Silver Belles-Santi, Baby Chapter 21

Kahit magka-ugat pa siya sa kinatatayuan niya dahil sa tagal ng paghihintay niya sa pagdating ni Cinda sa bahay nito nang gabing iyon ay okay lang kay Marymae. Bitbit niya ang binili niyang cookies at cupcakes na ibibigay niya sa binata. Nakatayo siya sa harap ng bahay niya at tinatanaw ang magkabilang side ng kalye. Inaabangan niya ang pagdating mula sa kung saan ng sasakyan ni Cinda na nakita niyang umalis kaninang alas-otso ng umaga. Hindi naman sa nang-i-stalk siya. Pero kasalanan ba niyang hindi siya makatulog dahil sa halo-halong damdamin niya sa kaalamang kapitbahay na niya ngayon ang dating nobyo? Nagkataon lang talaga na nakatayo siya sa porch ng bahay niya kaninang dumaan sa harapan ng bahay niya ang sasakyan ng lalaki. At bilang friendly neighbor, siyempre kinawayan niya ang lalaking sigurado siyang sumulyap sa gawi niya.

Posturang-postura na siya ngayon. Gandang salon na siya at pati ang buhok niya pina-rebond niya pa. Hindi na kahiya-hiyang humarap sa kanyang Hollywood actor look-alike ex-boyfriend. Ayon sa tsismosang katulong ng kapitbahay niyang si Mrs. Townsend, na tinanong niya kung may alam ba sa katauhan ng bagong kapitbahay niya, hindi rin daw alam ng katulong kung sino ang bagong kapitbahay niya. In fact, siya pa nga lang yata raw ang nakakakita sa bagong neighbor niya. At dahil hindi naman siya tsismosa, hindi na niya ibinahagi pa sa katulong kung sino ang lalaking nakadaupang-palad niya kaninang madaling-araw. Mahirap na, baka magulo ang privacy ng bagong kapitbahay niya.

At dahil isa siyang tunay na dakilang kapitbahay, obligasyon niyang i-welcome sa kanilang neighborhood ang bago niyang neighbor. Idagdag pang siya ang pinakamalapit nitong neighbor since bakanteng lote ang katabi ng bahay nito. Kaya doble ang responsibilidad niyang maging mabuting kapitbahay sa lalaki. At higit sa lahat, nais niyang ipangalandakan sa lalaki na wala na siyang nararamdaman para dito.

Imbes na iwasan si Cinda, magiging mainit at malugod ang pagtanggap niya sa lalaki ngayong tagarito na rin ito sa neighborhood nila. Eh, ano kung siya na ang reyna ng kaplastikan? Basta kailangang maipakita niya sa lalaki na balewala lang sa kanya ang paglipat nito sa mismong tabi ng bahay niya.

Kung isa ito sa mga nobela niyang isinusulat, pupwede niya sigurong isiping sinadya ni Cinda na lumipat sa katabing bahay niya dahil balak nitong suyuin siyang muli at makipagbalikan sa kanya. Pero real life ito at tanggap niya na imposibleng mangyari sa totoong buhay ang mga nangyayari sa mga nobela niya.

“Sino ba kasing inaabangan natin dito, Mae?” naiinip nang untag ni Zehannah sa kanya.

Tulad niya ay kandahaba rin ang leeg ng pinsan niya sa pagtanaw sa bakuran ng kapitbahay niyang aktor. Si Zehannah kasi ang hinatak niya patungo sa salon kanina. Dahil puyat siya, hindi siya kumpiyansang magmaneho ng kotse niya. Kaya nagpasundo na lang siya sa pinsan at nagpasama rito na mag-salon.

“Maghintay ka lang. Surprise, walang clue para kapag nakita mo, magugulat ka talaga,” aniya sa pinsan.

“I’ll make a wild guess, a very, very wild guess. Lugar ba ito?”

“Hindi.” Umiling siya.

“Bagay?’

“Hindi.”

“Pagkain?”

“Umm, pwede. Siguro. Pero hindi ko pa sure kasi hindi ko pa nakikita ang pandesal de abs niya.”

“Sabi na nga ba! Tao ito! Tao!”

“Oo! Oo! Henyo ka talaga!”

“Gaga ka! Kapag nalaman nina Tita Norly na kumekerengkeng ka lang ngayong nagsosolo ka na lang dito sa bahay mo, pauuwiin ka tiyak nun sa Cavite.”

“Huwag ka ngang panira ng pagkarengkeng ko diyan. Suportahan mo na lang ako. Aba, three years na lang lampas na ako sa kalendaryo. Kung hindi pa ako ngayon kekerengkeng, kailan pa? Saka gusto na rin naman ni Mama na magka-apo na sa akin, hindi ba? Sayang nga naman ang kagandahan ko kung hindi ko maipapamana sa mga anak ko,” ismid niya sa pinsan.

“Kunsabagay. One hundred years ka na rin nga namang walang boyfriend. ‘Yung lampa mong ex na si ano na nga pangalan nun? Ah, tama, Harrison! Yung’ Harrison na ‘yun, may anak at apo na yata hindi mo pa rin pinapalitan. Don’t tell me in love ka pa rin sa kanya hanggang ngayon?”

“Grabe ka naman. Wala pa namang isang taon kaming naghiwalay ni Harrison. Two months pa lang kaming nagbi-break.”

At sa totoo lang, aminado siya na siya ang may mas malaking pagkukulang sa dating kasintahan. Hindi man niya sinasadya ay si Harrison ang naging rebound relationship niya matapos siyang iwanan ni Cinda noon. Sa loob ng limang buwan nilang relasyon, masasabi naman niyang minahal niya si Harrison. Pero sadyang hindi niyon mapantayan ang pagmamahal niya noon kay Cinda. At tila naramdaman ni Harrison na kahit gaano pa sila katagal ay hindi niya ito kayang mahalin tulad ng pagmamahal nito sa kanya. Kaya naman ang lalaki na ang nakipaghiwalay sa kanya two months ago.

“Kaya nga two months! Sobrang tagal na nun. Ang lalaki tatlong araw lang iniiyakan, Marymae. Kapag lumampas na ng isang linggo ang pangngalngal mo, OA ka na nun!” pandidilat ni Zehannah sa kanya.

“Loka-loka! Palibhasa hindi ka pa nai-in love ng totoo kaya ganyan ka.”

Hindi siya sigurado pero hula niya ay malapit nang mabuo ni Zehannah ang alphabet boyfriends nito. Sa dami kasi ng naging boyfriends ng pinsan niyang ito, lahat na yata ng pangalan ng mga lalaki sa baby names na libro niya ay naging boyfriend nito. From A to Z, halos kumpleto na ito. Pero hindi raw ito playgirl. Katwiran ni Zehannah, sadyang maawain lang daw talaga ito kaya kahit sinong manligaw dito, sinasagot nito.

Pabalewalang nagkibit-balikat lang si Zehannah.

“Whatever. Hindi ka ba kinakabahan na baka hindi ka na ulit magkaroon ng bagong boyfriend? Nasa lahi pa naman natin ang mga matatandang dalaga. Kung magiging pihikan ka gaya nina Tita Joy, malamang tumandang dalaga ka na rin niyan.”

Bigla siyang kinabahan. Luminga-linga siya at naghanap ng kahoy na maaaring katukin. Lumapit siya sa wooden fence na naghahati sa bakuran niya at sa bakuran nina Jake de Asis. Malakas na kinatok niya ang bakod upang kontrahin ang sinabi ng pinsan.

“Knock on wood! Huwag mo ngang mabanggit sa akin ang bad words na iyan, baka magkatotoo at dapuan rin ako ng sumpang iyan. Ayokong maging lonely and alone all my life.”

“Fine. Pero sino ba itong inaabangan natin? Worth it ba talagang pagpuyatan at pagkagastusan ng pampa-salon?”

“Very much!”

Pero inabot na sila ng dilim ay wala pa ring Cinda na dumarating. Hanggang sa makauwi na si Zehannah at makatulog na siya sa sofa sa sala niya, hindi pa rin umuuwi sa bagong bahay nito si Cinda. Kung hindi lang siya nakatitiyak na nakita niya talaga ang binata ay iisipin niyang aparisyon lang ang lalaki.

Pagsapit ng alas-nueve ng gabi ay nagsimula na siyang magtrabaho. Hindi pa man nag-iinit ang pang-upo niya sa silya nang biglang mag-ring ang cellphone niya. Kunot-noong tinignan niya ang hindi pamilyar na numero sa screen.

“Naku, Zehannah ka, ipinamigay mo na naman sa kung sino’ng may topak ang number ko!” inis na aniya dahil iyon na ang pangatlong beses na may tumawag sa kanyang lalaki na nagpapakilala at gustong makipagkaibigan.

Nakuha raw ng mga iyon ang number niya mula kay Zehannah. Kahit ano’ng giit niya kay Zehannah na hindi siya interesadong ihanap siya nito ng nobyo ay nagpupumilit pa rin ito na i-matchmake siya sa kung sino-sinong kakilala nitong lalaki.

Saglit siyang nagdalawang-isip kung sasagutin ang tawag. Pero naisip niyang baka hindi naman kaibigan ni Zehannah ang nasa kabilang linya. Napabuga muna siya ng hangin bago pinindot ang cellphone upang sagutin ang tawag.

“Hello? Sino ito?” sinadya niyang gawing mataray ang tono para kung sakaling isa na naman iyon sa mga lalaking pinagbigyan ni Zehannah ng number niya ay agad nang masindak. Kung hindi naman, hihingi na lang siya ng paumanhin.

Sa halip na tugon sa tanong niya ang narinig niya ay malakas na singhap at tila pabulong ngunit pagigil na pagmumura ng nasa kabilang linya ang narinig niya. Malinaw na ayaw iparinig sa kanya ng tumawag ang boses nito pero naulinigan pa rin niya iyon. At higit sa lahat ay nakilala. Kaya naman para siyang inilublob sa kumukulong mantika saka mabilis na inahon para ilubog naman sa nagyeyelong tubig.

“C-Cinda?” paanas na sambit niya sa pangalang ilang buwan na ang lumilipas mula nang huling mabanggit niya.

“You asshole!” galit na asik nito na labis na ikinabigla niya. Dahil kahit naman hindi maganda ang naging paghihiwalay nila, ni minsan ay hindi siya nito minura. Kahit pa nga noong minsang mapahiya ito ng labis-labis dahil sa kanya nang magkatampuhan sila noong sila pa.

Ngunit nang marinig niya ang pamilyar na tinig nina Santi at Chrisma, ang mga kaibigan at kabanda nina Jing-jing at Cinda ay saka niya napagtantong marahil ay isa sa dalawa ang galit na sinisinghalan ng binata. Pero mas malamang na si Santi ang minumura ni Cinda dahil imposibleng murahin nito ang babaeng kabanda.

Hindi niya malaman kung dapat na ba niyang putulin o hindi ang tawag. Pero bago pa siya makapagpasya, narinig na niya ulit ang boses ni Cinda. At sa pagkakataong iyon ay siya na ang kinakausap nito.

“I’m sorry, Mae. Akala ko number ito ni Jing-jing. Sorry, bye,” anang lalaki saka agad nang pinutol ang tawag.

“Bye,” sambit niya kahit wala nang kausap sa kabilang linya. Pagkuwan ay binatukan niya ang sarili. Ano bang nangyayari sa kanya?! Para siyang aatakihin sa puso porket narinig lang ulit niya ang boses ng binata.

Tinitigan niya ang numerong nakatala sa call logs niya. At bago pa niya mapag-isipan ng husto ang ginagawa, ni-save na niya ang numero ng binata sa phonebook niya.

~~~~

“Para kang gago, Sirioco,” naiiling na natatawang buska ni Santi sa pinsan na namumula ang mukha sa galit sa kanya.

Nasa loob sila ng ipinagawa niyang studio sa first floor ng bahay nila at nagri-rehearse ng bagong komposisyon ni Cinda. Pero siya, si Cinda, si Chrisma at si Lucibelle pa lang ang naroon. Wala pa si Jing-jing kaya naman inutusan niya si Cinda na tawagan ang kabanda nila upang alamin kung nasaan na ito. Iyon nga lang, imbes na bagong number ni Jing-jing ang ipinasa niya kay Cinda, number ng ex-girlfriend ni Cinda na si Marymae ang ipinasa niya kay Cinda. At halos gumulong siya sa katatawa nang makita ang pagkataranta at pamumula ni Cinda nang ma-realize na imbes na boses ni Jing-jing ay boses ni Marymae ang marinig nito sa telepono.

No one would think that the band’s bad boy Cinda was capable of being that anxious and distressed just because he wasn’t prepared to hear his ex-girlfriend’s voice on the phone.

“Oo nga, Cinda. Deny-deny ka pa diyan na wala ka na talagang feelings kay Marymae pero narinig mo lang ang boses niya, para ka nang hihimatayin!” natatawang segunda ni Lucibelle, ang lead vocalist nila.

“Sinasabi ko na nga ba eh, binili mo talaga ang bahay na ‘yun sa tabi ng bahay niya para mapalapit ka ulit sa kanya! Gusto mong makipagbalikan sa kanya! Umamin ka na, Sirioco!” tudyo naman ni Chrisma, ang bass guitarist nila.

“Wala akong aaminin. I bought that house seven months ago. Hindi ko nga lang tinirahan agad. Siya ang kailan lang lumipat doon sa bahay ng kuya niya. Paano ko naman malalaman na doon siya titira kung mas nauna ko namang bilhin ang bahay ko?” pakibit-balikat namang katwiran ni Cinda.

“Yeah, pero wala ka namang balak tirahan ang bahay na iyon. Sabi mo noon, investment lang iyon at pauupahan mo lang. Pero nang malaman mong doon na sa katabing bahay nakatira si Marymae, bigla mo na lang naisipang paalisin ‘yung umuupa sa bahay mo at lumipat doon,” saad ni Santi na sinalubong lang ng malapad na ngisi ang

masamang tingin ng pinsan.

“You know what your problem is, Cinda?” ani Lucibelle na tinapik sa balikat si Cinda.

Eksasperadong naiikot naman ni Cinda ang mga mata.

“No. At hindi ko gustong malaman kung anuman iyon. Tapos na ba kayong pagkaisahan ako? Baka pwede na tayong magsimulang mag-rehearse?” anito na pinaikot sa mga daliri ang hawak na drumsticks.

Nakilala nila ni Cinda sina Lucibelle, Chrisma at Jing-jing sa kolehiyo nang maging magkakaklase sila sa isang subject. Noon nila natuklasan ang pagkahilig nilang lima sa musika. Kaya napagkasunduan nilang bumuo ng banda. And now four years after they first started their band, they’re all still together.

“Makinig ka muna sa sasabihin ko. Importante ito dahil dito nakasalalay ang happy ending ng love story mo!” pandidilat ni Lucibelle kay Cinda. “You should just admit your feelings. Hindi naman makababawas sa pagkalalaki mo kung aaminin mo ang totoong nararamdaman mo. Kung mahal mo pa talaga si Marymae, ligawan mo ulit siya. Malaya na ulit siya ngayon, ‘di ba? Break na sila ni Harrison. This is your chance! Grab it! Take it!”

Natawa naman si Santi lalo na nang pukulin siyang muli ng masamang tingin ni Cinda. Maliwanag na siya ang sinisisi ng pinsan sa pagkakalagay nito sa hot seat dahil sa pakulo niya. But really, he only did it to help his cousin who is more like a brother to him than his own brothers. Magka-edad sila ni Cinda kaya noong mga bata pa sila ay sila ang madalas magkalaro at magkasama. Mabait at matalino kahit na madalas ay tahimik si Cinda noong mga bata pa sila. Sabi nga ng mga kamag-anak nila, maaga raw nag-matured ang isip nito.

Kilalang-kilala ni Santi ang pinsan. Mula third year highschool hanggang kolehiyo ay madalas sila ang magkasama. Kahit nagkaroon sila ng kanya-kanyang mga kabarkada ay hindi nabawasan ang pagiging malapit nila sa isa’t isa. Kaya naman kabisado na niya ang ugali ng pinsan. At siya ang bukod-tanging nakakaalam ng lihim na siyam na buwan na nitong itinatago kahit sa pamilya nila at ibang kabanda.

Matagal bago maging komportableng makipag-ugnayan sa ibang tao si Cinda. Kaya madalas nasasabihan itong suplado.

Pero alam ni Santi ang tunay na dahilan kung bakit ganoon ang pinsan. Cinda had a terrible childhood living with his Tita Leah and Tito Dino who raised him after his parents died when he was five. Fourteen na si Cinda nang malaman ng mga magulang ni Santi ang pang-aabusong tinatamo ni Cinda mula sa half-sister ng ina nito. Kaya naman ginawa ng mga magulang ni Santi ang lahat para maialis sa poder nina Leah at Dino si Cinda. Gayunpaman, hindi naging madali para kay Cinda na basta kalimutan na lang ang tinamong pang-aabuso at kalupitan mula kina Leah at Dino.

Hirap si Cinda na magtiwala sa ibang tao dahil ang dalawang taong dapat sana ay nag-aruga rito nang mawala ang mga magulang nito ay siya pang unang-unang nang-abuso rito. Kaya laging may distansya at malayo si Cinda sa ibang tao. But all of that changed when Cinda met and fell in love with Marymae a year ago.

Kitang-kita ni Santi na dumalas ang pagngiti at pagtawa ni Cinda. Saksi siya kung paanong lumambot ang ekspresyon nito sa tuwing minamasdan si Marymae kapag alam nitong hindi nakatingin dito si Marymae. Kaya naman nang maghiwalay ang dalawa dahil sa isang pagkakamaling alam niyang habang buhay na pagsisisihan ni Cinda, pati siya naki-iyak nang maglasing at umiiyak na magwala si Cinda matapos tumanggi si Marymae na kausapin at patawarin ito. Hindi naman masisisi ni Santi si Marymae dahil alam niyang ang pinsan niya ang mali. Pero hindi niya rin maiwasan na magalit noon sa dalaga dahil alam niyang isang salita lang ni Marymae noon, magkukumahog na makipagbalikan si Cinda rito. Tumindi pa ang galit na iyon nang dalawang buwan matapos ang paghihiwalay ng dalawa ay malaman nilang may bago nang nobyo si Marymae.

Sa puntong iyon ay halos hindi na iwanan ni Santi si Cinda mag-isa. Nag-aalala kasi siyang baka kung ano ang isiping gawin ng pinsan niya. He didn’t think Cinda was suicidal. But he did think that Cinda might be tempted to kill Marymae’s new boyfriend. At hindi siya makakapayag na makulong ang pinsan kaya umasta siyang anino ni Cinda noon. Ang iniisip niya noon, kung sakaling hindi niya ito mapigilang gumawa ng krimen, sisiguraduhin na lang niyang siya ang magiging alibi nito o kaya naman ay tutulungan niya ito na magbaon sa katawan ng nobyo ni Marymae. In the end he didn’t need to do anything but just be there to for his cousin.

Sa kabilang banda, may buti ring idinulot ang pagkasawi ni Cinda. marami kasi itong nai-compose na mga kanta. Iyon nga lang ang tema ay puros pusong sawi at nanghihingi ng tawad. Too bad, Marymae stopped coming to watch their shows. Kaya ni isa sa mga kantang nilikha ni Cinda ay hindi narinig ng dalagang inspirasyon sa likod ng mga iyon.

At ngayon, hindi man sabihin ni Cinda sa kanya ang binabalak nito, alam niyang tama sina Chrisma at Lucibelle. Lumipat nga si Cinda sa bahay na binili nito para mapalapit kay Marymae. Dahil hanggang ngayon, mahal pa rin ni Cinda si Marymae. At umaasa pa rin ito na madurugtungan ang naudlot na relasyon nito sa dalaga noon. Hopefully, this time, hindi na muling mabigo ang pinsan niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.