GRADUATION. Iyon ang matagal nang pinapangarap ni Sahara at ngayong natupad na niya iyon, pakiramdam niya ay handang-handa na niyang harapin ang kahit na ano pang darating sa kanyang buhay. Ito dapat ang pinakamasayang araw para sa kanya pero parang kabaligtaran niyon ang lahat.
Ang dami nang nangyari at sa totoo lang ay mas nanaisin na niyang kalimutan ang karamihan sa mga iyon. Oo nga’t tapos na siya sa kursong Mass Communications at maraming oportunidad ang naghihintay sa kanya pero pakiramdam niya ay hindi siya bagay doon.
Karamihan sa mga kaibigan at kaklase niya ay magte-training sa opisina ng mga kilala at malalaking kumpanya bilang mga writers, editors, reporters, researchers. Tanggap na si Baste na mag-OJT sa publishing company na in-apply-an nito bilang isang writer. Noon pa man ay hanga na siya rito pagdating sa pagsusulat kaya naman hindi na nakapagtataka na sa publishing ito napadpad.
Siya? Sinubukan niyang mag-apply na intern sa isang Ad Agency at sa totoo lang ay for final interview na siya para sa isang copywriter position. She’s got no problem with the job but she felt like copywriting is not her forte and she’d probably suck at it. Kaya naman matiyaga pa rin siyang naghihintay sa tawag mula sa modeling agency na in-apply-an niya noon dahil iyon naman talaga ang matagal na niyang pangarap – ang maging isang sikat na singer o modelo.
Papunta na sana siya sa final interview para sa Ad agency pero hindi natuloy ang pagsakay niya ng taxi dahil sa natanggap niyang tawag mula sa opisina ng pulisya. Agad siyang nagpunta sa tinukoy ng kausap niya na ospital kung saan ngayon naka-confine ang pinsan niyang si Michaela.
“Kamag-anak po kayo, ma’am?”
Tumango siya. Dalawa ang pulis na naabutan si Sahara sa kuwarto ni Michaela sa pagpunta niya nang araw na iyon. Pero hindi ang pinsan ang nakausap niya, kundi isang pulis, na nagbalita ng kalagayan nito.
Nakahiga si Michaela sa hospital bed, may suwero sa braso at puno ng gasgas at pasa ang katawan. May benda ang ulo nito at magang-maga ang ibabang labi. Nakatingin ito sa kawalan nang dumating siya na para bang hindi nito alintana ang kanyang presensiya.
“A-ano pong nangyari?” tanong niya sa dalawang pulis na naroon. Hanggang balikat lamang niya ang isa, malaki ang tiyan na tipong kaunting galaw lamang ay magtatalsikan na ang mga butones sa suot nitong polo sa sobrang sikip. Mas matanda rin ito at mas maitim kaysa sa kasama nito.
“Mga kapitbahay po niya ang tumawag ng pulis at nagdala sa kanya rito sa ospital,” umpisa ng mas matangkad na pulis. Hindi tulad ng nauna, mas maputi ito, mas payat, at mas magandang lalaki. “Wala raw malay sa loob ng bahay.”
Ayon sa paunang imbestigasyon, may narinig raw ang mga kapitbahay na sigawan sa bahay ni Michaela, mga bandang alas sais ng umaga at makaraan ng halos isang oras ay may nakakitang lumabas na isang lalaki mula sa gate.
It was Max. Sahara’s sure about it.
Hindi lang bugbog ang inabot ni Michaela kundi mayroon rin itong natamong saksak sa tagiliran. Mabuti na nga lang raw at walang tinamaang internal organs at agad na naisugod sa ospital. Bukod pa roon, maraming gamit ang nawawala sa bahay ni Michaela, Pera, mga mahahalagang bagay tulad ng tablet, laptop, cellphone, at ilang mamahaling alahas.
She’s actually finding it difficult to look at Michaela like that, na halos walang malay at walang kalaban-laban. Kahit hindi naging maganda ang trato nito sa kanya noong mga panahong nakikitira pa siya sa bahay nito, may utang na loob pa rin siya rito kahit paano dahil sa mga tulong na naibigay ng Tiya Felicidad niya.
Tinanong siya ng mga ito kung may kilala siyang maaaring gumawa niyon kay Michaela, pero umiling siya. Napakadali para sa kanyang sabihin na si Max Sandoval ang bumugbog at nagnakaw sa pinsan pero hindi niya iyon magawa.
“Pasensiya na po ma’am sa abala. Pangalan po kasi ninyo ang nakalagay sa cellphone ni Miss Alcantara na nakalista bilang kamag-anak kaya kayo po ang tinawagan namin.”
Tumangu-tango siya. Ibinigay ng mga ito sa kanya ang numero’ng maaari niyang tawagan kung sakaling mayroon siyang malamang impormasyon na maaaring makatulong sa kaso ni Michaela.
“Sige Miss, maiwan muna namin kayo, nasa labas lang po kami kung may kailangan kayo.”
Tumangu-tango siya. “S-salamat po.”
Nang makalabas na ang dalawang pulis ay nilapitan niya si Michaela.
“A-anong ginagawa mo rito?”
Halatang nagulat si Michaela sa pagkakita sa kanya. Wala na ang masungit at matigas na Michaela’ng kilala niya ngayon. Nang titigan niya ang mukha nito, puno ito ng galit at kalungkutan.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” ulit nitong tanong matapos siyang maupo sa plastik na upuan sa tabi ng kama nito.
“Tinawagan ako ng mga pulis,” simula niya. “Sinong may gawa niyan sa’yo?” Kahit pa alam na niya ang sagot sa tanong na iyon ay kinailangan niyang marinig ang totoo mula kay Michaela.
Isang matabang na ngiti ang itinugon nito. Kahit yata si Michaela ay hirap na ilarawan ang sariling kalagayan. “Hindi ko matanggap na magagawa sa akin ‘to ni M-Max, Sahara…minahal ko siya nang sobra-sobra…pinatira ko, pinakain, binigay ko lahat sa kanya tapos...”
At tuluyan nang umiyak si Michaela. Hindi nga simple’ng iyak lang, kundi hagulgol. Hinawakan niya ang isang kamay ng pinsan para pakalmahin ito. Marami siyang gustong itanong rito pero hindi niya magawa.
“H-humihiling kasi siya ng kotse para sa birthday niya sa susunod na linggo. Ang sabi ko, kailangan ko munang magpaalam kay mommy bago ko bawasan ‘yung savings ko. S-siyempre, hindi naman biro ang halaga ng kotse, hindi ba? N-nang hindi ko ibigay ang gusto, heto ang ginawa sa akin.”
“Pero hindi ba, malaki ang kinikita niya sa pagba-barko? Bakit pa niya kailangang humingi sa iyo ng kotse?”
Umuling ito. “Hindi totoo’ng seaman siya…niloko lang niya ako. Wala pala talaga siyang trabaho at kaya siya nakitira noon sa bahay dahil wala na siyang mahita sa kinakasama niyang biyuda noon. Hayop siya…”
Sahara couldn’t say anything. She was literally speechless. Ang mataray at malakas na Michaela ay puro pasa at nanakawan pa. Itatanong sana niya kung okay lang ito pero pinigilan niya ang sarili dahil obvious naman na hindi. “Ipinaalam mo na ba sa mga pulis na si…Max ang gumawa sa ‘yo niyan?”
Umiling ito.
“Michaela, halos mapatay ka niya, bakit hindi mo pa siya sinumbong sa mga pulis?”
“Pinagtangkaan niya ang buhay ko…” nagpahid muna si Michaela ng luha sa mga mata bago muling nagsalita. “…kapag nagsumbong ako sa mga pulis, pati si Mommy raw idadamay niya. Natatakot ako…Sahara…please, huwag sana itong makakarating kay Mommy, ha. Kapag nalaman niya ang tungkol kay Max at lalo na sa nangyari’ng ‘to, baka itigil niya ang sustento sa akin at baka tanggalan niya ako ng mana.”
Tumangu-tango na lang si Sahara. She promised not to tell Tita Fely about what happened. But she didn’t promise anything about not telling the police about Max.