Silver Belles-Santi, Baby Chapter 3

After eight Christmases...

“Para kang gago, Sirioco,” naiiling na natatawang buska ni Santi sa pinsan na namumula ang mukha sa galit sa kanya.

Nasa loob sila ng ipinagawa niyang studio sa first floor ng bahay nila. Hindi, mali, bahay na lang pala niya dahil permanente nang lumipat si Cinda sa bahay na binili nito sa Magestic Manors. Dati ay housemates sila ng pinsan niya dito sa three bedroom two-storey house na nabili niya. Pero ngayon ay solo na lang siya roon dahil mas pinili ni Cinda na lumipat sa bahay na binili nito. Pinapaupahan dati ni Cinda ang bahay na iyon. Pero nang malaman ni Cinda na magiging kapitbahay na nito roon ang dating girlfriend nitong si Marymae ay biglang nagpasya si Cinda na lumipat sa bahay nito.

Pero dito pa rin sila sa bahay niya madalas mag-rehearse ng banda nilang Silver Belles. At kasalukuyan silang nagri-rehearse ng bagong komposisyon ni Cinda. Pero siya, si Cinda, si Chrisma at si Lucibelle pa lang ang naroon. Wala pa si Jing-jing kaya naman inutusan niya si Cinda na tawagan ang kabanda nila upang alamin kung nasaan na ito.

Iyon nga lang, imbes na bagong number ni Jing-jing ang ipinasa niya kay Cinda, number ng ex-girlfriend ni Cinda na si Marymae ang ipinasa niya kay Cinda. At halos gumulong siya sa katatawa nang makita ang pagkataranta at pamumula ni Cinda nang ma-realize na imbes na boses ni Jing-jing ay boses ni Marymae ang marinig ni Cinda sa telepono.

No one would think that the band’s bad boy Cinda was capable of being that anxious and distressed just because he wasn’t prepared to hear his ex-girlfriend’s voice on the phone.

“Oo nga, Cinda. Deny-deny ka pa diyan na wala ka na talagang feelings kay Marymae pero narinig mo lang ang boses niya, para ka nang hihimatayin!” natatawang segunda ni Lucibelle, ang lead vocalist nila. Spiked ang istilo ng buhok nito at kulay pink.

“Sinasabi ko na nga ba eh, binili mo talaga ang bahay na ‘yun sa tabi ng bahay niya para mapalapit ka ulit sa kanya! Gusto mong makipagbalikan sa kanya! Umamin ka na, Sirioco!” tudyo naman ni Chrisma, ang bass guitarist nila. Pixie cut ang buhok nitong kinulayan nito ng blond at nilagyan ng pink highlights.

“Wala akong aaminin. I bought that house seven months ago. Hindi ko nga lang tinirahan agad. Siya ang kailan lang lumipat doon sa bahay ng kuya niya. Paano ko naman malalaman na doon siya titira kung mas nauna ko namang bilhin ang bahay ko?” pakibit-balikat namang katwiran ni Cinda.

“Yeah, pero wala ka namang balak tirahan ang bahay na iyon. Sabi mo noon, investment lang iyon at pauupahan mo lang. Pero nang malaman mong doon na sa katabing bahay nakatira si Marymae, bigla mo na lang naisipang paalisin ‘yung umuupa sa bahay mo at lumipat doon,” saad ni Santi na sinalubong lang ng malapad na ngisi ang masamang tingin ng pinsan.

“You know what your problem is, Cinda?” ani Lucibelle na tinapik sa balikat si Cinda.

Eksasperadong naiikot naman ni Cinda ang mga mata.

“No. At hindi ko gustong malaman kung anuman iyon. Tapos na ba kayong pagkaisahan ako? Baka pwede na tayong magsimulang mag-rehearse?” anito na pinaikot sa mga daliri ang hawak na drumsticks.

Nakilala nina Santi at Cinda sina Lucibelle, Chrisma at Jing-jing sa kolehiyo nang maging magkakaklase sila sa isang subject. Iba-iba sila ng kursong kinukuha pero dahil seatmates sa isang subject, nagkakakwentuhan sila. Noon nila natuklasan ang pagkahilig nilang lima sa musika. Kaya napagkasunduan nilang bumuo ng banda. Noong una laro-laro lang ang pagbuo nila ng banda. Hobby lang kumbaga. And now four years after they first started their band, they’re all still together. Pero malakas ang kutob niya na hindi magtatagal ay maghihiwa-hiwalay na sila. Baka nga hindi na sila umabot pa ng anim na taon bilang isang banda. Kung papalarin, aabot pa sila ng isa pang taon bago magpasya ang mga kabanda niya na umalis na sa banda nila.

Tinignan niya ang pinsang si Cinda.

Ang akala ng marami ay isang babae si Cinda dahil sa palayaw nito. Pero si Sirioco Silverino Jacinda ito sa totoong buhay. Ang Cinda ay galing sa apelyido nitong Jacinda. At walang makaka-isip na babae o may pusong-babae ang pinsan niya sandaling makita na nila si Cinda sa personal. Sa kabila ng pagiging duwag ni Cinda sa horror movies, walang maaaring magduda sa pagkalalaki ng pinsan niya. Because Cinda looked like a tattooed badass who had perfected the silent, brooding look that makes people take a step back when they first meet him.

Si Lucibelle naman ang kanilang bokalista at bukod tangi sa kanilang lahat na hindi humahawak ng instrumento kahit na marunong naman itong mag-gitara, mag-drums at mag-keyboards.

Si Chrisma ang bassist nila at vocals din. At aaminin niya, isa siya sa mga nagduda na kayang alagaan ng shopaholic na kabanda ang mga pamangkin nitong napunta sa pangangalaga nito nang mamatay ang pinsan nito. Kaya naman hangang-hanga siya sa dalaga na nakaya nitong pangatawanan ang bagong responsibilidad na nakaatang ngayon dito. Sa kanilang lahat, ito ang nararamdaman niyang pinakamalapit na talagang magpaalam na aalis na sa banda nila. Bagay na nauunawaan niya dahil sa laki ng bagong responsibilidad na naka-atang rito.

Si Jing-jing naman na wala pa hanggang ngayon ay ang keyboardist at vocals din ng banda nila. Maalamat ang pagka-adik sa The Walking Dead ng dalaga. At hindi na magugulat si Santi kung sakaling magkaroon nga ng zombie apocalypse ay si Jing-jing ang magliligtas sa kanilang lahat. Lagi kasing kumpleto ang mga survival kits sa bag ng dalaga.

Kung sina Lucibelle, Chrisma at Jing-jing ang Belles sa Silver Belles na pangalan ng banda nila dahil magagandang babae naman talaga ang tatlong dalaga, sila naman ni Cinda ang tumatayong Silver. Dahil sa apelyido nila na Silverino.

“Makinig ka muna sa sasabihin ko. Importante ito dahil dito nakasalalay ang happy ending ng love story mo!” pandidilat ni Lucibelle kay Cinda. “You should just admit your feelings. Hindi naman makababawas sa pagkalalaki mo kung aaminin mo ang totoong nararamdaman mo. Kung mahal mo pa talaga si Marymae, ligawan mo ulit siya. Malaya na ulit siya ngayon, ‘di ba? Break na sila ni Harrison. This is your chance! Grab it! Take it!”

Natawa naman si Santi lalo na nang pukulin siyang muli ng masamang tingin ni Cinda. Maliwanag na siya ang sinisisi ng pinsan sa pagkakalagay nito sa hot seat dahil sa pakulo niya. But really, he only did it to help his cousin who is more like a brother to him than his own brothers. Magka-edad sila ni Cinda kaya noong mga bata pa sila ay sila ang madalas magkalaro at magkasama. Mabait at matalino kahit na madalas ay tahimik si Cinda noong mga bata pa sila. Sabi nga ng mga kamag-anak nila, maaga raw nag-matured ang isip nito.

Kilalang-kilala ni Santi ang pinsan. Mula third year highschool hanggang kolehiyo ay madalas sila ang magkasama. Kahit nagkaroon sila ng kanya-kanyang mga kabarkada ay hindi nabawasan ang pagiging malapit nila sa isa’t isa. Kaya naman kabisado na niya ang ugali ng pinsan. At siya ang bukod-tanging nakakaalam ng lihim na siyam na buwan na nitong itinatago kahit sa pamilya nila at ibang kabanda.

Matagal bago maging komportableng makipag-ugnayan sa ibang tao si Cinda. Kaya madalas nasasabihan itong suplado.

Pero alam ni Santi ang tunay na dahilan kung bakit ganoon ang pinsan. Cinda had a terrible childhood living with his Tita Leah and Tito Dino who raised him after his parents died when he was five. Fourteen na si Cinda nang malaman ng mga magulang ni Santi ang pang-aabusong tinatamo ni Cinda mula sa half-sister ng ina nito. Kaya naman ginawa ng mga magulang ni Santi ang lahat para maialis sa poder nina Leah at Dino si Cinda. Gayunpaman, hindi naging madali para kay Cinda na basta kalimutan na lang ang tinamong pang-aabuso at kalupitan mula kina Leah at Dino.

Hirap si Cinda na magtiwala sa ibang tao dahil ang dalawang taong dapat sana ay nag-aruga rito nang mawala ang mga magulang nito ay siya pang unang-unang nang-abuso rito. Kaya laging may distansya at malayo si Cinda sa ibang tao. But all of that changed when Cinda met and fell in love with Marymae a year ago.

Kitang-kita ni Santi na dumalas ang pagngiti at pagtawa ni Cinda. Saksi siya kung paanong lumambot ang ekspresyon nito sa tuwing minamasdan si Marymae kapag alam nitong hindi nakatingin dito si Marymae. Kaya naman nang maghiwalay ang dalawa dahil sa isang pagkakamaling alam niyang habang buhay na pagsisisihan ni Cinda, pati siya naki-iyak nang maglasing at umiiyak na magwala si Cinda matapos tumanggi si Marymae na kausapin at patawarin ito. Hindi naman masisisi ni Santi si Marymae dahil alam niyang ang pinsan niya ang mali. Pero hindi niya rin maiwasan na magalit noon sa dalaga dahil alam niyang isang salita lang ni Marymae noon, magkukumahog na makipagbalikan si Cinda rito. Tumindi pa ang galit na iyon nang dalawang buwan matapos ang paghihiwalay ng dalawa ay malaman nilang may bago nang nobyo si Marymae.

Sa puntong iyon ay halos hindi na iwanan ni Santi si Cinda mag-isa. Nag-aalala kasi siyang baka kung ano ang isiping gawin ng pinsan niya. He didn’t think Cinda was suicidal. But he did think that Cinda might be tempted to kill Marymae’s new boyfriend. At hindi siya makakapayag na makulong ang pinsan kaya umasta siyang anino ni Cinda noon. Ang iniisip niya noon, kung sakaling hindi niya ito mapigilang gumawa ng krimen, sisiguraduhin na lang niyang siya ang magiging alibi nito o kaya naman ay tutulungan niya ito na magbaon sa katawan ng nobyo ni Marymae. In the end he didn’t need to do anything but just be there to for his cousin.

Sa kabilang banda, may buti ring idinulot ang pagkasawi ni Cinda. Marami kasi itong nai-compose na mga kanta. Iyon nga lang ang tema ay puros pusong sawi at nanghihingi ng tawad. Too bad, Marymae stopped coming to watch their shows. Kaya ni isa sa mga kantang nilikha ni Cinda ay hindi narinig ng dalagang inspirasyon sa likod ng mga iyon.

At ngayon, hindi man sabihin ni Cinda sa kanya ang binabalak nito, alam niyang tama sina Chrisma at Lucibelle. Lumipat nga si Cinda sa bahay na binili nito para mapalapit kay Marymae. Dahil hanggang ngayon, mahal pa rin ni Cinda si Marymae. At umaasa pa rin ito na madurugtungan ang naudlot na relasyon nito sa dalaga noon. Hopefully, this time, hindi na muling mabigo ang pinsan niya.

Sa totoo lang, hindi niya maunawaan ang pinsan niya. He couldn’t really see what the big deal is about falling in love and being in a relationship. Kapag nakatali ka na sa isang babae lang, marami ka nang obligasyong kailangan gawin at pangatawanan.

Kapag may nobya ka na, kailangan maya’t maya kang tumatawag o nagti-text sa nobya mo. Para makumbinsi siyang hindi ka nakikipag-date sa ibang babae.

Kapag may nobya ka na, kailangan ihatid at sunduin mo ang nobya mo kung may libreng oras ka. Para ipakitang wala kang ibang babaeng ihinahatid o sinusundo.

Kapag may nobya ka na, kailangan dalhin mo ang nobya mo sa mga romantikong dates. Para hindi niya isiping may iba kang idini-date sa mga romantikong lugar.

Kapag may nobya ka na, kailangan hindi mo kalimutan kung ano’ng klase ng bulaklak at mga regalo ang gustong matanggap ng nobya mo. Dahil kapag nagkamali ka ng ibinigay sa nobya mo, tiyak iisipin niyang para sa ibang babae ang binili mo at ang ending mag-aaway kayo.

Kapag may nobya ka na, kailangan magpapaalam ka pa sa nobya mo bago ka makipag-jamming sa mga kabanda mo o kaya kapag balak ninyong mag-bar hopping. Para malaman ng nobya mo na mga kabanda mo talaga ang kasama mo at hindi ibang babae.

Napakarami talagang kailangang gawin kapag may nobya ka na.

Sa halip na sarili mo lang ang iniintindi mo ay iintindihin mo pa ang iisipin o mararamdaman ng karelasyon mo bago ka gumawa ng kahit na anong bagay.

At marami na ring bawal kapag may nobya ka na.

Bawal makipag-date sa ibang babae. Bawal nang magpa-umaga sa mga bars kung saan maraming babae. At bawal nang tumingin, tumitig at manghingi ng numbers ng ibang babae. Maraming bawal!

At sa malas, natuklasan at natutunan niya ang lahat ng iyon matapos niyang ilang ulit na masampal, mabuhusan ng iced cold beer sa mukha, masipa sa pagitan ng mga hita, mabugbog, muntik masagasaan at magasgasan ang kotse niya ng mga naging ex-girlfriends niya. Salamat sa mga ex-girlfriends niyang iyon, alam na niya ngayon na hindi siya dapat nagnonobya.

Relationships are the curse of a man’s happy existence. Kaya hindi niya alam kung bakit gusto ni Cinda na makipagbalikan pa ulit sa ex-girlfriend nito. Pero hindi siya hahadlang sa kagustuhan ng pinsan. If Cinda really wants to build his own cage, get inside that cage and give the key to Marymae again, it’s his business. Basta siya, walang balak na magpatali sa kahit na sinong babae. The more girls, the merrier his life would be!

Iginala niya ang tingin sa mga kabanda. Sa palagay niya, perpekto ang buhay nila bilang mga band members. Kasi ang trabaho nila ay siya ring hobby at past time nila. Kaya parang hindi rin trabaho iyon para sa kanila. They were doing what they love and earning big bucks doing it too.

Pero alam niya na sa kanilang lima, siya lang talaga ang buong-buo ang pagmamahal sa musika. Kahit si Cinda, kutob niya ay pinagbibigyan lang siya kaya patuloy pa ring sumasama sa banda nila. At hindi pa man pormal na nagsasabi sa kanila sina Lucibelle, Chrisma at Jing-jing, may pakiramdam na siya na sa susunod na taon ay magpapaalam na ang mga ito para pagtuunan ng atensyon ang kanya-kanyang hilig at pangarap talaga sa buhay ng mga ito.

Gustuhin niya mang magalit at magtampo dahil sa naka-ambang pagkakawatak-watak ng banda nila, wala rin namang saysay. Alangan namang pilitin niya ang mga kabanda na patuloy na tumugtog at kumanta kung iba na ang landas na gustong tahakin ng mga ito.

He could only hope that he would still be able to have his music after their band splits up.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.