Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 21

Pinigil niyang mapatili nang ilusong ang malamig niyang paa sa mainit na tubig. Matamos ang ilang segundo, nasanay na rin siya sa init at inilusong ang katawan hanggang umabot hanggang sa leeg niya.

Napapikit siya at napatingin sa langit nang maramdaman ang sensasyon. Unti-unting nawawala ang lahat ng sakit sa katawan niya. Sumisigid sa balat niya ang init. “Oh, this is heavenly,” usal niya.

Naalala niya ang mga hot spring na madalas niyang puntahan kapag nagbabakasyon siya sa Japan. Mas gusto niya ang hot spring na iyon ng Gangan. Kung bubuksan lang iyon sa mga turista, tiyak na dadayuhin iyon. Pero mas mabuti nang hindi iyon dayuhin. Mas masarap kapag naroon siya dahil solo niya ang mundo.

“Nagustuhan mo ba?” narinig niyang tanong ni Silang.

Lumingon siya upang tingnan kung nakatingin ito sa kanya pero nakatago pa rin ito. Masyado itong matino para mamboso ng babae. Kagabi lang, napatunayan niyang maraming babae ang nagkakandarapa dito. Ilang babae kaya ang nag-alok dito na maligo sa bukal na iyon nang walang damit?

“Oo naman. Parang isang libong taon akong naglakbay at ngayon lang ako nakatagpo ng kaginhawahan,” aniya at tiningala ang langit na bahagya lang nakikita sa pagitan ng siwang ng matatayog na punongkahoy. “This place is a paradise!”

“Ni hindi mo pa nga nakikita ang kalahati ng lugar namin,” sabi nito na parang ayaw maniwala sa kanya.

“Nakapagbiyahe na ako sa maraming bansa sa mundo, pero ngayon lang ako nag-enjoy nang husto. Siguro dahil parang sarili ko itong adventure. Hindi pinlano ng mga magulang ko. Ngayon lang ako gumalaw nang sarili ko.”

“Mahigpit ba sila sa iyo?”

Umiling siya. “Hindi. Pero pakiramdam ko laging may aninong nakasunod sa akin. Buti nga pinabiyahe na nila ako ngayon nang walang kasamang kaibigan o bodyguard. Akala kasi nila, sa Bali ako pupunta.”

“Bakit hindi mo sinabi sa kanila ang tungkol kay Aldrich? Magulang mo sila kaya maiintindihan ka nila.”

Sinalok niya ng palad ang tubig at pinanood habang tumatama sa sikat ng araw ang mga patak. “Gusto kong gumalaw nang sarili ko. Sa paghahanda sa kasal namin, sila na ang nag-aayos. Ayokong sila rin ang umayos ng gusot na ginawa ni Aldrich. At sa pagkakataong ito, ako ang masusunod. Buhay ko ito.”

“Mahal mo ba talaga si Aldrich o ayaw mo lang mapahiya sa mga tao kapag hindi natuloy ang kasal ninyo kaya ayaw mong iwan siya?” tanong nito.

Umangat ang gilid ng labi niya. “Ginagawa ko ito dahil umaasa pa ako na maayos namin ang lahat. Na sakaling ako ang totoong mahal niya. Kapag napatunayan kong hindi niya ako mahal, ako mismo ang makikipagkalas sa kanya. Wala akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao.”

“Kahit na mahal mo siya, iiwan mo pa rin?”

Sinulyapan niya ang direksiyon nito. “Ikaw na mismo ang nagsabi sa akin na hindi ko deserve ang isang tao na hindi ako mahal. May naghihiwalay sa pagitan ng pagmamahal at sa katangahan. Sa ngayon, may pinanghahawakan pang pisi ang pagmamahal ko. Pero kapag natuklasan kong isa na akong tanga, puputulin ko na ang pising iyon.”

“Gusto mo bang iwan kita sandali para makapag-isip ka?” tanong nito.

“No. Mas gusto kong kausap. Mas nakakapag-isip ako kapag nasasabi ko ang laman ng isip ko. Salamat nga pala dahil pinasama mo ako dito.”

“Siguro tadhana talaga na magkakilala tayo. Dahil ikaw ang makakatulong sa amin para masagip ang tribo namin. Kung may plano ka, sabihin mo sa akin para matulungan kita. Ayoko rin namang mamoroblema ka sa tribo namin,” sabi nito.

“Huwag kang mag-alala. Sasabihin ko sa iyo kapag may plano na ako,” aniya at ipinikit ang mga mata upang pansamantalang kalimutan ang ‘plano’ niya na nagdala sa kanya sa tribong iyon.

Ano kaya ang mangyayari kung mas nauna niya itong nakilala kaysa kay Aldrich? Mai-in love siguro siya dito. Dahil ito ang lalaking nilalaman ng mga ilusyon niya. Isang lalaking malakas at matapang. Na kumikilos para sa kabutihan ng nakararami at hindi sa pansariling interes. Pero sa klase ng pagkatao nito, malabo naman itong ma-in love sa kanya. Dahil malaki ang posibilidad na kamuhian na siya nito kapag nalaman nito ang totoo.

“MAS masarap talaga ang prutas kapag bagong pitas kaysa iyong nabibili sa grocery,” sabi ni Aiesha at kumagat ng bayabas. Napansin niya na mas malalaki ang mga bunga ng prutas doon kumpara sa mas mabababang lugar. Siguro dahil sa mas mataas at malamig ang lugar hiyang ang mga ito.

Pauwi na sila ni Silang mula sa paliligo sa hot spring. Nadaanan nila ang mga punong may bungang prutas. Kinulit pa niya itong umakyat ng puno dahil gusto na nitong umuwi agad sila para sa tanghalian.

“Wala pang insecticide o pesticide iyan kaya mas masarap.”

“Siyanga pala, napansin ko lang kaninang pumunta ako sa bukid ninyo. Mukhang hindi kayo gumagamit ng makabagong paraan ng pagtatanim. Kalabaw o kaya kamay lang ang gamit ninyo. Ayaw ba ninyo sa modern technology?”

“Hindi akma ang mga makabagong makinarya sa mga bukid namin. Hindi katulad sa patag. Isa pa, ako mismo na agriculturist ay nakita ang masamang epekto ng chemical fertilizers at pesticide sa tao at sa lupa. Kaya nga noong nasa Philippine Rice Institute ako, sinubukan kong tumuklas ng organikong pataba at pesticide na hindi masama sa kalikasan. Ganoon din ang variety ng palay na mas marami ang ani na akma sa ganitong klima at klase ng bukid.”

“Papayag kaya ang mga katribo mo? Di ba masyado silang tradisyunal?”

Sumilay ang determinasyon sa mga mata nito. “Madadaan naman lahat sa usapan. Para rin naman sa kapakanan ng lahat ang iniisip ko.”

“Tumakbo ka na rin kaya sa eleksiyon. Susuportahan kita.”

Mas kailangan ng bayan ang mga katulad nito na walang pansariling interes. Kung lahat ng nasa posisyon ay katulad nito, mayaman na siguro ang Pilipinas.

“Hindi ko kailangang ng posisyon sa public office para makatulong.” Sinipa nito ang batong nasa harap. “Kumakain ka ba ng wild berries?”

“Berries? May wild berries dito?” excited niyang tanong at hinatak ang kamay nito. “Saan? Halika, kumuha tayo!”

Binawi nito ang kamay. “Malayo ang lalakarin bago makarating doon. Hinihintay na tayo ni Ina. Ayokong masayang ang pananghaliang ihinanda niya.”

“Kasi ngayon mo lang sinabi sa akin,” nagtatampo niyang sabi. “Marami palang magagandang lugar dito pero hindi mo ako ginising nang maaga.”

“Alam kong pagod ka. Sa ibang araw na lang kita isasama.”

“Kailan?” tanong niya. Parang hindi mauubusan ng sorpresa ang lugar na iyon. Gusto niyang makita ang lahat ng kakaiba doon bago siya bumalik sa Manila.

“Pagkatapos ng manerwap, isang ritwal na isasagawa para humingi ng ulan.”

“Bakit hindi na lang kayo mag-drawing ng araw sa lupa para umulan?”

Ngumiti ito. “Pambata lang iyon.”

Pinisil niya ang pisngi nito. “Uuuyyy, ngumiti siya. Ibig sabihin kapag sumali ka sa ritual, magsusuot ka ng ethnic na damit. Magbabahag ka.”

Diskumpiyado siyang pinagmasdan nito. “Ano na naman ang iniisip mo?”

“Wala. Excited lang ako na makita kang naka-G string,” aniyang hindi maitago ang pilyang ngiti.

Napailing ito at huminga ng malalim na parang hindi na matagalan ang sina-sabi niya.“Ganyan ka ba talaga kaprangka? Hindi mo ba itinatago ang opinyon mo?”

Nagkibit-balikat siya. “This is me. Ayoko nang sinu-suppress ang freedom of speech ko. Isa pa, nakita ko na ang lahat sa iyo. Ano pa ang dapat mong itago?”

Itinaas nito ang mga kamay. “Suko na ako sa iyo. Pero isikreto mo na lang ang nakita mo, kung pwede?” pabulong nitong sabi.

“Pag-iisipan ko,” pabiro niyang sabi at nagpatiunang maglakad dito. Gusto niyang ma-torture ang isip nito.

“Aiesha, Silang, galing na ba kayo sa bukal?” nakangiting tanong ni Inang Negay pagdating nila sa bahay.

“Opo,” sabi niya. “Masarap nga pong maligo doon.”

Naghihinala nitong tiningnan si Silang sa pag-aakalang sabay silang naligo. “Ina, binantayan ko lang po siya. Tapos na akong maligo nang makita niya ako,” depensa nito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nila makumbinsi si Inang Negay na magkaibigan lang sila at walang ibang relasyon.

Nakahinga ito nang maluwag. “Gawis,” anitong ibig sabihin ay mabuti. “Sumkhep kayo. Aiesha, kanina ka pa hinihintay ni Inana.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.