Silang, The Fierce Warrior (Filipino) Chapter 23

Dapat ay maging masaya siya. May magara siyang bahay at kotse, sikat at mayamang kakilala, tanggap siya ng lipunang ginagalawan, kinaiinggitan at may kasintahang katulad niya ang estado. Pero hungkag ang pakiramdam niya lalo na’t nakikita niya ang tribo ni Silang na masaya sa kung ano ang mayroon sila.

Napayuko siya. “Medyo po. Lalo na po at ang kasalamuha ko ay mga tao na walang mahalaga kundi ang kasikatan at ang pera.”

Hinaplos nito ang buhok niya. “Naniniwala ako na hindi ka katulad nila. Hindi ka magiging kaibigan ng anak ko kung masama kang tao.”

“Ina! Ina!” narinig nilang tawag ng isang babae.

Paglabas nila ng al-alang ay sinalubong sila ng isang babae na sa tantiya niya ay di lalagpas sa dalawampung taon. Nang mapansing ito ang mas batang version ni Inang Negay ay naisip niyang ito ang kapatid ni Silang na si Salinga.

Nagmano si Salinga kay Negay. “Ina, bumabata po yata ang itsura ninyo.”

Namumulang hinawakan ni Negay ang pisngi. “Salinga!” saway nito.

Tumawa si Salinga at naging mapanukso ang ngiti nang makita siya. “Aha! Ikaw pala ang sinasabing bisita sa akin ni Kuya Silang.”

“Ako si Aiesha,” aniya at inabot ang kamay.

Nakangiti nitong ginagap ang kamay niya. “Salinga. Tama nga ang sinabi ni Kuya Silang, napintas ka nga.”

Tiningnan niya nang matalim si Silang. “Ano na naman ang ipinipintas mo sa akin?” panunumbat niya.

“Hindi kita pinipintasan,” kontra agad ni Silang.

Humagikgik si Salinga. “Napintas. Ibig sabihin maganda.”

Ngumiti na rin siya. “Talaga. Sinabi ng kuya mo na maganda ako?” Minsan lang kasi siya sinabihan ng maganda ni Silang pero may kasama namang puna.

“Wala akong sinasabing napintas siya,” tanggi ni Silang na may kasamang paniningkit ng mata.

Mabilis na tumabi sa kanya si Salinga. “Hindi ako nagbibiro. Sinabi niya kaninang maganda ka. Magkasingganda daw tayong dalawa.”

“Ayun, lumabas din ang totoo,” natatawang sabi ni Negay. “Nagbuhat ka na naman ng sarili mong bangko. Sumkhep kayo dahil lumalamig na. Babalik na sa al-alang para kumuha ng bigas.”

“Magaling ka talagang pumili ng girlfriend, Kuya Silang,” sabi ni Salinga. “Ngayong may girlfriend ka na, pwede na siguro akong magka-boyfriend.”

“Salinga, hindi ko siya boyfriend,” paglilinaw niya. Nagsasawa na siyang mapagkamalang girlfriend ni Silang. Kung wala sanang Aldrich sa buhay niya, hindi siya kokontra kahit pagkamalang girlfriend ni Silang.

“Talaga? Sabagay, nuknukan kasi ng suplado iyang si Kuya. Akala ko pa mandin may babae nang malakas ang loob na makakatagal sa kasupladuhan niya,” anang si Salinga at tinanggal ang suot na jacket.

“Salinga, ipinid mo ang bibig mo,” utos ni Silang.

Ipinaling ni Salinga ang tingin sa kanya at hindi pinansin ang babala ng kapatid. “Saang olog ka natulog kagabi?”

“Kasama ko si Inana.”

“Isama mo siya sa olog mo,” sabi ni Silang.

“Bawal siya sa olog ko,” nanlalaki ang matang sabi ni Salinga.

“Bakit?” inosente niyang tanong.

“Dahil girlfriend ka niya.”

“Hindi ko siya girlfriend,” mariing sabi ni Silang na naiinis na sa kakulitan ni Salinga. “Ilang beses ko bang uulitin sa iyo?”

“Hindi mo kasi nililigawan. Paano mo magiging girlfriend?” anang si Salinga.

“Magkaibigan lang kami!” sabay niyang sabi ni Silang.

Nagkatinginan at nagkatawanan. Ngayon niya natuklasang ang nakapagpapa-tawa kay Silang ay si Salinga. Malapit ang mga ito sa isa’t isa.

“Maiwan ko na nga kayong dalawa. Pupunta na lang ako kay Langkawan. Hindi ko kayo kayang pagsabayin na kausapin. Masisiraan ako ng bait,” anang si Silang at umalis patungo sa bahay ni Langkawan.

Hindi maalis ang ngiti niya habang pinagmamasdan ito palayo. “Salinga, talaga bang sinabi niya kanina na maganda ako?” tanong niya.

Tumango si Salinga. “Oo. Bakit? Crush mo kuya ko, no?” tukso nito.

Naguguluhan niya itong pinagmasdan. “Akala ko tahimik ang mga babae sa tribo ninyo. Bakit walang preno ang bibig mo?”

Nang malaman niyang may kapatid si Silang, naisip agad niya ang isang babaeng tahimik at kimi katulad ni Salinga. Hindi isang babaeng madaldal. Mas mukha pa tuloy silang magkapatid.

“Kaya binigyan ng bibig ang tao para magsalita. Hangga’t hindi ako nakaka-sakit ng damdamin ng kapwa at nagsasabi ako ng totoo, karapatan kong magsalita.”

“Tama ka,” sang-ayon niya. “Pakiramdam ko kasi sasabog ang dibdib ko kapag hindi ko siya inilabas ang narararamdaman ko.”

“Sa tingin ko, magkakasundo tayong dalawa.”

NAKATITIG si Aiesha sa kisame habang iniisip kung ano na ang nangyari kay Silang. Gabi nang umalis ang mga kalalakihan patungo sa bundok upang gisingin ang mga anito at humingi ng ulan. “Huwag mong isipin si Kuya. Bukas din ng umaga, babalik sila,” putol ni Salinga sa iniisip niya. Ito ang kasama niyang natulog sa olog.

Nilingon niya ito. “Bakit mo naman nasabi na kuya mo nga ang iniisip ko?”

“Hindi ba siya?” Bumangon ito at tinitigan siya. “Kung ganoon, sino ang lalaki na dahilan kung bakit hindi ka apektado sa kaguwapuhan ni Kuya Silang?”

“May boyfriend na ako at malapit na kaming ikasal,” sabi niya at pilit ngumiti. “Pero sa ngayon, may problema pa kami kaya dito muna ako. Nag-iisip.”

“Mahal mo nga siguro siya dahil immune ka sa kuya ko. Alam mo bang maraming babae ang naghahabol sa kanya?”

“Tulad ni Inana?” tanong niya.

“Alam mo rin pala. Pero ayaw sa kanya ni Kuya dahil gusto ni Langkawan si Inana. Hindi na sila pwede. Saka ayaw talaga sa kanya ni Kuya.”

Kung alam lang nito, hindi siya ganoon ka-immune kay Silang. Unang kita pa lang niya dito, nakapagkit na ang mukha nito sa isip niya. Isa pa, taglay nito ang lahat ng katangiang hinahanap niya sa lalaki. Mga katangian na wala kay Aldrich.

“Anong klaseng babae ba ang gusto ng kuya mo?” usisa niya. “Baka naman perpekto ang gusto niyang babae. Mahirap hanapin iyon.”

Hinuli nito ang mga mata niya. “Bakit gusto mong malaman?”

“Nagtatanong lang ako.”

“Akala ko mag-a-apply kang girlfriend niya,” tudyo nito. “Hindi ko rin alam kung ano ang gusto niya sa babae. Hindi pa niya nababanggit sa akin kung may nagustuhan siyang babae. Pero mabuti na ring hindi ka na-in love sa kanya.”

“Bakit naman?” tanong niya at bumangon.

“Dahil isa kang tagapatag. Kung magkakagustuhan man kayo, baka hindi mo rin matagalang tumira dito. Magiging outcast kayo dahil hindi ka tatanggapin ng tribo namin bilang kauri. Importante sa amin na mai-preserba ang kultura namin.”

“Paano kung na-in love ka sa hindi mo katribo? Katulad ko taga-Manila.”

Huminga ito nang malalim at hindi maitago ang lungkot sa mga mata. “Ewan ko. Sa ngayon, mas mahalaga sa akin ang tribo namin. Matulog na tayo. Kailangan pa nating salubungin sila Kuya Silang bukas.”

Nakadama siya ng hindi maipaliwanag na lungkot. Nasasaklaw pa rin pala ng batas ng tribo ang pag-ibig. Halos walang ipinagkaiba sa mundo niya na kailangang mahirap at mayaman lang ang magmahalan. Mahirap mahalin ang tulad nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.