Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 18

Pabiling-biling sa higaan si Aiesha. Ilang beses na niyang ipinikit ang mga mata subalit hindi pa rin siya makatulog. Pagod ang katawan niya subalit ayaw matahimik ng isip niya.

Bumalikwas siya ng bangon at sinulyapan si Inana na mahimbing na natutulog sa papag na pinagsasaluhan nilang dalawa. Dapat ay kanina pa siya tulog sa sobrang pagod. Siguro hindi siya komportableng makasama ang isang tao na alam niyang may galit sa kanya. Nang silang dalawa na lang ni Inana sa olog ay naging malamig ang trato nito sa kanya. Gusto niya itong kausapin pero humiga na ito at pumikit. Dini-discourage na kausapin pa niya ito.

Bumaba siya sa papag at nagdesisyong bumalik na lang sa bahay nila Silang. Malamig ang hangin sa labas kaya nagsuot siya ng makapal na jacket. Jogging pants ang pantulog kaya wala siyang problema sa lamig sa labas. Sanay naman siya sa malamig na lugar dahil madalas siyang mag-ski sa St. Moritz.

Nadismaya siya nang matanaw na patay na ang ilaw sa bahay ng mga magulang ni Silang. Saka niya naalalang sa ato natulog si Silang kasama ang ibang binata. Ito na lang siguro ang kakausapin niya para makatulog siya.

Hindi niya pinansin ang takot na gumapang sa katawan niya nang makita ang mga sungay ng kalabaw sa poste ng olog. Naalala niya ang mga dating mandirigma na may nakasabit na putol na ulo doon. Hindi naman siguro uso ang multo doon.

Napansin niya na may ilaw pa sa malapit sa pinto. Iyon marahil ang ginagamit para panlaban sa lamig. Maaring may gising pa doon.

“Silang!” tawag niya dito paglapit sa pinto. “Silang!”

Maya maya ay isang pupungas-pungas na Silang ang lumabas sa ato. Kinusot pa nito ang mga mata na parang hindi makapaniwala na naroon siya. Nakasuot lang ito ng pantalon ngunit walang suot na pang-itaas. Noon niya napatunayan ang dating hinala na maganda nga ang katawan nito. Walang kahit isang taba sa katawan. Sa halip ay puro muscles.

“Aiesha, anong ginagawa mo dito?” tanong nito at sinulyapan pa ang mga kasamahan sa loob ng ato sa takot na may magising sa mga ito.

Niyakap niya ang sarili iniwas ang mata dito. Ano ngayon kung mas maganda ang katawan nito kay Aldrich? Hindi niya ito dapat pag-interesan. “Hindi kasi ako makatulog. Pwede bang makipag-kwentuhan muna ako sa iyo?”

“Hindi pwede. Alam mo bang bawal ang babae dito?” anito. “Baka maparusahan pa tayo kapag nalaman nilang nandito ka sa ganitong oras.”

“Anong magagawa ko kung hindi ako makatulog?” inis niyang tanong. “Wala namang signal dito sa tribo ninyo kaya hindi ko magamit ang cellphone ko. Sana iyong kaibigan ko na lang ang kukulitin ko. Ayoko namang mang-abala kaso ikaw ang tagapag-alaga ko, hindi ba?”

“Tagabantay,” giit nito. “Saka ano ang problema mo at hindi ka makatulog? Natitigasan ka ba sa papag? Gusto mo ng kama?”

“The bamboo bed suits me fine, thank you,” aniya nang mahimigan ang sarkasmo sa boses nito. Akala siguro ay nag-iinarte siya. “All I need is someone to talk to. Hindi mo ba ako pwedeng kausapin? Magkwentuhan lang tayo kahit saglit.”

Humalukipkip ito at tumingala sa langit. “Bakit hindi na lang kaya tayo bukas magkwentuhan? Masyado nang gabi. Maaga pa akong gigising bukas para pumunta sa bukid. Marami akong aayusin sa mga pananim.”

Umupo siya sa isa sa malalaking bato na nasa harap ng ato at nangalumbaba. “Basta, hindi ako aalis dito hangga’t hindi ka nakikipag-kwentuhan sa akin. Wala akong pakialam kahit maeskandalo ang buong tribo ninyo kapag may nakakita sa atin,” pananakot niya.

Iritado nitong sinuklay ng daliri ang buhok. Pumasok ito sa loob ng ato. Akala niya ay hindi na ito babalik. Pero lumabas ito na naka-T shirt at may dalang makapal na kumot na nakabalabal sa balikat nito. “Ano ang pag-uusapan natin?” napipilitan nitong tanong.

“Tungkol sa…” Iginala niya ang mata sa paligid pagkatapos ay tumigil dito. Itinuro niya ito. “Iyo. Ikaw na lang ang pag-usapan natin.”

Nagulat ito. “Ako? Bakit pati ako nasali dito?”

“Sa akin ka ipinagkatiwala ng mga katribo mo. Dapat lang na may malaman ako tungkol sa iyo. Isa pa, marami ka nang alam tungkol sa akin. May mga sekreto ako na ultimo magulang ko hindi alam. Unfair kung wala akong alam tungkol sa iyo.”

Para hindi na siya magugulat sa mga nalalaman niya tungkol dito. Katulad na lang ng kung saan ito nagtapos ng kolehiyo at nagtrabaho. Mahirap nang mahalatang hindi sila matagal na magkakilala dahil wala siyang background sa dito.

“Wala kang kailangang malaman tungkol sa akin. Tinitiyak kong aalagaan kita habang. Pwede na ba akong matulog?” pasupladong sabi nito.

Nanghaba ang nguso niya. “Why do you dislike me? Ni hindi kita nakikitang ngumiti kapag magkasama tayong dalawa.” Samantalang kaninang nasa olog sila, masayang-masaya ito na makasama ang mga kaibigan.

“May dahilan ba para ngumiti ako kapag magkasama tayo?” tanong nito.

Nasaktan siya. Sa mundong ginagalawan niya, obligado ang lahat ng tao na ngitian siya. Samantalang ito, ni hindi siya mangitian kahit pabalat-bunga lang. O katulad ng mga katribo nito ay wala rin itong tiwala sa kanya. Dahil kahit siya pa ang magiging instrumento sa pagkakaligtas ng tribo nito, isa pa rin siyang outsider.

Kagat niya ang labi nang tumayo. “Sige, bumalik ka na sa loob,” sabi niya. “Hindi na kita aabalahin.”

“Akala ko ba gusto mong makipagkwentuhan?”

“Huwag na. Marami ka pang gagawin bukas. Matulog ka na.”

Ayaw niyang ipaggitgitan ang sarili sa taong ayaw sa kanya. Makaka-survive naman siguro siya ng isang linggo sa tribo nito nang kausap ang mga puno at ibon. Kahit na parang dinudurog ang puso niya. Kung hindi lang niya kailangang magtagal sa tribo, hindi na siya magtitiis pa doon.

“Ihahatid na kita,” anito at sumabay sa paglakad niya.

“Hindi ko na kailangan ng bantay,” sabi niya at tuloy-tuloy sa paglakad. Napipilitan lang itong samahan siya dahil sa responsibilidad.

Hindi ito kumibo at nagpatuloy sa paglalakad. Ni hindi pinansin ang pagtataboy niya dito. Nang umihip ang malamig na hangin ay niyakap niya ang sarili. Nawala ang ginaw niya nang ibalabal nito ang makapal na kumot sa kanya.

“Thank you. Pero paano ka?” tanong niya. T-shirt lang ang pang-itaas nito. Hindi naman ito gawa sa bato para hindi makaramdam ng lamig.

Nagkibit-balikat ito. “Sanay na ako sa lamig.”

Natahimik siya at lalong iniyakap ang kumot sa katawan niya. Naroon ang natural na amoy nito kahalo ang mabangong simoy ng hangin. Parang gusto niyang matulog na ito ang kayakap.

Natigilan siya nang maisip ang tinatakbo ng isip. Sino ba ang gusto niyang kayakap? Ang kumot o ang may-ari ng kumot? Sinulyapan niya si Silang na inosenteng-inosente habang naglalakad.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.