Silver Belles-Santi, Baby Chapter 16

Agad ibinaba ni Cinda ang hawak na canned beer nang makita niyang papasok na sa bahay ng pamilya nina Jing-jing si Marymae. Wala sa loob na hinagod niya ng kamay ang buhok.

Gusto niyang batukan ang sarili. Para siyang teenager na ngayon pa lang magsisimulang manligaw. Bagay na kakatwa dahil hindi man siya kasing playboy ng pinsang si Santi, nagkaroon na rin naman siya ng ibang nobya. At ang pinakahuli nga ay ang naging relasyon niya kay Jody na umabot ng dalawang taon.

Pero hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang damdamin niya para sa pinsan ng kaibigan at kabanda. Nang unang ipakilala sa kanya ni Jing-jing si Marymae dalawang linggo na ang nakakaraan ay halos araw-araw nang laman ng isip niya ang dalaga. Sa taas niyang anim na talampakan ay ni hindi umaabot sa balikat niya ang tuktok ng dalagang nasa five-three lang ang taas. There was nothing extraordinary about her dark short hair, heart-shaped face and brown eyes. She was also a bit on the chubby size. Malayong-malayo sa tipo niyang babae na matatangkad, balingkinitan at mahahaba ang buhok.

Kaya hindi niya matukoy kung ano’ng mayroon sa babae na nagpapabilis ng tibok ng puso niya tuwing makikita niya ito. Sa tuwing ngingiti ito o tatawa ay hindi niya mapigilang mapangiti at matawa rin. Ito na siguro ang pinakamasayahing taong nakilala niya. Palaging magaan ang mood nito at parang hindi marunong magalit o malungkot.

Naiinip na malapitan ito na muli niyang hinagod ang buhok niya. Naulinigan niya ang mahinang tawa ni Santi sa tabi niya.

“Baka gusto mong tumingin pa sa salamin at maglagay ng gel o kaya magpabango?” tukso nito sa kanya.

“Gago,” angil niya rito. Alam ni Santi ang tungkol sa umuusbong niyang atraksyon para kay Marymae. Kaya panay ang pang-aasar nito sa kanya dahil tulad niya nababaghan din siya sa sariling reaksyon niya sa dalaga.

“At ano namang ginagawa dito ng aksaya sa space sa Earth na lalaking ito? Akala ko ba party lang ng pamilya at mga kaibigan ito? Kailan ninyo pa naging close friend ito?!” paangil na tanong ni Marymae kay Jing-jing nang mamataan siya matapos makipagbeso-beso ang dalaga kay Jing-jing.

Biglang natigilan si Cinda. Bahagyang nanlaki sa kabiglaan ang mga mata niya. Where was the cheerful Marymae he’s been spending time with these past two weeks? Bakit parang kulang na lang ay singhalan ng dalaga si Jing-jing dahil sa pagsasama sa kanya ni Jing-jing roon? She wasn’t mad at him when they parted ways two nights ago. Ano’ng nangyari para magbago iyon?

Nasasabik pa naman na siyang makita ang dalaga mula pa kaninang umaga. Alam niyang makikita niya ito ngayong gabi dito sa bahay nina Jing-jing dahil kaarawan ng Kuya Tom ni Jing-jing. At nabanggit ni Marymae sa kanya noong isang linggo pa ang tungkol sa pagpunta rin nito dito.

“Since naging kabanda ko siya so many years ago, loka-loka!” nakataas ang mga kilay na sagot naman ni Jing-jing kay Marymae. “Ano’ng problema mo? Bakit ang taray mo ngayon? May PMS ka ba?”

“Itanong mo diyan sa magaling na kabanda mo na matapos kunin ang number ko noong isang araw ay hindi naman nag-abalang tawagan o i-text man lang ako!” ismid ni Marymae bago tumalikod at nagtungo sa kusina.

Ilang beses siyang napakurap. Naguguluhan pa rin. Pero nang bumalik sa sala si Marymae at pinandilatan siya sabay kaway sa kanya na sumunod siya rito, noon lang niya nahinuha na binibiro lang siya ng dalaga. iiling-iling na natatawang humakbang nga siya pasunod sa dalaga. Nang madaanan niya si Jing-jing ay tinapik-tapik pa nito ang balikat niya.

“Sorry, Cin, pero ihanda mo na ang sarili mo. Alam mo naman ang lahi namin. Magaganda pero may konting saltik,” bungisngis pa nito na obviously ay kakuntsaba ni Marymae sa pagbibiro sa kanya.

Pagpasok niya sa loob ng kusina ay abala si Marymae sa pakikipagbeso-beso sa ibang kamag-anak nito at ni Jing-jing na naroon.

“Kumain ka na, iho,” wika ng isa sa mga tiyahin nina Jing-jing at Marymae sa kanya.

“Oho, salamat ho.” Sinadya niya talagang hintayin si Marymae kaya nagpahuli siyang kumain. Tila nagulat naman na hindi pa siya kumakain na nilingon siya ni Marymae.

“Bakit hindi ka pa kumakain? Kanina pa kayo nina Santi dito, ‘di ba?” takang tanong nito.

“I was waiting for you.”

“Uy, ang sweet!” napangiting anito.

Kumuha ang dalaga ng dalawang plato at iniabot ang isa sa kanya. Paglapit ng dalaga sa buffet table na nag-uumapaw sa handa, imbes na ang sariling plato nito ang unahin nitong lagyan ng pagkain, plato niya ang inuna nitong lagyan ng pagkain.

“Tikman mo itong tuna salpicao, ako nagluto niyan. Saka itong tamarind roast chicken. Kaya ako na-late dumating kasi niluto ko muna iyan at ipinahatid dito bago ako nag-ayos ng sarili ko,” anang dalaga.

“Thanks. And just so you know, I lost that paper you wrote your number on. Kaya hindi kita ma-text o matawagan,” paliwanag niya rito.

Napahagikhik ang dalaga.

“Wala iyon. Binibiro lang kita. Pero nakakatawa talaga ang hitsura mo kanina. Para kang nakakita ng multong baklang naglalambada sa harap mo.”

“Kinabahan nga ako. Akala ko tutusukin mo ng mga daliri mo ang mata ko,” pabirong aniya.

Natawa naman si Marymae.

“Hindi naman ako bayolente uy. Kapag bilog lang ang buwan.”

Napangising umarko ang mga kilay niya. Saka siya sumulyap sa nakabukas na bintana kung saan kitang-kita ang bilog na bilog na buwan.

“Bilog ang buwan ngayon, ‘di ba?”

“Oo nga ‘no? Well, then be afraid, be very afraid,” kunway pagbabanta ni Marymae.

Binabaan pa ng dalaga ang boses nito, ginagaya ang mga boses sa horror movies na parang nagmumula sa hukay. Nakakahawa ang pangingislap sa kaaliwan ng mga mata nito. Bumaba ang tingin niya sa mapupulang labi nitong tanging lip gloss lang ang suot. They looked so inviting and he’d bet his favorite drum set that they’d taste even more delicious than any of the food in front of him.

“I’m going to kiss you.”

Bigla namang nanlaki ang mga mata ng dalaga. Napangiwi siya nang maisip na malakas na naisaboses pala niya ang nilalaman ng isip. Akala niya sa sarili lang niya nasabi iyon.

Pero sa huli, mas mabuti na ngang malaman na ng dalaga na may gusto siya rito.

“Kiss agad? Hindi ba pwedeng ligaw muna?” pabirong ani Marymae. Pero hindi nakaligtas sa mga mata niya ang pamumula ng mga pisngi nito at pag-iwas ng tingin sa kanya.

“Of course. Liligawan muna kita.”

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.