Naalimpungatan si Jenna sa pagkakaingay sa baba. Nang dumungaw siya sa bintana ay bumungad sa kanya si James. Wala itong suot na t-shirt katulad ng nakagawian nito tuwing umaga. Lalo tuloy gumanda ang gising niya. Babatiin sana niya ito ng ‘good morning’ nang biglang humaginit ang sipa sa pisngi ni James na mabilis naman nitong nailagan. Galing iyon sa isang lalaki na halos kasing tangkad ni James at katipo ng katawan.
“Itigil ninyo iyan!” sigaw niya. Subalit walang sinuman ang nakinig sa kanya dahil nagpakawala ng sipa si James at nagpatuloy ang mga ito sa paglalaban.
Sino ba ang lalaking ito at kinailangang harapin ni James? Hindi pa nga handa si James na mag-taekwondo ulit, heto at nakikipag-away na ito. Hindi siya papayag na masaktan ito. Kailangan niyang pigilan ang mga ito.
Hinablot niya ang robe at nagkukumahog na bumaba. Napitili siya nang ang lalaking kalaban ni James ang sumipa na nasangga naman ni James. “Tama na iyan!” saway niya sa mga ito. “Layuan mo si James o ipapadampot kita sa pulis!”
“Ha?” Natigilan sa pagsipa ang lalaki at lumingon sa kanya. Parang gulat na gulat pa ito sa mga pinagsasasabi niya. Subalit napaigik ito sa sakit nang tumama sa panga nito ang sipa ni James. “Aray!” usal nito at hinawakan ang nasaktang panga. Matalim nitong tiningnan si James. “Bakit mo ginawa iyon?”
“Naglalaban tayo, kung saan ka tingin nang tingin,” ngingisi-ngising sabi ni James. Nakangiti itong tumingin sa kanya. “Gising ka na pala, Jenna.”
Mabilis niya itong dinaluhan at hinaplos ang pisngi nito. “Are you okay, James? Hindi ka ba niya sinaktan? Gusto mo bang gamutin ko ang sugat mo?”
“Wala siyang sugat, Miss. Ako nga ang napuruhan niya,” sabi ng lalaki. “Ikaw siguro si Jenna.”
“At sino ka naman?” nakasimangot niyang tanong niya. Kahit na guwapo rin ito, hindi siya papayag na saktan nito si James. “Mas mabuti pang umalis ka na dahil tatawag talaga ako ng pulis at ipapadampot kita.”
Mahinang napamura ang lalaki habang hinahaplos ang nasaktang panga. “Ako na nga ang napuruhan, ako pa ang ipapapulis. Saan mo ba napulot ito?”
Tumawa si James. “Jenna, meet my cousin Rohann. Siya ang asawa ni Ate Kimberly. Kuya Rohann, kilala mo na siguro si Jenna. Kapatid siya ni Ate Jemarra.”
Nagulat siya sa sinabi nito. “Pinsan mo siya? Bakit kayo nag-aaway?”
“Sino naman ang may sabi na nag-aaway kami?” hindi maipinta ang mukhang sabi ni Rohann. “Ang mga babae talaga!”
“Hey, anong nangyayari sa inyo?” tanong ni Kimberly na lumabas habang hawak ang sandok sa isang kamay at may kalong namang bata sa kabila. “Nagising si Heaven sa ingay ninyo.”
“Nagpa-practice kami ni James nang sumingit siya.”
“Kaya ka may pasa?” tanong ni Kimberly.
“Oo,” napipilitang sagot naman ni Rohann.
“Hindi iyon kasalanan ni Jenna,” protesta ni James. “Hindi ka kasi nagko-concentrate sa laban natin kaya ka tinamaan.”
“Nagulat lang ako dahil sinabi niyang ipapadampot daw niya ako sa pulis. Malay ko ba namang sisipain mo ako. Akala ko tumigil ka na rin,” angal ni Rohann.
“Okay, tama na ang pagtatalo,” awat ni Kimberly sa mga ito. “Ituloy na lang ninyo ang practice ninyo.”
“Are you sure na okay ka lang dito, James?” nag-aalala niyang tanong.
Tumango ito. “Pumasok ka na sa loob dahil baka magkasugat ang paa mo.”
“Ang paa ko?” tanong niya at niyuko ang sariling paa. Nagulat siya nang makitang wala siyang suot na tsinelas. Sa kamamadali niya at sa takot niyang masaktan si James ay nakalimutan niyang magsuot ng panyapak. “Mabuti pa papasok na ako sa loob.”
Nakakahiya. Napaghahalatang masyado siyang concern kay James. O baka isipin pa ng mga ito na in love na nga siya dito.
“Gusto mo bang tulungan akong maghanda ng breakfast, Jenna?” nakangiting tanong ni Kimberly.
“Sure. Babalik din ako,” sabi niya. Saka siya bahagyang bumaling kay Rohann na masama pa rin ang tingin sa kanya. “Sorry sa pagsingit ko.”
Pabalik na siya sa loob ng bahay nang pigilan siya ni James sa kamay. “Salamat sa concern mo, Jenna.”
“W-Wala iyon. Galingan mo na lang.”
“Salamat sa pasa,” maasidong sabi ni Rohann na sinagot nila ni James ng tawa. It was really good to see him smile again. She was starting to see the old James she used admire.
HINDI maiwasang mapapitlag ni Jenna kapag nakikita ang pagtama ng sipa ni Rohann kay James. Nanonood siya mula sa bintana ng kusina habang naghihiwa ng red bell pepper para sa omelet.
“Kung panonoorin mo nang panoorin si James, wala kang matatapos na trabaho. At malamang, mahiwa mo pa ang kamay mo,” sabi ni Kimberly na bumalik sa kusina matapos idala sa kuwarto ang anim na buwang anak na si Heaven.
May sariling bahay ito sa Poblacion at naroon din ang private clinic nito. Pero nakiusap daw si James na doon muna ito habang nagte-training ito at si Rohann. Kaya parang pahinga na rin daw nito ang pagpunta doon dahil laging hectic ang trabaho nito sa clinic.
“Hindi ko kasi matiis,” aniya at ipinagpatuloy ang paghihiwa. “Ikaw, sanay ka na bang makita silang ganyan?”
“Naging sparring partners sila nang pumunta si Rohann sa Amerika. Kahit mas bata si James ng apat na taon sa kanya, magkatapat ang galing nila sa martial arts. Iyon nga lang, mas nag-excel sa wu shu si Rohann at sa taekwondo si James. Kaya kahit paano, sanay na akong makita sila sa ganyang itsura.”
“Hindi kasi ako sanay na nakikitang nasasaktan si James.”
To think na gusto niyang bumalik ito sa taekwondo. Pero ayaw pa rin niya itong makitang tinatamaan ng sipa. Parang dibdib niya ang tinatamaan kapag nakikita niyang nasasaktan si James.
“Hindi mo pa ba siya nakikitang lumaban kahit sa TV?” tanong ni Kimberly.
Umiling siya. “Iba sa TV at iba sa personal. Kapag sa TV, para siyang hero. Invincible siya. Na kahit alam kong nasasaktan siya, hindi ko masyadong nararamdaman. Dahil alam ko na mananalo rin siya sa huli. Kaya nga ayoko siyang panoorin nang personal dahil hindi ko kakayanin. Hindi ko kayang aktuwal na makita kung paano siya magkapasa.”
Hindi naman kasi ipinakikita sa TV ang accounts ng mga injury ng mga player matapos ang laban. Kaya kahit alam niyang nasasaktan si James sa mga laban nito, walang masyadong impact sa kanya.
Mahinang tumawa si Kimberly. “Noong una, ayoko ring manood ng laban ni Rohann. Hindi naman kasi floor exhibition ang nilalabanan niya kundi sa sparring rin siya. In full combat. Mas gusto niya ang aksiyon. At sa tulad ni Rohann, mas natutuwa siya kapag nagkakapasa siya. Lalo siyang nag-iinit lumaban.”
Paglingon niya sa labas ay tinamaan ni James si Rohann sa ulo. Na sinagot naman ni Rohann ng isang sipa sa tagiliran. “Mukha namang sanay ka na. Pero hindi ka ba natatakot sa laban nila ngayon? Hindi ba natin sila pipigilan. Hindi mo ba gagamutin si Rohann?”
“Pagkatapos na ng laban ko siya gagamutin. Hindi ka naman pwedeng makialam sa laban nila.”
“Pero practice lang naman iyan, ah!” katwiran niya.
Kung siya ang masusunod, gusto na niyang patigilin ang laban ng mga ito. Mukha kasing seryosong-seryoso. Hindi simple ang ginagawang laban ng dalawa. Napapanood niya ang ganoon ka-rigid na laban sa Olympics lang at iba pang international taekwondo competition. Hindi sa simpleng training lang.
Pinisil nito ang balikat niya at nakangiting pinagmasdan ang dalawang naglalaban. “They are like warriors, Jenna. Expectator ka lang at wala kang karapatang mag-intrude sa battle arena nila. It is not good for their ego to be rescued by a woman lalo na’t kasagsagan ng laban. Dapat ipakita mo na confident ka na kaya nilang ipanalo ang laban.”
“Paano ang mga pasa nila?”
Nagkibit-balikat lang ito at naghati ng orange para gawing orange juice. “Natural lang naman iyon sa laban, hindi ba? Kung gusto mo talagang suportahan si James, dapat masanay ka na. And keep in mind that those bruises are marks of their strength. Parang medal of valor na rin iyon.”
Napabuntong-hininga siya. “Hindi ko alam kung masasanay ako.”
“Ganyan talaga ang in love. Hindi madaling tanggapin na nakikita mong nasasaktan ang taong mahal mo.”
“Mahal?” bulalas niya. “Kailan lang kami magkakilala.”
“Huwag nang magde-deny. In love ka kay James. Saka hindi naman nasusukat sa panahon para matiyak mo na mahal mo ang isang tao. Love just grows everyday. And before you knew it, hindi ka na makakawala. You are hooked.”
Hindi siya makatingin nang direkta dito dahil alam na nito ang totoo. “Ayokong malaman niya. Hindi ko kayang palitan si Joann sa puso niya.”
“Just be patient, Jenna. Kung magiging matiyaga ka lang, mapapansin din niya ang pagmamahal mo kahit hindi mo sabihin.”
“ARAY! Dahan-dahan lang,” angal ni James nang dampian ni Jenna ng antiseptic ang pasa nito. Hapon na noon at tapos na ang training nito at ni Rohann. Sa terrace niya ito ginagamot. “Parang mas sumakit nang gamutin mo.”
“Sorry. Kung bakit kasi nagpatama ka kay Rohann. Saka kasisimula mo pa lang ulit mag-training, iyong malupit na agad ang kinuha mong ka-sparring.”
“Hindi enjoy ang training kung hindi magaling ang ka-sparring ko,” depensa nito. “Saka natural lang na tamaan ako dahil sparring iyon. Saka mas marami pang pasa si Kuya Rohann kaya okay lang sa akin.”
“Ibig sabihin mas magaling ka sa kanya.”
“Hindi. Sinadya niyang magpatama sa akin.”
Nagtaka siya. “Bakit naman niya sasadyain? Masakit yata iyon.”
“Tingnan mo,” anito at itinuro sina Rohann at Kimberly na naggagamutan din sa terrace ng bahay ni James. Sweet na sweet ang mga ito. At bawat pasa ni Rohann ay hinahalikan ni Kimberly.
“Naiinggit ka naman?” aniya at diniinan ang pasa nito.
“Aray!” igik nito. “May galit ka yata sa akin.”
Nag-concentrate siya sa paggamot sa pasa nito. Dahil naiinggit din siya kina Kimberly at Rohann. Kung pwede lang, siya pa ang magpiprisinta kay James na halikan ang pasa nito. “Hindi ba ginagamot ni Joann ang pasa mo noon?”
Umiling ito. “Ayaw niyang manonood ng mga laban ko. Masyado daw glamorous ang mundo ko. She said she couldn’t fit in. Kaya kung may pasa man daw ako, tiisin ko na lang. Saka may professional medical team na gagamot sa akin.”
“Kung ako ang girlfriend mo, lagi akong manonood ng laban mo. At ako mismo ang gagamot sa pasa mo. Mahirap na baka may iba pang magprisintang gumamot sa pasa mo.”
“Kaso baka ipapulis mo ang mga kalaban ko.”
Kinurot niya ito sa braso. “Nang-iinis pa. Ayoko na ngang maalala iyon.”
“Aray!” anito at hinawakan ang kinurot niya.
“Masakit?” nag-aalala niyang sabi. Puro pasa nga pala ito. Hindi na niya dapat pa pinatulan ang pagbibiro nito. “Dito ba?” aniya at tiningnan ang braso nito.
“Hindi. Dito masakit,” anito at itinuro ang pasa sa gilid ng labi. “Diyan kasi ako ginantihan ni Kuya Rohann kanina nang guluhin mo ang laban namin.”
“Ano ang gusto mong gawin ko?” kinakabahan niyang tanong.
“Hipan mo lang para hindi masyadong masakit kapag nilagyan ng gamot.”
“Ihip lang?” kunway dismayado niyang tanong. Akala kasi niya ay gagayahin nila ang ginagawa nila Kimberly at Rohann. Sayang.
“Oo. Ayaw mo?”
“Oo na. Hihipan ko na,” aniya at inilapit ang mukha dito.
“Jenna, hindi mo nababanggit sa akin kung may boyfriend ka na.”
Natigilan siya subalit ipinagpatuloy din niya ang pag-isip. “Boyfriend? Wala akong boyfriend. Bakit? Gusto mong manligaw?”
Nagulat din ito sa tanong niya. Pagkuwan ay ngumiti ngunit hindi na nagsalita. Nahiya tuloy siya. Kung bakit pa kasi naitanong niya iyon? Baka isipin nito gusto niyang ligawan siya nito.
Nagawa lang niyang lumayo dito nang maramdaman niya ang pagpatak ng ulan. Tumuwid siya ng tayo at hinamig ang first aid kit na ginamit niya sa paggamot dito. “Pumasok na tayo sa loob.” Nakapasok na siya sa loob nang mapansin niyang hindi niya ito kasunod. Nang lingunin niya ito ay nasa terrace pa rin ito. nakatingala sa langit at hinahayaan ang sarili na mabasa ng ulan. “Anong ginagawa mo diyan?”
“Nagpapaulan.” Humarap ito sa kanya at inilahad ang kamay. “Halika, samahan mo ako.”
Lumapit siya dito at hinawakan ang kamay nito. “Ano naman ang gagawin natin dito sa gitna ng ulan? Magkakasakit lang tayo dito.”
“I’ll tell you a story about me and the rain. Alam mo ba na umuulan nang ipinanganak ako? At umuulan din nang manalo ako sa unang taekwondo competition na sinalihan ko noong nine years old ako. At kapag mas malakas ang ulan, mas ganado akong lumaban. Kaya kung titingnan mo ang record ko, halos lahat ng laban na napanalunan ko nangyari nang umuulan.”
Naaliw siyang pagmasdan ito habang nagkukwento. “So gustong-gusto mo pala kapag umuulan? Kasi nangyayari ang lahat ng magagandang bagay sa iyo kapag umuulan?”
Nawala ang ngiti sa labi nito. “Correspondent ang Papa ko sa States. He was killed when I was five. And my older brother was kidnapped. Umuulan nang mangyari iyon. Hindi na natagpuan ang kapatid ko. Hindi namin alam kung buhay o patay sila. At alam mo rin siguro na namatay si Joann habang umuulan. Nawawala ang mga mahal ko sa buhay nang umuulan.”
Pinisil niya ang balikat nito. Saka tumingala sa langit. She reveled in the sensation of the cool rain on her face.
“Ganoon naman talaga, hindi ba? Maraming bagay na dumadating sa atin. May mabuti, may hindi. Katulad ng ulan. Sometimes it brings blessing. Sometimes it brings curse. Pero hindi natin pwedeng isuko ang mabubuting bagay na nakukuha natin sa ulan dahil lang natatakot tayo na may kukunin siyang kapalit. It is true. Nasasaktan tayo. But later on, it washes away the pain. At makakapagsimula ka rin ng bagong buhay. Kaya hindi ka dapat makadama ng lungkot kapag umuulan. Dahil lagi rin namang sumisikat ang araw matapos iyon.”
“I know,” anito at ginagap ang kamay niya. “Hindi naman natatapos ang mabubuting na ibinibigay ng ulan, hindi ba? Nawala nga siguro sa akin si Joann dahil sa ulan. Pero nakilala naman kita.”
Napalingon siya dito. “Ako? Hindi ba puro nga kamalasan ang dala ko sa iyo?” Blessing at curse ang dala ng ulan dito. Baka naroon siya sa category ng curse.
“Sa una siguro, ginulo mo ang buhay ko. Nananahimik ako dito but you kept on asking me questions that nobody dare ask. But in a way, you also showed me that I still have a life. Na marami pang darating na ulan sa buhay ko. Some could bring blessing. Some could bring curse. Pero kaya ko iyong harapin. I hope you will be a part of my new life.”
Naparalisa siya nang kintalan nito ng magaang halik sa labi. Simple lang ang halik na iyon ngunit mabilis na tumatak sa puso niya. And she couldn’t believe it. James had asked her to be a part of his new life. Noon niya naramdaman kung gaano siya ka-espesyal dito.
Hinawakan niya ang kamay nito. “I will always be here for you, James.”
And if he would only let her, she wanted to be with him for the rest of her life.