Silver Belles-Santi, Baby Chapter 26

Nag-inat at humikab si Marymae pagbangon mula sa kama. Sinulyapan niya ang wall clock sa kanang dingding ng silid niya. Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa poste sa labas ay nakita niyang alas-kwatro y medya ng umaga pa lang. Madilim pa sa labas at tahimik.

Hindi naman siya magtatrabaho dahil ugali na niya na bago magsimula muli ng panibagong nobela ay nagpapahinga muna siya ng isang linggo. Pero marami pa rin siyang gagawin ngayong araw. It was time to put up her Christmas decorations and to start her Christmas shopping. Kaya kailangan na niyang bumangon.

Lumabas siya ng kwarto niya at nagtungo sa banyo na katabi lang ng kwarto niya. Para lang mapatda nang maulinigan niya ang pamilyar na boses na kumakanta mula sa direksyon ng sala. Noon niya biglang naalala na naroon pa nga pala sa poder niya sina Cinda at Baby Rocco. Dito sa bahay niya natulog ang magtiyo kagabi. Katabi niya sa kamang natulog si Cinda.

And yes, that was all they did. Natulog lang sila matapos silang puyatin ni Baby Rocco dahil sa maya’t mayang pag-iyak nito. Nahihirapan kasi ang sanggol na makatulog dahil sa kabag nito. Payo ni Yaya Macing hilutin lang nila ng baby oil ang tiyan ng bata. Pero napagkasunduan nila ni Cinda na kapag sumapit ang umaga at panay pa rin ang iyak ng bata ay dadalhin na nila ito sa ospital. Bagay na halata nilang ikinatawa ni Yaya Macing. Kulang na lang sabihin ng matanda na OA sila ni Cinda. Pero maano ba, mas mabuti na iyong sigurado kaysa mapahamak pa ang sanggol.

Parang malamig na yelong humahagod sa dibdib ang boses ni Cinda habang inaawitan nito ang sanggol.

Napapangiti na sumandal siya sa dinding at pinagmasdan ang magtiyo. Nakaupo sa armchair si Cinda habang nakahiga sa throw pillow na ipinatong nito sa hita nito ang sanggol. Parang nakakaintindi na kung panoorin at pakinggan ni Baby Rocco si Cinda.

Kahit sino ay makikita kung gaano kalalim na ang pagkahulog ng loob ni Cinda sa bata. Sa totoo lang, nangangamba siya sa oras na kunin na ni Jelly ang anak nito sa kanila. May pakiramdam siyang hindi magiging madali para kay Cinda ang ibalik sa tunay nitong ina si Baby Rocco. Nanikip ang dibdib niya sa pag-iisip sa sakit na tiyak na idudulot ng paglayo ni Baby Rocco sa kanila. Kaya para palisin iyon ay malakas na tumikhim siya at sinabayan ang pagkanta ni Cinda sa sanggol.

Lumapit siya sa magtiyo. Naupo siya sa arm rest ng upuan ni Cinda at ipinatong ang braso niya sa balikat nito.

“Good morning, baby boy. Wala ka nang topak? Hindi na masakit ang tummy mo?” masuyong aniya sa sanggol habang hinahaplos ang tiyan nito.

Ikinawit ni Cinda ang isang braso sa baywang niya.

“Mae?”

“Hmm?” lingon niya sa binata.

Sa halip naman tumugon ay matamang tinitigan lang siya ng binata. Pagkuwan ay bumaba ang tingin nito kay Baby Rocco. Parang may gusto itong sabihin na hindi nito alam kung paano sabihin.

“Are we okay now?”

Napakunot-noo siya. Ano’ng ibig nitong sabihin?

“Ha? Ano’ng---“ natigilan siya nang maunawaan kung ano ang ibig nitong sabihin.

Hindi nila pinag-usapan ang namagitang halik sa kanila kahapon. Bigla kasing nagsidating sa bahay nito ang iba pang kabanda nito at nagkaroon sila ng biglaang salo-salo bilang selebrasyon sa engagement nina Chrisma at Wayne. Pati si Bell ay dumating. Kaya naman hindi na sila nagkaroon ng pagkakataon ni Cinda na magkasarilinan. Pero walang sandaling hindi nasa tabi niya si Cinda. kung hindi ito naka-akbay sa kanya, hawak-hawak naman nito ang kamay niya.

Kaya naman panay ang tukso nina Jing-jing sa kanila. Kinakantahan pa sila ng mga ito ng kung ano-anong theme song ng reunited lovers. Iiling-iling na natatawa lang si Cinda.

“Oh, well...” hindi niya itinuloy ang sasabihin. Sa halip ay tumayo siya at bumalik sa silid niya. Kinuha niya mula sa jewelry box niya ang kwintas na may pendant na HIS. Isinuot niya iyon bago siya lumabas muli ng silid niya. Pero natigilan siya nang madatnan niyang nakayuko at tila estatwang walang buhay na nakaupo si Cinda.

“Cin?” nag-aalalang tawag niya sa binata. Halos mapauklo siya sa labis na kabiglaan at gulat nang makita ang pagdurusang nakabadha sa mukha ng binata. Pero mistulang hinawing ulap na napalis iyon nang dumapo ang tingin nito sa kwintas na suot niya. Noon niya nahinuha na nagkamali ito ng akala. Inisip nito na pagtanggi ang dahilan ng biglang pag-alis niya.

“I thought you said no,“ bulong nito. Tumayo ito at humakbang palapit sa kanya. Iniyakap nito ang isang braso sa katawan niya habang karga-karga nito sa isa pang braso si Baby Rocco.

“I’m sorry. Gusto ko lang sanang kunin muna ito at isuot ulit.”

Binitiwan siya nito at may binunot mula sa loob ng kwelyo nito. Nakagat niya ang pang-ibabang labi sa pagpipigil na mapahikbi nang makitang suot-suot na pala nito ang kwintas na may pendant namang HERS.

“I only took it off that day you saw me mowing the lawn with my shirt off. Ni minsan hindi ko hinubad ito mula nang isuot ko,” pag-amin nito sa kanya.

Mahinang tinampal niya ito sa dibdib.

“Sabi ko na nga ba, sinadya mo talagang gawin iyon para akitin ako.”

“Of course. I was willing to do anything to make you notice me again.”

“At ang paglipat mo diyan sa kabilang bahay?”

“Nang sabihin sa akin ni Jing-jing na dito ka na titira, pinaalis ko ‘yung umuupa diyan sa bahay ko para makalipat ako at mapalapit ulit sa iyo. The moment I heard from Jing-jing that you broke up with what’s-his-name, I planned to get you back. Humahanap lang ako ng tiyempo. Ayoko namang bigla na lang sumulpot ulit sa buhay mo pagka-break ninyo. Ayokong maging panakip-butas mo lang sakaling pansinin mo ulit ako. Gusto ko, sa pagkakataong ito, kung pagbibigyan mo ulit ako, hindi na kita pakakawalan. I’d do everything right this time,” determinado ang tono at anyong anito.

Masuyong hinaplos niya ang mukha nito.

“I still love you.”

“And I never stopped loving you, Mae.”

“Please don’t break my heart again?”

“Pangako, Mae. Hinding-hindi na kita sasaktan.”

Magaang na naglapat ang mga labi nila. Pero agad rin silang naghiwalay dahil biglang umigkas ang kamay ni Baby Rocco at nasapol ang bibig ni Cinda. Nagtawanan sila.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.