoner naman sa school ang pinag-i-initan mo.”

“You cheeky princess!” halatang galit na sabi ng lalaki, pagkatapos ay pasugod itong naglakad palapit sa kanya. Sa pagkagulat niya, hinablot nito ang kuwelyo niya kasabay ng pag-angat ng isa nitong kamay. “I dare you to say that again!”

Ayaw man niya, kusang pumikit ang mga mata niya nang makita niyang pababa ang kamay ng pinsan niya na para bang i-ba-backhand siya nito sa pisngi.

“Don’t you dare lay a finger on Princess Cassiopeia!”

Prince Roarke?

Nagmulat si Blossom ng mga mata nang naramdaman niyang binitawan na siya ni Chase. Hindi na siya nagulat nang makitang nakadapa na sa sahig ang pinsan niya na nagpupumiglas at sunud-sunod ang pagmumura habang nasa likod ang mga kamay. Si Xia ang may hawak ng mga kamay ng lalaki habang nakaluhod ang isang tuhod ng Knight.

Nang nag-angat siya ng tingin, sumalubong naman sa kanya si Roarke na mukhang pormal at ‘princely’ sa suot na halatang expensive navy blue suit at black leather shoes. Dahil dark shade ang damit ng prinsipe, mas lumutang ang makintab na golden hair nito na halatang malambot din. Gano’n din ang berde nitong mga mata na parang emerald orbs na kumikislap.

Dahil matangkad at lean ang prinsipe, para itong posteng nakasandal sa doorframe at nakahalukipkip pa habang nakatingin pababa kay Chase. Ang tatlong Knight na kasama nito– si Creed lang ang nakilala niya sa mga ito– ay nakatutok ang mga baril sa pinsan niya.

Bigla naman siyang nakonsensiya. Siya ang nag-provoke kay Chase kahit aware naman siya na pikon ito at nawawala sa sarili kapag nagagalit.

“That’s enough,” utos ni Blossom habang nakatingin kay Xia. “Let him go.” Nang tumango ang Knight niya, binigyan naman niya ng matalim na tingin si Roarke na sinalubong ang tingin niya. Gaya niya, blangko rin ang tinging ibinibigay nito sa kanya. “Tell your Knights to put their guns down.”

Tumaas ang kilay ng prinsipe.

Ipinaikot niya ang mga mata. “Please… Prince Roarke.”

Umayos ng tayo si Roarke at tinaas ang isang kamay, saka inutusan ang mga Knight nito na ibaba ang mga baril gamit ang French language. Sabay-sabay na sumunod ang mga bodyguard at magalang na yumuko sa prinsipe bago bumalik sa likuran nito.

Pagkatapos, namulsa naman ang kapatid niya at tumingin kay Xia na mabilis tumayo at nagbaba ng tingin habang nasa likuran ang mga kamay.

“Xia, please escort Chase outside– that’s also what Princess Cassiopeia wants you to do,” utos ni Roarke sa babae.

Pinatong ni Xia ang kamay sa dibdib at magalang na yumuko sa prinsipe bago pasimpleng tumingin sa kanya, humihingi ng permiso.

Tumango lang siya bilang sagot.

Saka pa lang kumilos ang personal Knight niya para hawakan sa siko si Chase– na nakaupo no’n sa sahig habang minamasahe ang balikat– at hilahin patayo. “I’ll show you the way out, Sir Chase.”

Kunot-noong binawi ni Chase ang siko mula sa babae. “I can manage myself,” angil nito sa babae. Pagkatapos, nilingon siya ng pinsan niya. Ngumisi ito– ngising galit. “I know what you did, Your Highness. Ano, masaya ka na? Naiganti mo na ba si Koji Takishima dahil sa ginawa ko kanina?”

Tumalim ang tingin ni Blossom kay Chase dahil halata namang sinadya nitong banggitin ang pangalan ni Koji sa harap ni Roarke. Pero bago pa siya makapagsalita para pagbantaan ang pinsan, tinalikuran na siya ng lalaki para harapin ang kapatid niya.

“Welcome back, Your Highness,” halatang sarcastic na sabi ni Chase na exaggerated pang yumukod sa harap ni Roarke. “I’m glad you’re here. Nakakasawa na kasing i-babysit ang Mahal na Prinsesa na wala namang ibang ginawa kundi maghabol sa lalaking hindi naman interesado sa kanya.”

Nakagat niya ang lower lip sa sobrang inis. Puwede ba niyang utusan si Xia para i-knock out ang magaling niyang pinsan paglabas ng mansiyon?

“The princess’ business has nothing to do with you, Chase Serranilla,” malamig na sagot ni Roarke habang pailalim ang tingin sa pinsan nila. “Your job is to pretend as her adoptive brother while keeping an eye on her inside the academy. Is your job description that hard to comprehend?”

Napangiwi si Blossom. Kahit nakatalikod mula sa kanya ang pinsan niya, sigurado siyang masama ang tingin nito sa kakambal niya na blangko lang ang mukha.

Pero gaya ng madalas, hindi nakasagot si Chase sa prinsipe. Walang imik na nag-walk out lang ito pero sinadya naman nitong bungguin ang mga Knight ng kakambal niya.

Poor Chase.

Hinuli niya ang tingin ni Xia para tahimik itong utusan na sundan si Chase dahil baka mamaya, sa labas magwala ang pinsan niya. Napakaraming Knights sa labas ng mansiyon kaya baka mapagkamalan itong mapanganib at kung ano pa ang magawa rito ng mga bodyguard ng prinsipe.

Tumango ang female Knight niya at magalang na yumukod sa kanya bago sinundan si Chase.

“Go,” mayamaya ay mariing utos naman ni Roarke sa mga Knight nito. “I want to talk to the princess in private.” Saglit itong huminto. Nang muling nagsalita, French language na ang ginamit nito. “Sa labas na lang kayo magbantay.”

Sabay-sabay na yumukod ang mga Knight ng prinsipe, saka lumabas ng mansiyon.

“Follow me, Princess Cassiopeia,” utos sa kanya ni Roarke at bago pa siya makasagot, tinalikuran na siya nito para maglakad papuntang gazebo.

Ipinaikot ni Blossom ang mga mata bago siya sumunod sa prinsipe. Hindi sila nag-usap hanggang sa makarating sila sa pavilion. Umupo siya sa edge ng nakapalibot na railing pero nang kunot-noong lingunin siya ni Roarke, dumeretso siya ng tayo. “What?” Saglit siyang tumigil. Nang nagpatuloy siya, pabulong na lang ang pagsasalita niya. “Prince Roarke.”

Sa Elestia, walang equivalent term para sa salitang ‘Kuya’ kaya kahit tinuruan siya ng mommy niya na tawaging gano’n si Roarke (na mas matanda sa kanya ng two minutes and thirty nine seconds) ay hindi siya nasanay. Hindi rin naman kasi in-e-encourage sa royal family ang pagpapakita ng affection sa isa’t isa dahil sign of weakness daw `yon. Ang form of affection nila, pinapakita nila sa pagpapakita ng respeto gaya ng pagiging formal sa pananalita at pagkilos.

Pero dahil ilang taon na siyang nasa Pilipinas, halos nawala na sa sistema niya kung paano tratuhin ang ibang tao bilang Elestian. Pakiramdam niya, full Filipina na siya. Saka mas nag-e-enjoy siya kapag na-e-express niya ang feelings niya sa ibang tao. Mas malaya sa pakiramdam.

“What happened to you?” kunot-noong tanong ni Roarke sa halatang iritadong boses habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa, hanggang sa napako ang matalim nitong tingin sa mukha niya. “You changed your haircolor.”

Napahawak siya sa light brown hair niya. Noon, makintab na blonde din ang kulay niyon– kagaya ng sa kakambal niya. “Masyadong pansinin ang natural haircolor kaya pinakulayan ko ng iba.”

Lalo yatang kumunot ang noo nito. “And your eyes? We used to have the same eyecolor!”

“I’m wearing contact lenses, duh,” sagot naman niya. “Ayokong pinapansin ang green eyes ko. It’s too bothersome whenever people look at my eyes as if I’m a freak. Unusual kasi sa Asian countries ang green eyes, eh.”

“Are you trying to change your appearance so people won’t notice that we’re twins?”

Nag-pout si Blossom at nag-iwas ng tingin habang nakatago ang mga kamay sa likuran. Sinusubukan niyang magmukhang inosente at sana, effective `yon. Damn his brother for being sharp. “Of course not, Your Highness. Bakit ko naman gagawin `yon?”

“You hate me,” akusa ng prinsipe sa mariing boses. “You don’t even respond to my letters properly. Why do you keep on sending me blank letters anyway? What are you, ten?”

Tumingala siya sa kakambal para simangutan ito. Dahil naiinis siya, hindi na niya napigilan ang pagsasalita ng French para maramdaman ng prinsipe ang iritasyon niya. “Bakit mo ba ko pinapagalitan? Ikaw nga ang dapat mag-explain kasi hindi mo sinabi sa’kin na pupunta ka ng Pilipinas.” Humalukipkip siya at nagtaas-noo. “Bakit ka ba kasi nandito, ha?”

“Kung binabasa mo ang mga sulat ko sa’yo, alam mo na sana kung bakit ako nandito,” nakapamaywang na sagot nito gamit din ang French language. “Princess Cassiopeia, kailangan mo nang bumalik ng Elestia para sa college education mo. Lahat ng member ng royal family, sa University of Elestia nagtapos. Hindi puwedeng hindi tayo do’n mag-aral.”

“Ayoko,” mariing sagot niya. “Hindi ako babalik ng Elestia. There are good universities here.”

“Don’t you miss our dad?”

“Does he miss me?” balik-tanong niya sa boses na puno ng tampo. “Sa six years na nandito ako, once a month lang siya kung magpadala ng letter. Everytime naman na dadalhin niya ko sa kung saan-saang country para makapag-bonding kami, mas matagal pa ang pag-stay ko sa hotel kesa sa time na binibigay niya sa’kin. Kung hindi pa siguro na-kidnap si Prince Ross last year, hindi ko pa makakasama si Daddy sa quick vacation na `yon. Does he still remember that he has a daughter here?”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ng kakambal niya. Kitang-kita sa berde nitong mga mata ang pagkagulat. “Princess Cassiopeia… upset ka ba sa daddy natin kasi wala siyang time for you? Nagrerebelde ka ba para mapansin ni Prince Reynold?”

Nag-init ang mga pisngi niya sa pagkapahiya pero nainis din siya sa kapatid niya. “Of course not! Hindi ako upset kay Daddy kahit hindi ko naiintindihan kung bakit pumayag siyang isama ako ni Mommy dito sa Pilipinas para lang itago! Hindi ako upset kahit alam kong ikaw ang paborito niyang anak kasi lalaki ka. Hindi ako upset kahit aware ako na walang silbi ang mga prinsesa ng Elestia!”

“Princess!” saway sa kanya ni Roarke na hinawakan pa siya sa magkabilang-balikat na para bang kinakalma siya. Napalitan na ng pag-aalala ang nakita niyang pagkagulat sa mga mata nito kanina. Nang nagsalita ito, gentle na ang boses nito habang kinakausap siya sa French para siguro mas ma-express nito ang nararamdaman nito. “Princess Cassiopeia, alam mo naman na gusto ka lang protektahan nina Mommy at Daddy. Hindi rin totoo na ako ang paborito dahil lalaki ako. At mas lalong hindi totoo na walang silbi ang mga prinsesa ng Elestia. Even if you’re not a princess, you’re still priceless to our family.”

Okay, aaminin ni Blossom na na-touch siya. Hindi naman kasi full-blooded Elestian si Roarke kaya siguro kahit pa’no, affectionate ito magsalita. Hindi katulad ng daddy nila na may pagka-cold talaga. Pero hindi ibig sabihin ay magpapatalo na siya. “I’m still not going to University of Elestia, Prince Roarke. Alma mater ni Mommy ang Polaris Academy kaya nga do’n niya ako pinag-aral ng high school. I’m sure wala ring problema sa kanya kung sa mag-e-enroll ako sa university kung saan din siya nag-college. I’m more of a Filipina now anyway.”

“Koji Takishima.”

Bigla siyang napaderetso ng tayo. Nakakainis man aminin, pero kinilabutan siya sa tonong ginamit ng kakambal niya. Malamig at dangerous `yon– gaya ng madalas na tono ng daddy nila. “Prince–”

“Is he the reason why you don’t want to go back to Elestia?” tanong nito, sabay bitaw sa mga balikat niya. Humalukipkip ito habang binibigyan siya ng nanunuring tingin. “I heard he’s gay.”

“He’s not!” mariing kaila naman niya. “`Wag ka ngang nagpapaniwala sa mga tsismis…” Unti-unti siyang natigilan hanggang sa nanlaki ang mga mata niya nang may ma-realize siya. “Did you run a background check on Koji?”

“I did. And I don’t like him for you. A ‘Dethroned Prince’ like him doesn’t deserve an Elestian princess like you.”

Naikuyom niya ang mga kamay sa sobrang inis. Kung alam ng kakambal niya ang mockery kay Koji, siguradong marami na itong hawak na impormasyon tungkol sa lalaki. “Who are you to say that?”

Tumaas ang kilay ng kakambal niya. “I’m your older brother. I won’t marry you off to a guy with a huge debt. Kung sa’kin pa nga lang, bagsak na siya. Pa’no pa kaya kina Mommy at Daddy?”

“Magsusumbong ka ba sa kanila, Prince Roarke?” kabadong tanong niya.

Isang ngisi lang ang sinagot ng prinsipe sa kanya. “Tell you what, princess? I’ll stay at the academy and I won’t leave until you say you’re going back to Elestia with me.”

Napasinghap siya sa gulat. “Are you serious?”

“Yes, Princess Cassiopeia,” nakangising sagot ni Roarke na parang nababasa ang isipan niya. “Sa’yo nakadepende kung hanggang kailan ako mag-i-stay dito sa Pilipinas.”

“I hate you!”

ROARKE was reminded of how excessive his mother could get when he saw the impressive spread of seafood on the table. The colorful sight before them probably happened because of one simple request he made to his mother: sashimi.

Nang tanungin kasi siya ng mommy niya kung ano ang gusto niyang dinner, bigla niyang naalala ang pinost na pictures ni Cassiopeia sa social media accounts nito no’ng bakasyon nito sa Japan. Bigla siyang nag-crave sa Japanese food– lalo na sa sashimi – kaya `yon ang ni-request niya sa ina.

“What an impressive spread, Mom,” sabi niya sa pormal na boses habang iniipit sa kanyang chopsticks ang choice roll niya. Sinubo niya agad `yon at nang tumama pa lang sa taste bud niya ang masarap na spices, napatango-tango na siya. “Ah, the food is delicous.”

Nagliwanag ang mukha ng mommy niya, halatang natuwa sa reaksyon niya. “I’m glad you liked it, son. I hired a Japanese chef to prepare our dinner so the food will taste as authentic as it could be even if we’re not in Japan.”

Tinago niya ang pagngiti habang ngumunguya. Nakakapanibago na marinig na tinatawag siyang ‘son’ dahil ang daddy niya na kasama niya sa Elestia, parating ‘Prince Roarke’ ang tawag sa kanya. Ang laki talaga ng cultural differences ng mga Elestian at Filipino pagdating sa pag-e-express ng feelings, kaya siguro hindi nag-work ang relasyon ng mga magulang niya.

“Roarke, sigurado ka bang sa dorm ka muna titira at hindi dito sa bahay ko habang nasa Polaris Academy ka?” tanong ng kanyang ina. Kapag kausap siya nito, iniiwasan nitong mag-English para raw hindi niya makalimutan ang Filipino language. “Nag-aalala ako sa safety mo, anak.”

“Don’t worry, Mom,” sagot niya. Nang taasan siya ng kilay ng mommy niya, tumikhim siya bago sumagot sa Filipino language. “`Wag kang mag-alala, Mommy. Isasama ko naman si Creed. And I’m pretty sure na kahit sinabi kong ayoko ng maraming Knights sa academy eh nakapagbigay na ng order si Daddy na bantayan ako in secret. Hindi na ko ma-su-surprise kung makita kong naka-disguise ang mga Knight ko. Heck, some of them might even get a job in Polaris.”

Sumimangot ang kanyang ina. “Wala akong nakikitang masama kung `yan nga ang ginawa ni Prince Reynold. God, I hope your father did exactly what you thought he would. Kahit ako, pababantayan din kita in secret kahit ayaw mo. Hindi ako papayag na ma-kidnap ka rin katulad ng nangyari kay Prince Ross no’ng isang taon. I might go insane if I lose you like that, son.”

“Mommy, `wag kang mag-overreact,” marahan at iiling-iling na saway niya rito. “Ayoko namang magulo ang peaceful life ng mga taga-Polaris Academy dahil lang sa pagdating ko.”

“Kung ayaw mo naman palang makagulo sa’min, eh di sana hindi ka na nagpunta dito.”

Natigilan si Roarke sa pag-i-ipit ng matabang octopus tentacle sa chopsticks niya dahil sa sinabi ni Cassiopeia. Nilingon niya ang kakambal para bigyan ito ng nagbabantang tingin pero hindi naman ito sa kanya nakatingin. Bakit ba ang laki ng galit sa kanya ng kapatid niya?

“Cassiopeia,” malamig na saway naman dito ng mommy nila. “Hindi kita pinag-aaral sa isang expensive academy para lang maging bastos sa kuya mo.”

“What did I do, Mom?” painosenteng reklamo naman ni Cassiopeia, saka ito tumingin sa kanya. His sister fixed him a flat look while sliding a tuna roll into her mouth. Then she chewed and swallowed like a prim princess before talking to him. “In-e-express ko lang ang opinion ko sa pagpasok mo sa school ko, Prince Roarke. Alam mo naman siguro kung ga’no ka-hospitable ang mga Filipino kaya dapat in-expect mo na rin na i-ti-treat ka nila na parang celebrity.”

Humigpit ang pagkakahawak niya sa chopsticks niya habang nakikipagtitigan sa magaling niyang kakambal. Nagagalit ba ito dahil lang minaliit niya `yong Koji Takishima sa harap nito kanina? Pero nagsasabi lang naman siya ng totoo! Bago pa siya may masabing masama, sinubo na lang niya ang octopus tentacle habang kinakalma ang sarili. “May mahalagang reason kung bakit ako nandito,” mariing sabi niya sa kapatid na ipinaikot lang ang mga mata bago ipinagpatuloy ang pagkain. “Si King Royale mismo ang nagbigay sa’kin ng task na `to kaya hindi puwedeng hindi ko `to gawin ng maayos. I won’t waste my time here just to see an ungrateful brat like you, Princess Cassiopeia.”

“I know,” kaswal na sagot ng kakambal niya nang hindi siya tinitingnan. “Kung si Dad nga hindi ako mabigyan ng time, ikaw pa kaya? I’m sure you’re so busy with your prince duties. Good for you.”

“Cassiopeia,” saway uli dito ng mommy nila. “Ano bang nangyayari sa’yo?”

“Don’t mind me,” sabi lang ng kakambal niya, saka ito tahimik na nagpatuloy sa pagkain. “Everyone here is good at pretending I don’t exist anyway.”

Napabuntong-hininga naman si Roarke. Hindi naman niya sinasadyang masaktan ang feelings ni Cassiopeia. Napikon lang kasi siya sa pagiging hostile nito sa kanya pagkatapos nilang hindi magkita ng halos isang taon. “Princess Cassiopeia, i-a-assign kita para maging Filipino tutor ko. Gusto kong mas maging fluent sa language na ginagamit dito dahil ngayong okay na ang connection ng Elestia at Pilipinas, hindi malayong mas dumami ang business na mangyayari between the two countries. Kahit sina King Royale at Prince Ross, marunong nang mag-Tagalog.”

“That’s a brilliant idea,” dagdag naman ng mommy nila. “You two can really use bonding time.”

“I refuse,” sagot naman ni Cassiopeia sa stubborn pa rin na boses. “Find another person for the job. Hindi rin ako magaling sa Filipino. I don’t even know the difference between ‘ng’ and ‘nang.’”

Nasapo niya ang noo. Kumikirot na ang sentido niya sa kakaisip kung paano uli mapapalapit sa kakambal niya. Hindi ba niya dapat ininsulto si Koji Takishima?

“Ah, I know,” parang excited na sabi naman ng mommy niya, nakatingin kay Cassioepia. “What about Nikita? Maybe your best friend can be your brother’s Filipino tutor when she comes back.”

Nag-angat ng tingin si Cassiopeia sa kanilang ina, nakakunot ang noo.

Si Roarke naman, lalong humigpit ang pagkakahawak sa chopsticks niya. Kilala niya ang mommy niya kaya sigurado siya na may pinaplano ito para i-suggest na ang best friend ng kakambal niya ang i-assign bilang Filipino tutor niya. His mother was probably playing Cupid.

Gah.

“Mommy, mas palipit ang dila ni Nikita kesa sa’kin kapag nag-ta-Tagalog,” sabi naman ni Cassiopeia. “I bet she can’t even say ‘palipit’ without stammering.”

“What’s wrong with you, kids?” iiling-iling na reklamo ng mommy nila sa frustrated na boses. “Bakit hindi kayo fluent sa Filipino language samantalang nasa Pilipinas kayo? Tinuruan ko naman kayo ng Filipino simula pagkabata, ha? Siguro dapat, i-ban ko ang pagsasalita ng English at French kapag nandito kayo sa bahay ko para dumeretso `yang mga dila niyo sa pag-ta-Tagalog. I’m serious.”

For the first time, he saw Cassiopeia smile while shaking her head. “Oh, Mommy. It’s too late now.”

“Hush, child,” pabirong sabi ng mommy niya. “Paplantsahin ko `yang dila niyo ng kuya mo nang maging fluent kayo sa Tagalog. Hindi ako papayag na mas magaling kayo sa French dahil kung gano’n nga ang sitwasyon, para niyo na ring sinabing mas matimbang ang pagiging Elestian niyo. I won’t lose to your father.” Marahang binagsak nito ang mga kamay sa mesa habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa kanilang magkapatid. “Simula ngayon, mag-ta-Tagalog kayo kapag ako ang kausap niyo. For every straight English sentence you speak, you have to spend an hour with each other without fighting.”

Sabay na umungol sa reklamo sina Roarke at Cassiopeia.

Imposibleng makaya nilang mag-“bonding” ng isang oras nang hindi nag-aaway!

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.