Nagulat si Aiesha nang makitang nakaupo si Inana sa may hapag. Tumayo ito at matamis na ngumiti nang makita sila ni Silang. “Gawis ay agew yo,” bati nito. Parang hindi ito ang Inana na laging nagsusuplada sa kanya lalo na kapag nakikita silang magkasama ni Silang. Ano kaya ang dahilan at hinahanap siya nito?
“Maiwan ko muna kayo,” sabi ni Negay. “Inana, dito ka manananghalian.”
“Wen,” sagot ni Inana.
“Ako rin, aalis muna. Susunduin ko lang si Ama sa bukid,” anang si Silang.
Pinigilan niya ang kamay nito at binigyan ng nagbababalang tingin na huwag siyang iwan. “Mamaya na. Sumali ka muna sa kwentuhan namin ni Inana,” malambing niyang pakiusap. Ayaw niyang makasama si Inana dahil hinala niya ay si Silang talaga ang dinadalaw nito. Siya lang ang idinadahilan. Nakangiti siyang bumaling kay Inana. “Bakit ka nga pala napadalaw, Inana?” tanong niya at umupo sa tapat nito. Umupo naman sa tabi niya si Silang na hindi maipinta ang mukha.
“Dinalhan kita ng etad para matikman mo,” anito at inilapag sa harap niya ang plato na may putahe na mukhang karne. “Iyan ang hamon namin dito.”
“Wow! Ang bango.” Napangiti siya nang maamoy ang hamon. Bigla siyang nakaramdam ng gutom. “Salamat. Mukhang masarap.”
“Oo. Kaya nga paborito iyan ni Silang,” anito at bahagyang yumuko.
Naging pilit ang ngiti niya. “Nakakahiya naman. Nag-abala ka pa.” Hindi para sa kanya ang pagkain kundi kay Silang. Akala niya ay gusto nang makipagkaibigan sa kanya ni Inana. Pero ginagamit lang siya nito para mapalapit kay Silang.
“Saka naiwan mo itong kumot sa olog. Bumalik kasi ako kanina para maglinis. Nakalimutan mo siguro sa pagmamadali mo.”
“Kumot ko?” aniya at kinuha ang kumot na inaabot nito. “Akala ko naiuwi ko na ang lahat ng ipinadala sa akin ni Inang Negay.”
“Sa akin iyan,” angkin ni Silang at kinuha ang kumot sa kanya.
“Sa iyo?” gimbal na sabi ni Inana. “Paanong napunta sa olog ang kumot mo?”
Nagkatinginan sila ni Silang. Hindi niya masagot ang tanong ni Inana dahil baka magkamali siya ng sagot. Iniwas niya ang tingin upang hayaang ito ang magsalita. Mas alam nito ang tamang paraan ng pagsagot.
“Nagkwentuhan kami ni Aiesha kagabi. Ipinahiram ko sa kanya ang kumot ko dahil nilalamig siya,” paliwanag ni Silang.
Hindi maitago ni Inana ang lungkot at nakayukong tumayo. “Ganoon ba?” mahina nitong sabi. “Aalis na ako. Pakisabi na lang kay Inang Negay.”
“Sige, salamat na lang,” sabi niya subalit mukhang hindi na nito narinig ang pasasalamat niya dahil nagtatakbo na ito palabas ng bahay.
Nagkatinginan sila ni Silang subalit awtomatiko nitong iniwas ang tingin sa kanya. Ngayon ay hindi na ito maaring magkaila. Alam nito na may espesyal na pagtingin si Inana dito at nagseselos si Inana sa kanila.
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila hanggang bumalik si Inang Negay. “Into si Inana?” hanap nito sa dalaga.
“Umalis po. May importante po yatang gagawin,” paliwanag ni Silang. Hindi niya makita sa mukha nito na apektado ito sa reaksiyon ni Inana.
“Ganoon ba? Akala ko dito siya kakain. May problema ba?” naghihinala nitong tanong at iginala ang tingin sa kanila.
“Wala po, Ina. Ano po ang ulam natin?” tanong ni Silang upang ilayo ang atensiyon ng ina kay Inana.
“Kumakain ka ba ng gulay, Aiesha?” tanong nito sa kanya.
“Opo,” aniya’t tumango. “Tutulungan ko na po kayong maghain.”
Hindi niya maiwasang maawa kay Inana. Kahit impakta ito sa kanya, naiintindihan niya ang nararamdaman nito dahil babae rin siya. Mahirap talaga kapag hindi ka mahal ng taong mahal mo.
NAIDLIP si Aiesha matapos mananghalian. Nang magising siya ay naabutan niya si Inang Negay na inaayos ang mga katutubong kasuotan nito. Marahil ay ihahanda iyon para sa ritwal ng manerwap. “Ina, may maitutulong po ba ako sa inyo?”
Nakangiti siya nitong nilingon. “Hindi na. Kaya ko na ito. Kumain ka na lang. May mga prutas na inuwi ni Amang Kabuguias mo sa mesa.”
“Mamaya na lang po ako kakain. Baka po tumaba ako.” Marami siyang nakain noong tanghalian dahil fresh ang gulay na ulam nila. Baka hindi na siya makilala pag-uwi niya at wala nang nagkasyang damit sa kanya.
“Dapat nga magkaroon ka pa ng kaunting laman. Masyado kang payat. Bilin sa akin ni Silang, pakainin daw kita.”
Umupo siya sa tabi nito at pinanood ito habang inaayos ang mga beads. “Nasaan nga po pala siya?” tanong niya.
“Pumunta sa bayan. Susunduin niya ang anak kong si Salinga. Nag-aaral kasi siya sa Baguio. Umuwi siya ngayon para sa manerwap. Mabait iyon. Tiyak na magkakasundo kayo.”
“Excited na po akong makilala siya.”
Gusto rin niyang may makausap na dalagang katulad niya. Halos lahat kasi ng kadalagahan sa olog ay katulad ni Inana. Pawang ilang sa kanya dahil isa siyang tagalabas. Sana lang ay maging maayos ang trato sa kanya ng kapatid ni Silang.
“Halika, samahan mo ako sa al-lang.” Nagtungo sila sa maliit na istraktura na nasa tabi lang ng bahay. Mga dahon at payat na sanga ng kahoy lang ang nagsilbing kandado niyon. Nang buksan ang pinto ay saka niya natuklasang iyon pala ang imbakan ng mga ani, banga, alahas at iba pang pagkain.
“Bakit po wala kayong mas matibay na kandado?” tanong niya. Mukha pa manding mahahalaga ang mga gamit na naroon. Samantalang sa bahay nila, state of the art ang security system. Ultimo ipis, kayang ma-detect.
May kinuha itong isang maliit na kahon. “May pachipad naman kami. Iyon na ang nagsisilbing kandado namin.”
“Pachipad?” Sinulyapan niya ang maliliit na kahoy at dahon sa pinto. “Iyon po ba iyon?”
Tumango ito at muling isinara ang pinto. “May sumpa kaming inilalagay diyan para sa magnanakaw. Pero walang magnanakaw dito sa lugar namin. Iginagalang namin ang pag-aari ng aming mga kapitbahay.”
“Nakakainggit naman po. Hindi ninyo kailangang isipin kung may masamang intensiyon ang mga tao sa inyo. Sana ganito rin kasimple ang buhay ko.”
Saka niya naisip na masyadong maraming kinatatakutan ang katulad niyang mayaman. Natatakot makidnap, manakawan, bumagsak ang kabuhayan at natatakot na mapulaan ng iba. Dapat lahat ng gawin ay ayon sa dikta ng lipunan. Na halos lahat ng bagay ay nasusukat sa karangyaan.
“Nabanggit sa akin ni Silang na may kaya ka. Hindi ka ba masaya?”