Inilapag ni Marymae sa ibabaw ng dining table ang dalawang mangkok ng umusok-usok pa sa sobrang init na ginataang mais. Kanina pa niya iniluto ang ginataang mais dahil alam niyang darating ang pinsan niyang si Jing-jing pati na ang kaibigan niyang si Kathleen. Pinainit lang ulit niya ang ginataan dahil ang feeling mahal na reyna niyang pinsan na si Jing-jing, ayaw ng mainit-init lang na ginataan. Gusto talaga ng pinsan niya ay iyong halos kumukulo-kulo pa sa init ang kakainin nito. Sa huling text ng isa pa niyang hinihintay na bisitang si Kathleen ay nasa gate na raw ito ng subdivision kaya hindi na niya kakailanganing ipainit pa ulit ang ginataan para dito.
Nagsalin siya ng malamig na palamig sa dalawang baso at inilapit iyon sa dalawang mangkok. Saka siya naupo sa silyang sa gawing kaliwa ni Jing-jing.
“O, hayan na, lamon na, mahal na reyna,” ani Marymae kay Jing-jing.
“Salamat! Sabayan mo na ako, huwag ka nang mahiya. Para ka namang others. Remember bahay mo ito.”
“Loka-loka! Sasabayan naman talaga kita. Ano’ng akala mo para sa iyo iyang dalawang mangkok?” pandidilat niya sa pinsan na parang black hole ang tiyan.
“Hindi ba?! Marymae! Parang ngayon lang tayo nagkakilala kung paghainan mo ako. Alam mo namang hindi ako mabubusog sa isang mangkok lang!”
“Takaw mo talaga, Jing-jing! Ubusin mo muna kaya iyang ginataan sa mangkok mo bago ka mag-request ng pangalawang serving,” angil niya rito.
“Fine, fine! Anyway, mabalik ako sa rason kung bakit ako napadpad dito sa bahay mo. Kayo na ba---“
“Kung tungkol na naman kay You-know-who ang itatanong mo sa akin, nag-aaksaya ka lang ng laway at panahon. Hindi kita sasagutin. Wala akong aaminin, wala kang maririnig mula sa akin at kahit torture-in mo pa ako hindi ako magkukwento,” maagap na niyang putol sa sasabihin nito.
Natatawang napailing-iling si Jing-jing. “You-know-who? Sino bang tinutukoy mo, si Voldemort? May pa you-know-you-know ka pang nalalaman diyan. Arte mo, ‘te! Eh kung ako na lang kaya mismo ang mag-interoga kay Cinda? Tatawid lang ako sa kabilang side ng street at kakatok sa bahay niya para sa kanya na mismo ay malaman ko kung ano ang real score sa inyong dalawa.”
“Subukan mo lang, Jing-jing, at itatakwil na talaga kita! May kasalanan ka pa sa akin. Mahirap bang sabihin mo sa akin kahit sa text lang na diyan na pala siya titira? Na magiging kapitbahay ko na siya?! Ano’ng klaseng pinsan ka? Buong akala ko talaga ay si Gavin Sawyer ang bagong lipat diyan. Iyon pala si Cinda! At alam kong alam mo dahil imposibleng hindi. Pero hindi mo sinabi sa akin! Hindi mo man lang ako pinaghanda,” pagtatalak ni Marymae sa pinsan.
Ilang linggo na siya nitong pinagtataguan. Halatang-halatang guilty sa paglilihim tungkol sa paglipat ni Cinda sa katabing bahay niya.
“Ano pa bang paghahanda ang gusto mong gawin? Magpapa-Botox ka? Magpapa-liposuction? Plastic surgery? Para kapag nagkita kayo ubod at sobra ka ng ganda para lalo siyang magsisi na pinakawalan ka niya?” pang-aasar ni Jing-jing na abot tainga ang ngisi.
“Oo! Kung binalaan mo sana agad ako na si Cinda pala ang bagong kapitbahay ko, sana inubos ko ang kayamanan ko sa pagpapaganda! Tumambay sana ako sa salon ng isang linggo!”
“Loka-loka! Hindi pa ba obvious na patay na patay pa rin si Cinda sa iyo kahit mukha kang tiyahin ko na imbes na pinsan lang?”
“Lasunin kaya kita?”
“Huwag naman. Teka nga, hindi naman ako nagpunta rito para makinig sa problema mo. Ako ang may problema at ikaw ang dapat makinig. Tutal expert ka or semi-expert sa mga love-love na iyan, tulungan mo nga akong i-analyze ang ginagawa ni Bell. Mabubuang na ako sa lalaking iyon, I swear!”
“Si Bell? Frenemy mo? Bakit? Ano na namang ginawa?” kunot-noong untag ni Marymae.
Kababata ni Jing-jing ang binatang tinutukoy nito. Pero sa pagkakaalam niya, mas madalas kaysa hindi ay kaaway ng pinsan niya ang lalaki. Daig pa ng dalawa ang mga batang nagbabangayan kapag nagtatagpo. Hindi pa nakatulong sa relasyon ng dalawa na pati si Marie na nakababatang kapatid ni Bell ay kaaway rin ni Jing-jing. Subalit matagal na siyang may kutob na may lihim na pagtangi sa pinsan niya si Bell. Madalas kasi niyang nahuhuli na palihim na tinititigan ni Bell si Jing-jing kapag hindi nakatingin sa binata ang pinsan niya.
Isinalaysay naman ni Jing-jing sa kanya ang tungkol sa palabas na gusto ni Bell na gawin ng mga ito. Ayon kay Jing-jing, nagseselos si Marie sa relasyon nina Jing-jing at Darrell. Fiance ni Marie si Darrell na college best friend ni Jing-jing. At para daw mawala ang pagseselos ni Marie kina Jing-jing at Darrell, naisip ni Bell na kuntsabahin si Jing-jing upang magpanggap na nobyo ni Bell.
“Ano sa palagay mo?” untag ni Jing-jing sa kanya nang matapos itong magkwento. “Tama ba ang kutob ko?”
“Na may gusto siya sa iyo at ginagamit lang niya ang away ninyo ni Marie para mapalapit siya sa iyo? Haba ng hair mo, Jing!” nanunuksong tugon naman ni Marymae.
“Seryoso ako, Mae. Saka nung hinalikan niya ako, parang---parang nag-connect ang mga...ewan ko, puso, kaluluwa, atay o intestines namin. Alam mo iyon?” frustrated na ani Jing-jing.
Maliwanag na hindi nito malaman kung paano ipapaliwanag ang naramdaman. Gayong siya ay alam na alam na kung ano ang nararamdaman ng pinsan. Mag-deny man ito ng mag-deny, maliwanag na may gusto na rin ito kay Bell. Pero nauunahan lang siguro ito ng hiya at takot dahil kaaway nga naman ang turing nito kay Bell.
“Hindi. And let me just say this, eww! Intestines? Sa lahat ng pwedeng mag-connect, intestines talaga? But seriously, yes, I get what you mean. Para kayong dalawang puzzles na sukat na sukat sa isa’t isa at nang maghalikan kayo, pakiramdam mo, nahanap mo na ‘yung lahat ng nawawala sa iyo. Pakiramdam mo, alam mo na kung bakit ka nandito sa mundo. Hinihintay mo kasi siya,” mahabang saad ni Marymae na unti-unting naging seryoso mula sa pabirong pagsagot kanina.
Bigla niyang naisip ang sariling sitwasyon. Pakiramdam niya para din sa sarili niya ang sinabi niya. Dahil kahit noong sila na ni Harrison, pakiramdam niya may nawawala pa ring malaking bahagi niya. At ang malaking bahaging iyon ay nararamdaman niyang malapit lang sa kanya sa tuwing magkasama sila ni Cinda.
“Alam mo kung ano ang pinakamahirap aminin? Iyong handa kang magpakatanga, magpakagaga, magpauto at magpaka-alipin sa taong minsan mong itinuring na kaaway. And all because of love. Tingin ko iyon ang nangyayari sa iyo ngayon, Jing. Pero ang mas mahirap kaysa sa pag-amin na iyan ay ang pagtanggi sa nararamdaman mo. Hindi ka ba curious kung ano ang mangyayari sakaling aminin mo na lang ang totoong nararamdaman mo?” pagpapatuloy niya.
“Sinasabi mo bang dapat akong pumayag na magpanggap kaming magboyfriend?”
“Hindi sa---“
“Iyon ang ang sinasabi mo, di ba? Iyon ang payo mo bilang love expert? You write romances and you know all about it. At ang advice mo sa akin ay pumayag akong magpanggap kami ni Bell na kami nga!” mariin ang tonong ani Jing-jing. Bahagyang pinandilatan pa siya ng pinsan.
Biglang natawa naman si Marymae nang maunawaan ang gustong mngyari at ibig sabihin ni Jing-jing. Gusto ng pinsan niya na masabi na dahil sa payo niya kaya ito pumayag sa plano ni Bell. Pero ang totoo ay iyon naman talaga ang gusto nitong gawin mula’t sapul. Ni hindi na kailangan pang marinig ni Jing-jing ang opinyon niya. ayaw lang ng pinsan niya na aminin kahit sa sarili nito ang tunay na nararamdaman para kay Bell. Sunod-sunod na tumango na lang siya para mapagbigyan ang loka-lokang pinsan.
“Oo, oo, iyon nga ang payo ko sa iyo.”
“Thank you. Thank you. Susundin ko ang payo mo. Malaki ang tiwala ko sa iyo eh. Alam kong hindi mo ako ipapariwara.”
Napailing-iling si Marymae.
“Loka-loka ka talaga, Jing-jing. Kung gusto mo naman pala talaga iyong tao, hindi mo na kailangan pa ng rason o palusot. Aminin mo na lang.”
“Ha! Mana lang ako sa iyo. Okay, mabalik tayo tungkol sa inyo ni Cinda---“
“Shut up, Jing-jing.”
Malakas na napahalakhak na lang si Jing-jing.
“Seriously, Marymae. Ano na bang nangyayari sa inyong dalawa? Pansin ko, lately, masigla siya at panay ang ngiti kapag nagti-text. I’m making a very wild guess here na ikaw ang ka-text niya kapag ganoong para siyang tangang ngingiti nang walang dahilan,” seryosong wika ni Jing-jing.
Bumuntung-hininga si Marymae at inilapag ang hawak na kutsara sa loob ng bowl ng ginataang mais. Uminom muna siya ng sago’t gulaman bago sinagot ang pinsan.
“I guess we’re friends now. Ewan ko. Basta tinutulungan ko siya sa pag-aalaga kay Baby Rocco.”
“Pero akala ko ba kumuha na siya ng yaya?”
“Oo nga. Pero madalas pa rin narito sa akin si Baby Rocco o kaya ako ang naroon sa bahay niya. Ayaw kasi niyang ipagkatiwala mag-isa kay Yaya Macing si Baby Rocco. Mas gusto pa rin niya na kung wala siya, nandoon naman ako para sa bata. Natatakot sigurong itakbo ni Yaya Macing si Baby Rocco. Kapag nangyari nga naman iyon, malamang ipa-salvage siya ng pinsan niya.”
For the past five days ay mistulang extension ng bahay niya ang bahay ni Cinda. Araw-araw ay nagtutungo siya sa bahay ng binata para bisitahin at alagaan si Baby Rocco. Two days ago lang dumating ang kinuhang yaya ni Cinda. Gayunpaman ay hinihiling pa rin nito na bisitahin at alagaan niya ang pamangkin nito.
Minsan gusto na niyang isiping ginagamit lang dahilan ni Cinda si Baby Rocco para hindi siya maasiwa na makasama ito. Minsan gusto rin niyang isipin na paraan lang ng binata iyon para makipaglapit muli sa kanya. Pero wala naman itong ibang ipinapakitang indikasyon na may gusto pa rin ito sa kanya. Kung tratuhin nga siya nito ay para lang silang magkabarkada. Na para bang wala silang nakaraan.
“Hindi pa rin ba nakikita ni Jelly ang tatay ni Baby Rocco?”
“Hindi pa raw. Pero gabi-gabi siyang tumatawag at kinukumusta si Baby Rocco. Honestly, kung ako sa kanya, pababayaan ko na ‘yung siraulong lalaking iyon. Palalakihin ko na lang mag-isa ang anak ko at kalilimutan ko na ang walang kwentang lalaking iyon. Tutal halata namang willing si Cinda na tulungan siya sa pagpapalaki kay Baby Rocco. Kaya kung father figure ang hanap niya para sa anak niya, nariyan si Cinda. You really should see Cinda with Baby Rocco, Jing. Ang cute-cute niyang tignan,” napapangiting aniya.
Who knew that it only takes a three-month old baby to turn the bad boy into a wonderful father figure? Napakahaba ng pasensya ni Cinda sa sanggol. Noong unang gabi ngang nasa poder nito si Baby Rocco at magdamag na ginambala ng bata ang tulog ni Cinda ay walang angal ang binata. Saksi siya kung paanong kahit halatang lulugo-lugo na sa antok ay pinipilit ni Cinda na bumangon upang palitan ng diaper at bigyan ng gatas ang sanggol. Nawalang saysay ang hininging pabor ng binata na sa bahay na muna nito siya magtrabaho ng magdamag na iyon para daw may katulong ito sa pag-alaga sa sanggol. Kahit kasi handa naman siyang ihinto ang ginagawa at asikasuhin si Baby Rocco, si Cinda ang mismong pumipigil sa kanya. Ituloy lang daw niya ang ginagawa niya at ito na ang bahala sa bata.
“Cinda, bakit mo pa ako pinapunta rito kung wala rin naman pala akong gagawin para kay Baby Rocco? Pwede bang matulog ka na lang at ako na ang bahalang tumingin-tingin sa kanya. Bukas ng umaga, kapag matutulog na ako, ikaw naman ang magbabantay sa kanya. Kaya kailangan mo ng pahinga,” giit niya sa binata.
“Sigurado ka ba? Ayoko sanang istorbohin ka pero wala talaga akong ibang mahihingan ng tulong sa ngayon. Pero bukas na bukas rin, hahanap ako ng yaya niya. This is the first and last time I’d bother you, Mae,” kunot-noong ani Cinda.
“Sus! Ngayon ka pa nahiya. Kung ayokong tulungan ka, tingin mo papayag akong maistorbo mo? Besides, para kay Baby Rocco ito.”
Pero hindi agad nakahanap ng yaya si Cinda kinabukasan kaya naman siya pa rin ang kapalitan nito sa pag-aalaga kay Baby Rocco. At kahit may yaya na ang bata, hindi pa rin niya maatim na basta na lang ipaubaya iyon sa yaya. That cute, quiet baby that reminds her so much of what Cinda was like when he was a baby had already captured her heart. And she couldn’t help but think that it was the same way the baby’s uncle captured her heart.
“Pero sa tono ni Jelly, mukhang in love pa rin siya dun sa lalaki,” pagpapatuloy na kwento niya kay Jing-jing. Hindi niya maiwasang malangkapan ng inis ang boses patungkol kay Jelly. Mas importante pa ba na makita nito ang ex nitong nang-iwan dto kaysa sa makasama nito ang baby nito?
“Hmm...at sa tono mo rin mukhang in love ka pa rin kay Cinda,” komento naman ni Jing-jing.
Natigilan siya. Walang maapuhap isagot sa pinsan. Kaya naman nagkasya na lang siya sa paglagok muli ng sago’t g