Skylander Series Chapter 19

“Miss, dito na tayo,” untag ng taxi driver kay Kimberly nang ihimpil nito ang sasakyan. Luminga siya sa paligid. Napakadilim niyon at nababalutan ng fog ang paligid dahil alas siyete na ng gabi.

“Heto po ang bayad, mama,” aniya at ibinigay dito ang bayad.

“Miss, sigurado ka ba na dito ka pupunta?” paniniyak ng driver na parang atubili na ibaba siya sa lugar na iyon. Ilang na lugar kasi iyon at mangilan-ngilang bahay lang ang nadaanan nila kanina.

“Opo. Iyon po kasi ang address na ibinigay sa akin,” matatag niyang sabi kahit siya mismo ay nagsisimula na ring kabahan. Kung hindi lang siya iniisip ang kapakanan ni Rohann, hindi siya pupunta doon.

Napakamot sa ulo ang taxi driver. “Delikado dito. Sabi nila, maraming multo dito. Lalo na sa abandonadong bodega sa address na iyan. At kung may tao man riyan, mga halang ang kaluluwa.”

Pilit siyang ngumiti. “Okay lang po talaga ako, Manong. Sige po,” aniya at bumaba na ng taxi.

“Kung gusto mo, sasamahan na lang kita hanggang sa loob,” pahabol pa nito nang isara niya ang pinto.

“Salamat na lang po sa pag-aalala, Manong.”

Nang makaalis ang taxi ay saka siya pumasok sa kalawanging gate. Bumuglaw sa kanya ang isang abandonadong gusali. Gaya nga ng sabi ng mamang driver, di nakapagtatakang bahayan iyon ng mga multo. Sira-sira na kasi at hindi na name-maintain. Ngunit mukhang mas madalas iyong tambayan ng mga taong kuwestiyonable ang katauhan tulad ng naging barkada ng kuya niya. Dahil na rin sa mga vandalism sa pader.

Maya maya pa ay naulinigan na niya ang malakas na tunog ng hard rock music. Napansin din niyang may nakasinding ilaw. Iyon ang tinalunton niya.

Muntik na siyang mapasigaw nang may lalaking amoy-alak at sigarilyo na humarang sa daraanan niya. “Hi, Miss!” anito at inilapit pa ang mukha sa kanya. Nakasuot ito ng bandana at punit-punit na pantalon. Mukhang hindi ito marunong mag-ahit. Gusto na sana niyang umurong at magtatakbo palayo nang makita niya si Rory na nakatayo sa likuran nito.

“Huwag mo siyang galawin, Bart. Kapatid iyan ni Luigi.”

“Ganoon ba?” animo’y nanghihinayang na sabi ni Bart at nakangisi siyang tiningnan. “Maganda kasi, Rory. Pwede bang arbor na lang?”

Tangkang hahaplusin nito ang pisngi niya nang tampalin niya ang kamay nito. Humalakhak lang palayo si Bart at binalikan ang mga kabarkada nito na pawang nag-iinuman at parang dragon kung humitit ng sigarilyo.

“Ano ba talaga ang kailangan mo sa akin, Rory?” tanong niya. Wala na siyang planong magtagal pa sa lugar na iyon.

“Sabi mo mag-uusap tayo, hindi ba?” Ibinuka nito ang dalawang kamay. “Kaya nandito ako. At idinala ko pa ang buong tropa dito sa Baguio.”

“Ano pa bang gusto mo? Comatose na nga si Jet, hindi ba? Paano mo pa siya lalabanan? So there is no use having this conversation, right?”

“Not so fast, Kim.” Namaywang ito at hinarangan ang daraanan niya nang tangka siyang aalis. “I didn’t ask you to come here for nothing. Bakit hindi ka muna pumasok at sa loob tayo mag-usap?”

Humalukipkip siya. “I don’t have time for this. Kung gusto pa rin ninyong gumanti kay Jet, huwag mo na akong isangkot.”

“Ikaw na mismo ang nagsabi, comatose na si Jet. Wala nang kwenta kung lalabanan ko pa siya. Nasaan ang challenge doon?”

“So what is your point?” may bahid ng iritasyon niyang tanong.

“If Jet can’t fight, he has a brother who can.”

“Si Rohann?” tanong niya at napigil ang paghinga.

Lumakad ito paikot sa kanya at tumigil sa likuran niya. “I saw him fight. He is as good as Jet. Maybe even better. Siya ang gusto kong makalaban.”

“W-Why Rohann? Si Jet ang kalaban mo,” aniya sa nangininig na boses.

“Hindi lang si Jet ang magaling. At lahat ng magagaling ang gustong makalaban ng grupo ko. It was your brother’s vision. To be the ultimate fighter. He wanted to be number one. And we fight to win. Hindi kami tumatanggap ng pagkatalo. You are right. Di ako masisiyahan kay Jet dahil daig pa niya ang lantang gulay. But I’m sure Rohann could give us a good fight.”

“Walang oras sa kalokohan ninyo si Rohann,” aniya sa mas matatag na boses. Hindi niya dapat ipahalatang natatakot siya. “At ganoon din ako. Ikaw na ang nagsabi na marami pang magagaling. Sila na lang ang kalabanin mo.”

“Who told you that Rohann doesn’t have time for this?” kampante nitong tanong habang naglalaro ang matagumpay na ngiti sa labi. “Of course he is coming.”

Gulat siyang humarap dito. “Paanong…”

Hinawakan nito ang baba niya. “Alam niya na hawak ka namin.”

Siya pala ang pain ng mga ito. Susugod si Rohann doon sa pag-aakalang nasa panganib siya. Ni hindi nito alam kung ano ang maari nitong kasapitan.

Sinampal niya ito. “Damn you! Wala kang karapatan na paglaruan si Rohann. Tao siya. He is not a fighting machine,” aniyang humihingal sa galit.

Itinaas nito ang mga kamay at ngumisi. “Calm down! Hindi ka naman namin sasaktan. After all, you are Luigi’s sister.”

Nangilid ang luha niya. “Pero sasaktan ninyo si Rohann.”

“He won’t get hurt if he is a good fighter. Pero kung lampa siya, matutulad din siya sa kuya niya. Or worse, baka hindi na siya sikatan ng araw.”

“No!” sigaw niya.

Nang tangka niyang sasaktan si Rory ay agad siyang pinalibutan ng mga tauhan nito at hinawakan siya kaya hindi siya nakalapit dito. “Ito na ang chance natin para gumanti sa pumatay sa kapatid mo.”

“Hindi na ako kasama sa plano ninyo,” aniyang hindi mapigil umiyak. Matagal na niyang kinalimutan ang paghihiganti mula nang mahalin niya si Rohann.

“My poor Kim,” nanunuyang sabi ni Rory at pinahid ang luha niya. “It is a bit late to wash your hands. Lalo na’t ang tumulong sa amin para magawa ang plano na ito. You helped us to find Jet and discover Rohann’s talent. So why don’t you make yourself comfortable? Mamaya lang, dadating na ang knight in shining armor mo para sagipin ka.”

NANGANGALAY na sa pagkakatali ang mga kamay ni Kimberly sa likod ng upuang kahoy. Labinlimang minuto na siguro siya sa ganoong ayos. Hinihintay pa rin ng grupo nila Rory ang pagdating ni Rohann. Subalit hindi bukas sa mukha ng mga ito ang pagkainip dahil libang na libang sa paglalaro ng pusoy. Gusto man niyang tumakas, hindi iyon magiging madali. Kung may magagawa lang sana siya para bigyang babala si Rohann.

Umangat ang mukha niya nang hangos na pumasok si Bart na nagsilbing lookout sa labas ng bodega. “Rory, nandito na siya.”

“Sige, kalagan na ninyo si Kim. Magsisimula ang palabas,” utos ni Rory.

Habang kinakalagan siya ay saka naman pumasok si Rohann. Bakas ang magkahalong pag-aalala at galit sa mukha nito nang makita siya. “Nandito na ako,” wika ni Rohann sa matigas na boses. “Pakawalan na ninyo siya.”

Pumiglas siya nang pilit siyang itinayo ng mga tauhan ni Rory. “Rohann, umalis ka na! Huwag mo na akong intindihin.”

Hindi siya sasaktan nila Rory. Ang alam niya, malalakas lang ang nilalabanan ng mga ito tulad ni Rohann.

“Hindi namin pakakawalan ang girlfriend mo hangga’t hindi namin nakukuha ang gusto namin sa iyo,” sabi ni Rory.

“Ano bang kailangan mo sa akin?” tanong ni Rohann.

“Malaki ang atraso sa amin ng kapatid mo,” anang si Rory na hindi maitago ang galit. “Nang maglaban kami, ilan sa mga kasamahan namin ang nasaktan nila at isa sa mga kagrupo ko ang namatay. Dahil doon, na-kick out kami sa university. Hinding-hindi ko siya mapapatawad. At dahil hindi na siya makakalaban, ikaw ang magbabayad sa kasalanan niya.”

Ibinuka ni Rohann ang mga bisig na parang niyaya pa si Rory na saktan ito. “Gawin ninyo ang lahat sa akin. Labanan ninyo ako kung gusto ninyo. Basta huwag mo lang idamay si Kim. Pakawalan ninyo siya. Wala siyang kinalaman sa gulong ito.”

Humalakhak na parang nakaka-insulto si Rory. “Madali talagang bilugin ang ulo mo. Sino naman ang may sabi na walang kinalaman si Kim dito?”

“Rory, don’t!” pakiusap niya. Hindi niya alam kung ano ang maaring mangyari sakaling malaman ni Rohann ang totoo.

Subalit nagmistulang bingi si Rory. Hinatak siya nito sa braso. “Hindi mo ba alam na malaki ang atraso ng kapatid mo sa pamilya ni Kim? Kuya niya ang napatay ni Jet. At siya mismo ang nag-volunteer na hanapin kung nasaan ang kuya mo.”

Tumutok sa kanya ang matiim na mga mata ni Rohann. Wala na siyang makitang pagmamahal doon. “Ginamit mo lang ako para makaganti sa kuya mo,” puno ng akusasyon nitong sabi.

Pumikit siya nang mariin dahil hindi niya alam kung paano dedepensahan ang sarili sa galit nito. “Rohann, no! Makinig ka sa akin. Sa una ko lang naman naisip na maghiganti. Pero nagbago ang lahat ng iyon nang malaman ko ang totoong nangyari. Akala ko kasi…”

Iniwas ni Rohann ang tingin sa kanya. “Ikaw na mismo ang nagsabi na gagantihan mo ang kuya ko. Let’s leave it that way, Kim,” walang emosyon nitong sabi. “Wala ring mangyayari kung magpapaliwanag ka pa.”

Impit siyang napaiyak. Hindi na naniniwala si Rohann sa kanya. Kung noong una pa lang ay sinabi na niya ang totoo, baka sakaling wala sila sa ganoong sitwasyon. Baka hindi napahamak si Rohann.

“Too bad, hindi ka na gustong pakinggan ni Rohann,” nang-iinis na sabi ni Rory at itinulak ulit siya sa mga tauhan nito. “Naiinip na ako. Hindi ko kayo pinapunta dito para magdramahan. Simulan na natin ang laban.”

“Tama na, Rory! Pabayaan mo na si Rohann. Patay na ang kuya ko. Comatose na si Jet. Tumigil ka na!”

“Shut up, Kim!” sigaw ni Rohann. “You can have your revenge now. Huwag ka nang magkunwaring concern sa akin.”

Napasigaw siya nang may sumipa sa sikmura ni Rohann. Alam niyang nasaktan ito subalit nagmistula itong walang naramdaman. May sumapak dito. Inaasahan niyang makakailag dito subalit nasapol ito sa kaliwang pisngi. Nang may isa pang suntok na tumama sa balikat nito ay hindi pa rin ito gumalaw. Wala itong ginawa para depensahan ang sarili.

At kinilabutan siya dahil nakatuon sa kanya ang mga mata nitong puno ng matinding poot. As if he was accepting each blows for her own pleasure. Akala siguro nito ay nasisiyahan siya sa nakikita. Umiling siya habang patuloy na bumabalong ang luha sa mata niya. Gusto niyang sabihin dito na kung nasasaktan ito, mas matindi ang sakit na nararamdaman niya. Ngunit walang salitang lumabas sa bibig niya.

“Boss, ayaw lumaban,” reklamo ni Bart. Duguan na ang mukha ni Rohann at mabuway na rin ang tayo ngunit hindi man lang ito gumalaw kahit minsan.

“Akala ko ba bibigyan mo kami ng magaling na kalaban?” angal ng isa pa.

“Layuan ninyo siya!” utos ni Rory sa mga kagrupo. Nang magsilayo ang mga ito ay iritado nitong binigyan ng isang suntok sa sikmura si Rohann. Nalugmok si Rohann ngunit hindi man lang ito umangal na nasaktan ito. Nagmistula itong human punching bag. Hinawakan ni Rory ang baba nito at hindi man lang ito pumiglas kahit na bahagya. “Ano bang klaseng laban ito? Hindi kami nagpunta dito para lokohin mo lang. Bigyan mo kami ng magandang laban!”

Nanatiling nakatuon ang mga mata ni Rohann sa kanya. “Paalisin ninyo si Kim dito. Ayoko siyang makita.”

Kinimbatan ni Rory ang mga tauhan. “Mga bata, ilabas ninyo si Kim dito.”

Pilit siyang kumawala sa mga humahawak sa kanya. “Hindi! Hindi ako aalis dito hangga’t hindi ko kasama si Rohann. Kung gusto ninyo, ako na lang ang saktan ninyo. Huwag na lang siya. Si Rohann na lang ang pakawalan ninyo, Rory!” pagmamakaawa niya. Gagawin niya ang lahat para magkapalit sila ng pwesto ni Rohann. Kung iyon lang ang paraan para mabura niya ang matinding hinanakit sa mga mata nito.

“Umalis ka na!” galit na utos ni Rohann sa kanya.

Nasaktan man siya sa pagtataboy nito ay lalo niyang pinalakas ang loob. Caught off guard ang mga bantay niya kaya nagawa niyang makawala sa pagkakahawak ng mga ito. Sa halip na tumakbo palayo ay dinaluhan niya si Rohann.

“Rohann, I will stay here. Poprotektahan kita,” aniya at lumuluhang hinaplos ang duguan nitong mukha. “I love you, Rohann.”

Nagulat siya nang itulak siya nito palayo. Nagpilit itong tumayo at pinunasan ng likod ng palad ang dugo sa gilid ng labi. “Get out of my sight, Kim. Ayoko nang marinig pa ang mga kasinungalingan mo.”

“Hindi ako nagsisinungaling, Rohann. Mahal talaga kita.”

Lalong nagbaga ang galit sa mga mata nito. “Tama na! Huwag mo nang sabihin na mahal mo ako dahil hindi naman iyon totoo. Minsan mo nang nagamit sa akin ang salitang iyan. You can’t fool me twice,” maasidong sabi nito.

Pinilit niya itong abutin ngunit itinayo na siya ni Rory at inilayo dito. “I want a good show, Kim. And you are ruining it.”

“Go to hell, Rory!” bulyaw niya dito. Wala na itong inisip kundi makipaglaban nang wala sa lugar. Kung alam lang niya ang tunay nitong kulay, hindi na sana niya hinayaang magkaroon ng kaugnayan ang pamilya niya dito.

“Yeah, I will! And I’ll bring your precious Rohann with me,” anito at humalakhak na parang demonyo. Hindi na niya magawang makapanlaban nang ibigay ulit siya nito sa mga tauhan nito. “Ilayo na ninyo siya dito.”

Napaiyak na lang siya nang ilabas siya ng bodega at isakay sa nakaantabay na kotse. Napalingon siya nang marinig niya ang malakas na sigaw ni Rohann. Magkahalo iyong galit at sakit. Parang pinunit niyon ang puso niya.

“Rohann!” sigaw niya sa pagitan ng pag-iyak. Hanggang makalayo ang sinasakyan niya ay patuloy pa rin siya sa pagsigaw. Ngunit wala nang Rohann na sumagot sa mga tawag niya.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.