Nagulat si Marymae nang bigla siyang lapitan ng isa sa mga waitress sa bar na kinaroroonan niya kasama ang mga pinsan at kaibigan. Banda ng pinsan niyang si Jing-jing ang tumutugtog sa stage. Bukod pa sa pag-aari ng magpinsang drummer at lead guitarist ng banda ng mga ito ang bar na iyon.
Hindi siya mahilig sa mga bar. Nagpupunta lang siya roon kapag sina Jing-jing ang tumutugtog. Una, bilang suporta sa pinsan niya. at pangalawa, dahil gusto niyang makita at panoorin si Cinda, ang drummer ng banda na manliligaw niya.
“Miss, ipinabibigay ni Sir Cinda,” ani ng waitress sabay abot sa kanya ng isang pahabang box at maliit na card.
“WILL YOU BE MINE?”
Iyon ang nakalagay sa card na kasama ng kwintas na may pendant na kalahating puso at may engraved letters na nagsasaad ng salitang: HIS.
Nang tignan ni Marymae si Cinda ay sinalubong ng binata ang tingin niya. Saglit itong tumigil sa pagkalabit sa kwerdas ng gitarang hawak upang hilahin mula sa loob ng kwelyo ng damit nito ang suot nitong kwintas. He was showing her that he was wearing the other half of the necklace he was giving her. At kahit hindi niya mabasa ang naka-engraved na salita sa kwintas na suot nito, malakas ang kutob niya na HERS naman ang nakalagay roon.
Hiyawan ang mga tao nang matapos ang kanta nito. Sumenyas ito kay Santi at sa ibang mga kabanda bago bumaba sa stage. Isang bagong kanta ang sinimulan ng banda nito. At hindi niya alam kung bahagi rin ba iyon ng sorpresa nito dahil isa na namang lovesong ang inaawit ng banda nito. And the message of the song was telling her to trust her heart. Cinda kept his eyes on her while he was walking towards her.
“So, tayo na?” pilit pinakaswal ni Marymae ang boses niya nang ipakita niyang suot na niya ang kalahati ng kwintas na ibinigay nito sa kanya.
Isang malawak na ngiti ang sumilay sa gwapong mukha ng binata. Ginaya pa siya ng mokong, kunway kaswal na nagkibit-balikat din ito bago sumagot.
“I guess so.”
“Oh, Cinda!”
Mahigpit na niyakap niya ito at kinintalan ng mabilis na halik sa pisngi. Pero hindi nakuntento sa ganoon lang ang binata. Dahil ipinaling nito ang mukha paharap sa kanya, kinabig ng kamay ang batok niya at hinapit palapit sa ulo nito ang ulo niya. Then he kissed her. Gently at first like he was testing the waters. Then his kiss deepened as his arms wrapped around her.
Naudlot ang pag-iinat at paghikab ni Marymae nang marinig ang Christmas song na biglang pumailanlang sa loob ng silid niya nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Rebecca. May bitbit na tray ng pagkain ang bunsong kapatid niya at abot-tainga ang ngiti nito nang batiin siya ng malakas na ‘Good morning, Ate!’ Hindi pa man ito nagsasabi ay nararamdaman na niyang mang-uuto na naman ito sa kanya.
Una, dahil bibihira itong maggising ng maaga kung wala rin namang pasok sa eskwela. Pangalawa, hindi nito ugaling magdala ng tray ng pagkain sa loob ng kwartong pinaghahatian nila. At pangatlo, kaduda-duda ang kasiglahan ng tono at ngiti nito.
“Breakfast in bed para sa favorite kong ate!” masiglang anito na inilapag sa ibabaw ng purple nightstand na katabi ng single bed niya ang tray na dala nito. “Scrambled egg, toasted bread without butter, hotdog, papaya slice at siyempre, super bitter coffee na walang cream just the way you like it! Anything else, ma’am?”
“Wala na akong pera, Rebecca. Katatapos lang ng Pasko kahapon, huwag mong sabihing naubos mo na ang lahat ng natanggap mo kahapon?” arko ng kilay niya sa kapatid.
“Uy, sobra ka naman. Hindi naman ako manghihingi ng pera. Mayaman kaya ako ngayon.”
Kunsabagay, malaki ang natanggap nitong cash mula pa noong Noche Buena. May natangap ito mula sa Mama at Papa nila, may natanggap pa ito mula sa Kuya Jose nila, kay Matteo at sa kanya. Bilang nag-iisang nag-aaral sa kanilang apat na magkakapatid at bukod tanging wala pang trabaho, cash ang mas gusto nitong matanggap mula sa kanila kaysa regalo.
“Talaga lang ha? Ano na naman ang kailangan mo at may breakfast in bed ka pang nalalaman diyan?”
“Wala naman kayong lakad ni Kuya Cinda ngayon, ‘di ba, te? Samahan mo ko sa mall, bibili ako ng bagong web cam at headphone. May nakita akong cute na Hello Kitty design sa CD-Queen,” malambing ang tonong ani Rebecca. Ang Kuya Cinda na tinutukoy nito ay ang nobyo niya.
Sa kabila ng edad ni Rebecca na nineteen ay hindi pa rin nito naiaalis sa katawan ang pagkahilig o mas tamang sabihing pagka-adik kina Hello Kitty at Mickey Mouse. Tuloy mukha nang museum nina Hello Kitty at Mickey Mouse ang espasyo nito sa silid na pinaghahatian nila.
“Sige, pero after lunch na. Magluluto raw ng sinigang na salmon si Mama mamayang tanghali, ‘di ba?” tango niya.
Inabot niya mula sa ibabaw ng unan niya ang cellphone niyang biglang tumunog ang message alert tone. Hindi pa man niya nababasa ang text ay awtomatikong napangiti na siya. Sigurado kasi siyang galing kay Cinda ang text na iyon. Three months pa lang silang magkasintahan ng gwapo pero medyo supladong drummer niya. Pero tila may malalim na silang kuneksyon sa isa’t isa. Lagi kasi nitong nahuhulaan kung kailan gising na siya. At hindi nagmimintis na magti-text ito sa kanya. Tukso niya rito, ginagawa nito iyon para siguradong ito ang unang maiisip niya paggising niya.
Akala niya tatanggi ito dahil sa kanilang dalawa, siya ang mas cheesy at korni, which is as it should be since aside from being the girl, she’s also a romance novelist. May malaking K siya na maging cheesy at korni. Kaya naman nagulat siya nang diretsong salubungin ni Cinda ang tingin niya at aminin na iyon nga mismo ang dahilan kung bakit gusto nitong text nito ang unang-unang mababasa niya paggising niya. Kilig to the bone marrows siya roon sa totoo lang. Dahil bihirang-bihira magbitaw ng mga ganoong salita ang nobyo niya.
Cinda was more of a man of action than a man of words. Mas gusto nitong ipinapakita kaysa sinasabi ang nararamdaman. Ni ayaw nga nitong gumamit ng mga terms of endearment. Kapag nilalambing siya nito, imbes na babe, honey, sweetheart o kng ano-ano pang bansag ng mga lover sa isa’t isa, mas gusto nitong paikliin lang ang pangalan niya. Mae sa halip na Marymae ang itinatawag nito sa kanya. Kaya naman kahit na ayaw na ayaw niyang tinatawag siyang Mae noon, bigla na niyang nagustuhan ang Mae ngayon. Pero iyon ay kung si Cinda ang tumatawag sa kanya.
“Ngayon na tayo umalis, ate, bilinan mo na lang sina Mama na tirhan ka ng sinigang mamaya. Darating sina Jigzy at Cady mamayang tanghali eh,” angal ni Rebecca. Mga kaibigan at ka-eskwela sa unibersidad nito ang dalawang binanggit nito.
Unti-unting nabura ang nananabik na ngiti sa mga labi ni Marymae nang mabasa ang text ni Cinda. Unti-unting gumapang ang panlalamig sa buo niyang katawan. Pakiramdam niya nanigas at nagyelo ang dugong nananalaytay sa kanang braso niyang may hawak ng cellphone. Parang biglang bumigat ang kanang braso niya. At sa sobrang bigat ay kusa iyong bumagsak sa ibabaw ng hita niya.
“Ita-try namin nina Jigzy ‘yung make-up na regalo ni Tita Reggie. Saka makikipag-chat din kami kina Christine at Elena. Five hours ang time difference dito at sa Dubai kaya mamayang hapon pa sila makakapag-chat,” patuloy na pagsasalita ni Rebecca.
Halatang hindi napansin ng kapatid niya na mukha na siyang tuod na nakamaang sa hawak na cellphone habang nakaupo sa gilid ng kama. Mas buhos ang atensyon nito sa iginigiit kaysa sa kalagayan niya nang mga sandaling iyon. Wala itong kaide-ideya na kasalukuyang nawawasak ang puso niya dahil sa nilalaman ng text mula sa nobyo niya.
Ilang beses na napakurap si Marymae habang binabasang muli ang text ni Cinda. Kinuyumos pa niya ang mga mata dahil baka lang dahil sa muta niya kaya ganoon ang basa niya sa text ng nobyo. O baka naman natutulog pa siya at ang lahat ng iyon ay isa lang masamang panaginip.
Baka binabangungot lang siya. December twenty-six ngayon, alas-nueve y medya ng umaga ayon sa nakalagay na date at oras sa text. Ibig sabihin gising nga siya at hindi bangungot lang ang lahat ng iyon.
Hanggang alas-siyete kagabi ay kasama niya ang nobyo. Ipinagdiwang nila ang araw ng Pasko kasama ang buong pamilya niya. Nagsimba sila ng alas-diyes ng umaga. Pagkatapos ay nananghalian dito sa bahay nila. Nilambing pa niya ito na mag-duet sila sa videoke na paboritong pampalipas oras ng buong pamilya niya. Kahit alam niyang parang yerong pinupunit ang boses niya, kung masdan siya ni Cinda habang kumakanta siya ay para bang kaboses niya sina Mariah Carey at Regine Velasquez.
At nang maghiwalay sila ni Cinda kagabi, wala naman itong ipinakitang kahit na anong indikasyon na may balak itong makipaghiwalay sa kanya. Binibiro lang ba siya nito? Pwes, hindi nakakatawa ang biro nito! Alam nitong pagdtaing sa ex-girlfriend nitong mahigit dalawang taon nitong nakarelasyon at nagpupumilit makipagbalikan rito, negative zero ang sense of humor niya. Kaya hindi tamang biruin siya nito ukol sa babae.
Cinda: I’M SO SORRY, MARYMAE. I DON’T WANNA BE WITH YOU ANYMORE. I’M BACK WITH JODY.
Malinaw ang nakasaad sa text nito. Ang hindi malinaw ay kung bakit, paano at ano’ng dahilan nito para mag-text sa kanya ng ganoon. Gusto ba nito ng away kaya binibiro siya ng ganoon?!
Ang unang reaksyon ni Marymae paglabasa sa text ay hindi pagkapaniwala. Una, dahil alam niyang imposibleng lokohin siya ni Cinda. At pangalawa, hindi siya naniniwalang maggagawa ni Cinda na makipag-break sa kanya sa text. Her man has so much more class than that and he’s not a jerk. Dahil doon, sumunod na reaksyon niya ay inis at pagkapikon.
Malamang nahawakan na naman ng isa sa mga kabanda ni Cinda ang cellphone nito at niloloko na naman siya. Marahil nasa bahay pa ng band manager nitong si Icco ang binata kasama ang ibang kabanda nito. Pupusta pa nga siya na malamang ang pinsan niyang si Jing-jing ang nasa likod ng hindi nakakatawang birong iyon.
“Naku, Jing-jing ka! Makakalbo talaga kita!” inis na pagbubusa niya habang pinipindot ang call button sa cellphone niya. Tatawagan niya ang nobyo.
Nagtatakang natigil naman sa paglilitanya si Rebecca at tinanong
siya kung ano’ng nangyari. Sinenyasan naman niya ito na mamaya na
niya kakausapin. Nagri-ring na ang kabilang linya.
Pero nang tanggapin ang tawag niya ng nasa kabilang linya ay hindi boses ni Cinda o ni Jing-jing ang narinig niya. Sa halip ay isang pamilyar na boses na hindi niya inaasahan ang sumagot sa kanya. Boses ni Jody. Ang ex-girlfriend ni Cinda.
“Cinda’s still sleeping, Marymae. I’ll ask him to call you back later. Ako ang nag-text sa iyo. Naisip ko kasing mas mabuti nang malaman mo na agad ang totoo ngayon pa lang. We slept together last night, Marymae. I’m sorry but I did warn you that he’s still mine, didn’t I?”
Pagkuwan ay pinutol na ni Jody ang tawag niya.
Ilang minuto siyang hindi makagalaw. Hindi niya malaman ang iisipin. Alam niyang kasama nina Cinda si Jody kagabi. Kapatid ni Icco si Jody. Kaya kahit hindi na sina Cinda at Jody, madalas pa ring sumasama sa mga gigs ng banda ang babae. Hindi pa sana aalis dito sa bahay nila kagabi si Cinda. Pero tumawag ang ibang kabanda ng binata at niyaya ito na tumugtog at mag-party sa bahay nina Icco.
Siya pa nga mismo ang nag-udyok sa nobyo na sumama sa mga kabanda nito. Niyaya rin siya nitong sumama rito. Pero pagod na siya kaya hindi na siya sumama.
Hindi. Imposible ang sinabi ni Jody. Loka-loka ang babaeng iyon. Matagal nang walang relasyon ang babae at si Cinda. Bago pa siya pumasok sa eksena ay hiwalay na ang mga ito. Ipinagpalit ng babae sa ibang lalaki si Cinda. Pero nang hiwalayan ang babae ng lalaking ipinalit nito kay Cinda, sinubukan ng babae na makipagbalikan muli kay Cinda. Kahit ilang beses nang tinanggihan ni Cinda ang babae, ayaw maniwala ng babae na hindi na ito mahal ni Cinda. Until now, Jody refuses to accept that Marymae was now Cinda’s girlfriend.