Maya maya ay napansin niya ang pagngiti nito. “Bakit ka nangingiti?”
“Mas maganda ka kasing tingnan kapag tahimik ka.”
Sa halip na mangiti ay lalo siyang nainis. Minsan lang siya sasabihan ng maganda pero kailangan pang nakatikom ang bibig niya. Mas hinigpitan na lang niya ang yakap sa kumot. Buti pa ang kumot, hindi siya inaaway.
“Hindi ka na ba nilalamig?” tanong nito nang nasa harap na sila ng olog.
“Hindi na. Salamat,” aniya at ibinalik ang kumot dito.
Umiling ito at itinulak ang kumot pabalik sa kanya. “Hindi na. Sa iyo muna. Mas komportable ang kumot na iyan. May isa pa naman akong kumot sa ato.”
Niyakap niya ang kumot at bahagyang ngumiti. “Thank you and good night.”
Papasok na siya sa olog nang tawagin siya nito. “Aiesha!”
Nagtataka niya itong nilingon. “Yes?”
“Hindi totoong ayaw ko sa iyo. Gawis ay masdem mo.”
Ngumiti siya. “Ano iyon? Maganda ako?”
Kumunot ang noo nito. “Sabi ko, magandang gabi.”
Hindi maalis ang ngiti niya sa labi nang nakasimangot na naman itong umalis. Kailangan siguro niyang tanggapin na madalang talaga itong ngumiti. Hindi naman kabawasan sa kaguwapuhan nito kung hindi ito ngingiti.
Hindi niya maiwasang amuyin ang mabango nitong kumot. Hindi bale kung suplado ito, nasa kanya naman ang kumot na kasing-amoy nito. Baka sakaling sa panaginip niya, mas madalas siya nitong ngitian. At sa kauna-unahang pagkakataon, hindi niya naisip ang nobyong si Aldrich bago matulog.
“GOOD morning po, Ina,” nakangiting bati ni Aiesha kay Negay nang maabutan ito sa harap ng bahay na natatahip ng nabayong palay. Tirik na ang araw nang magising siya dahil sa sobrang pagod.
Tumigil ito sa pagbabayo ng palay nang makita siya. “Gawis ay agew mo. Pumasok ka na para makakain ka ng agahan.”
“Ako na po ang bahala,” nakangiti niyang sabi. “Nakakahiya naman po dahil naaabala ko pa kayo sa trabaho ninyo.”
“Ibinilin ka sa akin ni Silang. Sandali at ihahain ko lang ang agahan mo.”
“Sige po, maghihilamos lang po ako,” aniya at tumuloy sa lababo sa likod-bahay. Masarap pa rin ang simoy ng hangin kahit na mataas na ang sikat ng araw. Hindi katulad sa Maynila. Alas siyete pa lang ng umaga, masakit na ang araw sa balat. Puro polusyon pa. Masarap pa rin doon kahit walang aircon.
“Nasaan po si Silang?” tanong niya nang makapagpalit ng damit.
“Nasa bukid sila ng ama niya. Dahil tag-init, natutuyo ang mga tubig sa bukid. Kaya magsasagawa ng manerwap para humingi kay Lumawig ng ulan. Mag-aalay kami, magpapatugtog ng gangsa o gong at sasayaw para sa ulan.”
“Ah, rain ritual po na may rain dance.” Naalala niya ang mga American Indians na nagsasayaw para humingi rin ng ulan. Excited na siyang makita kung paano isinasagawa ang ritwal na iyon.
Nagkwentuhan sila habang kumakain. Idinetalye nito sa kanya ang mangyayari sa manerwap at kung anu-anong uri ng cañao o ritwal.
“Iwan mo na ang pinagkainan mo kung tapos ka nang kumain,” anito.
“Tutulungan ko na po kayo,” aniya at sinimulang iligpit ang mga plato.
“Pero bisita ka namin dito.”
“Wala naman po akong masyadong gagawin.” Ayaw naman niyang mag-senti na lang habang iniisip ang kataksilan ni Aldrich. May plano na siya kung paano ito mapapabalik sa kanya. Maging ang tadhana ay umaayon sa kanya. Hihintayin na lang niya kung kailan eepekto ang mga iyon.
“Ayaw mo bang mamasyal?” tanong nito. “Maraming magagandang lugar dito sa tribo namin. Pasasamahan kita.”
“Hindi na po kailangan. Ako na lang po,” aniya at pinunasan ang kamay matapos maghugas ng pinagkainan. Mabuti na lang at kahit paghuhugas ng plato ay marunong siya. Hindi naman pala siya ganoon kainutil.
“Gusto ko lang matiyak ang kaligtasan mo.”
“Naiintindihan ko po. Pero ipagtatanong ko na lang po si Silang.”
“Siyanga pala, saan mo gustong maligo? Ipagpapainit ba kita ng tubig o gusto mong sa mainit na bukal na lang maligo?” tanong nito nang bumalik sa pagtatahip.
“Wow! May hot spring po kayo dito?”
“Oo naman. Tiyak na magugustuhan mo doon.”
Mabilis niyang inihanda ang gamit pampaligo at pampalit na damit. “Sige po, Ina. Aalis na po ako,” excited niyang sabi. Hinalikan niya ito sa pisngi at nagtatakbo palayo. Saktong-sakto. Masakit ang katawan niya. Nakadagdag ang paghiga niya sa papag. Makakatulong ang mainit na tubig mula sa bukal para maalis ang sakit ng katawan niya. Perpekto talaga ang lugar na ito. Mawiwili siya.
“Aiesha, sandali…”
Tumigil siya at kinawayan ito. “Magpapasama na lang po ako kay Silang at mag-iingat po ako!” sigaw niya at ipinagpatuloy ang pagtakbo. Muntik pa siyang makatapak ng nagkalat na mga manok sa sobrang pagmamadali.
Sa tulong ng pagtatanong ay narating niya ang bukid nila Silang. Tumawid pa siya sa pilapil ng rice terraces bago narating iyon. Natagalan pa siya dahil kinukunan niya ng litrato sa pamamagitan ng cellphone camera ang tanawin.
“Naku, umalis si Silang,” anang si Lakay Kabuguias na tanging naabutan niya sa bukid. “Pupunta siya kay Lakay Datub. Hindi ko alam kung babalik pa siya dito sa bukid. Baka umuwi na siya sa bahay mula doon.”
“Salamat po,” sabi niya at nagkukumahog na tumawid sa pilapil.
Pagdating sa bahay ni Lakay Datub ay wala na rin doon si Silang. “Saglit lang siyang nagpunta dito. Doon siya pumunta sa direksiyong iyon,” anito at itinuro ang daan na palayo sa bahay nila Silang. Ibig sabihin ay hindi ito umuwi.
“Salamat po, Lakay Datub,” aniya at hindi na maipinta ang mukha habang sinusundan ang daan na tinahak ni Silang. Wala na ang excitement niyang mamasyal. Wala na siyang ginawa buong umaga kundi hanapin ito.
Baka may babae itong dinalaw. Pero sa gabi nga pala ang ligawan ng mga ito. Baka naman mas maagang nagpapa-cute para makarami. Akala niya ay bantay niya ito. Tapos siya pang binabantayan nito ang naghahanap dito.
Puno ng iritasyon niyang pinunasan ang pawis. Mabuti pa ito, nagagawang makapanligaw. Samantalang siya, kahit siguro taong-grasa, hindi siya liligawan dahil pawis na pawis na siya. Gusto na niyang magbabad sa mainit na bukal. Kung hindi lang sa pangako niya kay Inang Negay na magpapasama kay Silang kapag pumunta sa bukal, mag-isa na siyang pupunta doon.
Malayo na ang nalakad niya at wala na siyang mapagtanungang bahay. Natatakot na siya na naliligaw siya nang may marinig siyang mga munting boses. Hindi kaya tiyanak iyon at namamaligno na siya?
Palapit nang palapit ang bungisngisan ng mga bata kasabay ng mumunting yabag. Maya maya ay isang grupo ng mga bata ang tumatakbo palapit sa kanya. Itatanong sana niya kung nakita ng mga ito si Silang subalit nilagpasan lang siya ng ilan. Ang panghuling bata ang napigilan niya.
“Bata, nakita mo ba si Silang?”
Humagikgik lang ito at inilagay sa kamay niya ang hawak. “Sa iyo na ito,” anito at sumibat na ng takbo at humabol sa ibang mga bata.
Nagtaka pa siya nang makitang damit panlalaki ang hawak niya. Itatanong sana niya kung kanino iyon nang sumulpot mula sa kakahuyan ang isang galit na galit at hubad na hubad na si Silang.