Kung tutuusin, malaki na ang ipinabago ng dalaga sa dalagitang kaklase niya noon na itinuring niyang matalik na kaibigan. Kaya naman hindi niya maipaliwanag kung paano niya nakilala ang dalaga sa kabila ng mahigit labindalawang taon nang lumipas mula nang huli silang magkita.
She was already cute and pretty back then. She was one of the most popular girls in school. Isa sa in crowd dahil palakaibigan na, lagi pang muse dahil maagang natutong mag-ayos ng sarili. Masasabi ring isa ito sa mga mean girls ng school. Pero kahit ganoon ay hindi siya nainis o nangilag rito noon. Ang babae pa nga ang naging ka-date niya sa JS prom nila noong third year highschool sila.
Dahil doon binansagan silang Beauty and the Beast nang gabing iyon. Mukha kasi siyang hipan lang ng hangin ay liliparin na dahil sa sobrang payat niya, nilalamon ng malaking salamin niya ang buong mukha niya at kahit hindi siya nagsisinungaling, mistula siyang si Pinocchio sa haba ng ilong niya. But Nikki didn’t care. He never felt like he was ugly whenever she looks at him. Ibang tao lang naman ang laging nanlalalit sa kanya.
Sa totoo lang, hanggang ngayon hindi niya alam kung bakit siya kinaibigan ni Nikki noon. At humahanga siya sa dalagitang nakilala niya noon dahil sa pakikipagkaibigan nito, ang highschool days niya ay kahit papaano, naging masaya sa tuwing kasama niya ito. Forgetting her had always been bittersweet. Pinili niyang kalimutan ito dahil sa kabiguan niya sa pag-ibig niya rito noon. Pero hindi niya maitatanggi na ito rin ang bukod tanging maganda sa lahat ng mga alaala ng panahong iyon.
“Hindi mo pwedeng gawin sa akin ito, Keith!” gigil na gigil na sigaw ni Nikki sa lalaking kaharap nito. Nakakuyom pa ang mga kamao ng dalaga na parang nagpipigil masuntok ang lalaki. Naaaliw na napasandal siya sa kotse niya at tinitigan ang mukha ng dalaga.
Nikki was obviously still the spitfire she was back in highschool.
“I’m sorry, Nikki. I really am. But I just don’t love you anymore. I love Xena. At kung hindi ko siya hahabulin, mawawala na siya ng tuluyan sa akin,” himig nakikiusap ang tono ng lalaking malaki ang hawig kay Dennis Trillo. Kayumanggi nga lang ito at higit na mas matangkad kaysa sa naturang aktor. The man was also wearing eyeglasses and was dressed like he just came from a prayer meeting. Puting polong nakabutones hanggang leeg nito, itim na slacks na plantsadong-plantsado at maging ang buhok nito mistulang plinantsa sa tuwid.
“Wala akong pakialam kahit habulin mo pa siya hanggang sa buwan! Ang tinutukoy ko ay huwag mong ibenta ang bahay natin! Saan kami titira ni Katie?!” singhal ni Nikki.
Sa puntong iyon ay napalitan ng simangot at pagkunot ng noo ang ngisi ni Santi. Asawa na ba ni Nikki ang lalaking kaaway nito?!
“Para din naman sa atin ito. Kapag naibenta ko na ang bahay, kalahati ng mapagbebentahan ay mapupunta sa iyo. Hindi naman ako ganoon kagago para hindi ibalik sa iyo ang parte mo sa ipinang-downpayment natin roon. Alam kong pinaghirapan iyon ng Lola mo,” may halong sarkasmo ang tono ng lalaki.
“Pero hindi naman basta maibebenta agad iyon! Tapos gusto mo agad-agad umalis na kami ni Katie roon? Saan mo kami patitirahin? Sa kalsada?! Paano na si Katie? Maaatim mong palayasin na lang sa bahay natin ang anak natin?! Basta mo na lang siyang iiwan at kalilimutan? Ano’ng klaseng ama ka?!” sunod-sunod na sumbat ni Nikki sa lalaki.
Naniningkit na kumuyom ang mga kamao ni Santi. Gustong-gusto na niyang lapitan ang lalaking kaaway ni Nikki at undayan iyon ng suntok sa nguso. Ano’ng klaseng ama nga ito? Bakit ganitong lalaki ang pinakasalan ni Nikki?!
Inis na napabuga naman ng hangin ang naturang lalaki. Naihagod pa nito ang kamay sa buhok nito.
“Nikki, ayoko nang makipagtalo sa iyo tungkol kay Katie. Bahala ka na kung ano’ng gusto mong gawin sa kanya---“
“Anak mo siya! May karapatan siya sa bahay na iyon at sa oras mo!”
“For the fucking last time, Nikki! Hindi ko anak si Katie! Wala akong pakialam kahit na ano pang gawin mo sa kanya! Iligaw mo kung gusto mo, wala akong pakialam!”
Gilalas si Santi. Hindi siya makapaniwala sa narinig mula sa lalaki. Ano’ng klaseng gago ito para itanggi ng ganoon ang sariling anak nito?
“Ang sama mo, Keith! Ang sama-sama mo!” sigaw ni Nikki. But Santi knew it wasn’t really anger that was making Nikki’s face red. Nagpipigil na ang babae na mapaiyak. Kahit noon, ganito ang babae kapag naiiyak, idinadaan sa galit at sigaw imbes na sa luha.
At gustong-gusto na ni Santi na udyukan ang babae na suntukin sa nguso ang walanghiyang lalaki na malinaw na dating asawa nito. Kung hindi naman kaya ng babae na suntukin ang ex nito, siya na mismo ang magpiprisintang gawin iyon para dito.
“Dammit! Wala akong anak na aso, Nikki! Hindi ako aso, hindi ka rin aso at isa pa iyan sa mga hindi ko maintindihan sa iyo! Kung gusto mong tratuhing anak iyang aso mo, bahala ka, wag mo akong idamay sa kabaliwan mo!” tuluyan nang nabugnot ang lalaki. Padaskol na binuksan nito ang pinto sa driver’s seat ng sasakyan nito at sumakay roon.
Natigilan si Santi. Pagkuwan ay napailing at napapalatak. Sa pagkakataong iyon, nauunawaan na niya ang lalaki. Kung siya lang rin ang lalaki, malamang nga itakwil din niya ang “anak” niya.
“Sige,lumayas ka na! Huwag na huwag ka nang magpapakita pa sa akin kung hindi rin lang tungkol sa ipinang-downpayment ko sa bahay natin ang sadya mo sa akin!” galit na sigaw ni Nikki sa papalayong sasakyan ng ex nito.
Pagpihit ni Nikki ay eksaktong nasalubong nito ang tingin niya. Nahigit ni Santi ang hininga niya sa paghihintay ng magiging reaksyon ng babae sa pagkikitang muli nila. Pero sa halip na ngumiti at kumustahin siya, isang matalim na tingin ang pinukol ng babae sa kanya.
“Ano’ng tinitingin-tingin mo diyan? Ngayon ka lang nakakita ng magandang iniwan ng ex-boyfriend niya at ipinagpalit sa kamukha ni Madame Auring na matandang hukluban na?! Oo! Mas pinili niya si Madame Auring kaysa sa akin! Taksil na walanghiya at may mommy issues ang lalaking iyon!” singhal ni Nikki sa kanya. Pinameywangan pa siya nito na tila siya naman ang hinahamon ng away.
Naaaliw na napahalukipkip si Santi. “You don’t remember me, do you?”
“Kailangan ba? May atraso ba ako sa iyo? May utang ba ako sa iyo?” biglang napakunot-noo ang babae. Nagdududang hinagod siya nito ng tingin mula sa tuktok ng cap na suot niya pababa sa sa sneakers niya. Sa hitsura ng babae at sa pasimpleng pagpihit ng katawan palayo sa kanya, tila naghahanda na itong umatras at kumaripas ng takbo palayo sa kanya.
“It’s me, Nikki.”
“Nikki rin ang pangalan mo?” napamulagat ang babae.
Eksasperadong naiikot niya ang mga mata. Tinanggal niya ang cap na suot at hinayaan ang babae na makita ang buong mukha niya. Alam niyang malayo na sa dati ang hitsura niya. Pero hindi naman siya nagpa-plastic surgery kaya posibleng makilala pa rin siya nito. Age just improved and developed his strong features. And what looked odd on his younger self now looked good and perfect for his much older self. Hindi sa pagmamayabang pero ang mukha niya ang isa sa mga dahilan kung bakit karamihan sa mga fans ng Silver Belles ay mga babae.
“Santiago?!” bulalas ni Nikki.