PARANG binibiyak ang ulo ni Baste sa sobrang sakit paggising niya nang umagang iyon. Sa simula ay hindi niya maintindihan kung bakit parang pagod na pagod siya at hindi maalala kung ano nga ba ang nangyari.
Nang ilibot niya ang kanyang paningin sa paligid. Naroon siya sa kanyang kuwarto, pero parang may mali. Wala siyang saplot sa katawan, kahit panloob ay wala. Ang huli niyang naalala ay tinawagan siya ni Karen dahil hihingi raw ito ng payo tungkol sa problema nito kay Sahara. Ito pa nga mismo ang pumunta sa apartment niya na may dalang red wine at isang kahon ng pizza.
Sa simula ay hindi maunawaan ni Baste kung bakit bigla na lang nagka-interes sa kanya si Karen, samantalang wala siyang natatandaang pagkakataon na kinausap siya nito noon. Mabibilang lamang sa daliri kung ilang beses niya itong nakita at ganoon lang. Sa tingin niya, masyado itong sosyal at mataas para makihalubilo sa isang tulad niya. Pero heto si Karen, kasama niya.
Marami silang napag-kuwentuhan ni Karen, tungkol sa buhay nito bilang nag-iisang anak ni Mr. Agusto Montinola, na isa sa kinikilalang negosyante sa buong Pilipinas. Nakukuha ni Karen ang lahat ng gustuhin nito, pero sa tingin niya ay hindi ito tunay na masaya. Kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Magsisinungaling siya kung sasabihin niyang hindi siya nagagandahan kay Karen. Maganda ito, edukada, sopikstikada. Pero maganda pa rin si Sahara rito, kung siya ang tatanungin.
Wala naman siyang naalalang kakaiba nang gabing iyon. Kinain nila ang dala nitong pizza, at ininom ang red wine. Naubos nga yata nila ang isang bote kaya medyo nahilo siya pagkaraan ng ilang oras. At pagkatapos noon, wala na siyang maalala.
Muli, inilibot niya ang paningin sa paligid. Noon lamang niya napansin ang isang bote ng red wine na wala nang laman, dalawang baso na wala na ring laman, at isang kahon ng pizza na mayroong natirang isang slice.
At naalala niya si Karen…
Ilang beses nang idina-dial ni Baste ang cellphone ni Karen nang araw na iyon pero hindi niya ito ma-contact. Kailangan niya itong makausap, at kailangan niyang hingin ang paliwanag nito tungkol sa nangyari.
Nang hindi pa rin sagutin ni Karen ang pang-sampu niyang tawag ay napagpasyahan niyang puntahan na lamang ito sa condo unit nito at doon ito kausapin. Kung ano man ang nangyari sa kanila ay hindi niya kagustuhan. Ni hindi nga niya alam kung paano nangyari ang nangyari, dahil wala talaga siyang matandaan.
Hindi inaalis ni Baste ang tingin sa pinto ng unit ni Karen, nagbabakasakaling lalabas mula roon ang dalaga anumang oras. Madilim na ang paligid at bukas na ang mga ilaw sa poste at establisyimento sa bahaging iyon ng abalang lungsod.
~~
“WHAT a surprise! Come in,” masayang bati ni Karen kay Baste.
Diretso lamang ang mukha ni Baste nang pumasok siya sa unit ni Karen. Pinaupo siya nito sa kulay pula nitong couch at tinabihan siya roon. Masyadong maiksi ang suot nitong kulay itim na palda, na parang siya ang nahihiya para rito. Halata rin na wala itong suot na panloob dahil bakat na bakat ang dibdib nito sa suot na manipis na sando’ng puti.
Kahit sino naman sigurong lalaki, maaakit sa ganda ni Karen. Maputi ito, mahaba ang buhok, makurba ang katawan. At kahit pa nga hindi niya masyadong maalala ang nangyari sa pagitan nila, hindi niya maikakailang may epekto iyon sa kanya. Ang paraan ng pagtitig nito, at aaminin niya na madalas na sumagi sa isip niya ang pakiramdam ng mga halik ni Karen. Napalunok siya nang mas lumapit pa ito sa kinauupuan niya.
“Missed me?” nakangiti nitong tanong. Inakbayan siya nito, na agad niyang iniwasan. Hindi iyon ang dahilan ng pagpunta niya roon. “Oh, why? What’s wrong, Sebastian?" Sebastian ang gustong itawag sa kanya ni Karen dahil mas pormal raw iyon, mas bagay raw iyon sa kanya.
“Narito ako para pag-usapan ang tungkol nangyari.”
“What about it?” nakangiti nitong tanong. “I mean, kailangan pa ba talaga nating pag-usapan? It happened because it happened. We wanted it to happen. Come on, Sebastian, I know you enjoyed it as much as I did.“
Napatayo siya. “Nilasing mo ’ko, Karen. May inilagay kang gamot sa ininom ko. Hindi mangyayari ‘yon kung nasa matino akong –“ Hindi na natapos ni Baste ang sasabihin dahil mabilis siyang kinabig ni Karen sa batok at hinalikan nang mariin sa mga labi.
“Tell me you don’t like me, Sebastian.”
“Bakit mo ginagawa ito, ano ba talaga ang gusto mo?”
“Ikaw.”
Ibubuka pa lamang niya ang bibig para sumagot pero maagap si Karen at muli siyang hinalikan. Karen wants him. Pero bakit? “T-teka lang, Karen.” Hinawakan niya ang magkabila nitong balikat at pilit na inilayo ang mukha nito sa kanya. “Alam mong dati kong girlfriend si Sahara at…best friend mo siya.”
“Best friend?” tanong ni Karen. Mabilis na nagbago ang timpla ng kaharap. Mapakla ang tawa nito. “Not anymore. Wala akong kaibigang traydor.”
Si Baste naman ang napakunot ang noo. “Anong ibig mong sabihin?”
“Oh, you mean you still don’t know anything?” nakangiti nitong tanong. “Sahara cheated on you, sweetheart.”
Oo, alam na niya iyon pero ang hindi niya maintindihan ay kung bakit tila galit na galit si Karen dahil doon, na para bang siya ang niloko nito.
“Why don’t you ask her yourself? Itanong mo sa kanya kung kailan ka pa niya niloloko.” Tumayo si Karen at dahan-dahang lumapit sa kinatatayuan niya. Hanggang balikat lamang niya ito kaya kailangan pa siya nitong tingalain para matingnan siya nito nang diretso sa mata. “Your girlfriend has been fucking my boyfriend.”
Nanlaki ang mga mata niya. Minsan na niyang nakita ang boyfriend ni Karen at sigurado siyang hindi iyon ang nakita niyang kahalikan ni Sahara noon sa sinehan.
“Surprised? Don’t be. She’s always been like that. Hindi ko nga alam kung bakit ka niya naging boyfriend because Sahara’s into rich men. Ginagamit niya ang katawan niya para makuha ang gusto niya and Ace was just one of her targets. Mayaman, guwapo at unfortunately stupid to fall for her trap. Ngayong nakuha na niya si Ace, you’re nothing to her now, Sebastian.”
Umiiling-iling lang si Baste habang nagli-litanya si Karen. Hindi siya makapaniwala na mas masahol pa pala si Sahara kaysa sa natuklasan niya.
“I’m not forcing you to believe me. Kung ako sa’yo, kakalimutan ko na si Sahara. Pero hindi ibig sabihin ay kakalimutan mo na ang kawalanghiyaan na ginawa niya sa iyo. I love Ace, but I’m not a saint. Hindi ako martir para hayaan nalang silang maging masaya habang narito tayo, nasasaktan. P’wede naman tayong gumanti sa kanila, right?”
Sa mga oras na iyon ay hindi makapag-isip nang maayos si Baste. Sobra-sobra ang mga nalaman niyang impormasyon tungkol kay Sahara at kahit na ayaw niyang maniwala sa mga sinabi ni Karen ay hindi niya maiwasang magduda. Kung totoo nga ang lahat, hindi niya masisisi si Karen kung bakit nito nagawa ang ginawa nito sa kanya. Malinaw na gusto nitong makaganti kay Sahara, at sa nobyo nito. Kung totoo ngang nagawa ni Sahara ang pagtaksilan siya nang hindi lamang isa, kundi dalawang beses, hindi niya alam kung ano ang maaari niyang gawin. Siguro, kaya rin niyang gawin ang ginawa ni Karen, at siguro, mas higit pa roon. Kakayanin niyang makapanakit ng tao, at baka nga mapatay pa nga niya ang lalaking iyon.
Kaya pala may lungkot sa mga mata ni Karen nang gabing iyon. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang naghihirap ang kalooban nito. At sa tingin niya ay walang kahit na sino ang may karapatang manakit ng ganoon sa isang tulad ni Karen.
“Help me, Sebastian…let’s help each other forget. I’ll give you everything you want, everything you need, just help me forget.”