Hindi naman sa hindi siya marunong magluto. Wala ni isa sa kanilang apat na mga anak ni Norlyta Tienza ang hindi marunong magluto. Ang Kuya Jose niya, siya, si Matteo at si Rebecca ay may kanya-kanyang specialties pa nga.
Pero kung magluluto pa kasi siya ay mas mapapalaki pa ang gastos niya. Hindi rin naman niya mauubos mag-isa ang iluluto niya. Sayang ang oras, sayang ang pera at sayang ang pagkain. Gayong sa halagang singkwenta pesos lang na student meal sa karinderya ni Mang Tomas ay may isang order na siya ng karneng ulam at isang order ng gulay na ulam. Magba-bike lang siya palabas sa gate ng subdivision niya at tatawid sa kabilang kalsada kung saan matatagpuan ang karinderya ni Mang Tomas na suki ng mga estudyante sa unibersidad na hindi kalayuan sa gate ng subdivision niya.
O di kaya naman ay sa singkwenta pesos na iyon ay may de lata at instant noodles na siya. Pero kung magluluto pa siya, malamang higit pa sa isandaan ang gastusin niya. Isang malaking krimen para sa kanyang ‘ika nga ng marami ay ‘prinsesa ng kakuriputan’. Prinsesa lang siya dahil ang reyna ay walang iba kundi ang kanyang dakilang ina. Kanino pa ba naman siya magmamana? Siyempre sa punong pinagmulan niya.
“Okay, ikaw na lang ang itutumba ko ngayon,” sa wakas ay pagpapasya ni Marymae sabay dampot sa de-lata ng beef loaf.
Kinuha niya ang can opener mula sa unang kitchen drawer. Matapos niyang buksan ang de-lata ay isinalang na niya ang kawali at nilagyan ng mantika ang pagpiprituhan niya ng beef loaf.
Matapos maluto ang beef loaf ay isinangag naman niya sa bawang ang natirang kanin. Nagtimpla siya ng gatas. Kumain siya at nang matapos ay dinala niya sa kitchen sink ang pinagkainan. Mamaya na niya iyon huhugasan.
Hahakbang na sana siya patungo sa silid niya nang mapaigtad siya sa gulat nang biglang tumunog ang doorbell. Nagtataka at nag-aalalang napakunot-noo siya nang sulyapan ang wall clock na nakasabit sa itaas ng flatscreen TV sa sala niya. Kinakabahan siya habang humahakbang patungo sa front door. Ala-sais pa lang ng umaga. Sino naman kaya ang posibleng mang-istorbo sa kanya ng ganoon kaaga?
Wala namang itinawag ang mga security guards sa gate ng subdivision tungkol sa dumating na bisita niya. Isa iyon sa mga patakaran dito sa Magestic Manors upang maproteksyonan ang seguridad ng mga homeowners. Kaya nga kahit ayaw pa sana siyang payagan ng kanyang mga magulang na bumukod ng tirahan sa mga ito dahil nag-aalala ang mga iyon na magsosolo siya ay napapayag pa rin niya ang mga iyon. Mahigpit ang seguridad dito sa subdivision nila. Hindi basta-basta nagpapapasok ng mga hindi tagaroon hanggat hindi naitatawag sa mismong homeowner na pakay ng mga papasok sa subdivision.
Malamang ay isa sa mga kapitbahay niya ang nasa labas ng pinto. Nagtataka at nag-aalalang humakbang siya patungo sa pinto. Hindi uso ang matataas na sementadong bakod o bakal na gate sa subdivision nila. Tanging makakapal na halamanan o kaya naman ay kahoy na bakod ang nagsisilbing harang sa pagitan ng bawat bahay. American style kasi ang ginawa ng developer sa subdivision nila. May porch at malalawak na yard ang mga bahay.
At dahil malalawak ang bakuran ng mga bahay roon, karamihan sa mga kapitbahay niya ay nagagandahan ang mga hardin at garden statues. Medyo tagilid nga ang hitsura ng bakuran niya dahil tamad mag-hardin si Ate Nini. Kaya grass lang ang makikita sa malawak niyang bakuran. Pero plano niyang taniman ng mga bulaklak at iba’t ibang halaman ang yard na iyon nang hindi naman mukhang aping-api sa buong Liverpool Street ang yard niya.
Naka-attach sa bahay niya ang garahe. Iyon nga lang, hindi tulad ng ibang bahay sa street niya, walang garage door ang garage niya. Kaya kahit nakasilong sa loob ng garahe ang kotse niya, kitang-kita pa rin ang sasakyan kapag nakaparada roon. Hindi tuloy siya makapagpanggap na wala siya sa bahay dahil kitang-kita ng mga bisita o bwisita niya kapag naroon ang sasakyan niya.
Samantalang ang iba naman tulad ng bahay sa kaliwa niya, may garage doors kaya tago ang mga sasakyan at ligtas kahit na walang mga gates ang mga bahay nila.
Mag-a-apat na buwan pa lang siyang nakatira sa bahay na iyon na minana lang niya mula sa Kuya Jose at Ate Nini niya matapos lumipat ng mag-asawa sa Laguna para mapalapit sa mga kamag-anak ni Ate Nini. Buntis kasi ang hipag niya sa panganay na anak nito at ng kuya niya. After five years of marriage, finally ay nagkabunga na ang pagsasama ng kuya at hipag niya. Natural excited at medyo natatakot ang hipag niya kaya mas gusto nitong malapit lang sa bahay ng pamilya nito ito tumira. Lalo pa at maselan ang pagbubuntis ng thirty-six year old na hipag niya.
Kaya naman itong bahay na binili ng Kuya Jose niya noong binata pa ay napagpasyahan ng mag-asawa na ipa-renta na lang. Pero nang malaman ng Kuya Jose niya na nagbabalak na siyang bumukod mula sa poder ng mga magulang nila ay inialok nito sa kanya ang bahay na ito. Libre siyang pinapatira doon ng Kuya Jose niya. Pero ang magaling niyang hipag, aba’y sinisingil pa siya ng renta! Para daw matuto siya kung paano magbayad ng tinitirahan niya tutal gusto raw niyang magsolo at mag-feeling independent. Matapos ang mahaba-habang pakikipag-negosasyon at pakikipag-baratan ay nagkasundo naman sila ng hipag niya sa halaga ng renta niya. At siyempre, siya pa rin ang nagwagi sa huli dahil ang renta niya roon ay kakarampot lang.
Mangilan-ngilan pa lang sa mga kapitbahay niya ang masasabi niyang kalapit-loob na niya. Karamihan siyempre kasi ay sa umaga gising at sa gabi tulog. Kaya naman kapag gising siya ay tulog naman ang mga ito. Unless nag-i-sleepwalking ang mga ito ay malabo talaga niyang makatsikahan ang mga ito kapag buhay ang diwa niya. Kaya nga ipinagpapasalamat niya nang lumipat sa puting bahay sa dulo ng kalye niya iyong limang mga call center agents na magkakabarkada. Dahil sa mga ito, kahit papaano ay mayroon na siyang nakakausap na kapitbahay.
Pero so far naman lahat ng mga kapitbahay niya ay
nakakangitian na niya o kaya ay katanguan kapag nakakasalubong niya sa kalye, sa clubhouse o sa chapel nila dito sa loob ng subdivision. Maliban na lang sa bagong homeowner ng bahay na katabi niya. Dahil mula nang lumipat iyon doon mahigit tatlong linggo na ang nakakaraan ay hindi pa niya nakikita iyon ni minsan.
Binuksan ni Marymae ang pinto at kagyat napamaang sa matangkad at ubod ng gwapong lalaking nakatayo sa labas niyon. Matangkad, mestiso, kulay abo ang mga mata at makalaglag-panga sa kagwapuhan at kakisigan ang lalaki. Mistulang kagagaling lang nito sa isang men’s magazine photoshoot sa suot nitong ripped jeans at itim na hoodie. Naka-man bun ang itim na itim nitong buhok. May five o’ clock shadow pa ang mukha nitong sintigas ng bato ang ekspresyon.
Hindi niya masasabing iyon ang una nilang pagkikita mula nang magkahiwalay sila nine months ago. Pero iyon ang unang beses na nagkaharap sila ng ganito kalapit sa isa’t isa at nang walang ibang tao sa paligid nila. Ngayon lang ulit sila nagkatitigan ng malapitan.