Skylander Series Chapter 4

Ipinilipit ni Jemarra ang hanggang balikat na buhok at inipitan ng clam habang pinag-aaralan ang mapa ng Sagada. Nasa kusina siya habang umiinom ng sterilized milk. Mas mabuti iyon kaysa sa kape dahil puro hiking ang gagawin nila ni Charity. Hindi siya makapag-decide kung ano ang pupuntahan para sa araw na iyon. Kung sa Bokong Falls o Lake Danom.

Kumuha siya ng cube ng carrot na kasama sa vegetable salad niya nang lumapit si Rui sa kanya. “Excuse me. Are you occupying the extreme left room at the third floor?”

“Yes. Why?” tanong niya habang patuloy sa pagbabasa.

“Did you watch me from your room last night?”

Nanlaki ang mata niya sa sobrang pagkabigla. “Excuse me!”

“Nakita ko na may nakatayo sa bintana ng kuwarto mo at nakatingin sa akin.”

Humalukipkip siya para pahinahunin ang sarili. She should have seen it coming. Na kokomprontahin siya nito. Pero hindi siya aamin na siya iyon. “Bakit naman kita panonoorin? Sino ka ba? Are you worth looking at? Baka naman white lady na may crush sa iyo ang nakita mong nakasilip sa bintana.”

“White lady?” usal nito at bahagyang kumislap ang mga mata nang pagmasdan siya. “Baka nga crush ako ng white lady na iyon. Kung ganoon, mag-iingat na lang ako sa white lady na iyon.”

Pumunta ito sa dirty kitchen at malamang ay nagkakape ulit. Kung marunong lang siyang mag-martial arts, baka nasapak na niya ito. Ang yabang. Akala mo kung sino. Pero hindi naman niya ito pwedeng awayin dahil lalabas na guilty siya.

"O, Je, bakit?" tanong ni Charity nang pumasok ng kusina.

"Anong bakit? Ako dapat ang nagtatanong niyan. Bakit bumaba ka pa rito? Hindi ba sinabi ko na sa iyong hintayin mo na lang ako sa veranda at doon na lang ako mag-aagahan?" mainit ang ulo niyang sabi.

"Pero ang sabi ni Jet, pinapupunta mo raw ako sa kusina."

"Hindi,” kaila niya. “Hindi pa naman kami nagkikita ng isang iyon." Binitbit niya ang plato ng vegetable salad at iba pang research materials at naglakad palabas ng kusina. "In fact, papunta pa nga lang ako sa veranda. Doon na lang ako kakain. Baka hindi pa ako matunawan dahil sa buwisit na lalaking iyon."

"Inaway ka ni Jet?"

"Hindi siya."

"Excuse me." Dumaan si Rui sa pagitan nila at dire-diretsong lumabas.

"Ang sarap talagang paliparan ng plato sa ulo ang buwisit na iyan!" gigil niyang sabi. "Kung hindi ko magagawa iyon, babagsakan ko na lang siya ng plato mula sa veranda. I can always pretend it was an accident."

"Je, sigurado ka bang gising ka na?"

Ngumisi siya. "Good idea. I can pretend I was sleepwalking when I accidentally dropped my plate of salad on him. I'm a genius talaga."

Humalakhak siya habang nakikita ang guwapong mukha ng Rui na iyon na namumutiktik sa salad. Iisip talaga siya ng paraan para makaganti sa kumag na iyon. Gusto pa nitong palabasin na siya ang white lady na may crush dito. The nerve!

"Gutom lang iyan, Je. Ang aga-aga, basag-ulo na kaagad ang hinahanap mo."

"E, ang Rui naman talaga na iyon ang nauna,” depensa niya.

"Ano 'kamong pangalan niya? Rui?"

Maasido siyang ngumiti "Sabi ng kusinero na ka-tsika ko, that guy was known here as Rui. Apparently, siya ang may-ari ng Internet cafe na katabi ng guest house na ito at bestfriend ni Jet. Can you believe that?"

"It's possible. Pero hindi ba talaga mawawala ang inis mo sa kanya?”

Sumubo siya ng lettuce. "Huwag na nga natin siyang pag-usapan. Nawawala na ang gana ko maalala ko lang ang kurimaw na iyon."

"Alam mo ba, Je, kanina doon sa veranda habang hinihintay kita, may isang British na kumausap sa akin. He asked me out on a date."

Muntik na niyang maibuga ang iniinom na tubig. "What did you say? A date?"

"Akala ko nga nagbibiro lang, eh."

"Ibig bang sabihin niyan ay inumpisahan mo na ang Project: Flirting 101 mo?"

"Hindi. Naka-upo nga lang ako roon sa veranda. I was just smiling stupidly in the air while thinking of Jet---" Natutop nito ang bibig. Nanunukso siyang ngumiti. "I was thinking of him in a friendly way, you know,” biglang bawi nito.

"There was no such thing as thinking of a guy in a 'friendly way'. You're day-dreaming of him!" She licked the salad dressing on her finger. "You go, girl!"

"Ewan ko sa iyo. Bahala ka na kung ano ang gusto mong isipin." Sinipat nito ang lente ng camera. "I'm going out to take some pictures and stroll around."

"You like him!" pahabol niyang tukso dito tungkol kay Jet.

"Shut up. Sasama ka ba sa akin?"

"Ala siyete pa lang. Matutulog pa ako ng mga ilang oras pa." Hatinggabi na siya natulog dahil sa research at kaiisip sa impaktong Rui na iyon.

“Okay. See you later.”

“Chari…” she said in a sing-song voice.

“Stop teasing me, Jemarra Anne.”

“Hindi naman kita tutuksuhin. Gusto ko lang malaman mo na masaya ako at sa wakas ay marunong ka ng pumili ngayon ng lalaki. Jet looked decent enough. Plus the fact that he’s really handsome and knows how to sweep the floor.”

“What?” bulalas nito.

“Nakita ko siyang naglinis ng katabi nating kuwarto kanina. He was sweeping the floor and turning over double-bed mattresses alone.” She winked at her. “Good muscles. Hubba! Hubba!” Hindi siya addict sa lalaking may magandang katawan. But she knew that Charity does.

“Talaga? Napansin mo iyon? Baka naman ikaw ang may gusto sa kanya?”

"He's not my type."

"So, who was your type?"

"Not who. But what. I like tall guys with chinky eyes."

"You mean like...Rui?"

Napaawang ang labi niya nang maisip na si Rui nga ang tumutugma sa description nito. Nang makita niya na ngiting-ngiti ito ay kumuha siya ng kaunting mayonaise sa pagkain at ipinitik dito. "Get out, Charity!” gigil niyang utos.

You are in trouble, Jemarra, usal niya sa sarili nang bakas pa rin ang nanunuksong ngiti sa labi ni Charity nang iwan siya. Mariin siyang pumikit. If she could only take back what she said. Pero talaga namang gusto niya ng lalaking matangkad at tsinito. But not Rui. Definitely not that egotistical, handsome Rui.

“ANO ka ba naman, Jeje? Kanina pa ako naghihintay sa iyo dito sa falls. Nasaan ka ba? Nilalamig na ako dito!” halos pasigaw na sabi ni Charity sa kanya habang kausap niya sa cellphone na muntik nang ikabasag ng eardrums niya.

“Papunta na ako diyan!” aniya at tiningnan ang mapang bigay ni Jet nang masalubong niya ito kanina sa guesthouse. Cultural map iyon ng Sagada at may mga impormasyon pa sa likuran ng mapa na magagamit niya sa research niya.

“Kung bakit kasi tulog ka nang tulog,” paninisi nito. Napasarap ang tulog niya. Nang magising siya ay alas diyes na ng umaga at nakailang tawag at text na rin ito sa kanya. Natagalan pa siya dahil gumawa siya ng tuna sandwich na miryenda nila.

“Huwag mo na akong sisihin. I am coming,” sabi niya at ibinalik ang cellphone sa body bag. Sa sobrang bilis niyang maglakad, maya maya pa ay kasabay na niya ang isang matandang babae na may dalang mabigat na plastic bag. “Good morning po, Lola,” bati niya. “Tutulungan ko na po kayo.”

“Salamat, Ineng,” anito at ibinigay ang plastic bag sa kanya. Nginitian siya nito at mukhang mabait kaya gumaan agad ang loob niya dito. “Hindi ka tagarito, hano? Bakasyunista ka siguro.”

“Opo. Sa Sagada Guesthouse po ako tumutuloy.”

“Saan ka naman papunta?”

“Sa Bokong Falls po.”

“Sa Small Falls ba?” Dalawa ang falls sa Sagada. Ang Bokong Falls o Small Falls at Bomod-ok Falls o Big Falls. “Naku, maganda nga doon. Bakit naman mag-isa ka lang na pupunta? Wala ka bang kasama?”

“Mayroon po. Nauna na po siya sa falls at hinihintay ako. Saan ko po ba kayo ihahatid, Lola?”

“Lola Inez na lang. Ano naman ang pangalan mo?”

“Jemarra po. Pero Jem na lang po ang itawag ninyo sa akin,” sabi niya.

“Sa amin ang huling bahay na madadaanan mo papuntang falls.” Maya-maya pa ay may sinundan na silang trail. Sa huling bahay ng trail na iyon sila tumigil. “August!” tawag nito sa bahay. “August, nandito na ako!”

“Naku, lola,” sabi ng isang bata na lumabas mula sa loob ng bahay. “Pasensiya na po hindi ko kayo narinig.”

“Nanonood ka na naman siguro ng TV. Tulungan mo nga kami dito.”

“Apo po ninyo, Lola?” tanong niya.

“Apo ko sa tuhod. Pero ang talagang lola niya sa tuhod ay kapatid ko. Iyon kasing nag-iisa kong apo, hindi pa rin nag-aasawa hanggang ngayon.”

“Paano po, Lola. Pupunta na po ako sa falls.”

“Sandali, kumuha ka muna ng mangga,” anito at binuksan ang plastic bag. “Tig-isa na kayo ng kaibigan mo. Pasasamahan din kita sa apo ko.”

“Naku, huwag na po!” tutol agad niya. “Makakaabala po ako. Saka kaya ko naman pong pumunta sa falls nang mag-isa.”

“Sige. Salamat, hija. At mag-ingat ka.”

“JEJE, hindi ko na kaya,” humihingal na sabi ni Charity. It was raining hard. Galing sila sa falls nang abutan sila ng ulan sa gitna ng mga terraces.

“We can’t stop here, Chari. Kaunti na lang nasa taas na tayo. Sumilong tayo sa unang bahay na makikita natin. Kaunti na lang.”

Tumingala ito sa mga pine trees na tanging sinisilungan nila. “I can’t breathe. Sa tingin ko hindi ko na kayang ihakbang ang paa ko.”

“Tiisin mo.” Mas athletic ito sa kanya kaya inaasahan niyang mas matatag ang endurance nito. Pero sa taas ng inakyat nila mula sa falls, talagang mauubos ang lakas nito. “Kapag tumitigil ka, dumadausos ako. Ayokong maglaglag sa baba,” takot niyang sabi. Sementado ang trail kaya hindi kumakapit ang rubber shoes niya.

Huminga ito nang malalim at nagpatuloy sa pag-akyat. Halos akayin na niya ito papunta sa unang bahay na nadaanan nila. “Pwede ba tayong makisilong?”

“Kilala ko ang may-ari nito,” kampante niyang sabi. Doon niya ihinatid si Lola Inez. Kung maalala siya nito, wala silang magiging problema dahil mabait naman ito. Pumasok sila sa gate. Kumatok sila sa narra na pinto. “Tao po!”

“Ano iyon?” anang batang si August.

“Pwede bang makisilong?” nangangatog niyang tanong.

“Sino ba iyan?” tanong ni Lola Inez. Ngumiti ito nang makita siya. “Jem! Anong nangyari sa inyo at basang-basa kayo?”

“Galing po kami sa falls. Pero inabutan po kami ng ulan. Pwede po bang dito muna kami magpatila?”

“Sige, pumasok kayo,” anito. “August, sabihin mo kay Delia na ipaghanda sila ng maiinom. Mga bata, gusto ba ninyo ng kape?”

“Arabic coffee po ba iyon?” tanong niya. Iyon kasi ang nabasa niya sa research. Na isa iyon sa pangunahing produkto ng Sagada.

“Oo. Maupo kayo at magkwentuhan muna tayo habang hinihintay natin na malaga ang kape,” anang si Lola Inez at pinaupo sila sa sofa.

“Taal po ba kayong tagadito, Lola?” tanong niya.

“Oo. Dito talaga kami. Noon nga, hindi pa masyadong marami ang tao dito. Iilan lang ang bahay at hindi pa sementado ang mga bahay at daan. Saka mga katutubong kasuotan pa ang suot namin. Hindi katulad ngayon. Nagpupuntahan na sa lungsod at sa Maynila ang mga kabataan namin. At marami nang bahayan. Palibhasa dinadayo na ng turista dito,” kwento nito.

“Marami po kayong alam sa Sagada kung ganoon?” puno ng interes niyang tanong. “Kasi nagre-research po ako tungkol dito. Naghahanap po sana ako ng mai-interview. Tungkol po sa tourism saka sa mga tribo dito.”

Napapalakpak si Lola Inez. “Ako ang bahala, Jem. Bumalik ka dito. Kung gusto mo bukas din. Tutulungan kita.”

“Salamat po,” sabi niya.

“Mabuti pa, tumingin muna kayo sa album,” anito at inilapag sa kanila ang dalawang makapal na album. Napunta sa kaniya ang album nito noong kabataan pa nito at pati na rin ang sa anak nito. Maya maya ay idinulot na sa kanila ang kape. Hindi siya mahilig sa kape pero nagustuhan niya ang amoy niyon.

“Nasaan na po ang anak ninyo?” tanong niya at uminom ng kape.

“Si Estrella? Nasa Amerika na siya. Pero nasa akin naman ang apo kong si Ruizito. Nag-iisa kong apo iyon.”

“Siya po ba iyon?” anang si Charity at ipinakita ang album. Naroon ang lumang picture ng isang batang lalaki na sa tantiya niya ay dalawang taon pa lang. Nakahubad ito habang nakangiti sa camera habang subo ang hintuturo.

“Siya nga ang Ruizito ko. Dito siya lumaki sa akin dahil nag-asawa na ang Mommy niya sa kababata niyang nag-migrate sa Amerika matapos mabiyuda sa Daddy ni Ruizito. Kaya sa akin siya lumaki. Sa Maynila siya nag-aral.”

“Ilang taon na po ba itong si Ruizito?” patuloy na tanong ni Charity.

“Thirty na siya. Napakaguwapo ng apo ko na iyan.”

“Mukhang guwapo nga po,” sabi ni Charity. “Dito pa lang sa picture niya noong bata, cute na cute na. Singkit pa. Mahilig po si Jem sa singkit. Baka naman po pwede ninyong ipakilala sa kaibigan ko.”

“Baka may girlfriend na,” kontra agad niya.

“Naku, saktong-sakto. Walang girlfriend ang apo ko. Napakapihikan at mailap sa babae. Kaya nga naunahan na siyang mag-asawa ng mga pinsan niya. Kapag bumalik ka bukas para sa research mo, Jem, ipapakilala kita sa kanya.”

Pilit siyang ngumiti habang matalim naman niyang sinulyapan si Charity. Hindi pa nga tapos ang problema niya sa isang singkit ay magdadagdag na naman ito ng panibago. Naroon siya sa Sagada para magtrabaho at mag-enjoy. Hindi para mangolekta ng mga lalaking singkit.

“Tila na po ang ulan, Lola Inez,” sabi niya at tumayo. “Salamat po sa masarap na kape at sa kwento.”

“Wala iyon. Basta babalik ka bukas. Ipapakilala kita sa apo ko.”

Pabalik sa guesthouse ay wala silang kibuan. Mabuti naman at wala na itong lakas para tuksuhin siya. Pagdating sa reception ay hinalughog niya ang bag. Kumunot ang noo niya nang hindi pa rin niya makita o makapa ang susi. "Chari, may malaki tayong problema."

"Ano na naman?" tanong nito.

Nakagat niya ang labi. "Nawawala ang susi ng kuwarto natin."

NovelDark

Your free library of light novels, web novels and translations. Romance, fantasy, action, drama — thousands of chapters updated daily, no signup needed.

Genres

© 2026 Noveldark. All rights reserved.