Skylander Series Chapter 23

“Hindi kaya pagalitan ako ni Doc Randy kapag sumama ka sa amin?” tanong ni Evelyn habang inaalalayan siya papunta sa Igorot-type house na nasa likod ng guesthouse. Inimbitahan kasi sila ng ilang residente doon para maglibang. Nagdya-jamming kasi ang resident band ng Sagada doon kasama ang ilan pang bisita.

“Killjoy ka talaga,” sabi niya. “Okay na ang pakiramdam ko. Ininom ko ang lahat ng gamot na ipinaiinom ninyo. Makikinig lang ako sa jamming nila. Alangan namang naglilibang kayo habang nagmumukmok ako doon sa kuwarto ko. Palabasin naman ninyo ako ng lungga ko. Nakakainip na.”

“Paano kapag nangatwiran nang ganyan ang pasyente mo? Anong gagawin mo? Kukunsintihin mo rin?”

“Huwag ka nang kumontra. Halika na!” Hinila niya ang kamay nito. “Baka may nami-miss na tayo doon.”

Nang dumating sila ay masayang nagkakantahan ang mga naroon habang nakapaikot sa bonfire. Ipinakilala siya sa mga naroon subalit hindi niya maiwasang sulyapan si Rohann na tahimik lang sa isang tabi at nakatingin sa kanya. May babala sa mga mata nito. Sa halip kasi na umiwas siya dahil naroon ito, pumunta pa rin siya. Hindi niya matiis na hindi ito makita.

“Ikaw naman ang mag-request ng kanta, Kim,” sabi ni Marivic na katatapos pa lang tugtugin ang paboritong kanta.

“Okay. The Search is Over ng Survivors. Alam mo iyon?” tanong niya kay Nemra na may hawak ng gitara at singer din para sa gabing iyon. Madalas iyong kantahin ni Rohann sa kanya nang naging boyfriend niya ito. At hindi niya maiwasang maiyak noon kapag naririnig niya ang kantang iyon.

“Of course. Madalas nga naming tugtugin iyon lalo na kapag nandito si Rohann,” sabi nito at sinulyapan si Rohann.

“Favorite rin iyan ni Rohann,” segunda ni Kevin na part-time chef ng guesthouse at drummer ng banda.

Nasundan iyon ng kantiyawan. Sila lang ni Rohann ang hindi nakisali sa tuksuhan. Natahimik ang mga ito nang biglang tumayo si Rohann. “Eight o’clock na. Babalik na ako sa bahay.”

“Ang aga-aga pa,” anang si Lance na doon din tumutuloy sa guesthouse. “Nagkakatuwaan pa lang tayo, aalis ka na agad?”

“May training pa kasi ako bukas. Ayokong magpuyat. Magkantahan na lang ulit tayo bukas.”

“Sige, Rohann!” sabi ni Alex at kinawayan ito. “Magkita na lang tayo sa Sanctuary bukas. Doon kami tutugtog.”

Nagpatuloy ang kantahan ngunit hindi siya nakatiis. Tumayo na rin siya. “Babalik na ako sa kuwarto ko. Medyo malamig na at sumasakit ang ulo ko.”

“Sabi ko na kasi, huwag nang sumama,” paninisi ni Evelyn. “Sasamahan na nga kita sa taas.”

“Huwag na. Kaya ko na ang sarili ko. Matutulog na lang ako,” sabi niya. Nawalan na siya nang ganang magsaya dahil wala na si Rohann.

Paakyat na siya sa hagdan nang mapansin niya ito sa terrace. Nakaupo ito sa lounging chair habang nakatingala sa langit. Parang wala itong pakialam kahit na malamig ang panahon at bumababa na ang fog.

Maingat siyang naglakad at tumigil sa likuran nito. “Bakit umalis ka agad? Iniiwasan mo ba ako?”

“Iyon naman ang dapat, hindi ba?” anitong hindi itinago ang galit sa boses ngunit hindi siya nilingon. “Dapat lang na iwasan na natin ang isa’t isa.”

“Galit ka sa akin dahil ipinakanta ko ang kanta na paborito natin?”

Tumayo ito sa upuan at hinarap siya. “Nananadya ka ba, Kim? I don’t want to see anything or hear anything that reminds me of you.”

“Kung ganoon, hindi mo pa rin ako nakakalimutan.” Napipilan ito. “I know it is not yet over between us, Rohann,” pagpapatuloy niya at hinawakan ito sa braso. “Marami ka pang dapat malaman. Lalo na ang mga nangyari nang gabing…”

Binaklas nito ang pagkakahawak niya sa braso nito. “Wala na akong oras sa mga kasinungalingan mo. Hindi ko na gugustuhing balikan pa ang nakaraang sinasabi mo. Matagal nang tapos ang lahat sa akin. You ruined everything twelve years ago. Wala ka nang nakaraang babalikan.”

He walked away from her. She tried to go after him but Mikhaila blocked her way. “Pabayaan mo si Kuya Rohann.”

“Kanina ka pa nakikinig sa usapan namin?” gulat niyang tanong. Akala niya ay silang dalawa lang ni Rohann ang naroon.

Naging matiim ang maamo nitong mukha. “Nananahimik na si Kuya. May sarili na siyang buhay. Matagal ka na niyang kinalimutan. Kaya kalimutan mo na rin siya. Huwag mo na siyang guluhin.”

“Tell me, Mikhaila. How can I forget him if my world moves around him for twelve years? Hindi mo alam kung anong hirap ang dinanas ko dahil inakala kong patay na siya.”

“How I wished everything stayed that way. Sana nga, naniwala ka na lang na patay na si Kuya para hindi mo na siya binubulabog. I don’t really care about your pain. You deserve it,” maasidong sabi nito. “But my brother doesn’t deserve what you did. Inosente siya na idinamay mo sa gulo.”

“Inaamin ko na may kasalanan ako. But believe me, I love your brother.” At kung siya ang masusunod, mas nanaisin na niyang hindi naging kapatid si Luigi. Dahil ang pagkamatay nito ang gumulo sa tahimik niyang buhay.

“Ganyan ka palang magmahal,” anito sa nanunuyang tono.

She breathed deeply to control her emotions. Ayaw niyang magpakita ng kahinaan sa harap nito. Alam niyang hindi ito maniniwala na mahal niya si Rohann dahil patuloy nitong igigiit ang pagkakamali niya sa nakaraan.

“Hindi matatahimik ang kuya mo hangga’t may galit pa rin sa puso niya.”

“It won’t go away,” anang si Mikhaila. She tilted her chin up. Parang naghahamon ito. “Dahil hindi ka niya mapapatawad. Mas mapapatawad pa nga niya siguro ang mga gustong manakit sa kanya noon kaysa sa iyo. So plese, stop bothering may brother.”

“What if I keep on bothering him?”

Tumalim ang mata nito na nagpatapang sa maamo nitong mukha. “Ako mismo ang makakalaban mo. At hindi mo gugustuhing maging kaaway ako. Dahil kapag sinaktan mo ulit si Kuya Rohann, buong angkan ko ang makakalaban mo.”

ISINUOT ni Kimberly sa ulo ang hood ng parka at mahigpit iyong hinapit sa katawan. Walang kilatis siyang nakalabas ng guesthouse. Alas nuwebe y medya pa lang ngunit tulog na ang lahat ng guest. Alas diyes pa bago I-lock ang pinto ng guesthouse kaya sinamantala niya ang pagkakataon para puntahan si Rohann.

Hindi niya inintindi ang bahagyang pagsakit ng ulo dahil sa lamig. Mas matindi ang nararamdaman niyang kahugkagan sa dibdib tuwing maiisip niya na puno pa rin ng galit ang puso ni Rohann. Ayaw siya nitong pakinggan ngunit pipilitin niya itong makinig sa kanya hangga’t maniwala ito.

Mas tumindi ang lamig nang marating na niya ang villa ni Rohann na nasa mas mataas na lugar. Mas malayo pa pala iyon kaysa sa inaakala niya. Subalit naalala niya ang sinabi ni Rohann na hindi ito nagpupuyat.

Namamanhid na ang kamay niya kakakatok bago iyon bumukas. He was wearing a pajama while his robe was carelessly knotted. Kaya nakikita niya ang matipuno nitong dibdib.

His fingers raked his hair. “Bakit nagpunta ka dito? May kasama ka ba?”

Tumingin siya sa likuran niya at nagkibit-balikat. “Wala. Mag-isa lang akong pumunta dito.”

Tumiim ang labi nito at hinawakan siya sa braso. “Pumasok ka. Masyadong malamig sa labas. Hindi ka dapat nagpunta dito lalo na’t mag-isa ka lang. Hindi pa nga gumagaling ang sugat mo sa ulo, nagkikikilos ka na,” sermon nito. “Umupo ka. Magpapalit lang ako ng damit at ihahatid na kita sa guesthouse.”

Nanatili siyang nakatayo. “Hindi ako babalik doon hangga’t hindi ko nasasabi ang lahat ng gusto kong sabihin.”

Tumigil ito sa tapat ng may sinding chimney at nilagyan ng firewood. “I already made it clear. Wala na tayong dapat pag-usapan.”

“Mayroon. Pero ayaw mo lang makinig.”

“What’s the use of listening, Kim? You will be leaving in a few days. Mas magiging komplikado lang ang lahat. O hindi ka pinatatamik ng konsensiya mo?”

“Aaminin ko, gusto kong gumanti noon sa kuya mo. Simple lang naman ang dahilan kung bakit ako nagpunta ng Baguio. To extract information from you and to seek justice for my brother. Pero hindi ko gustong saktan ka. Sila Rory lang ang may plano noon dahil nalaman nilang comatose ang kuya mo at hindi na makakalaban. Kaya ikaw ang pinili nila. Pero wala akong alam na gagawin nila akong pain. Believe me, I gave up the idea of revenge when I loved you.”

“That is a big lie, Kim. Sinabi mo lang iyon para makakuha ka ng impormasyon laban sa kapatid ko.”

“I really love you, Rohann,” giit niya.

“Nagamit mo na iyan noon. It already worked. What’s the use of lying now?”

“It is the truth! Inilayo ako nila Papa dito. They brought me back to the States. Ginawa ko ang lahat ng paraan para may malaman kung saan ka nakalibing. Gusto kong tumakas noon. I nearly went crazy when I thought you died. And for twelve years, I keep on trying to find ways to see your grave.”

Mataman siya nitong pinagmasdan. “You don’t look a bit crazy to me. Mukha ngang masaya ka na. Eve told me that you are engaged to a rich businessman who is running for Congress next year.” Inilahad nito ang palad. “Congratulations!”

Walang emosyon niyang tiningnan ang nakalahad nitong palad. “I don’t love him,” matabang niyang sabi. “Ipinagkasundo lang kami ng mga magulang ko. He needs a wife from a political clan and my father has to clear our family’s debts.”

“Paano mo ako mapapaniwala na mahal mo ako kung magpapakasal ka rin naman pala sa iba?”

Lumapit siya dito. “I will do everything to make you believe.”

Sinalubong nito ang mga mata niya. “Make me,” hamon nito.

She brushed her mouth over his slowly, tentatively. She felt his powerful body when still. Then he suddenly became the aggressor. His tongue gently probed its way to her mouth. Daig pa niya ang tumalon sa nagyeyelong tubig. Hindi na ito ang batang Rohann na nakilala niya. He was more experienced and more expert.

Suddenly, twelve years without him was too much. She could feel her heart beating again. Her blood once more rushing through veins. She was alive again.

Itinulak siya nito palayo. “Akala mo ba maniniwala ako sa iyo?”

“I really love you, Rohann. I am willing to give up everything for you to forgive me. Kahit ibigay ko pa ang sarili kong buhay sa iyo.”

“Wala akong paggagamitan sa buhay mo. What I want is for you to get out of my life! I don’t love you anymore. Nawala na ang pagmamahal ko sa iyo mula malaman ko ang lahat ng kasinungalingan mo.”

Mariin siyang napapikit. “Alam ko naman na imposibleng mahalin mo pa ako.”

Tinalikuran niya ito at binuksan ang pinto. Bigla niyang niyakap ang sarili nang sumalubong sa kanya ang malamig na hangin at ang madilim na gabi. But that was the real road ahead of her. Rohann doesn’t love her anymore. Wala ring puwang ang kapatawaran sa puso nito. At kasalanan niya iyon.

Napahawak siya sa hamba ng pinto nang sumagid ang sakit sa ulo niya. Mabilis siyang inalalayan ni Rohann. “At saan ka pupunta?” Isinara nito ang pinto at inalalayan siya nito para umupo sa sofa. “Ang lamig-lamig sa labas at may sugat ka pa, maglalakad kang mag-isa?”

“Ano ba ang pakialam mo? You told me to get out of your life!” aniya at pilit na tumayo. Alam niya kung kailan susuko at kung kailan lalaban. At sa pagkakataong ito, wala na siyang kakayahan pa para paniwalain si Rohann. Mikhaila was right. She shouldn’t have bothered him.

“Hindi ko sinabing umalis ka sa bahay ko nang mag-isa!”

“Hindi ba iyon naman ang gusto mo?” aniya at iniwas ang tingin dito. Dapat ay hinayaan na siya nitong umalis ngayon habang kaya pa niyang lumayo.

“Hindi ko naman gustong mapahamak ka. I hate you but I don’t want to put your life in danger. Hindi na sana ako nakinig sa iyo kanina. Sana ihinatid na kita agad sa guesthouse. Hindi na kita pwedeng samahan doon ngayon dahil nakakandado na ang lahat ng pinto. At tiyak na magtatanong ang mga kasamahan mo kung saan ka nanggaling. Can you answer all their questions?”

“Hindi siguro. Pero hindi pwedeng hindi ako bumalik ng guesthouse.”

“May guestroom ako. You can stay there. At bukas ng madaling araw, ihahatid agad kita sa guesthouse. Pwede mong sabihing nag-jogging ka.”

“Are you this usually nice to an enemy?” she asked out of curiosity.

“You can’t do me any harm, can you?”

“I don’t have any intentions of harming you.” Mas gugustuhin pa niyang masaktan ang sarili kaysa dito.

“Kung ganoon, wala tayong pagtatalunan.” Inalalayan siya nitong tumayo at iginiya siya patungo sa guestroom. “Dito ka matutulog. If you need anything, don’t hesitate to tell me. Nasa kabilang kuwarto lang ako.”

“Thank you, Rohann.”

Hindi niya alam kung makakatulog pa siya ngayong alam niyang nasa kabilang kuwarto lang si Rohann. Malapit lang ito sa kanya. Halos abot kamay niya. Ngunit parang napakalayo rin nito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.