Silver Belles-Santi, Baby Chapter 22

Nag-inat si Marymae matapos mai-click ang send button sa email na ipinadala niya. Sa wakas nai-send na rin niya ang nobelang katatapos lang niya. Pwede na siyang mag-unwind ngayong naipasa na niya ang trabaho niya.

Tumayo siya mula sa silya at lumabas ng guestroom na ginawa niyang opisina niya. Nagtuloy siya sa kusina at dumiretso sa refrigerator. Inilabas niya ang bote ng isang litrong red iced tea. One-fourth na lang ang laman niyon kaya imbes na kumuha pa ng baso ay diretso sa bote na lang siya uminom. Pumihit siya paharap sa bintana sa itaas ng kitchen sink. At nang tumambad sa kanya ang tanawin sa labas ng bintana ay halos malunod siya sa iniinom na red iced tea. Nalimutan kasi ng lalamunan niyang lumunok nang makita niya si Cinda na nagtatabas ng damo sa bakuran nito. Hubad baro ang binata at tanging kupas na jeans lang ang suot.

Nangingislap ang mga butil ng pawis na kumakapit sa matipunong dibdib at mga balikat nito kapag tinatamaan ng sinag ng araw. His hard six-pack abs looked like they were begging to be licked. And as his biceps flexed while he pushed the lawn mower, she felt all her female hormones scream in delight.

Pero mukhang hindi lang siya ang nag-iisang audience ng binata dahil pagbaling ng ulo niya pakaliwa, napuna niya ang paghinto ng nagja-jogging na dalawang babaeng kapitbahay niya sa tapat ng bakuran ni Cinda. Kilala niya ang dalawang babae. Sina Tuesday at Wednesday, ang kambal na call center agents na nakatira sa puting bahay sa dulo ng kalye nila. At base sa ngiti ng dalawang babae nang batiin si Cinda, handa ang mga ito na bigyan ng kakaibang uri ng welcome to the neighborhood na mensahe si Cinda.

Biglang naningkit ang mga mata ni Marymae. Bitbit ang bote ng red iced tea na lumabas siya ng bahay niya. Wala siyang kongkretong plano. Ni hindi niya alam kung bakit biglang-bigla gusto niyang agawin ang lawn mower mula kay Cinda at gamitin iyon para kalbuhin sina Tuesday at Wednesday.

Tanging hilera ng iba’t ibang kulay ng santan ang nagsisilbing bakod sa pagitan ng bakuran niya at ng bakuran ni Cinda. Kaya naman paglabas niya ng bahay niya ay hindi na niya kailangan pang tumingkayad para makita ng binata. Pinigil niya ang sariling mapaangil nang makita ang pagyuko kunwari ni Tuesday para isintas ang sneakers nito. Halata namang hindi maluwag ang sintas ng babae. Sinadya lang talaga ng babae na yumuko upang maipakita sa binata ang cleavage nito. Pero malas nito dahil hindi na nakatingin dito si Cinda.

Sa halip, nakapaling na sa direksyon niya ang ulo ng binata. Mahinang napasinghap siya nang magsalubong ang mga mata nila. Ngayon lang ulit niya nakita ang binata dahil tulad ng naunang tatlong linggo mula nang lumipat ito sa katabing bahay niya, hindi niya matiyempuhan ang oras ng pag-uwi nito. Alangan namang katukin niya ito ng madaling araw kapag natutulog na ito para lang i-welcome niya sa neighborhood nila. Oo, iisipin nga nitong hindi na siya bitter sa paghihiwalay nila noon. Pero malamang rin isipin nitong desperada siyang makipagbalikan dito at inaakit niya ito.

Bagay na malayo sa katotohanan. Malayong-malayo!

“Hey, Cinda! Pagkatapos mo diyan, pwedeng ito namang bakuran ko ang tabasan mo ng damo?” nakangiting aniya sa binata.

Bahagyang umarko naman ang mga kilay ni Cinda. Bumakas din ang kabiglaan sa anyo nito. Marahil nagtataka ito dahil sa hindi nito inaasahan ang friendly na pakikitungo niya rito. Siguro inaasahan nito na tatarayan niya ito o kaya naman ay dededmahin.

“Sure! But what would I get in return?” tugon nito na tipid na napangiti.

“My eternal gratitude?”

“How about a drink?” anito na nagsimulang humakbang palapit sa kanya. Tila nawala sa isip na may dalawang babaeng kausap ito na nagpapaligsahang makuha ang atensyon nito. Pero si Marymae ay hindi nakaligtaan ang dalawang babae na ngayon ay matatalim ang tinging ipinupukol sa kanya.

“Good morning, Tuesday, Wednesday!” bati niya sa kambal.

“Good morning!”

“Morning!”

Peke pa sa mga pirated CDs ang ngiti ng dalawa sa kanya. Humakbang din palapit sa kanila ni Cinda ang dalawa.

“Kilala mo na pala ang new neighbor natin, Marymae,” komento ni Tuesday.

“Matagal na kaming magkakilala ni Mae. Right, babe?” sagot ni Cinda para sa kanya na labis na ikinabigla niya. Lalo na nang kaswal na akbayan siya ng binata.

“R-right!” tango niya.

“Oh, I see,” sambit naman ni Tuesday na marahang napatango-tango habang nakatingin sa braso ni Cinda na naka-akbay sa balikat niya. Pagkuwan nagkatinginan ito at si Wednesday. Saka nagpaalam na sa kanila at nagpatuloy sa pagja-jogging ng mga ito. Nang makalayo ang dalawa ay dali-daling inalis ni Cinda ang braso nitong naka-akbay sa kanya.

“Babe? Kailan mo pa ako naging babe?” nakataas ang mga kilay na untag niya rito.

Nanghihingi ng paumanhin ang ekspresyon nito nang salubungin ang tingin niya.

“Sorry, I had to do that. Hindi ko lang alam kung paano sila paaalisin nang hindi sila maiinsulto. Mukhang mga kaibigan mo pa sila. Naisip ko baka magalit ka kapag ininsulto ko sila.”

Kaya ipinalabas na lang ng binata na may something sila para kusa nang dumistansya sina Tuesday at Wednesday rito. Pero kung hindi siguro nalaman ni Cinda na kakilala niya ang dalawang babae, malamang sa hindi pinagsupladuhan na ng binata ang dalawa. Tulad ng madalas nitong ginagawa sa mga babaeng nagpapakitang motibo rito noong sila pa.

“Grabe ang pogi problems mo, Sirioco,” palatak niya.

Nagkibit-balikat lang si Cinda bilang tugon. Normal na bahagi na nga lang naman ng pang-araw-araw na buhay nito ang habulin at akitin ng mga babae. At hindi kasalanan ng binata iyon. Lalo na kapag nalalaman ng mga babae na drummer ito sa banda. It adds to his sex appeal and attraction. Pero hindi naman ito playboy o flirt tulad ng pinsan at lead guitarist ng banda nito na si Santi.

Because Cinda looked like a tattooed badass who had perfected the silent, brooding look that makes most people take a step back when they first see him. Sa malas, mas lalo lang nakakapang-akit ng mga babae ang pagkakaroon nito ng supladong personality. Mas natsa-challenge kasi ang mga kabaro niya na palambutin ang loob nito. Sabi nga sa kanta ni Taylor Swift na ‘Blank Space’, girls want to make the bad boy good for a weekend.

Ang hindi alam ng ibang babae, good naman talaga deep inside ang ex-boyfriend niya. He was also a closet romantic who had patiently read her published books just because he wanted to know what melts her heart. At iyon ay kahit noong sinagot na niya ito.

Bigla siyang nakadama ng lungkot pagka-alala sa naging wakas ng relasyon nila. Nagsalubong ang mga tingin nila. At kung hindi siya nagkakamali, pareho sila ng iniisip ng binata. May lambong rin kasi ang abuhing mga mata nito habang nakatunghay sa kanya. Sa huli, mas nauna siyang nag-iwas ng tingin.

Pero kagyat din siyang napalingon dito nang agawin nito mula sa kanya ang bote ng red iced tea niya.

“Hey! That’s mine!” angal niya nang basta na lang nitong tunggain iyon.

“And now it’s gone. Consider it as payment for mowing your lawn,” kibit-balikat na ani Cinda sa kanya. Itinuro nito ng hinlalaki ang iniwang lawn mower. “Tatapusin ko lang tabasin ang damo sa bakuran ko tapos lilipat ako mamaya diyan sa iyo. What’s for our lunch?”

“Lunch? Ano’ng lunch ka diyan? Tinungga mo nga ang iced tea ko may libreng lunch ka pa?”

“C’mon, Mae, na-miss kong luto mo.”

“Pag-iisipan ko.”

~~~~

Sa huli ipinagluto rin ni Marymae ng tanghalian si Cinda. Inilapag niya sa mesa ang inilutong sinigang na salmon. Ipinaghila siya ng silya ni Cinda bago ito naupo sa silyang katabi ng kanya.

“Sarap!” sambit nito nang higupin ang sabaw ng sinigang.

Para namang lumobo ang puso niya sa tuwa dahil alam niyang may pagkapihikan sa pagkain ang binata. Bibihira itong masarapan sa luto ng iba at hindi ito mahilig kumain sa labas. Ang mga paborito nito ay iyong mga luto ng nanay ni Santi na si Tita Opal. Kaya naman labis ang tuwa niya noon sa tuwing ipinagluluto niya ito at nasasarapan ito sa mga luto niya.

Akmang susubo na rin siya ng sinigang nang bigla ay maalala niya na noong araw na matuklasan niya ang kasalanan nito sa kanya, sinigang na salmon dapat ang iluluto ng mama niya. Dahan-dahan niyang ibinaba ang hawak na kutsara. Bigla siyang nawalan ng gana.

“What’s wrong?” takang tanong ni Cinda nang mapansin ang pananamlay niya at pagbitaw sa hawak na kutsara.

“W-wala. Sige, kumain ka lang diyan. May gagawin pa pala ako---“

“Mae. Tell me what’s wrong?”

Bumuntung-hininga siya. Saka nilingon ito.

“Naalala ko lang kasi na ito ang inilutong ulam ni Mama noong---noong araw na naghiwalay tayo.”

Nanigas sa tensyon ang buong katawan nito. Dumaan ang pagsisisi sa anyo nito. Kasunod ay lungkot at galit sa sarili. Maingat na ibinaba nito ang kutsara sa gilid ng plato nito.

“Do you want me to leave?” mahinang untag nito.

Hindi siya agad makatugon. Tila inisip naman nito na ‘Oo’ ang katumbas ng pananahimik niya kaya tumayo na ito.

“Wait!” sambit niya na hinawakan ito sa kamay para pigilan.

Niyuko siya nito at parang pinipilas ang puso niya sa nababasa niyang emosyon sa mga mata nito. Muli itong naupo. Ginagap nito ang mga kamay niya at tinitigan ang mga iyon na para bang hawak niya ang lunas at gamot sa malalim na sugat na malinaw na nakabadha sa mukha nito kaninang titigan siya.

“It’s a year too late to tell you this, Mae, but I’m really, really sorry. Walang kahit na anong paliwanag o dahilan ang sasapat para mabura ko ang kasalanan ko sa iyo. Ni hindi ko inaasahan na papapasukin mo ulit ako sa bahay mo o kakausapin ako ng maayos. But beleive me, I’m sorry. I’m so sorry,” saad nito sa mga katagang alam niyang ilang ulit nitong tinangkang sabihin sa kanya noon pero nanatiling bingi ang tainga niya rito.

Inilapat ni Cinda ang palad niya sa pisngi nito at sinalubong ang tingin niya.

“Sampalin mo ako. Suntukin mo ako. Kahit na anong gawin mo

tatanggapin ko, Mae. Gawin mo ang lahat. Hindi kita pipigilan. Gantihan mo ako sa ginawa ko sa iyo.”

“Cinda, matagal nang tapos iyon---“

“Pero hanggang ngayon, alam kong hindi mo pa rin ako napapatawad. Ako ang dahilan kaya hindi ka na pumupunta sa mga shows namin kahit na anong pilit ni Jing-jing sa iyo. Sa tuwing malalaman mo na darating din ako sa bahay nina Jing-jing, sinasadya mong umalis agad para hindi mo ako makita. I can’t blame you for that. It’s all my fault. I’m the asshole who broke your heart. But, please, Mae, please, forgive me. Please?” pagsamo nito na lumuhod pa sa harapan niya.

“Cinda!” gilalas na sambit niya.

Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Totoo ang sinabi nito. Hindi niya ito binigyan ng pagkakataon na makahingi ng tawad sa kanya noong maghiwalay sila. Ginawa niya ang lahat para iwasan ito. Pati si Jing-jing naipit sa gitna nila dahil sa tindi ng pagkamuhi niya sa dating nobyo. At bagamat nagalit din si Jing-jing kay Cinda noon dahil sa ginawa ng lalaki sa kanya, ilang beses ring nakiusap sa kanya si Jing-jing noon na pakinggan muna niya ang paliwanag ni Cinda.

But she stubbornly refused to do it. Para sa kanya ang pagtataksil ni Cinda, lasing man ito at wala sa sariling katinuan, ay sapat na para tuldukan niya ang relasyon nila. Siya ang naagrabyado. Siya ang niloko. Siya ang pinagtaksilan. Kaya hindi ba dapat, isandaang porsyentong kakampi niya si Jing-jing?

But now seeing the pain and guilt on Cinda’s face as he begged for her forgiveness even after all these tme, made her realize that she wasn’t the only one who was hurt back then. Naunawaan na rin niya kung bakit panay ang pang-uudyok sa kanya ni Jing-jing noon na harapin naman niya kahit minsan lang si Cinda.

“Cinda, please, tumayo ka na diyan. Oo, pinapatawad na kita. Okay? Please, tumayo ka na diyan,” aniya sa binata.

Nag-angat ito ng mukha at sinalubong ang tingin niya.

“Pinapatawad mo na ako?”

Tumango siya.

Bumakas ang katuwaan sa mukha nito. Tumayo ito at bumalik sa silya nito.

“Salamat.”

Nginitian niya ito. “Friends?”

Inilahad niya ang kamay dito. Imbes tanggapin agad ay ilang segundong tinitigan pa muna ni Cinda ang kamay niya. Saka tila napipilitang tinanggap iyon.

“Friends na lang? Hindi ba pwedeng more than friends?” bahagyang nakangising tudyo nito.

“Ano ka? Lucky? Makontento ka na sa friends kaysa magbago pa ang isip ko at gawin kitang mortal enemy.”

“Sure, sure. Friends,” ani naman nito na mahigpit na kinamayan siya para hindi niya agad mabawi ang kamay niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.