Pasimpleng kinuhanan ng camera ni Aiesha ang mga taga-Gangan gamit ang cellphone niya. Nagsasayaw ang mga ito sa saliw ng tugtog ng gangsa na bahagi ng ritwal upang humingi ng ulan. Subalit partikular na nakatutok ang paningin niya kay Silang na tumutugtog ng gong.
Hindi nakakasawang tingnan ang mukha nito. At bagay na bagay dito ang suot na katutubong kasuotan. Nakasuot din ito ng fal-laka na nakalagay sa ulo. May disenyong ngipin ng hayop at balahibo ng ibon. Napakatikas itong tingnan.
Gabi na. Nakabalik na ang mga kalalakihan mula sa pagsasagawa ng ritwal sa bundok. Pagdating sa tribo ay nagsimula na ang sayawan at pagpapatugtog ng gong.
Nasa isang tabi lang siya at nanonood. Si Salinga na kanina ay nasa tabi niya ay kasama na sa mga sumasayaw ngayon. Parang walang kapaguran ang lahat. Gabi na subalit wala pa ring planong matulog ang mga ito.
“Nagustuhan mo ba ang aming tribo?” tanong ni Lakay Dutab na may hawak na tabako. Noon lang ulit siya nito kinausap mula nang iharap siya sa inugtukon.
“Good evening po,” bati niya. “Maganda po ang lugar ninyo at kakaiba ang kultura. Ngayon lang po ako nakapanood nang ganito.”
“Bukas ay magsasagawa pa kami ng ritwal at mag-aalalay sa mga anito ng manok para humingi ng ulan. Hihintayin namin ang paglabas ng lawin. Pagkatapos ay pipili kami ng bahay para isagawa ang cañao.”
“Paano kapag hindi pa rin po umulan?” Kung buwan ng Abril, natural lang na mainit ang panahon. Madalang ang ulan. Sa susunod pang buwan magsisimula ang pagpatak ng ulan. Bakit hindi na lang hintayin ng mga ito ang pagkilos ng kalikasan?
“Maraming cañao, pag-aalay at pagdarasal ang kailangan naming isagawa hanggang dumating ang ulan.”
“Marami po ba kayong ganitong klaseng ritwal?”
Tumango ito at umupo sa tabi niya. “Oo. Iba’t ibang ritwal sa iba’t ibang pagkakataon. Humihingi kami ng tulong sa mga anito. Iginagalang namin sila at ang kalikasan dahil may kakayahan silang kontrolin ang panahon. Ganoon din sa mga ninuno naming namatay na.”
“Kaya po ba mahalaga sa inyo na maibalik ang inyong mga ninuno?”
Humitit ito sa pipang gawa sa kahoy ng pino at tumingin sa mga katribo nitong nagsasayaw. “Naniniwala kami na kapag namatay ang miyembro ng tribo, nagiging mga anito rin sila. Dito sila sa lupain namin namumuhay kasama namin. At kapag nawala sila, mawawalan na rin kami ng kabuhayan. Dahil wala nang magpapala at magpoprotekta sa amin at sa aming mga lupain,” paliwanag nito.
Mas naintindihan na niya ang mga ito. Hindi lang simpleng ang pisikal na konsepto ng respeto at paggalang sa mga ninuno ng mga ito ang isyu kung bakit gustong mabawi ang mga mummies. Parehong namumuhay ang mga buhay at patay sa pamayanan ng mga ito. Na hindi maaring mabuhay nang wala ang isa’t isa. Kaya matindi ang pangangalaga ng mga ito sa lupa at ang paniniwala sa mga anito.
“Sigurado po ba kayo na magtatagumpay kayo na mabawi ang mga ninuno ninyo sa tulong ko?” tanong niya.
Napapalapit na ang loob niya sa mga ito kaya hindi niya maaring biguin ang mga ito. Tutulong siya hindi lang dahil gusto niyang mabawi si Aldrich. Gagawin niya iyon dahil iyon ang pinaniniwalaan nakabubuti para sa tribo ng Gangan.
Tumingala ito sa langit at nakangiting pinagmasdan ang mga bituin. “Iyon ang sinabi ng tinig sa aking panaginip. Mahalaga ang gagampanan mo sa tribo namin. Lalo na sa binatang si Silang.”
Lumipad ang tingin niya kay Silang na nakatingin sa kanya. Napigil niya ang paghinga nang makita ang mga mata nitong matiim na nakatitig sa kanya. Ngumiti ito at nagpatuloy sa pagtugtog. Sa lahat ng kalalakihan, ito ang pinakamakisig. At hindi lang siya ang babaeng pasimpleng nagnanakaw ng tingin dito. Iniwas niya ang mata bago pa siya mahuling nakatingin nito.
Ibinalik niya ang tingin kay Lakay Dutab.“Ano pong kinalaman ni Silang dito?”
Makahulugan siya nitong tiningnan. “Malalaman mo rin, dalagang tagapatag,” sabi nito. “Kaya tatagan mo ang loob mo at sundin mo ang sasabihin ng puso mo kung gusto mong maging masaya sa piling niya.”
“Pero nagkakamali po kayo ng akala. Hindi ko po siya…”
Naputol ang protesta niya tungkol sa hindi nila pagiging magnobyo ni Silang nang tumayo upang samahan ang ibang inugtukon. Hindi niya maintindihan ang ibig nitong sabihin. Paano siya magiging masaya sa piling ni Silang? Hindi ba dapat ay magiging masaya siya sa piling ni Aldrich dahil ito ang nobyo niya? O kailangan niyang lagpasan ang pagsubok na may kinalaman kay Silang para maging masaya siya kay Aldrich? Baka si Silang ang nakatadhana sa kanya at hindi si Aldrich?
Lalong sumakit ang ulo niya. Tinitigan niya ang picture ni Silang sa cellphone niya. Oo, guwapo at makisig nga ito. Pero hindi naman ito ang pakakasalan niya. Isa pa, hindi rin siya ang gusto nitong babae. Dahil kahit kailan, hindi nito magugustuhan ang isang babaeng moderna katulad niya.
Puno pa rin siya ng tanong sa isipan nang lapitan siya ni Salinga. “Aiesha! Halika, sumali ka sa amin.”
“Saan?” tanong niya at inilagay sa cellphone holder ang cellphone niya. Hindi pwedeng makita ni Salinga ang picture ni Silang. Tutuksuhin siya nito.
“Sasayaw tayo,” anito at hinila ang braso niya. “Para naman may ginagawa ka at hindi ka lang nanonood sa amin.”
“Pero hindi ako marunong ng ethnic dance.” Magiging kahiya-hiya lang siya. Ang alam lang niyang sayaw ay ballroom dancing at modern dance. Iyon kasi ang hinihingi sa mga lugar at pagtitipon na madalas niyang puntahan. Hindi naman itinuro sa dance lesson niya ang mga katutubong sayaw.
“Madali lang iyan,” sabi nito. Napilitan siyang magpatianod dito dahil baka mabali ang braso niya. Wala itong balak na bitiwan siya. Muntik na siyang magtatakbo palayo nang makitang papalapit sila kay Silang. Kinuha nito ang kamay ng kapatid at doon inilagay ang kamay niya. “Kuya, ikaw na ang bahalang magturo kay Aiesha,” anito at nagmamadaling lumayo sa kanila.
“Salinga!” tawag niya dito subalit kinawayan lang siya nito at nakangiting nilapitan ang isang binatang katribo nito.
“Wala ka bang tiwala sa akin?” tanong ni Silang.
Tiningnan niya ang kamay niyang hawak nito at parang may karera ng daga sa dibdib niya. Bumalik na naman ang takot na unang nararamdaman niya nang unang beses silang nagkita. Pero sa pagkakataong ito, hindi niya alam kung kanino siya dapat matakot-dito o sa sarili niya.
“Malay ko kung palpak kang dance instructor.”
“Madali lang naman ang sayaw.” Iniunat nito ang mga kamay niya. “Parang ibon ka lang na lumilipad.”
“Ganito?” tanong niya at itinaas at ibinaba ang kamay.
“Tigasan mo ang braso mo. Katulad ng ginagawa ni Inana.”
Hindi niya maiwasang mapasimangot nang si Inana pa ang ginawa nitong modelo ng sayaw. Kasama ni Inana si Langkawan at nagsisimula nang magsayaw sa paligid ng apoy. Inaamin niyang graceful magsayaw si Inana na maganda sa suot na hinabing makulay palda at blusa na may mahabang manggas. Inadornohan ang buhok at damit nito ng makulay na beads.
Ginaya niya ang pagsasayaw ni Inana. Hindi siya maaring magpatalo. Ang sayaw ay sayaw. Kahit ethnic pa o modern, kailangan niyang galingan. Ayaw niyang mapahiya kay Silang.
“Pwede na tayong sumali,” sabi nito habang nakatitig sa mukha niya.
“Bakit ganyan ka makatingin sa akin?”
Umiling ito at ngumiti. “Bagay sa iyo. Parang prinsesa ka ng tribo.”
Pinahiram siya ng katutubong damit ni Salinga para hindi siya ma-out of place sa pagtitipon. Marami na ang nagsabi na bagay sa kanya ang damit. Pero nagmula ang pinakamataas na papuri kay Silang.
Nag-curtsy siya. “Thank you. Pero sana seryoso ka sa compliment mo. Walang kasunod na pintas at walang halong sarkasmo.”
Naging alangan ang ngiti nito. “Ganoon ba ako?”
Naitirik niya ang mga mata. “Palagi naman. Nagtaka ka pa.”
Nawala ang ngiti sa labi nito. “Seryoso ako. Hindi ako sarcastic.”
“Mabuti naman. Dahil bagay din sa iyo ang suot mo,” aniya at papilyang ngumiti upang ipaalala dito na nakita na niya ang lahat dito.
“Hindi na eepekto sa akin ang panunukso mo,” walang kangiti-ngiti nitong sabi. Ginagap nito ang kamay niya. “Galingan mo. Ayokong mapahiya.”
“Silang, ano nga palang sayaw ang sasayawin natin?” tanong niya. Basta ang alam lang niya ay simpleng ethnic dance. Hindi niya alam kung para saan iyon.
“Courtship dance,” sabi nito at humanay sa ibang pareha.
Courtship dance? bulong niya sa sarili at pasimpleng tiningnan ang mga kasama nilang sumasayaw. Halos lahat ay mga nagliligawan. Baka akala ng mga ito ay may relasyon din sila ni Silang. Bumalik sa isip niya ang sinabi ni Lakay Datub. Malaki daw ang kinalaman niya sa buhay ng mga taga-Gangan lalo na kay Silang.
“Anong problema?” tanong ni Silang.
Naipilig niya ang ulo. Kanina pa pala siya tulala. “Wala,” aniya at ipinag-patuloy ang pagsasayaw. It was only a dance. Hindi pa nanganganib ang puso niya.