Kaya kapag sila lang dalawa ni Jody ang magkaharap ay kung ano-ano ang ginagawa ng babae para pagdudahan niya ang katapatan ng nobyo niya sa kanya. Pinapalampas niya lang iyon at hindi pinapansin dahil alam niyang bitter ampalaya lang ang babae. Minsan sinasabi niya kay Cinda ang ginagawa ng babae. Pero kadalasan, ni hindi na niya pinagkaka-abalahan pang isumbong iyon kay Cinda. Malinaw kasi sa nakikita niya sa nobyo na balewala na sa binata si Jody. Pormal ang pakikitungo ni Cinda kay Jody alang-alang kay Icco.
Siguro para na rin hindi magkasira sina Cinda at Icco kaya kahit napapansin niyang naaasiwa minsan si Cinda na makita si Jody, tikom lang ang bibig ng nobyo niya.
But this time, that bitch has gone too far!
Nanginginig ang mga daliring ida-dial na sana ulit niya ang numero ng nobyo nang biglang tumunog ang ring tone na sadyang inilaan niya para sa nobyo. ‘Thinking Out Loud’ ni Ed Sheeran dahil gustong-gusto niyang i-dedicate sa nobyo ang kantang iyon. Bigla siyang nakahinga ng maluwag nang sa pagkakataong iyon ay boses na ni Cinda ang marinig niya.
“Kakalbuhin ko na talaga ang Jody na iyan, Cin, nakita mo ba ‘yung itinext niya kanina?” may halong inis ang boses na aniya.
“Mae...” mahina ang boses ni Cinda. Tila garalgal na para bang kaggigising lang nito.
“Nakakaasar na ang babaeng iyan. Ambisyosa much! Para namang ipagpapalit mo ang kagandahan ko sa bruhang iyan,” pabirong aniya.
Mahabang katahimikan ang naging sagot ni Cinda. Noon na siya nagsimulang kabahan ng todo. At bagamat halos pabulong lang at tila naiiyak ang boses ni Cinda nang sumunod itong magsalita, pakiwari niya ay sinlakas ng putok ng baril sa mismong tapat ng tainga niya ang bawat katagang binitawan nito.
“Mae, I’m sorry. I didn’t mean to do it. I’m so sorry. I’m so sorry, Mae. I was drunk---I’m sorry, Mae...”
“Namamasko po!” idinugtong ni Marymae ang pamilyar na phrase na kasunod lagi ng kantang paboritong awitin ng mga nangangaroling.
Hinawakan niya ang mouse na nakakabit sa laptop niya at pumili ulit ng Christmas song na patutugtugin. Habang nagsusulat siya ng panibagong nobela ay soundtrack niya ang mga paborito niyang Christmas songs. At iyon ay kahit wala namang kinalaman sa Pasko ang isinusulat niya.
Para sa iba ay napaka-aga pa para magpatugtog ng Christmas songs. October twenty-five pa lang ngayon. Ni wala pa ngang Halloween. Pero wala siyang pakialam sa Halloween. Dahil kung siya lang ang masusunod ay mas gusto niyang Pasko buong taon.
Pasko ang pinakapaborito niyang okasyon. Mas inaabangan niya iyon kaysa sa pagsapit ng sariling kaarawan niya. Kahit twenty-three na siya ay para pa rin siyang batang nae-excite at hindi mabawasan ang kasabikan tuwing papalapit na ang araw ng Pasko. Kapag nga sumapit na ang Ber-months ay namumula na ang kalendaryo niya. Dahil binibilugan niya ng pulang pentel pen ang bawat araw na dumaraan hanggang sa sumapit na ang mismong araw ng Pasko.
Kasehodang siya lang ang nagpapatugtog ng Christmas songs sa buong mundo pagsapit pa lang ng September ay wala siyang pakialam.
Pero kung tutuusin ay mas malala pa sa kanya ang kaibigan niyang si Arlene kung pagka-adik lang din naman sa Pasko ang pag-uusapan. Dahil buong taon na nakasabit sa poste sa labas ng bahay nito ang malaking parol na every two years lang yata ibinababa at pinapalitan ng pamilya nito. Pagsapit ng September, namumutakti na rin ang sari-saring makukulay na Christmas decorations sa loob at labas bahay nito.
Samantalang ang pinsan naman niyang si Zehannah, October pa lang ay namimili na ng mga panregalo sa Pasko. Pero kahit sumapit na ang December twenty-three ay hindi pa rin ito tapos sa pamimili nito.
Kung sina Scrooge at Grinch ay galit sa Pasko, silang tatlo naman ang kabaligtaran ng mga ito. Mayroon pa palang isang kalahi sina Scrooge at Grinch, si Cinda, ang ex-boyfriend niya na iniiwasan man niyang alalahanin ay hindi niya maggawa. Lalo na at katatapos lang ng Pasko noong nakaraang taon nang iwanan siya ng walanghiyang manlolokong taksil! Saktong-sakto sa ginawa nito sa kanya ang linyang sa isang sikat na kanta. Hanggang ngayon hindi mawala-wala ang pagkirot ng dibdib niya sa tuwing naaalala niya ang ginawa nito sa kanya.
“Erase, erase, erase! Marymae, focus! Just inhale, exhale. Wag mong isipin ang talipandas, ang walanghiya, ang walang pusong bacteria, fungi at virus na iyon!” sawata niya sa sarili.
Pero para talagang nananadya ang pagkakataon dahil ang kasunod na Christmas song sa playlist niya ay ang kantang ‘Last Christmas’ ng Wham.
Napasimangot na pinalitan agad niya ang kanta. Karaniwan na kapag nakikinig siya ng mga Christmas songs ay animo gripong sira ang pihitan na patuloy ang agos ng mga ideya sa isip niya. Ayaw paawat. Kaya naman pagsapit ng October, kadalasan ay hindi na siya mahagilap ng mga kapamilya, kapuso, kapatid at kung sino-sino pang kunektado sa kanya. Nagkukulong na lang kasi siya sa loob ng bahay at nagtitipa sa harap ng computer niya.
Pero nang mga oras na iyon ay animo biglang natuyuan ang tangke ng mga ideya niya. Nakailang ulit na siya ng pagpapatugtog sa Christmas playlist niya ay ayaw pa ring umusad ng kwento niya. Gusto sana niyang isisi iyon sa pagka-alala niya sa ex-boyfriend niyang taksil. Pero alam niyang hindi iyon ang dahilan.
Madalas talagang nangyayari sa kanya na kapag sumasapit na siya sa parteng ito ng nobela ay bigla siyang natutuyuan ng ideya. Ito ang tinatawag niyang The Dreaded Chapter. Alanganing climax, alanganing black moment.
Nangalumbaba siya sa office desk niya na nasa loob ng isa sa dalawang guestrooms dito sa two-storey house niya. At matamang tinititigan niya ang itinipa niyang CHAPTER SIX sa kaharap na laptop. Piping humihiling siya na sana ay magmilagro at kusang maglitawan ang mga salita sa screen nang hindi na niya kinakailangan pang halukayin sa utak ang ititipa niyang mga letra.
Ito ang pinaka-ayaw, pinaka-isinusumpa at pinaka-iiwas-iwasan niyang parte ng trabaho niya bilang isang manunulat. Ang pagtipa sa kasunod na mga titik pagkatapos ng CHAPTER SIX. Ewan ba niya kung ano’ng mayroon sa ika-anim na kabanata at lagi siyang nai-stuck kapag nasa ganoong bahagi na siya ng istoryang isinusulat niya. Siguro may sumpa ang ika-anim na kabanata. Kaya kahit anong paghahanda pa ang gawin niya sa mga karakter niya bago sumapit ang kabanatang iyon ay paulit-ulit pa rin na nangyayari ito.
“Ahhh! Ano ba’ng gagawin ko sa iyo, Roswell! Bakit ayaw mong makisama?!” pagbubusa niya tukoy ang bidang lalaki sa nobela niya.
Sumunod lang doon na pinaka-ayaw niya ang pagtipa ng mga eksena sa huling kabanata ng nobela. Kadalasan kasi kapag malapit na siya katapusan ng nobela ay saka naman bubuhos ang mga ideya sa isip niya. Kaya hanggat maaari ay ayaw pa sana niyang tapusin ang istorya kahit na lumalampas na siya sa nakatakdang word count.
“Kapag hindi ka nakisama sa akin at sinabi kung ano ang dapat na susunod na eksena mo ay ihuhulog kita mula sa tenth floor ng building o kaya ipapahabol sa sampung maton na Quando, Quando ni Lola Tidora!” patuloy na pagka-usap niya sa bidang lalaki sa nobela niya.
Bagay na madalas niyang gawin na ayon sa hipag niyang si Ate Nini na asawa ng Kuya Jose niya ay isa sa mga senyales ng abot-langit na topak niya. Topak na isinisisi ni Ate Nini sa napakarami at iba’t ibang mga bagay at mga dahilan. Kesyo hindi raw siguro siya napainom ng vitamins noong bata pa siya kaya hindi na-develop ng husto ang brain cells siya, kesyo kinulang daw siya sa atenyson ng mga magulang niya dahil gitnang anak siya kaya topakin siya at kesyo nagmana raw siya sa pinsan ng papa niya na si Tiya Luzvimin na naloka matapos iwanan ng asawa. Pati ang birthday niya na February fourteen ay ginagamit ni Ate Nini na dahilan ng malaking topak niya kapag kausap ang mga kaibigan at kakilala nito at siya ang paksa. Buwan daw kasi ng kulang-kulang na mga araw ang February kaya kulang-kulang din siya. Hanggang sa napili niyang karera bilang isang manunulat ay may side comments din ang hipag niyang ewan kung bakit ang laki ng inggit at inis sa kanya.
“C’mon, Roswell, work with me here. Ibulong mo sa akin kung ano ang susunod na gusto mong gawin sa taksil mong jowa! Kapag hindi ako naka-abot sa deadline ko, kawawa naman ang naghihingalo ko nang bulsa,” patuloy na pagkausap ni Marymae sa kanyang fictional hero.
Subalit mas lalo siyang hindi makakapagsulat ngayong nagsisimula nang umangal ang sikmura niyang mula pa kaninang alas-diyes ng gabi nang umupo siya sa harap ng laptop niya ay hindi pa nalalamnan. At lampas alas-kwatro na ng madaling araw. Ibig sabihin ay pitong oras na pala siyang nakatutok doon nang walang tayuan at pahinga kahit para pumunta man lang sa banyo. Kaya pala parang ang bigat-bigat na ng mga balikat niya at kanina pa namimitig ang mga binti at kamay niya.
Nag-iinat na tumayo siya matapos i-save sa USB at sa laptop ang natapos niya. Pero nang humakbang siya patungo sa kitchen cabinets at binuksan iyon ay napapalatak at napailing siya. Dadalawa na lamang ang natitirang de-latang naroon. Dahil tulad ng madalas na nangyayari ay nawala na naman sa isip niyang kailangan na nga pala niyang mag-grocery. Inilapag niya ang dalawang de-lata sa ibabaw ng kitchen counter at pinag-isipan kung alin sa dalawa ang bubuksan at kakainin niya para sa kanyang sobrang atrasadong hapunan na masasabi na rin ngang almusal ng ilan. Iyong corned tuna ba o iyong beef loaf?
Ang karaniwang oras ng pagtatrabaho niya ay alas-diyes ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga, tulog siya mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dos o alas-tres ng hapon. Sabi nga ng kaibigan niyang si Arlene, iisa na raw ang almusal, pananghalian at minsan pati meryenda niya samantalang ang hapunan niya ay matatawag nang midnight snack o pina-agang almusal.
Kung sana lang ay naroon pa si Ate Cynthia, ang asawa ng pinsan niyang si Kuya Drix. Tiyak may nakahanda nang lutong pagkain para sa kanya. Iinitin na lang sana niya iyon sa microwave. Pero umuwi na noong Lunes sa Pasig ang asawa ng Kuya Drix niya na saglit na nagbakasyon dito sa bahay niya nitong nakalipas na ilang araw matapos ang major LQ nito at ng pinsan niya. Kaya naman balik na naman siya sa nakagawian niya at iyon ay ang pagpapa-deliver, pagbili ng ulam sa karinderya malapit sa subdivision niya o kaya pagtumba sa isa sa mga de-latang iniimbak niya sa kitchen cabinet niya.