Skylander Series Chapter 34

“Whew! Akala ko malulusaw na ako sa ulan,” sabi ni Sapphire nang pumasok sa loob ng bahay. Doon muna tumuloy si Jenna dahil wala naman daw siyang kasama. Niyaya na rin siyang mananghalian doon ni James.

Kinuha ni James mula dito ang mga gamit sa pagpipinta. “Iaakyat ko lang sa studio ni Ate,” pagpapaalam nito sa kanya.

“Anong pinapanood mo?” tanong ni Sapphire sa kanya habang kumukuha ng tubig sa water dispenser.

“Summer collection fashion show,” sabi niya at itinutok muli ang paningin sa TV. “Anong nangyari sa paintings mo?”

“Hindi pa nga ako halos nagsisimula, dumilim na. Buti sketches pa lang ang ginagawa ko. Tapos may nakita pa akong impakto.”

“Impakto?” Natawa siya. “May mga engkanto ba dito? Naniniwala ka doon?”

Sumimangot ito. “Basta! Impakto siya. Saan kayo nanggaling ni James?” tanong nito nang may kasamang nanunuksong ngiti.

“Sa market. May cream tart ka sa ref. Ipinagtira ka namin.”

“Wow! Cream tart!” anito at tinungo agad ang ref. “Masisira na naman ang diet ko nito. Pero okay lang.”

“My sentiments exactly,” sang-ayon niya.

Tumayo si James sa likuran nila. “May hinihintay akong tennis match. Kung tapos na ang fashion show, pwedeng pakilipat. Titingnan ko lang kung nagsisimula na ang match ni Roddick.”

Kinuha ni Sapphire ang remote at inilipat sa sport’s channel. “Taekwondo pa ang palabas, bro. Look, laban ni Sandler!” excited na sabi nito.

“Hindi ba kaibigan mo si Sandler?” tanong niya at tiningala si James. “Dumalaw pa nga siya sa Pilipinas dati para sa exhibition game ninyo, hindi ba?”

Dumilim ang mukha nito. “Ilipat ninyo,” utos nito.

“Huwag ka ngang killjoy,” inis na sabi ni Sapphire. “Umupo ka na lang at manood. Basta, gusto kong manood.”

“Saka US Open iyan. Hindi ba diyan ka nanalo ng silver noon?” sabi niya. Memorable dito ang US Open dahil doon ito nagsimulang makilala sa international arena ng martial arts at nagdala ng karangalan sa bansa.

“I said change the channel,” mariin nitong utos.

“Bakit ayaw mong manood ng taekwondo?” patuloy niyang tanong. “Three years na lang, Olympics na ulit. Baka isa sa kanila ang makalaban mo. Kung matatapos mo na ang bakasyon at babalik ka ulit sa pagte-training, tiyak na ikaw ang mag-uuwi ng gold sa Pilipinas. Isn’t it exciting?”

“I don’t have plans to play taekwondo anymore,” anito at mabibigat ang hakbang na umakyat ng hagdan.

Nagulat siya. Hindi niya alam kung ano na naman ang mali. Masyado ba siyang mausisa? Nagtanong na naman ba siya ng hindi niya dapat itanong? Bakit ayaw na nitong mag-taekwondo pa?

“I apologize for James’ behavior,” sabi ni Sapphire.

“Ano ba ang problema?” hindi niya mapigilang tanong. Gusto niyang maintindihan kung ano ang inaasal ni James.

Bumuntong-hininga ito at ibinalik ang tingin sa TV. “Hindi ko pa maipapaliwanag sa ngayon. I am sorry.”

Malungkot siyang ngumiti. “I understand.”

Maaring masyado pang masakit ang lahat. Sariwa pa ang sugat. Kung anuman ang dahilan ng pagku-quit ni James sa taekwondo, wala pa siyang karapatang manghimasok.

May kinalaman kaya si Joann sa pagku-quit nito?

MALUNGKOT na naglakad sa Poblacion si Jenna habang isa-isang pinapasok ang mga souvenir shops. Matabang ang ngiting isinasagot niya sa mga taong nakakasalubong. Karamihan sa mga ito ay mga turistang foreigner. Kaya nadi-discourage tuloy ang mga ito na kausapin siya.

Wala naman talaga siyang planong mamili o maggala. Pero kailangan niyang umalis ng bahay dahil mababaliw siya sa sobrang katahimikan. Nang nakaraang araw ay hindi siya lumabas ng bahay dahil nahihiya siyang kausapin si James. Baka galit pa rin ito sa kanya dahil sa sobrang pagkama-usisa niya. At kahit nangako ito na sasamahan siyang mamasyal, ayaw niya itong abalahin pa.

But she felt so cold and lonely without him. If she only kept her mouth shut. Kung hindi sana niya pinagana ang curiosity at pagiging unfeeling niya, magkasama pa sana sila ngayon. Hindi siya mag-iisa.

Pumasok siya sa RJ Souvenirs. “Good morning, Ma’am!” bati ng tindera.

Nakuha ng atensiyon niya ang kakaibang kuwintas na nakasabit sa haligi. “Anong kuwintas iyon?” tanong niya.

“Snake bone po. Pwede siyang kuwintas at pwede ring headdress. Ginagamit po siya ng mga katutubong babae noong unang panahon.”

“B-Buto ng ahas?” bulalas niya. Hindi niya maiwasang kilabutan.

“Ganito po ang itsura niya kapag isinuot,” anito at ipinakita ang black and white picture ng isang tribal woman.

“Wow!” bulalas niya dahil hindi mukhang nakakapangilabot kapag naayos iyon sa ulo. Sino ang iisip na pwede palang ipang-adorno ang buto ng ahas? Maganda iyong accessory para sa ila-launch niyang ethnic collection.

“Naniniwala po sila na ang snake bone ay para sa swerte.”

“Magkano iyan?” tanong niya. “Gusto kong bilhin kahit magkano.”

Baka naman sakaling maambunan siya kahit kaunting swerte. Puro kamalasan na lang kasi ang nararanasan niya nang nakakaraang araw. At pati si James na dapat ay ka-close na niya ay lumalayo pa sa kanya.

“Hindi po ito ipinagbibili ng may-ari. Kasi bigay po sa kanya. Pero may mga earrings at necklace po kami na may snake bone,” anito at itinuro sa rack ang iba’t ibang disenyo ng mga accessories na may snake bone. May mga semi-precious stones din doon at mga dream catcher.

“Dito ba gawa ang lahat ng ito?”

“Mabuti pa po, iyong designer na lang ang kausapin ninyo.”

“Sino ba ang nagde-design?”

Maya maya ay pumasok ang isang matangkad na babae na may kalong na bata. “Good morning, Lea! Itatanong ko lang kung may order pa.”

“Opo, Miss Ana. Heto po ang listahan,” anito at inabot sa babae ang tinda. “Siyanga pala, Miss. Siya ang designer ng mga T-shirt at accessories namin dito.”

“Hi!” bati niya sa babae. “I am Jenna from Manila. Fashion designer ako at interesado ako sa mga designs na gawa mo. Gusto ko sana silang gawing accessories para sa fashion show ko.”

“That’s great! Kung gusto mo, pumunta ka sa art gallery na mina-manage namin ng husband ko. Doon mo makikita ang iba pa naming gawa. At pwede ka ring magpa-design sa amin ng gusto mo.”

“Pwede bang sumama sa iyo ngayon?” tanong niya. Excited na siyang makita ang art gallery na sinasabi nito.

“Sure. Tutal, ito nang RJ ang huli kong pupuntahan,” anito at nagpaalam na kay Lea. “Saan ka ba tumutuloy?”

“Sa Bokong. Wala kasing tao sa bahay ng boyfriend ng kapatid ko.”

“Malapit lang kami doon. Halika na!”

May kalayuan ang Sanctuary Art Gallery. Sampung minuto nila iyong nilakad mula sa bayan at nalagpasan pa nila ang Bokong. Subalit sulit naman nang makita niya ang lugar. Nakatayo iyon sa tabi ng limestone cliff at kitang-kita ang magandang view ng mga pine trees.

“Jenna, ito ang asawa kong si Tocks at ang mga anak naming sina Daloy at Lakbay,” pakilala ni Ana sa mga anak nito.

“Ang cute naman ng pangalan ng mga baby ninyo.”

“Pasok ka,” yaya nito.

Subalit hindi agad siya nakapasok dahil sa pinto pa lang ay nakasabit na ang iba’t ibang uri ng kwintas na ipinagbibili nito. Ethnic nga ang mga design at hindi niya nakikita sa ibang shop sa Manila. “Magkano ito?” tanong niya.

“Mura lang ang mga iyan,” anito at sinabi ang presyo. Mura nga kumpara sa mga nabibili niya sa Manila. Mas mahilig kasi siya sa mga accessories na may tatak. Kaya hindi niya ma-imagine na makakabili siya ng maganda at kakaibang mga accessories sa murang halaga.

“May snake bone din ba kayo na kwintas at hikaw?”

“Oo. Ito ang mga hikaw namin,” sabi ni Tocks at iginiya siya papasok sa bahay. Mukhang simpleng bahay lang ang gallery pero humahanga siya sa pagkaka-disenyo ng lugar. Puro luma at tribal ang mga gamit. Maging ang sahig ay gawa sa kahoy. At home siya doon kahit na sanay siya sa lungsod. “Hindi pa talaga kami open. Next month pa ang official opening namin pero tumatanggap na kami ng mga customers. Last time nga, may mga Chinese tourist dito. At nagustuhan nila ang mga tinda namin.”

“Anong klaseng hikaw ito?” tanong niya sa hikaw na hindi niya matukoy kung anong klaseng bato ang nakapalawit.

“Banana seed.”

“Banana seed?” bulalas niya. “You must be kidding. May buto ba ng saging na ganito kalaki? Ano ito? Higanteng saba?”

“Totoong buto ng saging iyan,” natatawang sabi ni Ana. “Iyan na lang ang huli sa collection namin. Wala ka nang makikitang katulad niyan.”

“Kasing rare ba siya ng snake bones?”

“Marami-rami pang snake bones. Pero paubos na ang banana seed. Kapag naubos na iyan, wala nang mabibili pang iba.”

Hindi niya ine-expect na marami siyang matutuklasang kakaiba doon. “Itong mga gongs at mga kawa-kawayan. Ipinagbibili din ninyo?”

“No. Collection ko iyan. Dahil may times na may mga banda na pumupunta dito at nagtutugtugan kami. Katulad mamayang gabi. Nandito ang mga sikat na banda na dito sa Cordillera tumutugtog. Original compositions ang ginagamit namin,” kwento ni Tocks sa kanya.

“Wow! Exciting naman dito!” tuwang-tuwa niyang sabi.

“Ginagawa pa kasi ang music lounge sa baba. Maganda kasi ang lugar na ito. Overlooking sa underground river at sa burial cave. Tapos gagamit kami ng mga sulo bilang ilaw at ang ise-serve lang namin at authentic Igorot cuisine and beverages.”

“That’s cool! Pwede ba akong pumunta dito mamaya?”

Gusto niyang maka-experience ng kakaiba habang nandoon. Sa palagay niya ay mai-inspired siyang gumawa ng mga designs kapag nakakilala siya ng mga iba pang artist na puro ethnic din ang tema ng sining.

“Isama mo pa ang mga kaibigan mo,” sabi ni Tocks. “Magtutugtugan at magsasayawan tayo mamaya.”

“Okay. Isasama ko ang mga kaibigan ko.”

“SAAN ka galing, Jenna? Kanina pa ako katok nang katok sa bahay mo pero wala namang sumasagot. Bakit hindi mo sinabi na aalis ka?” anang si Sapphire nang makasalubong siya nang pabalik na siya sa bahay.

“I am sorry, Sapphire,” hinging paumanhin niya. “Galing kasi ako sa bayan kanina at nag-ikot sa mga souvenir shop. May na-discover ako na cool place dito. Want to join me to a party tonight?”

“Party? May party dito?” gulat nitong sabi. “Hindi ko alam na may nagpapa-party pala dito. Ang alam ko lang kasing party kapag may festivities dito.”

“It is an ethnic party at the Sanctuary. Na-meet ko kasi sila Tocks at Ana. Sila ang nagma-manage nung place. Tutugtog doon mamaya ang mga banda na tagadito sa Sagada.” It was only for fun. Dahil hindi pa tuluyang nagbubukas ang Sanctuary.

Lumungkot ang anyo nito. “Sa Sanctuary pala.”

“Bakit? Ayaw mo bang pumunta doon?”

“H-Hindi naman,” agap nitong sagot. “Pero kailangan kong makapunta sa Manila. Susunduin ko ang friend ko na dadating from New York. Actually, hahabulin ko ang last trip papuntang Baguio. At malapit nang mag-ala una.”

“Ganoon ba?” nanghihinayang niyang usal. “Gusto ko pa manding magsama ng kaibigan.”

“It is time to meet new friends. Saka pwede mo namang isama si James kung nag-aalangan ka. Para may kasama ka na rin pauwi.”

“Si James? Nasaan ba siya?”

“Nasa kusina,” anito at bahagyang binuksan ang pinto ng bahay.

Nakita niya si James na seryosong seryoso sa pagtatadtad ng carrots. Bahagya itong sumulyap sa direksiyon niya. Natakot siya nang mapansing tumalim ang mata nito. Dalawang beses na itong bad shot sa kanya. Una, dahil sa pagtatanong niya tungkol kay Joann. Pangalawa ay ang pagbanggit niya dito tungkol sa pagta-taekwondo nito. Baka galit pa rin ito sa kanya. At pakiramdam niya, siya ang iniisip nito habang naghihiwa ng carrots.

“Mamaya ko na lang siguro siya yayayain kapag wala na siyang ginagawa.” Baka I-reject pa siya nito. Nakakahiya. “Sige, magpapahinga na ako.”

“Why don’t you join us for lunch?” alok nito. “Para doon mo na rin yayain si James. Malapit nang matapos sa pagluluto si James.”

“Thanks, Sapphire. Pero katatapos ko lang mag-lunch. Isinabay na ako nila Ate Ana kanina. Mag-ingat ka sa biyahe mo.”

“O-Okay,” anito at parang atubili pa siyang pakawalan.

Ayaw niyang yayain si James. Of course, papayag itong samahan siya. Because he was nice. Pero hindi niya matitiyak na maititikom niya ang bibig niya. Kapag curious siya at may gusto siyang malaman, hindi siya titigil hangga’t hindi iyon nalalaman. At marami siyang gustong malaman tungkol kay James.

But her inquiry might open some old wounds. Mas gugustuhin na niyang lumayo at umiwas kaysa saktan ito.

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.