Naalimpungatan si Kimberly nang maramdaman niyang may nakatingin sa kanya. Bumangon agad siya nang makita si Rohann. “G-Good morning,” bati niya dito. Nagulat siya nang tingnan sa relo na alas otso na ng umaga. “Sorry. Tinanghali ako ng gising.”
Kinintalan siya nito ng halik sa noo. “Go back to sleep. Ilang araw ka nang laging puyat. Pupuntahan ko lang si James.”
Nailibing na nang nakaraang araw si Joann. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makausap ang pinsan ni Rohann na si James.
Tumayo siya at hinablot ang robe. “No. Sasama ako sa iyo. Ayoko yatang maiwang mag-isa dito sa bahay mo.”
“Sige. Hihintayin na lang kita sa labas.”
Matapos mag-shower at uminom ng tinimplang tsaa ni Rohann ay naglakad na sila papunta sa bahay nila James. May labinlimang minuto ring lalakarin iyon. But she didn’t mind. Maganda kasi ang paligid at parang namamasyal na rin siya. Sila lang ang tao sa daan. Halos lahat ay nasa bayan dahil market day.
Nagulat siya nang may humarang na Toyota Prado sa daraanan nila ni Rohann. May kasunod pa iyon na mga van. Mabilis siyang napakapit sa braso ni Rohann nang bumaba sa Prado ang Papa niya at ang mga bodyguards nito.
“P-Papa?” bulalas niya. “B-Bakit nandito kayo?”
“May natanggap akong tawag na kasama mo daw ang lalaking ito,” anito at puno ng insolenteng tingin si Rohann. Her father was arrogant and overbearing.
“S-Sino ang nagsabi sa inyo?” tanong niya. Subalit may hinala na siya kung sino iyon. Si Patricia. Ito ang paraa nito para ilayo siya kay Rohann. Sinabi nito sa Papa niya ang itinatago niyang sekreto.
“Hindi na mahalaga iyon. Pumasok ka na sa loob! Uuwi na tayo.”
“Ayoko, Papa!” aniya at lalong sumiksik sa tabi ni Rohann.
Naglatang ang galit sa mukha nito. “Hibang ka pa rin sa lalaking iyan! Nakalimutan mo na ba na pinatay ng kapatid niya ang Kuya Luigi mo?”
“May kasalanan din tayo sa kanya, Papa!” ganting sagot niya.
Napatiim-bagang ito at nagpapalit-palit ang tingin sa kanila ni Rohann. “Umuwi ka na, Kimberly. Alalahanin mong ikakasal ka na kay Kurt.”
She felt Rohann stiffen beside her. Sinabi niya dito na ayaw na niyang magpakasal kay Kurt. Pero kay Atasha pa lang niya nasabi iyon.
Huminga siya nang malalim. “Papa, I won’t marry him anymore.”
“Suwail ka! Ipagpapalit mo ang magandang kinabukasan na ihinanda ko para sa iyo para lang sa lalaking iyan,” anito at dinuro si Rohann. “Impertinente!”
Akmang sasampalin siya nito nang pigilan ni Rohann ang kamay nito at padarag na inilayo sa kanya. “Kahit ama kayo ni Kim, hindi ko kayo papayagan na saktan ninyo siya. Kung ako ang sasampalin ninyo, baka pumayag pa ako.”
“Huwag kang makialam dito.” Sinenyasan nito ang mga tauhan. “Ilayo ninyo ang anak ko sa lalaking iyan!”
Mabilis na humarang si Rohann. “Walang hahawak kay Kim o ako ang makakalaban ninyo,” banta nito at matiim na tinitigan ang may sampung bodyguard ng Papa niya.
Nag-urungan ang mga mala-higanteng alipores ng Papa niya. Alam marahil ng mga ito na kayang magpatumba ni Rohann ng kahit sampung malalaking tao.
“Wala kang karapatan sa anak ko!” bumubula sa galit na sabi ng Papa niya. “Inilayo na namin siya sa iyo! Wala siyang kinabukasan sa tulad mo!”
“This is not about Rohann’s rights, Pa. This is about my rights. My life. Hindi ako sasama sa inyo. Hindi ko iiwan si Rohann!” matapang niyang sabi.
Matagal siya nitong inilayo kay Rohann. Kay Rohann nakasalalay ang kaligayahan niya. At hindi siya papayag na pakawalan ang pagkakataon na makasama itong muli. Hindi siya aalis hangga’t hindi niya ito nakikitang masaya.
“Salot ka sa buhay namin!” bulyaw ng Papa niya kay Rohann. “Kayo ng kapatid mo. Sinira ng kuya mo ang plano ko para kay Luigi. Nawalan kami ng pagkakataon na maging masaya. Ngayon, ang nag-iisang anak ko naman ang kinuha mo sa amin. Sinisira mo ang mga plano ko.”
“Katulad ng pagkamatay ko?” tanong ni Rohann at tumiim ang anyo.
Namutla ang Papa niya ngunit mabilis din na nakabawi. “Wala akong kinalaman sa plano nila Rory na kalabanin ka. Ang kapatid mo lang ang gusto kong gantihan. Pero sana namatay ka na lang para natahimik na kami. Ginugulo mo lang ang buhay ng anak ko!”
“Papa!” saway niya dito. Paano nito hihilingin ang kamatayan ng nag-iisang lalaking mahal niya para sa makasarili nitong hangarin?
Tumutok sa kanya ang tingin ng Papa niya. “Iiwan kita sa lalaking iyan sa ngayon. Pero hindi ko ito palalagpasin. Magbabayad siya sa lahat ng gulong idinala niya sa pamilya natin. Makakarating ito kay Kurt.” Ngumisi ang Papa niya nang mabanggit ang pangalan ng mamanugangin. “Tingnan ko lang kung may ibuga ang lalaking iyan. Hamak na mas maraming bodyguard si Kurt. Pagbalik ko dito, tiyak kong mababawi na kita.” Kinimbatan nito ang mga bodyguard. “Mga bata!” anito at sinenyasan ang mga tauhan na magbalikan sa van.
Hindi pa rin nawawala ang takot niya kahit na nakalayo na ang Papa niya. Dahil babalik pa rin daw ito at kukunin siya. Ilalayo siya kay Rohann.
Niyakap siya ni Rohann. “Don’t worry. Hindi ka makukuha ng Papa mo. Hindi kita ibibigay sa kanya kung ayaw mo.”
He held her for a long time. Ayaw din niyang pakawalan pa siya nito. She felt protected in his arms. Kapag yakap siya nito, hindi siya makadama ng takot. Kahit ano pa ang mangyari bukas, walang mahalaga sa kanya kundi si Rohann.
BAHAGYANG yumukod si Kimberly bilang pamamaalam sa nanay ni Rohann. Dinalaw niya ang puntod nito bilang pagbibigay-galang. Nag-alay siya ng bulaklak at nagtirik ng kandila sa puntod nito. Alam kasi niya na ito ang isa sa pinakamahalagang tao sa buhay ni Rohann.
Nagulat siya nang may tumabi sa kanyang isang lalaki. “Hindi ko alam na may iba pang bisita si Nanay,” sabi nito at inilapag ang bulaklak sa tabi ng nauna na niyang inilagay doon.
She froze when she recognized Rohann’s brother. “Jet Madrigal.”
Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman sa lalaking sinisising pumatay sa kapatid niya. But she felt nothing. Mas natatakot pa nga siya sa maaring maramdaman nito sa kanya. Considering that his two sisters have violent reaction towards her.
“Ikaw siguro si Kimberly,” nakangiti nitong sabi. “Weird. Dito pa tayo nagkakilalang dalawa.”
“Ipinakilala na ako sa iyo ni Rohann noon.”
“Kailan?” nagtataka nitong tanong.
“When you were unconscious. Idinala niya ako doon.”
“Ah,” anito at mahinang tumawa. “Pwede ba tayong mag-usap? Kakausapin ko lang si nanay. Dinalaw ko sa States si Tatay. Gusto lang basahin ko ang ginawang tula para kay nanay.”
“Sure,” aniya at dumistansiya dito. Na-touch siya sa pagmamahal ng tatay nito sa nanay nito. Parang mga magulang niya na lumipas man ang panahon, mahal pa rin ang isa’t isa.
Napansin niyang nginingitian siya ni Jet. Unlike Mikhaila and Arwen who didn’t hide their hostility towards her. Maya maya ay lumapit na sa kanya si Jet. “Arwen and Aki told me you wanted to stay.”
“I want to. I have to do it for Rohann. I don’t know if you will believe me. Pero wala akong intensiyon na saktan siya.”
Tumigil ito at pinagmasdan ang kabuuan ng poblacion ng Sagada na tanaw na tanaw mula sa taas ng Cavalry. “Twelve years. It has been a long time. May mga sugat na di madaling maghilom. And for someone like Rohann who doesn’t easily forget hindi madali ang lahat.”
“Alam ko. Wala namang taong madaling makalimot.”
“Rohann was such a rebel when he was younger,” kwento nito habang pababa sa hagdan. She could see in his eyes that he adored his younger brother. “Tahimik pero lumalaban kapag na-provoke nang husto. Noong grade six siya, may kaklase siyang bully na nanukso sa kanya ng bakla. Walang sabi-sabi niyang inumpog sa blackboard. Idinala tuloy sila sa guidance.”
Hindi niya maiwasang mapangiti nang maalala ang ginawa ni Rohann sa lasing na tumawag dito ng bakla. “Kaya pala,” nausal niya. Tahimik lang ito kapag kinanti pero ayaw nitong matatawag na bakla.
“He was such a good fighter. Kaya laging sinasabi sa amin ng lolo namin na dapat maging maingat kami sa paglaban. At gagamitin lang namin para protektahan ang sarili namin at ang ibang tao.”
“Hindi nga halata sa kanya na magaling siyang lumaban. Masyado kasing maamo ang mukha niya.” Akala nga niya ay lampa ito nang una niyang makita.
“Looks can be deceiving. Akala rin ng marami, mabait si Rohann. No. Tahimik lang siya. Pero kapag nagalit siya, hindi siya mag-aatubiling sabihin ang nararamdaman niya. Noong mamatay si Nanay, nag-walkout siya dahil pinigilan namin siyang ipagtabuyan ang mga kamag-anak namin na tumikis sa amin noong may sakit pa si Nanay. Saka na lang niya sinabi ang hinanakit niya nang mailibing si Nanay. At nagulat kami nang mag-sorry ang mga kamag-anak namin.”
“Parang hindi na iyon ang Rohann na nakilala ko,” sabi niya. Mas tahimik kasi ito at madalang magsabi ng niloloob.
“It happened after my mother’s death. Pati na rin noong madisgrasya ako. He learned that he must be more responsible for his actions lalo na’t siya ang tumatayong matanda. He had to assume my role. But Rohann is not as strong as I thought. Lalo na nang siya ang balingan ng grupo nila Rory.”
“Pero hindi naman siya kasing kritikal ng tulad ng sa iyo, di ba?”
“Yeah. His injury was not severe physically. Pero mas matindi ang emotional dilemma niya. Parang ayaw na niyang mabuhay.”
“Because he thought I betrayed him.”
Tumango ito. “Arwen and Aki cried. Hindi sila iyakin kahit noong mga bata pa kami. But they cried because they were so scared. That was when I came out of the dark. Malaking himala daw na naka-recover ako. Siguro, na-realize ko that I have no business lying there. Na may pamilya akong kailangang protektahan. It hasn’t been easy for Rohann. Kaya lang niya itinuloy ang martial arts niya dahil hindi ko na kayang lumaban. I can play, sure. But I can’t fight as good as him.”
Umupo siya sa bench sa harap ng softball field. Tanghali na noon ngunit malamig pa rin ang simoy ng hangin. Hindi niya maiwasang ngumiti. She and Jet were chatting like old friends. Malayo iyon sa inaasahan niya.
“What happened to Rory? Ginulo ka pa rin ba nila?”
“Inilayo sila ng parents nila nang malamang gumaling ako. But we crossed paths last year. Hindi na talaga sila nagbago. Pinuntahan pa nila ako dito sa Sagada. They still wanted to prove that they are the best. I faced them this time. Pwede siguro silang manggulo pero sa ibang lugar. Not in my hometown. Hindi nila ako pwedeng kantiin dito dahil teritoryo ko ito.”
Mapait siyang ngumiti. “That’s why everybody wants me out of Sagada. Akala nila, guguluhin ko na naman si Rohann.”
Pinagsalikop nito ang palad at pinagmasdan ang mga turistang nagpapakuha ng picture. “Rohann has his own demons to face. I already faced mine. I am sorry for what happened to Luigi.”
Nagulat siya dahil hindi niya inaasahan ang paghingi nito ng tawad. “Pero siya ang nanakit sa iyo. Dinepensahan mo lang ang sarili mo.”
“Believe it or not, I considered Luigi as my friend. Kahit na kaaway ang turing niya sa akin. That’s why when I was strong enough to face my past, dinalaw ko siya sa puntod niya para mag-sorry. Iyon din ang sinabi ko sa papa mo.”
“K-Kinausap mo si Papa? Kailan?”
“Kahapon. Bago ako pumunta dito.”
“Hindi ka ba niya sinaktan?” nag-aalala niyang tanong. Bayolente ang Papa niya. At hindi nito palalagpasin ang pagkakataon na makaganti kay Jet.
“No. Pakiramdam kasi niya, responsible din siya sa nangyari sa kapatid mo.”
Malungkot siyang ngumiti. “Alam mo na siguro na nahiwalay sa amin si Kuya Luigi. Iba ang kinilala niyang ama. He hated my parents when they were reunited and had me. Akala kasi niya, hindi siya parte ng isang pamilya. Walang nagmamahal sa kanya. Di niya alam, inilayo siya sa amin ng kinilala niyang ama.”
Nakakaunawa itong tumango. “No wonder your family was so eager to get revenge at all cost. Ipinagkait sa inyo ang pagkakataon na makapiling ang kapatid ninyo. Tapos hindi pa siya minahal ng kinikilala niyang ama.”
“It was so painful for my family, especially for my father. Hindi kasi niya nayakap man lang ang kuya ko. Ni hindi nalaman ni kuya na mag-ama sila.”
Tinapik nito ang kamay niya at ngumiti. “Sinabi ng papa mo na wala na siyang galit sa akin. Pero may pakiusap siya. Gusto niyang lumayo si Rohann sa iyo.”
Namutla siya at biglang tumayo. “Kaya mo ba ako kinausap? Gusto mo rin na ilayo ako kay Rohann?” may himig ng hinanakit niyang tanong. That’s why he was so nice to her. Tutol din ito sa pananatili niya sa tabi ni Rohann.
“No. Nagku-kwento lang ako,” kaswal nitong sabi at nanatiling nakangiti. “Huwag kang magalit. Wala akong ganoong plano.”
Nanatili siyang nakatayo. She wanted to stand her ground. “Kahit paalisin mo pa ako, hindi ko pa rin iiwan si Rohann,” matapang niyang pahayag. “I love him. I want to see him happy. Hindi ako umaasang babalik siya sa akin. Kung may mahal naman siyang iba, hindi ako manggugulo. Matiyak ko lang na masaya na siya, lalayo din naman ako sa kanya.”
Tumayo ito at pinisil ang balikat niya bilang pagsuporta. “Be patient. Time will come and he will open his heart.”
“T-Totoo ba na may iba nang mahal si Rohann?” Dahil kung talagang mahal ni Rohann si Patricia, bilang na nga ang masasayang araw niya kasama ito.
Tumingin ulit ito sa malayo at pinagsalikop ang kamay sa likuran. “Minsan lang magmahal si Rohann. At alam kong hindi nakakalimot ang puso niya,” makahulugan nitong sabi. Nakangiti ulit itong bumaling sa kanya. “Halika na. Sumabay ka na sa akin papunta kay Rohann. Hindi niya alam na dadating ako ngayon. Marami kaming pagku-kwentuhan.”
Nawala na ang masama niyang hinala dito. Hindi man niya kakampi si Jet, alam niyang hindi siya nito ilalayo kay Rohann.