~~~~
Iginala ni Nikki ang tingin sa loob ng malawak na living room ng bahay nina Santi. Masayang-masaya siya na makasama ang buong pamilya ni Santi sa pagdiriwang ng Christmas Eve ngayong gabi. Busog na busog ang tiyan niya sa dami ng masasarap na pagkaing ihinain sa kanya ng Mama ni Santi. Pero mas busog ang puso niya dahil ramdam na ramdam niya na kabilang siya sa pamilya ng nobyo. Malayong-malayo sa naging karanasan niya noon sa tuwing bibisita siya sa pamilya ni Keith.
Katatapos lang nilang mag-Noche Buena kasama ang buong pamilya ni Santi. Kasalukuyang pinagmamasdan niya ang pagpapalitan ng regalo ng mga magulang ni Santi na sina Tita Opal at Tito Iago. Ganoon kasi ang tradisyon ng pamilya Silverino. Mauunang magpalitan ng regalo sina Tita Opal at Tito Iago.
Sumunod naman na nagpalitan ng regalo sina Kuya Gadiel at ang asawa nitong si Ate Rowelie. Pagkatapos ay iniabot ng mag-asawa ang mga regalo ng mga ito sa mga anak na sina Brent at Bryan. Sumunod na nagpalitan ng regalo sina Kuya Harley at ang nobya nitong si Ate Heleda. Pagkatapos ay sila naman ni Santi ang nagpalitan ng regalo.
Isang diamond studded watch ang regalo ni Santi sa kanya. hindi na niya kailangang basahin kung ano ang tatak niyon para malamang mahal iyon.
Tuloy, nahihiya siya nang iabot niya ang regalo niya sa binata. Pero napalis iyon ng malakas na halakhak at katuwaan sa mukha ni Santi nang makita nito ang ibinigay niyang black leather jacket na may nakalagay na “Property of Nikki” sa likod. Naka-arko sa itaas ng tatlong pink na rosas at mukha ni Tweety Bird ang mga salitang iyon habang sa ilalim naman ng mukh ani Tweety Bird ay ang mga salitang ‘Son of a Rockstar’. Iyon kasi ang bersyon niya ng leather jackets na nakita niyang isinusuot ng mga bikers na miyembro ng motorcycle club sa paboritong TV show ni Santi. Tutal paborito ni Santi ang American TV show ni Charlie Hunnam na ‘Sons of Anarchy’, iyon ang naisip niyang iregalo sa nobyo.
“Thank you, baby! This is the best gift I’ve ever received!” ang natatawang ani Santi habang isinusuot ang jacket. Nagmamalaking ipinakita pa ng binata iyon sa mga kapatid nitong halatang naiinggit rito.
“Secret,” nakangiting tugon niya sa nobyo.
Ikinawit ni Santi ang kamay sa likod ng ulo niya at hinila siya palapit rito. Isang mariing halik ang pinadapo nito sa mga labi niya. Pero nang akmang yayakapin na rin siya ng isa pa nitong braso, biglang hinatak siya ni Tita Opal palayo rito.
“Santi! Hindi ninyo solo ang sala! May mga bata!” saway ni Tita Opal kay Santi bagamat nakatawa ito at iiling-iling.
“Sorry, ‘Ma,” nakangising ani naman ni Santi sa ina nang pakawalan siya nito. Pero palihim siyang kinindatan ng binata habang hindi nakatingin dito si Tita Opal.
“Anyway, ito ang regalo namin ni Tito Iago sa iyo, iha. Sana magustuhan mo,” wika ni Tita Opal kay Nikki.
“Thank you po, Tita,“ napangiting aniya sa babae nang tanggapin ang regalong iniabot nito.
Iniabot din niya rito ang regalo niya para dito. May natanggap rin siyang regalo mula sa mga kapatid at hipag ni Santi. Pati na mula sa mga pamangkin nito. Siya ang masasabing pinakabagong dagdag sa tradisyunal na selebrasyon ng Pasko ng pamilya nina Santi. Pero hindi niya maramdaman iyon sa klase ng pakikitungo sa kanya ng buong pamilya.
Parang walang mga taong lumipas kung tratuhin at tanggapin siyang muli ng pamilya ni Santi. Pero tulad noon, ang pinakamasaya sa lahat ay si Tita Opal. Kahit noon pa kasi ay parang anak na siya kung ituring ng mama ni Santi.
Sabi pa nga ni Tita Opal nang mapagsolo sila sa loob ng kusina kanina habang naghahanda para sa Noche Buena, siya raw ang itinuturing nitong kauna-unahang manugang nito. Dahil noon pa man ay alam na ni Tita Opal na siya ang babaeng iuuwi ni Santi sa pamilya nito at ipapakilala bilang babaeng pakakasalan nito.
“Tita, bago pa lang po kami ni Santi. Masyadong maaga pa po para pag-usapan ang tungkol sa kasal naming dalawa,” ang natatawang tugon niya sa babae.
Pero sa loob-loob niya ay nagdiriwang siya. Kung sakali, may kakampi na siya kapag pinaabot pa ni Snati ng ilang dekada muna ang relasyon nila bago siya nito alukin ng kasal. Sa isip at puso niya, sigurado na siyang si Santi ang nais niyang makasama habang buhay. Pero alam niyang masyadong maaga pa para pag-isipan at pagplanuhan niya ang kasal nila ni Santi. Dalawang linggo pa lang halos silang opisyal na magkasintahan ni Santi. Baka mag-panic bigla ang binata at magpunta ng outer space kung bigla niyang itatanong rito kung kailan at saan sila ikakasal.
“Iha, twelve years ka nang hinihintay ng anak ko. Sa tingin mo ba ay palilipasin pa ulit niya ang twelve years bago ka niya yayaing magpakasal? I know my son. Ni hindi ako masosorpresa kung bago matapos ang taong ito ay maging fiance ka na niya,” tugon ni Tita Opal sa tonong puno ng katiyakan.
Matapos ang pagpapalitan ng regalo ay nagpaalam na sila ni Santi sa pamilya nito. Uuwi sila sa bahay ni Santi at bukas ng umaga na lang babalik para sabay-sabay silang magsimba. After that, papasyal naman sila ni Santi sa sementeryo upang bisitahin ang puntod ni Lola Ima tulad ng nakagawian na niyang gawin taon-taon.
“Ngayong gabing ito ang pinakamasayang Pasko sa buong buhay ko, babe. Thank you very much!” ani Santi habang magka-akbay silang naglalakad papasok sa bahay nito.
“Pareho tayo. Thank you rin. You didn’t just give me your love, you also made my dream of becoming a part of a real family come true,” aniya na ihinilig ang ulo sa dibdib nito.
“Really? Walang halong pang-uuto iyan?”
“Seryoso ako, Santi. Thank you,” seryosong aniya na tiningala ito.
“You’re welcome, baby. Pero may isa pa akong regalo para sa iyo. Pero parang mas bagay sabihin na may isa pang regalo akong hihilingin mula sa iyo,” saad ni Santi eksaktong pagbukas nito ng pinto ng bahay nito. Pinindot ng binata ang switch ng ilaw at nang magliwanag ang bahay ay agad bumungad sa kanya ang pagkalaki-laking banner na may nakasulat na: WILL YOU MARRY ME, NIKKI?
At biglang pumailanlang ang Christmas lovesong na kabilang sa Christmas album ng banda ni Santi.
“...marry me on Christmas day, baby. Be my special gift under the tree. I’ve been good all year. Marry me on Christms day, baby.”
Nahigit ni Nikki ang hininga niya. Kusang bumalon ang mga luha sa mga mata niya. Lumipad ang tingin niya pabalik kay Santi. Akmang luluhod pa lang sana sa harapan niya ang nobyo habang inilalahad sa kanya ang kahitang hawak nito. Pero bago pa nito maggawa iyon ay mahigpit na niyakap na niya ito.
“Yes, yes, yes!” sunod-sunod na sigaw niya na may kasama pang pagtango upang makasiguradong mauunawaan nito ang sagot niya rito.
“Are you sure? Pwede ka pang mag-isip,” tukso ni Santi sa kabila ng medyo garalgal na ring boses nito. Pero kahit ganoon ang sinasabi ng binata, hindi naman ito nag-aksaya ng panahon sa pagsusuot ng singsing sa daliri niya.
Ikinulong ni Santi sa pagitan ng mga palad ang mukha niya at siniil siya ng malalim na halik.
“I love you, Nikki. Kahit ilang dosenang taon pa ang lumipas, hinding-hindi ako titigil sa paghihintay at pagmamahal sa iyo.”
END OF SANTI AND NIKKI'S STORY.
NEXT IS CINDA AND MARYMAE'S STORY