Pupungas-pungas at naghihikab pa si Marymae habang nagdadabog na lumalakad patungo sa pinto ng bahay niya. Kung sinuman itong nang-iistorbo sa kanya, siguraduhin lang nitong matter of life and death ang sadya nito sa kanya. Kung hindi, sasagasaan niya ito ng ng kotse niya. Alam niyang normal na sa ganitong oras ay gising ang mga tao. Tirik na tirik na ang araw kaya malamang tanghaling tapat na. Pero para sa kanya, oras iyon ng kahimbingan ng tulog niya.
“Ano ba?!” singhal niya nang hatakin pabukas ang pinto.
Pero dagli ring umurong ang dila niya nang makita niya kung sino ang nasa labas ng pinto. Bumilis ang tibok ng puso niya at kusang umangat ang mga labi niya. At muli ay naasar siya sa sarili dahil tulad nung huli silang nagtagpo ni Cinda, mukha na naman siyang hindi pahuhuli ng buhay. Sabog-sabog ang buhok niya at may muta pa yata siya sa mga mata. Natatarantang sinuklay niya ng mga daliri ang buhok at pinunasan ang mga muta sa mata.
“Cinda! Ano’ng ginagawa---“ naputol ang iba pang sasabihin niya nang makita niya kung ano ang nasa mga bisig ng binata.
“Kailangan ko ang tulong mo, Marymae.”
Napamaang siya rito. At wala sa loob na napahakbang paatras.
“May baby ka na?!” gilalas na bulalas niya. Napasapo siya sa dibdib dahil sa pinong kirot na parang pana na tumusok roon.
“This isn’t my baby---“
“Talaga lang ha?” awtomatikong tumaas ang mga kilay niya.
Pero matapos ang inisyal na pagkabigla niya ay agad din niyang naisip na imposibleng anak nga iyon ng binata. Kung sakali man kasing nagka-anak na nga si Cinda nitong nakalipas na mga buwan, matagal na sana iyong binanggit ni Jing-jing sa kanya.
‘Pero hindi sinabi ni Jing-jing sa iyo ang tungkol sa paglipat ni Cinda diyan sa kabilang bahay. Paano kung sadyang hindi rin sinabi ni Jing-jing sa iyo ang tungkol sa pagkaka-anak ni Cinda?’ untag ng malditang boses sa likod ng isip niya.
Napatiim-bagang siya at bahagyang ipinilig ang ulo upang palisin ang agam-agam na iyon. Pagkuwan ay tinitigan niyang maige ang sanggol na karga-karga ni Cinda. Hindi niya mahulaan kung ilang buwan na ang sanggol. Hindi niya rin alam kung babae ba iyon o lalaki dahil puti ang suot niyon at napakanipis pa ng buhok. Himbing na himbing ang sanggol sa loob ng mga bisig ni Cinda. Hindi naman kahawig ng binata maliban sa maputi ang sanggol.
“Hindi ko anak ang baby na ito. Basta na lang itong iniwan sa akin ng---“
Napamulagat siya sa binata at muling napaatras.
“Teka, teka, wag mong sabihing dinala mo rito ang baby na iyan dahil sa akin iyan. Hindi akin iyan. Hindi ako ang nanay niyan!” maagap na protesta niya.
Naalala niya ang sulat na para sa kanya na aksidenteng napunta sa mailbox ni Cinda noong isang linggo. Nagkamali sa pagbasa ng 15 at 13 ang mailman na siyang naghatid ng naturang sulat galing sa secretary ng homeowner’s association nila kaya sa halip na sa mailbox niya ay sa mailbox ni Cinda inilagay ng mailman ang sulat. Baka iniisip ni Cinda na nagkamali na naman ang kung sinumang nag-iwan ng sanggol na karga nito at ngayon ay ibinabalik iyon sa kanya!
“I know that. Will you please listen to me first?” bahagyang angil ni Cinda.
“Fine! Gusto ko lang linawin para malinaw ang lahat.”
“Baka naman pwede mo kaming papasukin?”
“Pasok.”
Pagpasok ni Cinda ay padabog na isinara niya ang pinto saka nakahalukipkip na humarap dito.
“Simulan mong magpaliwanag. Ngayon din.”
~~~~
“Cinda, tingin ko hindi naman natin kakailanganin lahat ng ito. Wala pa naman yatang two years old ito,” sabi ni Marymae kay Cinda habang tinitignan niya ang laman ng pushcart na itinutulak ng binata. Abala ito sa pagdampot ng lahat ng makitang gamit ng baby sa bawat aisle na madaanan nila sa loob ng infant section ng department store.
Samantalang siya ay karga ang cute na cute na baby boy na kapangalan ni Cinda, si Baby Rocco. Ipinapa-alaga kay Cinda pansamantala ng pinsan nitong si Jelly ang three-month old na sanggol. Single mom raw si Jelly at pinagtataguan ng lalaking nakabuntis rito. Nang mabuntis ang babae ay itinakwil raw ito ng mga magulang nito at kasalukuyan ay sa dating bahay ni Cinda nakatira ang babae. Si Cinda lang daw ang tanging malapit na kamag-anak ni Jelly kaya si Cinda ang tinakbuhan at hiningan ng tulong nito.
Noong nakaraang araw daw ay nalaman na ni Jelly kung saan nagtatago ang ama ni Baby Rocco. At gustong komprontahin ng babae ang lalaki kaya iniwan muna nito pansamantala kay Cinda ang anak. Sa Cebu na raw nakatira ang ama ni Baby Rocco at ayaw naman ni Jelly na bitbitin ang sanggol sa paghahagilap ng babae sa ama ni Baby Rocco.
At dahil walang kaalam-alam sa mga sanggol, ang nagpa-panic na si Cinda, napatakbo sa bahay niya bibit ang pamangkin nito sa pag-asang porket babae siya ay mas marami ang nalalaman niya tungkol sa mga bata. Alam ni Marymae na pwede siyang tumanggi nang hingin ni Cinda ang tulong niya.
Una, dahil wala naman talaga siyang alam tungkol sa mga sanggol. Wala pa siyang mga pamangkin. Fetus pa lang sa tiyan ni Ate Nini ang first pamangkin niya. Pangalawa, hindi naman sila friends nang maghiwalay ni Cinda noon. Kaya ano’ng naisip nito at sa lahat ng mahihingan ng tulong sa pag-aalaga sa pamangkin nito ay siya pa ang tinakbuhan nito? At pangatlo, ano’ng ginagawa ibang babaeng kamag-anak, kaibigan o kakilala nito na pupwede naman nitong hingan ng tulong bukod sa kanya?
Pero ni isa sa mga dahilang iyon ay hindi niya isinaboses nang halos nagmamaka-awa ang abuhing mga mata na humingi ng tulong sa kanya si Cinda kanina. Parang melted butter ang puso niya na natunaw sa paraan ng pagtingin nito. Walang ibang salitang binitiwan na maingat na kinuha niya mula sa mga bisig nito ang sanggol. At lalo pang nalusaw ang puso niya nang magmulat ng mga mata si Baby Rocco at makita niyang namana ng sanggol ang kulay abuhing mga mata ni Cinda.
“Fine! I’ll help you take care of this cute baby. Pasalamat ka cute itong pamangkin mo kundi bahala ka sa buhay mo,” aniya sa binata na tila namamanghang napatitig sa kanya at sa sanggol na nasa bisig niya.
“I know, Mae. Believe me, I know.”
Kasalukuyan ay nasa loob sila ni Cinda ng infant section sa department store. At namimili ng mga gamit para sa sanggol. Maliban kasi sa stroller, diaper, ilang pirasong baby clothes at ilang bote ng gatas ay wala nang iba pang gamit na dala si Jelly nang iwan ang sanggol kay Cinda kaninang umaga. Sa pagmamadali ni Jelly umalis at maabutan sa address na nakuha nito ang ama ni Baby Rocco, hindi na nakapag-empake ng sapat na gamit para sa bata ang babae.
“Well, just in case we might need it. Mas mabuti nang sobra ang mabili natin kaysa kulang. Magagamit pa rin naman niya ang iba kapag lumaki-laki na siya,” katwiran ni Cinda.
Isang pares naman ng shoes na para na yata sa tatlong taong gulang na bata na yata ang inilagay nito sa pushcart nila. Pati walker, high chair, play pen, ride-on kiddie car gusto na sana nitong bilhin kaninang madaanan nila ang mga iyon. Buti na lang nakinig ito sa kanya na hindi pa naman kailangan ni Baby Rocco ang mga iyon.
Inarkuhan na lang niya ng kilay ang binata. Sa totoo lang ay naaaliw siya sa binata. Paano nga kung anak nito ang sanggol? Napakaswerte naman ng bata. Tiyak na spoiled ang sanggol kay Cinda.
“Ang cute mo naman, ulirang daddy award. Parang ang sarap mong bigyan ng anak.”
Nilingon siya nito at nginisihan.
“I think you’d need my cooperation to do that, Marymae.”
“Talaga lang ha? Ibig sabihin hindi ka katulad ng walang kwentang tatay ni Baby Rocco? Kung sakaling may nabuntis ka hindi ka tatakbo?”
“If he’s my kid then I’d take care of him. Hindi naman ako gago na tatakbo sa responsibilidad ko. Kung malalaman ko na tatay na pala ako, gagawin ko ang lahat ng obligasyon ko sa anak ko. I’d raise him and I’ll never make him feel unwanted,” seryosong tugon nito na biglang humigpit ang pagkakahawak sa handle ng pushcart. Bakas sa anyo nito na isang hindi magandang alaala ang biglang lumitaw sa isipan nito.
Awtomatikong umangat ang kamay ni Marymae at masuyong humagod sa likod ng binata. Noong sila pa ay pahapyaw na naikwento ni Cinda sa kanya ang tungkol sa kabataan nito. He didn’t really tell her everything, just the bare facts. Pero salamat sa kakulitan niya at pagka-mausisa at salamat na rin sa pagiging uto-uto ng pinsan at kabanda nitong si Santi, nalaman niya mula kay Santi ang buong kwento tungkol sa kabataan ni Cinda.
Ayon kay Santi ay hindi maganda ang naging pagtrato kay Cinda ng Tita Leah at Tito Dino nito noong maulila ito at mapunta sa poder ng dalawa. Hanggang ngayon, tuwing naaalala niya kung ano-ano ang pinaggagawa kay Cinda ng Tita Leah at Tito Dino nito ay parang may kumurot sa puso niya. Mula sa pagiging solong anak na mahal na mahal ng mga magulang nito ay naging tila masahol pa sa hayop ang pagturing dito ng tiyahin at tiyuhin nito.
Binugbog, ginutom, ginawang alila at minsan pa nga ay ikinukulong sa bodega si Cinda ng tiyahin at tiyuhin nito. At naranasan ni Cinda iyon mula noong limang taong gulang ito hanggang sa mag-labing apat na taong gulang ito. Kung hindi pa raw nalaman ng mga magulang ni Santi ang kalagayan ni Cinda sa poder ng Tita Leah nito ay malamang hanggang magbinata si Cinda naroon pa rin ito sa Tita Leah nito. Iyon o naglayas na ito at napariwara ang buhay.
No wonder Cinda finds it hard to let other people near him. It’s also the reason why he always seems so cold, distant and aloof at first. At hindi rin kataka-taka na matigas ang tono nito at puno ng determinasyon ang mukha nang sabihing hinding-hindi mararanasan ng anak nito ang naranasan nito noong bata pa ito. His child will never feel unwanted, abused or unloved by him.
Malakas na tumikhim si Marymae para palisin ang bara sa lalamunan niya. Nag-apuhap siya ng sasabihin para mapagaan muli ang sitwasyon. Until now, she couldn’t bear to see that dark, sad, angry and lonely look on Cinda’s handsome face.
“Hmm... paano kung naka-one night stand mo lang ang nanay ng anak mo? Tapos bigla na lang siyang sumulpot at sasabihin sa iyon, Cinda, may anak na tayo kailangang panagutan mo ako!” pagbibiro niya sa binata para maiba ang mood nito. Nagkunwari pa siyang pinatinis ang boses sa pagsambit ng huling pangungusap niya. “Ano’ng gagawin mo kapag nangyari iyon?”
Saglit na natigilan ito at kunot ang noong nilingon siya. Hindi niya mabasa ang ekspresyon nito. Para itong nakakita ng multo o hindi kaya naman ay mortal na kaaway na gusto nitong sugurin at sapakin.
“Well? Sumagot ka. Ano’ng gagawin mo kapag may nagpakita sa iyong naka-one night stand mo at sabihing may anak kayo? Dali, sagot!” kunway pandidilat pa niya rito. Pabirong himablot pa niya ang harapan ng damit nito at nagkunwaring pinanlilisikan ito ng mga mata. “Ano?! Hindi ka sasagot?! Ha?! Sagot!”
Unti-unting lumiwanag ang anyo nito. Saka iiling-iling na napapalatak. Hinawakan nito ang kamay niyang nakadaklot sa damit nito at inalis iyon. Pero imbes na bitawan ay pinagsalikop nito ang mga kamay nila saka siya hinila para maglakad na ulit sila.
“You’re still crazy, Mae.”
“Alam ko. At alam ko rin na hindi mo pa rin ako sinasagot,” pilit niyang pinakaswal ang boses. Kahit na sa loob-loob niya ay parang tutang ikinulong sa hawal at nagpupumilit makatakas sa likot at lakas ng tahol, este, tibok ang puso niya. Pasimple pa nga siyang yumuko sa pag-aalalang makikita nito kung gaano kalakas at kabilis ang pagtibok ng puso niya.
“I don’t have one night stands. I have to be in a relationship with a woman before I sleep with her.”
“Really?! Baka gusto mong ulitin iyan. Parang nabingi yata ako diyan.” Halos umabot sa bumbunan niya ang pagtaas ng kilay niya. Kasabay niyon ang pagtinis ng tono niya. Baka gusto nitong ipaalala niya rito kung ano ang ginawa nito noong gabi ng Pasko a year ago!
Bahagyang namula naman ang buong mukha nito. Kumunot ang noo at seryosong sinalubong ang tingin niya. There was something in his expression that she couldn’t quite read. But it was enough to make her heart beat even faster. Konting bilis pa ng tibok ng puso niya at aatakihin na siya. Parang gusto niyang magsisi ngayon na pumayag siyang samahan ito sa pamimili nito ng gamit para kay Baby Rocco. Kanina tiwala siya sa sarili na hindi siya magpapa-apekto rito. Pero mukhang ilusyon lang niya iyon.
“That night was---“
Maagap niyang itinaas ang isang palad sa harap ng mukha nito. Hindi, mali siya. Ayaw na niyang ipaalala pa rito ang gabing iyon. At mas lalong ayaw na niyang ungkatin pa iyon ngayon dito sa gitna ng infant section sa department store. Baka mapalupasay siya sa sahig nang wala sa oras. Nag-apuhap siya ng ibang sasabihin para mapigilan ito sa pagsasalita tungkol sa sinumpang gabing iyon.
“Ayoko nang pag-usapan iyon. Moving on. Sabi ni Jing-jing wala kang girlfriend for the past year! Ibig sabihin, isang taon kang walang se---“
“Bibig mo, Marymae. May bata kang kaharap,” saway agad ni Cinda sa kanya bago pa niya mabanggit ng buo ang salitang sex.
Sa loob-loob niya ay napangiwi rin siya sa paksang umalpas sa mga labi. Pero tutal nabanggit na rin niya, itutuloy na niya ang gustong sabihin at alamin.
“Okay, okay, so, you mean one year kang---alam mo na? ‘Yung ginagawa ng mga guys? For the past year?” pabulong na aniya.
Hindi makapaniwalang tinignan naman siya nito.
“Do you really have to know that?”
“Siyempre naman! Call it research para sa isinusulat ko. And just for your information, pareho tayo. I mean, not that I’m doing what you guys are doing. I just meant that I haven’t had S-E-X for the past year too. Kaya wala kang dapat ikahiya. Normal iyon. Mas mabuti nga iyon kaysa makipag-one night stand kakung kani-kanino.”
Umarko ang mga kilay nito. Tila hati sa pagkamangha at hindi pagkapaniwala ang ekspresyon. Sa totoo lang, pati siya hindi makapaniwala sa mga lumalabas sa bibig niya. Sa sobrang kaba at pagkataranta niya na baka ungkatin ulit nito ang tungkol sa gabing naging sanhi ng paghihiwalay nila, kung ano-ano na lang ang mga lumalabas sa bibig niya.
“Now that I don’t believe,” matabang ang tonong anito. Nag-iwas pa ito ng tingin at nangunot ang noo na para bang isang hindi kaaya-ayang bagay ang biglang sumulpot sa utak nito.
“Ha?”
“I find it hard to believe that you’ve been celibate for the past year too.”
Biglang nanlaki naman ang mga mata niya.
“Ano? Ano’ng you don’t believe?! Sapakin kaya kita?! Sinabi ko na sa iyo noon na hindi ako liberated ano! Romance writer ako, I believe in romance and happily ever after. In fact baka magulat ka pa kung malalaman mo ang totoo tungkol sa S-E-X life ko.”
Noong sila pa ay hindi sila lumalampas sa third base. They made out a lot but they never had sex. At iyon ay desisyon niya. Hindi pa kasi siya handang isuko ang sarili niya sa binata. Tatlong buwan pa lang ang relasyon nila noon. Gusto sana niya bago sila humantong sa kama ay mas makilala pa nila ng husto ang isa’t isa. At nauunawaan at tanggap naman nito iyon. In fact, minsan pa nga ay ito ang pumipigil sa kanya kapag nagiging masyadong mapusok na ang eksena sa pagitan nila.
Pakonswelo de bobo na lang niya sa sarili noon na nakuha man nito ang puso niya, hindi naman nito nakuha ang puri niya. Pero sa totoo lang, mas gugustuhin pa niya siguro noon na puri na lang niya ang kinuha nito at hindi ang puso niya. Mas madali sigurong naghilom ang sugat na iniwan nito sa kanya kung nagkataon.
Saglit natigilan si Cinda. Animo natulala ito habang nakatitig sa kanya. Maya-amaya ay ipinilig nito ang ulo.
“Imposible!” bulalas ng binata. “With the way you talk and dress? And those steaming hot love scenes you write? That’s crazy!”
“Judgemental much, Sirioco Silverino Jacinda?” paangil na aniya. Sarap nitong batukan.
“I’m sorry it’s just that it doesn’t jive with the act you put on. And you’ve been with fucking Harrison for five fucking months! Are you telling me you haven’t slept with that asshole in all that time you’ve been with him?!” pagigil pang anito na tila biglang nalimutan ang sariling rule tungkol sa mga bibitawang salita nang banggitin ang naging relasyon niya kay Harrison.
“Bibig mo, Sirioco,” kunot-noong saway niya rito. May pagka-sadista siguro siya dahil ikinatutuwa niya ang malinaw na pagseselos sa mga mata ng binata pagbanggit nito kay Harrison.
“Just answer me, Marymae!”
“Well, you’ll never know until you know, Cinda,” maldita ang ngising aniya rito.
Ilang minutong tinitigan pa muna siya nito. Bago maya-maya ay ngumiti. Nagliwanag din ang anyo nito na para bang may natuklasang bagay na labis na ikinatuwa.
“No, you didn’t sleep with him.” Pahayag iyon at hindi tanong sa pagkakataong iyon.
Nanlaki naman ang mga mata niya sa pagkagulat at pagtataka.
“At bakit mo naman nasabi iyan, aber? Alalahanin mo, mas matagal naging kami ni Harrison,” paghahamon niya rito.
Imbes sumagot ay nagkibit-balikat lang ito. Muli nitong itinulak ang stroller ni Baby Roco. Lumapit ito sa isang rack at dinampot ang isa sa mga boxes na naroon.
“Breast pump? Sino’ng gagamit niyan? Ikaw? Dahil walang gatas na lalabas sa akin kahit ano pang pump ang gawin mo,” aniya.
“Marymae, please!” saway nito na may halong pakiusap.
“Hay, naku! Huwag ka ngang OA. Hindi pa naman nakakaintindi ng kahit na anong language si Baby Rocco. Halika na nga, bayaran na natin ang mga iyan. Baka maisipan mo pang bilhin ang buong store kung magtatagal pa tayo rito.”
Nagpauna na siyang maglakad patungo sa cashier. Saka naman biglang umingit at kumilos ang kanina pa nahihimbing na sanggol sa mga bisig niya. Nagmulat ng mga mata si Baby Rocco at tila nagbi-beautiful eyes na tumingala sa kanya.
“Hello, baby boy. Masarap ba ang tulog mo, ha? Look at what your crazy uncle bought you! Binili niya ang kalahati ng store para sa iyo,” malambing na aniya sa sanggol.
“Hello, kid!” nakangiti ring bati ni Cinda kay Baby Rocco. Lumapit ang binata sa kanila.
Bahagya siyang napaigtad nang maramdaman niya ang kamay ni Cinda na masuyong humaplos sa ulo at sa pisngi ni Baby Rocco. Konting galaw lang pakanan ng kamay ng binata ay didikit na iyon sa dibdib niyang nalantad dahil nahatak pababa ng pagkakakarga niya sa sanggol ang v-necked blouse niya. At sa sobrang lapit ng pagkakatayo ni Cinda sa bandang likod niya, halos hangin na lang ang makakadaan sa pagitan nila. Lalo na nang umangat pa ang isang kamay nito upang hagurin ang likod ni Baby Rocco. Nagmistulang nakayakap na sa kanya ang mga bisig ng binata.
Para siyang biglang pinangapusan ng hininga. At para hindi ito makahalata, kunway isinayaw-sayaw niya ang sanggol na nagsisimula nang umingit. Walang naggawa si Cinda kung hindi bitawan ang sanggol at umatras palayo sa kanila. Naagapan na niya ang pagsisimula ng pag-ingit ni Baby Rocco ay nailayo pa niya ang kamay ni Cinda sa dibdib niya. Para nang mabubutas ang dibdib niya sa tindi ng reaksyon ng puso niya tuwing mapapalapit sa binata. Kailangan na niyang lumayo rito sa lalong madaling panahon. Kailangan niya ng time-out sa presensya nito.
She was so over him, wasn’t she? Iyon nga mismo ang dahilan kung bakit pumayag siyang sumama rito ngayon. Para maipakita rito na wala na sa kanya ang nakaraan nila. Na hindi na siya nasasaktan, hindi na bitter at kaya na niya itong harapin nang kaswal lang.
Pero mukhang pinasisinungalingan iyon ng bawat reaksyon niya sa binata.
“Ang cute ng baby ninyo, ma’am. Kamukhang-kamukha ni Daddy,” papuri ng cashier nang sila na ang magbabayad.
Napahinto si Cinda sa paglalagay sa counter ng mga ipinamili nila at nilingon siya. Tila inaabangan nito kung ano ang magiging reaksyon niya. Iyon o nag-aalala itong nainsulto siya dahil pinagkamalan na siyang isang ina.
Nakangiting inarkuhan lang niya ito ng kilay. Hindi na nila kailangang itama pa ang maling akala ng cashier. Natural lang naman talaga na isipin ng babae na mag-asawa sila at anak nila si Baby Rocco.
“Thank you,” aniya na lang sa cashier.
Nang nasa sasakyan na sila ni Cinda at palabas na sa parking lot ng mall ay tumingin sa kanya ang binata.
“Do you still want to have four kids?”
“Bakit mo naman naitanong out of the blue iyan?” natawang balik-tanong niya rito.
Nagkibit-balikat ito. “Curious lang.”
“Hmm...Oo, gusto ko pa rin magkaroon ng apat na anak. Mas masaya kasi kapag marami, tulad naming magkakapatid. May instant kalaro na, may instant kakampi pa kapag inaaway kami ng ibang kalaro namin. Ayoko ng solong anak, malungkot.”
“I know.”
“Naalala ko lang, hindi ko nga pala naitanong sa iyo noon kung ilang anak ang gusto mo kung sakali.”
“Kahit ilang anak ang gusto mo, okay lang sa akin. Kaya ko naman kayong buhayin,” tugon nito na tumaas-baba pa ang mga kilay at nginisihan siya.
“Siraulo!”
Natawa lang ito.