Humakbang ang babae palapit sa kanya. Walang pasintabing hinawakan nito ang baba niya at itinaas ang mukha niya para mas matitigan siyang mabuti. Pagkuwan ay ipinaling nito pakanan at pakaliwa ang mukha niya.
“Ikaw nga, Santi! Ano’ng nangyari sa iyo?! Oh my god! Ang gwapo mo na! Paano ka gumwapo ng ganyan?!” puno ng kagalakan ang boses at anyong bulalas muli ni Nikki.
Bago pa siya makasagot ay mahigpit na siyang niyakap ng babae.
“Santi! Ang tagal na nating hindi nagkita! Ano’ng nangyari sa iyo?! Na-miss kita sobra!”
“Nikki! Hindi ako makahinga,” impit ang boses na angal niya dahil sa higpit ng pagkakayakap ng babae sa kanya.
Natatawang niluwagan naman nito ang mga brasong nakayakap sa kanya at tiningala siya. Hayag pa rin sa anyo nito na hindi ito makapaniwalang siya nga ang kaharap nito ngayon.
“Kumusta na?” tanong niya rito.
Bahagyang nalukot naman ang ilong nito. “Obviously, hindi mabuti. Pero ikaw, grabe. Hindi talaga ako makapaniwalang ikaw iyan. Boses mo lang yata ang hindi nagbago.”
Napangisi siya. “I know. But I recognized you right away. You still look young and beautiful.”
Malakas na natawa si Nikki. “Natural naman. Young and ubod ng beautiful kasi talaga ako.”
“Listen, babe, papunta ako sa bahay nina Cinda ngayon. Wanna come with me? You remember my cousin Cinda, don’t you? I missed you too. Come with me para makapag-usap pa tayo,” paanyaya niya sa babae.
Puno ng panghihinayang na umiling naman si Nikki.
“Gusto ko nga sana pero may trabaho pa ako. Lunch break ko lang kaya nakalabas ako para komprontahin ang bwisit na ex ko. Kailangan ko nang bumalik sa opisina,” tugon nito sabay turo sa gusaling katapat lang ng convenience store.
“Then just give me your number so I can call you. Gusto ko talagang makausap ka, babe. It’s been way too long.”
Inilabas niya ang cellphone niya at kinuha ang numero ng babae. Ibinigay rin niya rito ang numero niya. Cellphone, landline at pati na numero sa bar na pag-aari nila ni Cinda.
“Okay. I’ll call you soon so we can get together again, okay?” aniya rito.
“Okay.”
Hanggang sa makapasok na sa gusali kung saan naroon ang opisina nito at nakasunod pa rin ang tingin ni Santi kay Nikki. Kahit hindi siya tumingin sa salamin ay alam niyang isang malawak na ngiti ang nakapaskil sa mga labi niya. Unexpectedly seeing Nikki again after all these years brought a different kind of joy to his heart.
~~~~
Nag-inat at humikab si Nikki pagbangon mula sa kama sa loob ng guest room sa bahay ng kaibigang si Micha. Sinulyapan niya ang wall clock sa kanang dingding ng silid. Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa poste sa labas ay nakita niyang alas-kwatro y medya ng umaga pa lang. Madilim pa sa labas at tahimik. At kahit hindi nakabukas ang electric fan niya ay napakalamig.
Ni isa sa mga kasama niya sa bahay ay wala pang gising. Mamayang ala-sais pa ang gising ni Micha dahil tanghali pa ang pasok nito sa eskwelahang pinagtuturuan. Bandang ala-singko y medya naman ang gising ng nanay ni Micha na si Nanay Vilma. Gayundin ang tatay ni Micha na si Tatay Ralph pati na ang mga kapatid ni Micha na nagsisipasok sa eskwela at trabaho.
Sa mahigit tatlong linggo na niyang pakikipanuluyan sa bahay nina Micha ay kabisado na niya ang oras ng gising ng pamilya. At bibihira siyang maunang magising sa mga ito. Pero matapos ang narinig niya kagabi na mahinang pagtatalo nina Micha at ng mga magulang nito, sobrang kapal na ng mukha niya kung hindi pa siya magsisikap na bumangon ng maaga ngayon.
Marami siyang gagawin ngayong araw. Kaya kailangan na niyang bumangon kahit na mula pa noong isang linggo ay isa na siyang dakilang tambay. Dahil tuluyan na siyang natanggal sa trabaho niya bilang sekretarya sa pinapasukang employment agency.
Oo, slight na nakisimpatya sa kanya ang amo niya nang malaman ng matandang dalagang babae kung bakit dalawang linggo na siyang parang buang na biglang humahagulgol ng iyak sa loob ng opisina, kung bakit lagi siyang late at lagi siyang absent. Pero hindi pa siya regular na empleyado sa kompanya. At dahil sa wika nga ng amo niya ay kawalan niya ng professionalism, wala itong maggagawa kung hindi tanggalin siya sa trabaho.
Ano kung pinagtaksilan siya ng fiance niya, pinalayas sa bahay na dapat sana ay magiging pugad ng pagmamahalan at bubuuing pamilya nila? Hindi niya nagagampanan ang mga responsibilidad niya sa trabaho kaya adios, sesante na siya!
Kung may kilala lang siyang mangkukulam, malamang pinakulam na niya ang amo niyang hindi pa yata nai-in love kahit kailan kaya hindi alam kung paano magluksa ang isang pusong sinugatan. Pero sa totoo lang, aminado naman siyang kasalanan niya ang nangyari. Dahil sa kapalpakan niya sa trabaho, wala na nga siyang bahay na matutuluyan, nawalan pa siya ng pagkakakitaan.
Pasalamat na lang siya at kinupkop siya ni Micha matapos siyang mapilitang mag-alsa balutan mula sa ipinaggawa nilang bahay ng dating fiance niyang si Keith. Hindi sila nagli-live in ni Keith sa bahay na iyon. Ang usapan kasi nila ay magsasama lang silang tumira doon kapag kasal na sila. Umuupa sa apartment si Keith at siya lang at ang aso niyang si Katy ang nakatira sa bungalow na magkatulong nilang ipinatayo ni Keith. Pero dahil nakatayo ang bahay sa lupang pag-aari ni Keith at seventy percent ng ipinagpatayo sa bahay ay mula sa bulsa ng lalaki, siya ang itsapwera sa bahay.
Ang bahay na binabalak ng hudas, talipandas, taksil, walang konsensya at walang kaluluwang ex-fiance niya na pagdalhan sa babaeng ipinalit nito sa kanya. Dalawang taon, anim na buwan, isang linggo at tatlong araw ng relasyon nila ang basta na lang itinapon ni Keith para sa mukhang matronang Madame Auring na iyon! Kung alam lang niyang mother figure pala ang hanap ni Keith sa isang babae, sana hindi na siya nag-abalang magpaganda, magpaseksi at magpaka-fashionista para sa lalaki.
Sa pag-aakalang si Keith na ang forever niya, buong puso niyang inilagak para sa pagpapatayo ng bahay nila ni Keith ang naiwang pamana ni Lola Ima sa kanya. It wasn’t that much. Nang magkasakit kasi si Lola Ima noon, lahat ng mga ari-arian nito pati na ang bahay nila ay naibenta nila para ipangtustos sa pagtungo nila sa States upang doon ito makapagpagamot.
Saglit na bumuti naman ang lagay ni Lola Ima. Akala nila cancer-free na ito. Pero pinaasa lang pala sila dahil ilang buwan lang matapos ang surgery ni Lola Ima, natuklasan nilang bumalik na naman ang cancer nito. At mas mabilis at mas malala na ang pagkalat ng cancer cells nito. Hanggang sa manghina at sumuko na ang sariling katawan ni Lola Ima. Masakit man tanggapin ay wala na silang maggagawa kung hindi lunukin ang kaalamang wala nang pag-asa pang gumaling ang kanser ni Lola Ima. Nagpumilit ang lola niya na bumalik na sila dito sa Pilipinas. Dito raw nito sa bansa gustong mamatay. And just a few weeks after they came back here in the Philippines, tuluyan na siyang iniwan ni Lola Ima. Apat na taon na ang nakakaraan mula nang mangyari iyon. Pero parang kahapon lang nangyari iyon para sa kanya. Lalo na kapag nami-miss niya si Lola Ima.
Ipinilig ni Nikki ang ulo upang mapalis ang kalungkutang nagsisimulang sumakop sa dibdib niya pagka-alala kay Lola Ima. Kahit siguro ilang dekada pa ang lumipas, mananatiling hungkag ang espasyong sinasakop ni Lola Ima sa puso niya. Hinding-hindi mawawala ang pangungulila niya kay Lola Ima kahit maging singtanda na siya ng babaeng kumupkop, umaruga at nagmahal sa kanya ng higit pa sa pagmamahal na ibinigay ng sarili niyang mga magulang, Pero salamat sa pagpapalaki ni Lola Ima sa kanya at pagtuturo kung paano maging matatag, kahit mag-isa na lang siya sa buhay at wala nang ibang maituturing na malapit na kapamilya, kinakaya niyang magpatuloy sa buhay.
At kung ang pagkawala nga ni Lola Ima ay nakaya niya, tiyak niyang makakaya rin niya ang pagkawala ni Keith sa buhay niya. Pati na ang pagkawala ng tirahan niya at ng trabaho.
Lumabas siya ng kwarto niya at nagtungo sa banyo na katabi lang ng kwarto niya. Matapos niyang mag-shower at magbihis ay dumiretso siya sa kusina. Hindi niya kadugo si Lola Ima pero sa matiyagang pagtuturo nito sa kanya mula pa noong bata siya, masasabi niyang namana niya ang husay nito sa kusina. At ngayon, bilang pambawi man lang sa pagpapatira sa kanya nina Micha dito sa bahay ng pamilya nito, ipagluluto niya araw-araw ng almusal ang buong pamilya. Pero pagpasok niya sa kusina ay nadatnan niyang naroon na si Nanay Vilma at abala na ito sa pagsasangag at pagpiprito ng tocino.
“Good morning, Nanay!” masiglang bati niya sa babae.
“Gandang umaga,” tipid na tugon nito. “Magkape ka na, may mainit na tubig na. Maaga ka bang aalis ngayon?”
Natigilan si Nikki sa pagkuha ng tasa mula sa cabinet. Nilingon niya si Nanay Vilma.
“Ho?”
“Hindi ba maghahanap ka raw ng trabaho ngayon sabi ni Micha? Kako, kung maaga kang aalis?”
“Ah, oho, oho.”
Sunod-sunod na tumango siya. May kutob siyang kung hihindi siya ay baka tuluyan na siyang palayasain ni Nanay Vilma. Nauunawaan naman niya ito. Hindi naman siya anak nito para libreng palamunin at patirahin sa bahay nito hanggang sa wakas ng panahon. Gustuhin man niyang magtampo, walang saysay. Alangan namang isumbat pa niya rito ang lahat ng mga naitulong niya sa pamilya nito noong may pera pa siya at buhay pa si Lola Ima?
Tahimik na lumapit na lang siya sa mesa at naupo habang hinihigop ang kape sa hawak na tasa. Saan naman kaya siya mag-a-apply ng trabaho ngayon? Kung mag-apply na lang rin kaya siya sa kompanya ng pinapasukan ni Micha bilang call center agent? Pero mahina siya sa puyatan. Bumabagsak ang katawan niya at nag-i-stay-in ang mga pimples sa mukha niya kapag nagpupuyat siya.
Sa opisina ulit? Pero ayaw na niya sa opisina. Malamang nga kung hindi siya naunang sesantihin sa employment agency ay siya na ang kusang magre-resign doon. Dahil tulad ng ibang mga pinasukan niyang trabaho mula nang mamatay si Lola Ima, hindi niya rin matagalan ang trabahong iyon. Kung hindi nga lang niya kailangang buhayin ang sarili niya, ayaw na sana niyang pumasok pa sa opisina.
Because what she really wanted to do was be a perfect wife. Have a perfect family with the perfect guy of her dreams. Sa malas, sinira, winasak, pinilas-pilas ng walanghiyang ex-fiance niya ang pangarap niyang iyon.