Parang bulateng binudburan ng asin ang puso ni Marymae sa paglulumikot habang nakatitig sa lalaking hindi niya inaasahang makita ngayong umaga. Bahagya siyang napa-eww sa isip dahil sa deskripsyong namuo sa utak niya. Sa lahat ba naman ng pwedeng ihalintulad sa iniaakto ng puso niya, bulate pa talaga ang naisip niya?!
Pero wala na siyang panahon pang humanap ng ibang mas tama at mas magandang deskripsyon. Dahil ang tanging gusto na lang gawin ng utak niya ay kusang mag-shut down para payagan siyang magtitili at magkikisay sa lapag dala ng labis na pagkabigla, kaba, galit, kilig at pagkatuliro niya.
May psychic powers na ba siya ngayon kaya’t biglang lumitaw sa harapan niya ang lalaki na inisip at sinambit niya ang pangalan kani-kanina lang? Napakurap-kurap siya sa pag-asang namamalikmata lang siya. Pero hindi nawala sa harapan niya si Cinda. Sa halip lalo pang umarko ang mga kilay nito nang makita ang pagkurap-kurap niya.
“I think this letter is for you,” ani sa kanya ng lalaking sa unang tingin ay iisipin mong ang sikat na Hollywood actor na si Gavin Sawyer.
But in real life, he was none other than Sirioco Silverino Jacinda also known as her bastard ex-boyfriend who broke her heart a day after Christmas!
Some irrational part of her brain was telling her that it was not Cinda at all. Because that would be impossible! Baka mas mapapaniwalaan pa niya na si Gavin Sawyer at hindi ang kanyang ex-boyfriend na si Cinda ang nakatayo ngayon rito sa harapan niya.
Giit pa ng munting bahagi ng utak niya, siguro naligaw si Gavin Sawyer dito sa subdivision nila at balak lang magtanong ng direksyon sa kanya. Pero kahit ano pang hiling niya sa lahat ng maaaring makinig sa kanya, alam niyang imposibleng maging si Gavin Sawyer ang lalaking kaharap niya ngayon.
Natural na maging kamukha ni Cinda ang naturang sikat na Hollywood actor dahil pinsan ni Cinda ang sikat na aktor. O dapat ba niyang sabihing kamukha ni Cinda ang ‘dating sikat’ na Hollywood actor? Matapos kasi ang trahedyang pagkamatay ng fiancee ni Gavin Sawyer mag-tatatlong taon na ang nakakaraan ay naging alcoholic ang lalaki at nasangkot sa sari-saring eskandalo at gulo. Pinabayaan na nito ang career nito. Three years ago, Gavin Sawyer was one of the hottest things in Hollywood. Ngayon has-been na lang ang turing sa lalaki ng marami. Ni wala ngang nakaka-alam kung nasaan na ngayon ang naturang aktor.
Batid ni Marymae na lumulutang ang isip niya kung kaya’t kung ano-ano ang naiisip niya tungkol kay Gavin Sawyer. Mas kaya kasing tanggapin ng isip niya kung si Gavin Sawyer ang kaharap niya ngayon sa halip na si Cinda.
From the top of his unruly dark hair, to his dark gray eyes and too-pretty-for-any-male-to-have face, Cinda was really a dead ringer of Gavin Sawyer. Sumpa man, suotan lang ng itim na leather pants ang lalaking ito sa harapan niya ngayon at magbitbit lang ito ng gitara ay kamukhang-kamukha na nito ang movie poster ni Gavin Sawyer para sa pelikula ng aktor na The Rock Star.
Isang lead guitarist sa isang sikat na banda sa pelikulang iyon si Gavin Sawyer.
Kuhang-kuha ni Cinda pati ang pamosong paniningkit ng mga mata at nang-uuyam na kurba sa mga labi ni Gavin Sawyer sa pelikulang iyon. Eksaktong-eksakto sa paraan ng pag-arko ng kaliwang kilay ni Cinda ngayon ang pag-arko ng kaliwang kilay ni Gavin Sawyer sa pelikulang iyon.
But then again, Cinda really should resemble Gavin Sawyer’s character in that movie. Since Gavin Sawyer admitted in one of his interviews that his muse and inspiration for his rock star character was none other than Cinda himself. Nasabi pa ni Gavin Sawyer sa interview na iyon na si Cinda nga raw mismo ang nagturo kay Gavin na mag-gitara at mag-drums para sa pelikula.
Bukod kasi sa pagiging bar owner at composer, drummer din ng sarili nitong banda si Cinda. Silver Belles ang pangalan ng banda nina Cinda kung saan bukod sa binata ay isa lang ang lalaking miyembro, ang lead guitarist na si Santi. Pawang mga babae na kasi ang keyboardist, bass guitarist at lead vocalist ng banda. Ang totoo, kasamahan ni Cinda sa banda ang pinsan ni Marymae si Jing-jing. Si Jing-jing pa nga ang naging tulay kaya sila nagkakilala ni Cinda noong isang taon.
“Ha?!” sambit ni Marymae na hindi malaman kung ano ang sasabihin.
Awtomatikong napayuko siya sa maliit na sulat na iniaabot nito sa kanya. Pangalan at address nga niya ang nakalagay sa sulat na ayon sa pangalang nakalagay sa sender ay galing sa secretary ng homeowner’s association nila.
May munting tinig sa utak niya na nag-uutos sa kanyang sa kanyang abutin niya ang sulat mula sa binata. Tapos ay palayasin na niya ito sa harapan niya. Pero hindi niya mautusan ang kamay niyang gumalaw. At hindi rin niya mautusan ang bibig niya na magsalita. Parang sirang computer na naka-hang pa rin ang katawan niya.
Bakit ba naman kasi kung kailan dapat magandang-maganda siya, para magsisi at maglupasay sa panghihinayang ang ex niyang ito sa harapan niya, ay doon pa siya mukhang bruhang hindi pa nakakakita ng suklay sa buong buhay niya? She looked like something the rats won’t even claim as one of their own! Asar naman talaga! Ang lupit
ng tadhana sa kanya!
Sa dinami-dami ng pagkakataong in-imagine niya kung paano ang eksenang magaganap sa muling paghaharap nila ni Cinda, ito ang hindi niya kailanman naisip na mangyayari. Sa imahinasyon kasi niya ay posturang-postura siya at seksing-seksi kapag nagkita sila. Tapos may kasama pa siyang ubod ng gwapo, kisig at bilyonaryong boyfriend. At pagkakita sa kanya ni Cinda ay luluha ito ng dugo habang nagmamaka-awa sa kanyang balikan niya ito at patawarin.
Kaya bakit, bakit ganito ang eksena ngayon?! Mahirap ba iyong hinihiling niyang mangyari?! Simple lang naman ang gusto niya, hindi ba?
“I said, this letter is yours, Mae. It’s got your name on it,” nalangkapan na ng bahagyang pagkayamot ang boses ng lalaki.
Pinanlakihan pa siya nito ng kulay abo nitong mga matang parang ang sarap titigan lang buong maghapon. At kahit nayayamot na ang tono ng lalaki ay tila humahagod pa rin sa puso niya ang malagom at lalaking-lalaking boses nito. Itinaas nito ang maliit na sulat na hawak at iniumang ulit sa kanya, naghihintay na tanggapin niya.
“Um, oo, yes, yes, yeah! That’s mine! Yes, it’s mine!” natatarantang sunod-sunod na pagtango ni Marymae.
Pero ang isip niya ay abala sa paghahalukay ng dahilan para mapigilan ang lalaki na layasan na siya. Hindi pa siya kuntento sa pagmamasid niya rito. Hindi pa siya nakakaisip ng magandang sasabihin rito. Kailangan niyang maipakitang so over him na siya at hindi na niya inaasam na magkabalikan sila. Dapat friendly siya para hindi isipin nito na bitter ampalaya pa siya sa break-up nila. Dapat kaswal lang siya. Tipong balewala lang sa kanya ang hindi inaasahang pagtatagpo nilang iyon. Pero sa malas, nananatiling blangko ang isip niya habang nakatitig sa napakagwapo pa ring mukha nito.
Hindi talaga patas ang tadhana, ano? Kung sino pa iyong mga manhid, nang-iiwan sa ere at walang pusong taksil, siya pa itong mukhang mas gumwapo sa nakalipas na mga buwang hindi sila nagkikita. Wala man lang sign sa anyo nito na naghirap ang kalooban nito, nasaktan ito, nadurog ang puso at nawasak ang buhay dahil sa paghihiwalay nila nine months ago! Parang mas nakabuti pa nga rito ang paghihiwalay nila.
“Good. Then will you please take it? Nagkamali ang nag-deliver nito at sa bahay ko ito dinala kaninang tanghali.”
At para masigurong kukunin na niya ang dala nito at nang makaalis na ito roon, inabot nito ang kamay niya at ipinatong sa ibabaw ng palad niya ang maliit na sulat. Pagkatapos ay walang ibang salitang binitiwan na tinalikuran na siya ng lalaki at nilayasan. Maang na sinundan niya ng tingin ang lalaki.
Dumiretso ang lalaki sa bahay na nasa gawing kanan ng bahay niya. Kung gayon doon ito nakatira? Pero hindi ba ang bagong lipat ay iyong nasa gawing kaliwa ng bahay niya? Iyong number 15?
Ano na ang nangyari sa mag-asawang may-ari ng bahay sa number 11? Bakit doon sa number 11 pumunta ang lalaki? Sabi ng lalaki ay ‘bahay ko’ kaya hindi ito basta bisita lang ng mag-asawang nakatira sa number 11.
Ang alam niya ay pag-aari ng sikat na basketball player na si Jake De Asis at ng asawa nitong si Joleen Aseron-De Asis ang bahay sa number 11. Pero bibihirang naroon ang mag-asawa. Kabatian niya ang mag-asawa at minsan pa nga siyang naanyayahan ng dalawa na bumisita sa Isla Fuego, ang hometown ng mga ito. Wala naman siyang nabalitaan na balak ibenta ng mag-asawa ang bahay ng mga ito.
Sinundan niya ng tingin ang papalayong likod ni Cinda. Pero imbes na pumasok sa bakuran ng bahay nina Jake de Asis ay kinuha lang ng lalaki ang iniwang motorsiklo sa sidewalk sa tapat ng bahay nina Jake de Asis. Sumakay si Cinda sa motorsiklo at pinaandar iyon palayo sa bahay nina Jake. Muling dumaan si Cinda sa harapan ng bahay niya. Pero ni hindi man lang ito lumingon sa gawi niya. Dire-diretso lang ang lalaki sa bakuran ng bahay sa kaliwa niya. Kung gayon, ito ang misteryosong bagong lipat na kapitbahay niya?!
Nanlalaki ang mga matang napasapo siya sa bibig.
“No way!!!” impit na tili niya sa magkahalong inis at hindi pagkapaniwala. Kaya naman pala tatlong linggo na ang nakalilipas ay hindi pa rin niya ito nasisilayan. Sadya sigurong umiiwas na makita niya!