Skylander Series Chapter 21

Welcome to Sagada, Mt. Province

Ipinikit ni Kimberly ang mga mata nang mabasa ang welcome sign sa gilid ng daan. Matapos ang ilang oras na puro bangin at matataas na bundok, sa wakas ay nakarating din siya. Galing sila sa Ifugao kung saan nag-provide sila ng medical service sa mga tribo doon. Saka sila tumuloy sa Sagada kung saan dati nang nagme-medical mission ang mga kasama niyang mga doktor.

“Akala ko hindi na tayo makakarating,” sabi ni Marivic, isa sa mga kasama niyang doktor at inunat ang kamay. Lahat kasi sila ay pagod na pagod. Ni hindi na niya na-appreciate ang ganda ng Banaue Rice Terraces noong nasa Ifugao sila. Wala kasi siyang nasa isip kundi ang manggamot at magpahinga pagkatapos.

“Saan tayo tutuloy dito?” tanong niya nang hindi idinidilat ang mga mata.

“Sagada Guesthouse,” sagot ni Randy, ang head ng medical mission nila. Isa itong doktor sa St. Luke’s Medical Center at madalas mag-organize ng medical mission kasama ang mga volunteer doctors na tulad nila sa mga liblib na lugar. “Kilala ko kasi ang may-ari niyon.”

“First time mo dito, no?” sabi ni Evelyn.

Dumilat siya at sumulyap sa bintana. Ang mga rice terraces na inaakala niyang kulay berde ay nagkukulay dilaw dahil sa mga sunflowers na namumulaklak sa gilid niyon. “Yeah. Sa ibang province kasi ako naisama ni Randy.”

“Tiyak na mag-e-enjoy ka dito,” excited na sabi ni Evelyn. “Saka malamig dito. Mataas kasi ang altitude.”

“Kasing lamig din ba ito ng Baguio, Eve?” tanong niya. Bigla niyang na-miss ang lugar. She felt the urge to go back to that place. Nagbabaka-sakali siyang may malaman kung nasaan ang himlayan ni Rohann.

“Hindi. Hamak na mas malamig dito kaysa sa Baguio. Noon ngang galing kami dito at sa Baguio kami tumuloy, lahat kami nagtanggal ng jacket. Nasanay na kasi kami sa lamig dito.”

“Gaano ba ito kalayo sa Baguio?”

“Six to seven hours. Usually, doon kami dumadaan pabalik ng Manila para mamili ng pasalubong.”

“Dadaan ba tayo doon?” excited niyang tanong. May pag-asa na siyang mahahanap si Rohann. Sa unang pagkakataon, bahagyang nagkaroon ng kulay ang mundo niya. Kahit libingan na lang sana ni Rohann ang madalaw niya.

“Hindi tayo pupunta doon,” anang nagbababalang boses ni Randy at nagsalubong ang mata nila sa rearview mirror.

Pinayagan siya ng mga magulang niya na sumama sa medical mission sa kondisyon na hindi sila pupunta ng Baguio. Alam ng mga ito na hahanapin niya kung nasaan si Rohann. Namatay ang pag-asa niyang makita ang namayapang nobyo.

Nanatili siyang tahimik hanggang humimpil ang sasakyan nila sa harap ng isang lodging house. Sinalubong sila ng isang magandang babae. Elegante pa rin itong tingnan kahit sa simpleng white blouse at bandanna skirt.

“Welcome to Sagada Guesthouse,” nakangiting bati nito.

Kinamayan ito ng mga kasamahan niya. “Nakabalik ka na pala galing sa New York,” sabi ni Randy. “Pasalubong namin.”

“Mamaya na iyon,” sabi ng babae. “Pasok muna kayo sa loob. Pagod siguro kayo sa biyahe.” Napatingin ito sa direksiyon niya. “May bago yata kayong kasama.” Inilahad nito ang palad. “Hi! I’m Mikhaila.”

“Dr. Kimberly Mercado,” pagpapakilala niya at kinamayan ito.

“Kimberly Mercado?” ulit nito sa pangalan niya at mataman siyang tinitigan. Humigpit ang pagkakahawak nito sa palad niya kasabay ng pagkawala ng ngiti. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang pagtalim ng mga mata nito.

“Why? Is there something wrong?” tanong ni Evelyn nang napansing natahimik si Mikhaila.

Muling ngumiti si Mikhaila at binitiwan ang kamay niya. “I thought I know you. Pero kapangalan mo lang pala. Come in!” anyaya nito at bumalik na naman ang pagiging friendly ng boses.

Weird. Pero natakot talaga siya sa mga mata ni Mikhaila. Parang may kasama iyong kinikimkim na galit. Natitiyak niyang noon lang sila nagkita nito. Ngunit minsan na niyang nakita ang mga mata nito. Nang gabing inakala ni Rohann na isa siyang kaaway at niloko niya ito. Nang gabing mawala ito sa kanya.

“ANG tahimik dito, di ba?” sabi ni Evelyn habang nagsusuklay ng buhok. Naghahanda na ang mga ito sa pagtulog. Magkasama ang mga ito sa kuwarto. Habang sila ni Randy ay tig-isa ng kuwarto. Sa regular room lang sila nakatuloy dahil puno ng guests ang mga private rooms. At mas gusto naman talaga niyang mag-isa sa kuwarto lalo na kapag dinadalaw siya ng masamang panaginip.

“At nakakaantok!” anang si Marivic at naghikab. “Ang aga-aga pa lang, tulog na ang mga tao dito. Alas nuwebe ang curfew nila.”

“Maybe it is the air,” usal niya at isinandig ang ulo sa gilid ng kama. Nakasalampak siya sa sahig na kahoy habang nagkukwentuhan sila. Mas komportable kasi siya sa ganoong ayos lalo na’t pagod siya.

Tinapik ni Marivic ang balikat niya. “Hey, baka makatulog ka diyan. Bumalik ka na sa kuwarto mo.”

“Oo nga. Maaga pa tayong gigising bukas. Mapapagalitan pa tayo ni Randy kapag nalaman niyang hindi pa tayo natutulog,” dagdag ni Eve.

“Ganito na ba talaga ang matatandang dalaga. Ang aga-agang matulog,” sabi niya saka nagmamadaling lumabas ng kuwarto.

“Luka-luka! Hindi pa ako matandang dalaga!” galit na sabi ni Evelyn na habol-habol siya ng unan. Bata pa naman talaga silang mga doktor. Pero kompara sa iba nilang mga kaedad, matandang dalaga na talaga sila. Nasa mid-thirties na kasi ang dalawa habang siya naman ay nasa late twenties.

Nawala rin ang ngiti niya nang mapag-isa sa inookupang silid. Sumandal siya nakasarang pinto at pinagmasdan ang madilim na langit mula sa bukas na bintana. Pumapasok ang malamig na hangin doon.

Tumayo siya sa tabi ng bintana at napapikit nang tumama ang malamig na hangin sa kanyang balat. Napakatahimik talaga ng lugar na iyon. She had never felt so serene and peaceful for a very long time. There was something about the place that relaxed her mind and soul. Marami na siyang mas popular na lugar na narating. Na maraming tao ang nagsasabing nakatagpo sila ng kapanatagan. Pero ang kapanatagang hinahanap niya ay noon lang niya naramdaman sa Sagada.

Dumilat siya nang may maramdamang kumaluskos sa baba. Nasa third floor siya kaya kitang-kita ang terrace ng second floor mula doon. May nakatayong lalaki doon na may kahabaan ang buhok. Nakasuot ito ng blue knitted shirt at pantalong maong ngunit kung dalhin nito ang simpleng damit ay parang isa itong dignitary na nakasuot ng eleganteng damit para sa isang magarbong pagtitipon.

Kahit sa malayo, alam niyang batak ang katawan nito sa ehersisyo. And he also had an air of a warrior. Sa tayo pa lang nito, parang sanay ito sa pakikipaglaban. Which reminded her of Rohann.

Naramdaman marahil nito na may nakatingin dito at tumingin ito sa direksiyon niya. His piercing eyes met hers. Mga mata na pag-aari ni Rohann. As if a storm was brewing in those enthralling black eyes. Kumurap siya. Hindi siya maaring magkamali, si Rohann nga ang lalaking nakikita niya sa terrace. Kahit na ilang taon pa ang lumipas, alam niyang si Rohann ito.

“Rohann!” tawag niya dito. Sa loob ng napakahabang panahon, hinintay nilang magkita silang muli ni Rohann kahit sa puntod na lang nito. Maging sa panaginip niya, hinihintay niya ang mensaheng ibibigay nito ngunit wala.

She didn’t believe in ghost. Ngunit sa pagkakataong ito, sisirain niya ang lahat ng pinaniniwalaan niya makita at makausap lang si Rohann.

Ngunit inalis nito ang tingin sa kanya at umalis ng terrace. Iiwan na siya ni Rohann. Hindi siya papayag. Nagmamadali siyang tumakbo palabas ng silid at bumaba ng hagdan. Pababa ng second floor ay nakita niya ang imahe ni Rohann na bumababa ng hagdan.

“Rohann!” tawag ulit niya dito ngunit hindi ito lumingon. Nagpatuloy lang ito sa paglalakad pababa.

Hindi niya ito dapat pakawalan. Kailangang maabutan niya ito. Marami siyang mga tanong. Marami pa siyang gustong sabihin.

Dilim ang sumalubong sa kanya pababa ng lobby ng guesthouse. Wala nang tao doon at tahimik na tahimik na ang paligid. Tulog na marahil ang lahat.

Narinig niya ang pag-ingit ng pinto. Lalabas na si Rohann. Kapag nakalabas na ito ng pintong iyon, baka hindi na niya ito makita pang muli. At habambuhay niya iyong pagsisihan.

“Rohann, sandali!” sigaw niya.

Ngunit nagkamali siya ng apak sa hagdang kahoy at nadulas siya. Tuloy-tuloy siyang gumulong pababa ng hagdan at naramdaman niya ang pagsalya ng katawan niya sa counter at pagtama ng ulo niya sa gilid niyon.

Pinilit niyang bumangon ngunit naramdaman niya ang pagkirot ng isang bahagi ng kanyang ulo. She has to get up. She has to go after Rohann.

Nakarinig siya ng yabag. Maya maya pa ay may umalalay sa kanya. “Huwag kang gumalaw, Kim. Baka makasama lang sa iyo,” anang boses ng isang lalaki na matagal na niyang hinintay na marinig. Ang boses ni Rohann.

Pilit niyang idinilat ang mga mata sa kabila ng pamimigat niyon. Nais niyang malaman kung tama ang narinig niya. Bumuglaw sa kanya ang mukha ni Rohann. She could see the concern in those loving eyes. Mga matang walang bahid ng galit at puno ng pagmamahal. Iyon ang totoong mga mata ni Rohann.

“Huwag mo akong iiwan, please?” pakiusap niya. Kung kailangang isama siya nito sa kabilang buhay, mas matutuwa pa siya. Basta huwag na itong mahiwalay pa sa kanya kahit kailan.

Inangat niya ang kamay upang haplusin ang mukha nito. Subalit unti-unti nang nagdilim ang paningin niya kasabay ng paggaan ng kanyang pakiramdam. Wala na siyang pakiramdam. Siguro nga ay sinusundo na siya ni Rohann.

KUMIKIROT ang ulo ni Kimberly nang magising. Pakiramdam niya ay nabasag na ang bungo niya. Nang idilat niya ang mga mata ay nakapaligid sa kanya ang nag-aalalang mga kasamahan.

“Buhay pa ako?” usal niyang may kasamang panghihinayang. Akala niya ay tuluyan na siyang kinuha ni Rohann kagabi. Akala niya ay hindi siya nito iiwan. Pero heto pa rin siya sa mundo ng mga buhay. Iniwan na naman siya nito.

“Aba’t gusto pa yatang mamatay ng bruhang ito,” anang si Evelyn na ihinahanda ang mga gagamitin sa medical mission. “Buhay ka pa. Kung suicidal ka, sorry pero nag-fail ang plano mo.”

“Eve!” saway dito ni Randy at natahimik ito.

Bahagya nang sumisikat ang araw. Marahil ay kanina pa nakabantay ang mga ito sa kanya. At matagal na oras siyang nakatulog. Muling kumirot ang ulo niya. Nang kapain niya ang noo ay may benda iyon.

“Six stitches iyan,” sabi ni Randy at inayos ang benda niya. Kapapalit lang marahil niyon. “Huwag mo nang masyadong galawin. Ano ba ang nangyari sa iyo?”

“N-Nadulas ako sa hagdan,” sabi niya. “Itatanong ko sana sa baba kung pwedeng um-order ng tea. Hindi kasi ako makatulog.”

Ayaw niyang ikwento sa mga ito na nakita niya doon ang multo ng namatay na niyang boyfriend. Baka isipin ng mga ito na may tama siya sa utak.

“Bakit hindi mo binuksan iyong ilaw? Nasa tabi lang naman ng hagdan ang switch,” tanong ni Randy at ibinalik ang mga gamit sa medicine bag.

“Hindi ko na naisip buksan.” Dahil ang tanging nasa isip lang niya ay mahabol si Rohann at makausap ito.

“Hindi ka kasi nag-iingat,” paninisi ni Marivic. “Sa halip tuloy na ikaw ang nanggagamot, ikaw pa ang gagamutin namin. Ano na lang ang sasabihin sa amin ng mga magulang mo? Na pinababayaan ka namin?”

“Pinuyat mo pa kami sa pagtahi diyan sa sugat mo,” sabi ni Eve. “Mukha tuloy akong bilasang isda. Paano pa ako mapapansin ng foreigners niyan?”

“Maganda ka pa rin kahit walang tulog,” sabi niya.

Ngumiti ito. “Talaga?” Pagkuwan ay biglang nagseryoso. “Bobolahin mo pa ako. Magpasalamat ka na lang dahil nandoon ang kapatid ni Mikhaila. Siya ang tumulong sa amin na dalhin ka sa hospital.”

“Sabihin mo sa kanya, salamat.”

Lalo siyang nakadama ng depression. Kung ganoon ay kapatid pala ni Mikhaila ang tumulong sa kanya at hindi si Rohann. Marahil ay nag-iilusyon lang siya kagabi. Paanong aalalahanin siya ni Rohann kung galit nga ito sa kanya?

Akala niya ay matatahimik siya kahit isang gabi lang sa pagpunta niya sa Sagada. Ngunit mas malala pa ang nangyari sa kanya. Hindi lang masamang panaginip ang lahat. Lalo pa yatang tumitindi ang pangitain ni Rohann.

“Magpahinga ka na at kami na ang bahala sa mga tao. Inumin mo na lang ang antibiotic diyan sa table mo. Magpapaakyat ako ng pagkain mamaya para sa iyo,” bilin ni Randy.

“Yes, Doc!” nakangiti niyang sabi. “Salamat sa tulong ninyo at pasensiya na sa abala.”

Dahan-dahan siyang bumangon. Lalo lang kasi siyang nanghihina kung mananatili siyang nakahiga sa kama. Wala naman ang mga kasamahan niya para sawayin siyang bumangon.

Itinukod niya ang mga kamay sa pader upang makalapit sa bintana. Bahagyang nawala ang pagsakit ng ulo niya nang mapagmasdan ang luntiang tanawin. Hindi niya iyon masyadong pinagtuunan ng pansin nang nakaraang araw dahil wala siyang nasa isip kundi ang trabaho niya. Panahon na siguro para ma-appreciate niya ang kagandahan ng lugar.

She smiled as she watched the white clouds kissed the mountain. Napakataas ng lugar na iyon. Siguro ay malapit iyon sa langit kaya nakikita niya si Rohann. Makikita pa kaya niya itong muli?

Naputol ang pagmumuni-muni niya nang may kumatok sa pinto. Iyon na marahil ang ipinadalang pagkain sa kanya nila Randy.

“Bukas iyan,” sabi niya habang hindi inaalis ang tingin sa magandang tanawin. “Pakilapag na lang diyan sa table. Salamat.”

“Maayos na ba ang pakiramdam mo?”

Bigla siyang napalingon nang marinig ang boses ng lalaki. Ang boses ni Rohann. Parang naestatwa siya sa pagkakatao sa tabi ng bintana nang makita kung sino ang nasa pinto. Ang multo ni Rohann.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.