Silver Belles-Santi, Baby Chapter 7

Mahina lang ang volume ng stereo kung saan nakahiligan nang pakinggan ni Nanay Vilma ang FM station kung saan nag-o-on the job training ang kapatid ni Micha na si Jacko. Pero dahil mahina nga lang ang volume ng stereo, hindi agad narinig ni Nikki ang pamilyar na boses na kumakanta ng pumapailanlang na Christmas song mula sa stereo. Ngayon lang niya narinig ang Christmas song na iyon. Pero ang malamig at lalaking-lalaking boses na kumakanta niyon ay pamilyar na pamilyar sa kanya. Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa stereo.

“Si Santi! Nanay Vilma, si Santi iyan!” bulalas niya kay Nanay Vilma. Napatayo siya at lumapit sa stereo upang lakasan ang volume niyon.

Javier Santiago Silverino sa birth certificate nito si Santi. Pero dahil sa pagkakamali niya sa pagbasa sa ID nito, inakala niyang Santiago ang apelyido nito sa halip na Silverino. Uso noong highschool na apelyido ang tawagan kaya naman Santiago ang madalas niyang itawag sa lalaki. Hanggang sa paikliin niya iyon at gawing Santi.

They used to be bestfriends. Until the day he tried to tell her he loved her. Bagamat nagkunwari si Santi noon na nagbibiro lang ito, alam niyang totoo ang mga sinabi ng binatilyo tungkol sa nararamdaman nito para sa kanya. Pero marahil nang mahalata ni Santi ang pagka-asiwa niya, nagpasya na lang ang binatilyo na bawiin ang sinabi at palabasing nagbibiro lang ito para hindi naman ito mapahiya sa kanya. Or worse, mabasted niya at layuan.

Ang totoo, bago pa magtapat si Santi sa kanya noong araw na iyon ay nabanggit na sa kanya ng mga kaibigan niyang sina Glorena at Kitkat ang kutob ng mga ito na may gusto si Santi sa kanya. Siyempre, noong una ay hindi siya naniniwala kina Glorena at Kitkat. Ang tingin at turing lang kasi niya kay Santi noon ay kaibigan.

Kaya naman gulat na gulat siya matapos ang tangkang pagtatapat nga ni Santi sa kanya noon na dagli rin namang binawi ng binatilyo. Hindi niya gustong saktan at ipahiya si Santi sa pagtanggi sa nararamdaman nito. Kaya naman labis-labis ang pasasalamat niya nang palabasin nitong nagbibiro lang ito. Gayunpaman, kahit na pareho nilang ipinalabas na isang malaking biro lang iyon, nagkaroon pa rin ng lamat ang pagkakaibigan nila.

Unti-unting lumayo sa kanya si Santi. Bagay na ikinasama ng loob niya rito. At dala ng pride at para maipamukha rito na wala siyang pakialam lumayo man ito sa kanya, hindi siya nag-exert ng effort para makipaglapit ulit rito. Kung ayaw na nitong maging kaibigan siya, ‘di huwag! Hindi siya desperada para habulin at amuin ito. Isa pa, siya ang babae kaya hindi siya dapat ang naghahabol rito.

At nang tumuntong na sila ng college at lumipat sila sa Bulacan ni Lola Ima, tuluyan na silang nawalan ng komunikasyon ni Santi.

She never really thought that she’d hear from Santi again after all these years. Kaya naman nagulat siya nang bigla niyang makita sa isang New Year’s Eve countdown TV show si Santi ilang taon na ang nakakaraan. From bullied nerd to lead guitarist of a rock band? It was too shocking!

Si Santi ang classic example ng isang zero to hero na lalaki. Wala kasing maniniwala na dati ay mukha itong kalansay na bubuyog dahil sa sobrang kapayatan nito at laki ng suot na salamin sa mata. Dahil sa hitsura at pagiging nerd nito noon, biktima ito madalas ng pambu-bully. Pero ngayon, ang lead guitarist ng papasikat na bandang Silver Belles ang perpektong deskripsyon ng isang playboy rockstar. At isang suicidal na tao lang ang makakaisip na i-bully pa ang binata ngayon. Dahil sa laki ng mga muscles ni Santi ngayon, tila kayang-kaya nitong i-bench press ang sinumang mambu-bully rito.

At nang magkita sila ni Santi two weeks ago sa harapan ng dating opisina niya, hindi niya agad nakilala ang binata. Ibang-iba na ang hitsura nito.

He was a lot taller now. Medyo mahaba ang alon-along buhok nito. Ang matangos na ilong nitong dating tampulan ng tukso ng mga kaeskwela nila ay bumagay sa matitigas na anggulo ng mukha nitong bahagyang natatakpan ng anino ng balbas at bigoteng tila bagong ahit. He was still lean but he was now also muscled. Hindi na payatot tulad noon. Sa halip mukha na itong modelo sa ganda ng tindig at pangangatawan.

Kung may hindi man nagbago rito, iyon ay ang ngiti nito. Ngiting kapag nakatutok sa kanya ay para bang inaanyayahan din siyang gumanti ng ngiti rito. But his dark brown eyes that used to be so serious back in highschool was now full of mischief.

Mula nang araw na magkita sila ay araw-araw nang nagti-text at tumatawag sa kanya si Santi. Nangungumusta at maya’t maya ay nagyayayang magkita sila. Paanyayang hanggang ngayon ay hindi niya pa mapagbigyan. Parang walang labindalawang taon na lumipas kung tratuhin siya ng binata. At nang malaman ni Santi ang tungkol sa pagkakatanggal niya sa trabaho noong isang linggo, agad itong nag-alok sa kanya ng trabaho.

Pati bahay nito ay inialok nito sa kanya nang mapilitan siyang aminin rito na nakikitira lang siya sa bahay nina Micha mula nang umalis siya sa bahay nila ni Keith.

Pero nahihiya naman siyang tanggapin ang alok ng binata. Kailan lang ulit sila nagkita ni Santi tapos sasamantalahin na

niya ang kabutihan nito?

Pero ano nga kaya kung tanggapin na nga niya ang alok ni Santi? They used to be best friends. Siguro naman kung tatanggapin niya ang iniaalok na tulong ng binata ay hindi masama. Hindi naman sila magka-away nang maghiwalay noon. Nauubusan na rin siya ng mga kaibigang mapapakiusapan na matirhan sakaling palayasin na nga siya nina Nanay Vilma. Sawa na siyang magpalipat-lipat ng matutuluyan na siyang ginagawa niya nitong nakalipas na dalawang buwan mula nang umalis siya sa bahay nila ni Keith.

Malakas ang kutob niyang any moment now ay palalayasin na siya nina Nanay Vilma. At ngayong wala siyang income na pumapasok, hindi siya maaaring mangupahan dahil tiyak masasaid ang naghihingalo na nga niyang bulsa.

Bumunot siya ng malalim na paghinga. At bumuo ng plano sa isip tungkol sa susunod na hakbang niya. Mahirap lunukin ang pride. Pero mas mahirap kung puros laway na lang ang lulunukin niya dahil ni isang kusing wala na siya sa bulsa.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.